Kaharian ng Diyos—Nakukuha Mo ba ang Diwa Nito?
“Kung tungkol sa naihasik sa mainam na lupa, ito ang isa na nakikinig sa salita at kinukuha ang diwa nito.”—MATEO 13:23.
1. Ano ang ilang karaniwang paniniwala hinggil sa ‘kaharian ng mga langit’?
‘NAKUHA mo ba ang diwa’ ng kung ano ang Kaharian ng Diyos? Lubhang nagkakaiba-iba ang mga idea tungkol sa ‘kaharian ng mga langit’ sa nakalipas na mga siglo. Ang isang karaniwang paniniwala sa gitna ng mga miyembro ng simbahan ngayon ay na ang Kaharian ay isang bagay na inilalagay ng Diyos sa puso ng mga taong nakumberte. Inaakala naman ng iba na iyon ay isang dako na pinaroroonan ng namatay na mabubuting tao upang magtamasa ng walang-hanggang kaligayahan. Subalit ang iba naman ay nag-aangkin na ipinaubaya na ng Diyos sa mga tao na pangyarihin ang Kaharian sa lupa sa pamamagitan ng kanilang mga pagkilos upang ikintal ang Kristiyanong mga turo at kaugalian sa mga gawaing panlipunan at pampamahalaan.
2. Papaano ipinaliliwanag ng Bibliya ang Kaharian ng Diyos, at ano ang isasakatuparan nito?
2 Subalit, malinaw na ipinakikita ng Bibliya na ang Kaharian ng Diyos ay hindi isang institusyon sa lupa. Hindi rin ito isang kalagayan ng puso ni ang pagka-Kristiyano ng lipunan ng tao. Totoo, ang wastong pagkaunawa sa kung ano ang Kahariang ito ay umaakay sa malalaking pagbabago sa buhay niyaong mga sumasampalataya rito. Ngunit ang Kaharian mismo ay itinatag ng Diyos na pamahalaan sa langit na magsasakatuparan ng kalooban ng Diyos, anupat papawiin ang mga epekto ng kasalanan at kamatayan at ibabalik ang matuwid na mga kalagayan sa lupa. Humawak na ng kapangyarihan sa mga langit ang Kahariang ito, at di-magtatagal ay “dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito [ng tao], at ito mismo ay tatayo hanggang sa mga panahong walang-takda.”—Daniel 2:44; Apocalipsis 11:15; 12:10.
3. Nang simulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo, ano ang nabuksan para sa mga tao?
3 Sumulat ang istoryador na si H. G. Wells: “Ang doktrinang ito ng Kaharian ng Langit, na siyang pangunahing turo ni Jesus, at gumaganap ng napakaliit na bahagi sa mga turong Kristiyano, ay tunay na isa sa pinakaibang-iba sa mga doktrina na pumukaw at bumago sa kaisipan ng tao.” Sa simula pa lamang, ang tema ng ministeryo ni Jesus ay: “Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng mga langit ay malapit na.” (Mateo 4:17) Naroroon siya sa tanawin bilang pinahirang Hari, at isa sa lubhang ikinagagalak, ang daan ay nabuksan ngayon para sa mga tao hindi lamang upang makibahagi sa mga pagpapala ng Kahariang iyan kundi gayundin upang maging mga tagapamahala at saserdoteng kasama ni Jesus sa Kahariang iyan!—Lucas 22:28-30; Apocalipsis 1:6; 5:10.
4. Noong unang siglo, papaano tumugon ang karamihan sa “mabuting balita ng kaharian,” na umakay sa anong kahatulan?
4 Samantalang pulu-pulutong ang nakarinig sa nakapananabik na “mabuting balita ng kaharian,” iilan lamang ang naniwala. Ito sa isang bahagi ay dahil sa “isinasara [ng mga lider ng relihiyon] ang kaharian ng mga langit sa harap ng mga tao.” ‘Inalis nila ang susi ng kaalaman’ sa pamamagitan ng kanilang mga huwad na turo. Dahil sa ang karamihan ng mga tao ay tumanggi kay Jesus bilang ang Mesiyas at ang pinahirang Hari ng Kaharian ng Diyos, sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin mula sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.”—Mateo 4:23; 21:43; 23:13; Lucas 11:52.
5. Papaano ipinakita niyaong karamihan na nakarinig sa mga ilustrasyon ni Jesus na sila’y nakinig nang di-nakaunawa?
5 Nang minsang nagtuturo sa isang malaking pulutong, si Jesus, alinsunod sa kaniyang kaugalian, ay gumamit ng sunud-sunod na ilustrasyon upang subukin ang pulutong at ihiwalay yaong may mababaw lamang na interes sa Kaharian. Ang unang ilustrasyon ay tungkol sa isang manghahasik na naghasik ng binhi sa apat na uri ng lupa. Ang unang tatlong uri ay di-angkop sa pagpapalaki ng halaman, ngunit ang huli ay “mainam na lupa” na nagluwal ng mabubuting bunga. Ang maikling ilustrasyon ay nagtapos sa paalaala: “Siya na may mga tainga ay makinig.” (Mateo 13:1-9) Narinig siya ng karamihan sa mga naroroon, ngunit hindi sila ‘nakinig.’ Wala silang hangarin, walang tunay na interes na malaman kung papaanong ang binhing inihasik sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan ay tulad ng Kaharian ng mga langit. Umuwi sila upang bumalik sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, malamang na iniisip na ang mga ilustrasyon ni Jesus ay magagandang kuwento lamang na may tema tungkol sa kagandahang-asal. Ano ngang laking kaunawaan at mga dakilang pribilehiyo at pagkakataon ang pinalampas nila dahil hindi tumugon ang kanilang puso!
6. Bakit ang pagkaunawa sa “mga sagradong lihim ng kaharian” ay ipinagkaloob lamang sa mga alagad ni Jesus?
6 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Sa inyo ay ipinagkakaloob na maunawaan ang mga sagradong lihim ng kaharian ng mga langit, ngunit sa mga taong iyon ito ay hindi ipinagkaloob.” Bilang pag-ulit sa sinabi ni Isaias, sinabi niya: “ ‘Sapagkat ang puso ng bayang ito ay naging di-mapagtanggap, at sa kanilang mga tainga sila ay nakarinig nang walang pagtugon, at ipinikit nila ang kanilang mga mata; upang hindi nila kailanman makita ng kanilang mga mata at marinig ng kanilang mga tainga at makuha ang diwa nito ng kanilang mga puso at manumbalik, at mapagaling ko sila.’ Gayunman, maligaya ang inyong mga mata sapagkat ang mga iyon ay nakakakita, at ang inyong mga tainga sapagkat ang mga iyon ay nakaririnig.”—Mateo 13:10-16; Marcos 4:11-13.
“Kinukuha ang Diwa” ng Kaharian
7. Bakit mahalaga na “makuha ang diwa” ng Kaharian?
7 Tinukoy ni Jesus ang suliranin. Iyon ay may kinalaman sa ‘pagkuha ng diwa’ ng mensahe ng Kaharian. Sa kaniyang mga alagad ay sinabi niya nang sarilinan: “Kayo, kung gayon, ay makinig sa ilustrasyon ng tao na naghasik. Kung saan naririnig ng sinuman ang salita ng kaharian ngunit hindi nakukuha ang diwa nito, ang balakyot ay dumarating at inaagaw ang naihasik na sa kaniyang puso.” Nagpatuloy siya sa pagpapaliwanag na ang apat na uri ng lupa ay lumalarawan sa iba’t ibang kalagayan ng puso na doo’y ihahasik “ang salita ng kaharian.”—Mateo 13:18-23; Lucas 8:9-15.
8. Ano ang nakahadlang sa pagluluwal ng bunga ng “binhi” na inihasik sa unang tatlong uri ng lupa?
8 Ang “binhi” ay mabuti sa bawat kalagayan, ngunit ang magiging bunga ay depende sa kalagayan ng lupa. Kung ang lupa ng puso ay tulad ng isang matao, siksik na daan, anupat pinatigas ng maraming gawaing di-espirituwal, ang isa na nakaririnig ng mensahe ng Kaharian ay madaling mangatuwiran, anupat sabihing walang panahon para sa Kaharian. Ang nakaligtaang binhi ay maaaring madaling dagitin bago ito magkaugat. Ngunit ano kung ang binhi ay inihasik sa puso na nahahawig sa mabatong lupa? Ang binhi ay maaaring sumibol, ngunit mahihirapan itong mag-ugat nang malalim upang makakuha ng panustos at maging matatag. Ang pagiging isang masunuring lingkod ng Diyos, lalo na sa panahon ng matinding pag-uusig, ay magiging isang napakalaking hamon, at ang indibiduwal ay matitisod. At muli, kung ang lupa ng puso ay punung-puno ng tulad-tinik na mga kabalisahan o materyalistikong hangarin ukol sa kayamanan, ang patpating halaman ng Kaharian ay masasakal. Sa tatlong tipikal na situwasyong ito sa buhay, hindi makapagluluwal ng mga bunga ng Kaharian.
9. Bakit nakapagluwal ng mabuting bunga ang binhi na inihasik sa mabuting lupa?
9 Subalit, kumusta naman ang binhi ng Kaharian na inihasik sa mabuting lupa? Sumagot si Jesus: “Kung tungkol sa naihasik sa mainam na lupa, ito ang isa na nakikinig sa salita at kinukuha ang diwa nito, na talagang nagbubunga at nagluluwal, ang isang ito ng isang daang ulit, ang isang iyon ng animnapu, ang isa pa ng tatlumpu.” (Mateo 13:23) Dahil sa ‘nakukuha ang diwa’ ng Kaharian, ang mga ito ay magluluwal ng mabubuting bunga ayon sa kalagayan ng bawat isa.
Pananagutan ang Kaakibat ng Pagkaunawa
10. (a) Papaano ipinakita ni Jesus na ang ‘pagkuha ng diwa’ ng Kaharian ay nagdudulot kapuwa ng pagpapala at pananagutan? (b) Ang utos ba ni Jesus na humayo at gumawa ng mga alagad ay kumakapit lamang sa unang-siglong mga alagad?
10 Pagkatapos magbigay ng anim pang ilustrasyon upang ipaliwanag ang iba’t ibang pitak ng Kaharian, tinanong ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Nakuha ba ninyo ang diwa ng lahat ng mga bagay na ito?” Nang sila’y sumagot ng “oo,” sinabi niya: “Kung magkagayon, bawat pangmadlang tagapagturo, kapag naturuan may kinalaman sa kaharian ng mga langit, ay tulad ng isang tao, isang may-bahay, na naglalabas mula sa kaniyang imbakan ng kayamanan ng mga bagay na bago at luma.” Ang pagtuturo at pagsasanay na inilaan ni Jesus ay huhubog sa kaniyang mga alagad upang maging may-gulang na mga Kristiyano na makapaglalabas mula sa kanilang ‘imbakan’ ng isang walang-katapusang panustos ng mayamang espirituwal na pagkain. Ang malaking bahagi nito ay may kaugnayan sa Kaharian ng Diyos. Nilinaw ni Jesus na ang ‘pagkuha ng diwa’ ng Kaharian ay magdudulot hindi lamang ng mga pagpapala kundi gayundin ng pananagutan. Iniutos niya: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 13:51, 52; 28:19, 20.
11. Nang sumapit ang 1914, anong mga pangyayari ang naganap may kinalaman sa Kaharian?
11 Gaya ng ipinangako, si Jesus ay patuloy na sumasakaniyang mga alagad sa nalakarang mga siglo hanggang sa panahong ito. Sa mga huling araw na ito, pasulong na binigyan niya sila ng kaunawaan, at ipinagkatiwala rin niya sa kanila ang paggamit sa tumitinding liwanag ng katotohanan. (Lucas 19:11-15, 26) Noong 1914, naging mabilis at kapansin-pansin ang pagsisiwalat ng mga pangyayari may kinalaman sa Kaharian. Sa taóng iyon, hindi lamang naganap ang ‘pagsilang’ ng matagal-nang-inaasahang Kaharian kundi nagsimula ang “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Apocalipsis 11:15; 12:5, 10; Daniel 7:13, 14, 27) Ang mga tunay na Kristiyano, na nakauunawa sa kahulugan ng mga kasalukuyang pangyayari, ay nagsagawa ng pinakamalaking kampanya ng pangangaral at pagtuturo ng Kaharian sa kasaysayan. Inihula ito ni Jesus, na nagsabi: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
12. (a) Ano ang naging resulta ng malawak na pagpapatotoo sa Kaharian sa modernong panahon? (b) Sa mapag-alinlangang sanlibutang ito, ano ang panganib para sa mga Kristiyano?
12 Ang malawak na pagpapatotoong ito sa Kaharian ay nakaabot na sa mahigit na 230 lupain. Mahigit na limang milyong tunay na mga alagad ang nakikibahagi na sa gawaing ito, at tinitipon pa rin ang iba pa. Ngunit kung ihahambing natin ang bilang ng mga alagad sa 5.6 na bilyong naninirahan sa lupa, maliwanag na gaya noong kaarawan ni Jesus, ang malaking bahagi ng sangkatauhan ay hindi ‘nakakakuha ng diwa’ ng Kaharian. Gaya ng inihula, marami ang nanunuya at nagsasabi: “Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya?” (2 Pedro 3:3, 4) Ang panganib sa ating mga Kristiyano ay na ang kanilang kampante, mapag-alinlangan, at materyalistikong saloobin ay baka unti-unting makaapekto sa kung papaano natin minamalas ang ating mga pribilehiyo sa Kaharian. Palibhasa’y napalilibutan ng mga tao ng sanlibutang ito, maaaring madali nating simulang tanggapin ang ilan sa kanilang saloobin at gawain. Napakahalaga nga na ‘makuha natin ang diwa’ ng Kaharian ng Diyos at manghawakang mahigpit dito!
Sinusuri ang Ating Sarili May Kaugnayan sa Kaharian
13. Hinggil sa utos na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian, papaano natin masusubok kung tayo ay patuloy na ‘nakikinig’ nang may kaunawaan?
13 Ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa kinabubuhayan nating panahon ng pag-aani: “Isusugo ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel, at kanilang titipunin mula sa kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na sanhi ng ikatitisod at yaong mga gumagawa ng katampalasanan . . . Sa panahong iyon ang mga matuwid ay sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Siya na may mga tainga ay makinig.” (Mateo 13:41, 43) Ikaw ba ay patuloy na ‘nakikinig’ at sumusunod sa utos na ipangaral ang Kaharian at gumawa ng mga alagad? Tandaan, ang “naihasik sa mainam na lupa” ay ‘nakinig sa salita at nakuha ang diwa nito’ at nagluwal ng mabubuting bunga.—Mateo 13:23.
14. Kapag ibinibigay ang tagubilin, papaano natin ipinakikita na ating “nakukuha ang diwa” ng ibinigay na payo?
14 Kapag personal na nag-aaral at dumadalo sa mga pulong Kristiyano, kailangan nating ‘ikiling ang ating puso sa kaunawaan.’ (Kawikaan 2:1-4) Kapag ibinibigay ang payo hinggil sa paggawi, pananamit, musika, at libangan, kailangang hayaan nating bumaon iyon sa ating puso at magpakilos sa atin na gumawa ng anumang kinakailangang pagbabago. Huwag mangatuwiran, magdahilan, o kaya’y hindi tumugon. Kung ang Kaharian ay totoo sa ating buhay, mamumuhay tayo ayon sa mga pamantayan nito at masigasig na ipahahayag ito sa iba. Sinabi ni Jesus: “Hindi ang bawat isa na nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng mga langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa mga langit.”—Mateo 7:21-23.
15. Bakit mahalaga na ‘unahin muna ang kaharian at ang katuwiran ng Diyos’?
15 Ang hilig ng tao ay ang mabalisa hinggil sa kailangang pagkain, pananamit, at tirahan, ngunit sinabi ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran [ng Diyos], at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33, 34) Sa pagtatakda ng mga bagay na dapat bigyang pansin, unahin ang Kaharian sa iyong buhay. Gawing simple ang iyong pamumuhay, anupat nasisiyahan sa mga kinakailangan. Isang kamangmangan na punuin ang ating buhay ng di-kinakailangang gawain at pag-aari, marahil ikinakatuwiran na ang paggawa nito ay kaayaaya, yamang ang mga bagay na ito sa ganang sarili ay hindi naman masama. Bagaman maaaring totoo iyan, ano ang epekto ng pagkakamit at paggamit ng gayong di-kinakailangang bagay sa ating pag-iiskedyul ng personal na pag-aaral, pagdalo sa mga pulong Kristiyano, at pakikibahagi sa gawaing pangangaral? Sinabi ni Jesus na ang Kaharian ay tulad ng isang mangangalakal na nakasumpong ng isang “perlas na mataas ang halaga [at] umalis siya at dali-daling ipinagbili ang lahat ng mga bagay na taglay niya at binili iyon.” (Mateo 13:45, 46) Ganiyan ang dapat nating madama tungkol sa Kaharian ng Diyos. Dapat nating tularan si Pablo hindi si Demas, na nagpabaya sa ministeryo “sa dahilang inibig niya ang kasalukuyang sistema ng mga bagay.”—2 Timoteo 4:10, 18; Mateo 19:23, 24; Filipos 3:7, 8, 13, 14; 1 Timoteo 6:9, 10, 17-19.
“Ang mga Taong Di-Matuwid ay Hindi Magmamana ng Kaharian ng Diyos”
16. Papaanong ang ‘pagkuha ng diwa’ ng Kaharian ng Diyos ay tutulong sa atin na umiwas sa maling paggawi?
16 Nang pinapayagan ng kongregasyon sa Corinto ang imoralidad, tahasang sinabi ni Pablo: “Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong palíligaw. Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Kung ating “nakukuha ang diwa” ng Kaharian ng Diyos, hindi natin dadayain ang ating sarili sa pag-iisip na papayagan ni Jehova ang ilang anyo ng imoralidad hangga’t nakikita niya tayong abala sa Kristiyanong paglilingkuran. Ang kawalang-kalinisan ay hindi man lamang dapat na mabanggit sa gitna natin. (Efeso 5:3-5) Nahahalata mo ba na ang ilan sa mga nakasusuklam na kaisipan o gawain ng sanlibutang ito ay nagsisimulang makasingit sa iyong buhay? Alisin mo agad ang mga ito sa iyong buhay! Pagkahala-halaga nga ng Kaharian upang maiwala lamang ito dahil sa gayong mga bagay.—Marcos 9:47.
17. Sa anu-anong paraan ang pagpapahalaga sa Kaharian ng Diyos ay magtataguyod ng pagpapakumbaba at mag-aalis sa mga sanhi ng ikatitisod?
17 Nagtanong ang mga alagad ni Jesus: “Sino talaga ang pinakadakila sa kaharian ng mga langit?” Sumagot si Jesus sa pamamagitan ng paglalagay ng isang maliit na bata sa gitna nila at pagsasabi: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo ay manumbalik at maging gaya ng maliliit na bata, hindi kayo sa anumang paraan makapapasok sa kaharian ng mga langit. Samakatuwid, ang sinuman na magpapakababa ng kaniyang sarili na tulad sa maliit na batang ito ang siyang pinakadakila sa kaharian ng mga langit.” (Mateo 18:1-6) Ang mga mapagmapuri, mapaghanap, walang-malasakit, at tampalasan ay hindi makapapasok sa Kaharian ng Diyos, ni sila man ay magiging mga sakop ng Kaharian. Ang iyo bang pag-ibig sa iyong mga kapatid, ang iyong pagpapakumbaba, ang iyong maka-Diyos na takot, ay nagpapakilos sa iyo na iwasang matisod ang iba sa iyong paggawi? O iginigiit mo ba ang iyong “mga karapatan” anuman ang maging epekto sa iba ng saloobin at paggawing ito?—Roma 14:13, 17.
18. Ano ang ibubunga sa masunuring sangkatauhan kapag pinapangyari ng Kaharian ng Diyos na maganap ang Kaniyang kalooban “kung paano sa langit, gayundin sa lupa”?
18 Malapit nang ganap na sagutin ng ating makalangit na Ama, si Jehova, ang taimtim na panalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” Di na magtatagal at ang namamahalang Hari, si Jesu-Kristo, ay darating sa diwa na siya’y uupo sa kaniyang trono upang humatol, upang ihiwalay ang “mga tupa” mula sa “mga kambing.” Sa itinakdang panahong iyon, “sasabihin ng hari doon sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, kayo na mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.’ ” Ang mga kambing “ay magtutungo sa walang-hanggang pagkaputol, ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang-hanggan.” (Mateo 6:10; 25:31-34, 46) Papawiin ng “malaking kapighatian” ang matandang sistema at lahat ng tumatangging ‘makuha ang diwa’ ng Kaharian. Subalit ang milyun-milyon na makaliligtas sa “malaking kapighatian” at ang bilyun-bilyon na bubuhaying-muli ay magmamana ng walang-katapusang mga pagpapala ng Kaharian sa isang naisauling Paraiso sa lupa. (Apocalipsis 7:14) Ang Kaharian ang siyang bagong pamahalaan sa lupa, na mamamahala buhat sa langit. Isasakatuparan nito ang layunin ni Jehova para sa lupa at sa sangkatauhan, pawang sa pagpapabanal ng kaniyang pinakasagradong pangalan. Hindi ba sulit ang pagpapagal, pagsasakripisyo, at paghihintay ukol sa manang iyan? Ito ang dapat na maging kahulugan sa atin ng ‘pagkuha ng diwa’ ng Kaharian!
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang Kaharian ng Diyos?
◻ Bakit ang karamihan sa mga tagapakinig ni Jesus ay hindi ‘nakakuha ng diwa’ ng Kaharian?
◻ Papaanong ang ‘pagkuha ng diwa’ ng Kaharian ay nagdudulot kapuwa ng mga pagpapala at pananagutan?
◻ Hinggil sa pangangaral, ano ang nagpapakita kung atin ngang ‘nakuha ang diwa’ ng Kaharian?
◻ Papaano natin ipinakikita sa ating paggawi na atin ngang ‘nakuha ang diwa’ ng ibinigay na payo?
[Mga larawan sa pahina 17]
‘Nakuha ng mga alagad ni Jesus ang diwa’ ng Kaharian at sila’y nagluwal ng mabuting bunga