Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
‘Sumisikat Bilang mga Tagapagbigay-Liwanag sa Sanlibutan’
ANG mga Saksi ni Jehova ay naiiba at malimit na nakatatanggap ng pangit na publisidad dahil sa kanilang hindi pagpapasalin ng dugo. Gayunpaman, ang paninindigang ito ay matibay na nakasalig sa Bibliya. Ipinakikita nito na hinahatulan ng Diyos ang maling paggamit ng dugo, yamang ang dugo ay napakahalaga sa kaniyang paningin. (Genesis 9:3, 4; Levitico 17:14) Bilang resulta ng pagsusuri sa Kasulatan sa paksang ito, ipinasiya ng mga Saksi ni Jehova na ang utos ng Bibliya na ‘umiwas sa dugo’ ay maliwanag na sumasaklaw sa modernong paggamit ng pagsasalin ng dugo.—Gawa 15:19, 20, 28, 29.
Sa nakalipas na mga taon ang mga kabilang sa komunidad ng mga manggagamot, pati ang mga hukuman sa ilang bansa, ay kumatig sa mga Saksi ni Jehova sa ganitong usapin. Halimbawa, sa Denmark isang kabataang ina na may kabatiran sa pangmalas ng Bibliya hinggil sa dugo ang namatay bunga ng isang aksidente sa sasakyan. Dahil sa kaniyang pagtangging pasalin ng dugo, ginatungan ng kaniyang mga doktor ang may pagkapoot na kampanya ng media laban sa mga Saksi ni Jehova na tumagal nang isang buwan.
Humiling ang mga magulang ng kabataang babae na magkaroon ng pagsisiyasat, at noong Abril 1994 ay isang pasiya ang ipinatalastas ng Commission of Patients’ Complaints ng Denmark. Ipinabatid nito na namatay ang pasyente, hindi dahil sa tumanggi siyang magpasalin ng dugo, kundi dahil sa maling paggamot. Ang pasiya ay batay sa mga pagsusuri na ginawa ng Board of Forensic Medicine at ng mga awtoridad sa kalusugan. Sa isang palibot-liham na patungkol sa lahat ng pasilidad sa pag-iingat ng kalusugan sa Denmark, ipinahayag ng National Board of Health na ang mga doktor ay may pananagutan na bigyan ng pinakamahusay na magagamit na panghaliling panggagamot ang mga Saksi ni Jehova, anupat isinasaalang-alang ang kanilang pagtangging pasalin ng dugo.
Isa pang kaso ay may kinalaman kay Dan, isang 15-taóng-gulang na Saksi na namatay dahil sa lukemya. Sa kasong ito ay iginalang ng mga doktor ang matatag na pasiya ni Dan na huwag magpasalin ng dugo. Nagbunga ito ng isang malawakang kampanya ng mga peryodista kung saan sinisi ng media ang mga doktor sa pagkamatay ni Dan. Subalit marami ang hindi sumang-ayon sa negatibong propaganda.
Halimbawa, ang punong-guro sa paaralan na pinapasukan ni Dan ay naroroon sa Kingdom Hall noong pahayag sa libing. Nabigla siya sa di-makatarungang pag-uulat ng balita sa kamatayan ni Dan. Pagkatapos magtanong sa isang kamanggagawang Saksi tungkol sa mga Saksi ni Jehova, tinanggap niya ang isang kopya ng video na Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name. Lubha siyang pinahanga ng video anupat kaniyang isinaayos na mapanood din ito ng lahat ng guro sa paaralan. Pagkaraan, ang video ay ipinakita sa lahat ng estudyante, tig-isang klase sa bawat palabas.
Ang ministro ng kalusugan sa Denmark ay hindi rin sumang-ayon sa masamang publisidad na tinanggap ng mga doktor ni Dan. Sinabi niya na ginawa ng mga doktor ang tama nang igalang ang may-gulang na pasiya at matatag na pananampalataya ni Dan.
May milyun-milyong tagapaghayag ng Kaharian na sumusunod sa mga batas ng Diyos. Dahil sa kanilang pagsunod, sila’y napapansin na ‘sumisikat bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan.’—Filipos 2:12, 15.