Kapayapaan—Ano ang mga Pagkakataon?
SA KABILA ng mga pangunahing balita sa pahayagan, ang katotohanan ay, gaya ng natatalos ng karamihan sa atin, ang sangkatauhan ay malayung-malayo pa sa tunay na kapayapaan. Ang pag-uurong ng mga hukbong banyaga sa Afghanistan ay hindi nagdala ng kapayapaan sa lupaing iyon. At mayroon pa ring iba’t ibang uri ng pagbabaka sa Pilipinas, Sudan, Israel, Northern Ireland, Lebanon, at Sri Lanka, na ilan lamang sa mga ito.
Yamang karamihan ng matinong mga tao ay mas gusto ang kapayapaan kaysa digmaan, bakit nga ang kapayapaan ay totoong mailap? Ang mga pulitiko ay nagsikap sa maraming paraan sa loob ng maraming daan-daang taon na magdala ng kapayapaan, subalit ang kanilang pagsisikap ay laging bigo. Bakit? Tunghayan natin ang mga ilang halimbawa at tingnan natin.
Kapayapaan sa Pamamagitan ng Relihiyon at Batas
Minamalas ng iba ang Imperyo Romano bilang isang matagumpay na pagtatangka na magtayo ng kapayapaan. Sa ilalim nito, ang isang kombinasyon ng tatag na batas, naibabagay na pamamahala, malalakas na mga hukbo, at mainam ang pagkayaring mga daan na umiral sa loob ng mga ilang siglo ang nagpanatili ng isang internasyonal na katatagan na kilala sa tawag na Pax Romana (Kapayapaang Romano) sa malawak na lupain ng Kanlurang Asia, Aprika, at Europa. Subalit, sa wakas ay naigupo ang Imperyong Romano ng panloob na katiwalian at mga paglusob ng tagalabas, at gumuho ang Kapayapaang Romano.
Ito’y nagpapakita ng isang malungkot na katotohanan tungkol sa pagsisikap ng tao. Pagkatapos ng isang magandang pasimula, ito kadalasan ay nabubulok. Ang Diyos mismo ay nagsabi: “Ang hilig ng puso ng tao ay masama na mula sa kaniyang pagkabata,” at ang masamang hilig na ito ang kadalasan nananaig sa bandang huli. (Genesis 8:21) Isa pa, ang propetang si Jeremias ay nagsabi: “Ang puso ay magdaraya nang higit kaysa lahat ng bagay at totoong masama. Sino ang makaaalam?” (Jeremias 17:9) Ang mga tao ay hindi mo mawari kung ano ang kalalabasan. Ang mabubuting intensiyon ng isang tao ay maaaring mauwi sa masama dahil sa pananaghili o mapag-imbot na mga ambisyon ng iba. O ang isang pinuno na may matataas na prinsipyo ay maaaring maging liko. Dahilan dito, papaanong ang mga tao ay makapagdadala ng kapayapaan?
Noong ikatlong siglo B.C.E., isang kapuna-punang pagsisikap na makapagtayo ng kapayapaan ang iniulat buhat sa subkontinente ng India. Doon, isang makapangyarihang pinuno na nagngangalang Aśoka ang nakapagtayo ng isang malaking imperyo sa pamamagitan ng pakikipagdigma at pagbububo ng dugo. Nang magkagayon, ayon sa kasaysayan, siya’y nakumberte sa mga prinsipyo ng Buddhismo. Kaniyang itinakuwil ang digmaan, siya’y nagtayo ng mga monumento sa buong nasasakupan niya na may mga nakasulat na mga kasabihan upang tulungan ang kaniyang mga sakop na mamuhay nang lalong mahusay na pamumuhay. At ang kaniyang imperyo ay sa malas mapayapa at maunlad.
Ang paraan ba ni Aśoka ang siyang patungo sa kapayapaan? Nakalulungkot sabihin, hindi. Nang mamatay ang emperador, ang kaniyang kapayapaan ay namatay na kasama niya, at nagkawatak-watak ang kaniyang imperyo. Ipinakikita nito na maging ang pagsisikap ng isang may mabuting intensiyon at may kakayahang pinuno ay bigo rin sa wakas sapagkat siya’y namamatay. Binanggit ito ng manunulat ng Eclesiastes nang kaniyang isulat: “Aking . . . kinapootan ang lahat ng aking pagpapagal . . . na iiwanan ko lamang para sa taong kasunod ko. At sino ang nakaaalam kung siya’y magiging isang pantas o isang mangmang? Gayunma’y magpupuno siya sa lahat ng aking pinagpagalan na aking pinagpaguran at aking pinagpakitaan ng karunungan sa ilalim ng araw. Ito man ay walang kabuluhan.”—Eclesiastes 2:18, 19.
Oo, ang bagay na ang tao’y namamatay ay isang di-magagaping hadlang sa kaniyang pagsisikap na magdala ng walang-hanggang kapayapaan. Tunay na pantas ang payo ng salmista sa bagay na ito: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas. Ang hininga niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay nawawala ang pag-iisip niya.”—Awit 146:3, 4.
Higit Pang Pagsisikap Tungkol sa Kapayapaan
Ang iba pang pagsisikap ng tao ay nagpapakita rin naman kung bakit bigo ang tao sa kaniyang pagmimithi na magdala ng kapayapaan. Halimbawa, noong ikasampung siglo, isang kilusang tinatawag na ang Kapayapaan ng Diyos ang itinatag sa Europa. Nilayong ipagsanggalang nito ang ari-arian ng simbahan, ito’y lumabas na isang uri ng kasunduan na hindi panlulusob sa iba at noong kalagitnaan ng ika-12 siglo ay lumaganap sa kalakhang bahagi ng Europa.
Ang isa pang ideya ay tinatawag na ang “balanse ng kapangyarihan.” Sa pagsunod sa patakarang ito, isang komunidad ng mga bansa—tulad baga ng Europa—ang kumikilos para pahinain ang loob tungkol sa digmaan sa pamamagitan ng pagpapanatili ng humigit-kumulang balanseng pamamahagi ng kapangyarihan sa mga estado. Kung isang malakas na bansa ang nananakot sa isang mahina, isang malakas na bansa ang pansamantalang papasok na kaalyado ng mahinang iyon upang sirain ang loob ng nagbabalak na lumusob. Ang patakarang ito ang nagsilbing giya sa relasyon ng mga bansa sa Europa mula nang matapos ang mga Digmaan ni Napoleon hanggang sa pagsiklab ng unang digmaang pandaigdig noong 1914.
Pagkatapos ng digmaang iyan, ang Liga ng mga Bansa ay itinatag bilang isang kapisanan na kung saan ang mga bansa ay magtatalakayan ng kanilang mga di-pagkakaunawaan sa halip na magbaka-baka. Ang Liga ay huminto ng pag-andar nang sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig, subalit pagkatapos ng digmaan, ang espiritung taglay nito ay muling binuhay sa Nagkakaisang mga Bansa, na umiiral pa rin.
Gayumpaman, lahat ng pagsisikap na ito ay bigo ng pagdadala ng tunay o lumalaging kapayapaan. Samantalang ang kilusang Kapayapaan ng Diyos ay umiiral sa Europa, ang mga Europeo ay nakipagbaka sa mga Muslim sa mga madudugong Krusada. At samantalang nagsisikap ang mga pulitiko na mapanatili ang kapayapaan sa Europa sa pamamagitan ng balanse ng kapangyarihan, sila’y nakikipagdigma at nagtatayo ng mga imperyo sa mga lupain sa labas ng Europa. Walang nagawa ang Liga ng mga Bansa upang mahadlangan ang ikalawang digmaang pandaigdig, at ang Nagkakaisang mga Bansa ay hindi nakahadlang sa madudugong mga patayan sa Kampuchea o sa mga pagbabaka sa Korea, Nigeria, Vietnam, at Zaire.
Oo, hanggang sa ngayon ang pinakamagagaling na pagsisikap tungkol sa kapayapaan ng mga pulitiko ay bigo. Ang mga pinuno ay talagang walang alam kung papaano magtatatag ng walang-hanggang kapayapaan, palibhasa’y nahahadlangan sila ng kamatayan at ng kabiguan nila at ng iba pa. Subalit, kahit na kung hindi ganiyan ang mga pulitiko ay hindi pa rin sila makapagdadala ng kapayapaan. Bakit hindi? Dahilan sa may isa pang hadlang na talagang mahirap magapi.
Isang Di-Nakikitang Lakas na Humahadlang sa Kapayapaan
Ang hadlang na ito’y tinutukoy ng Bibliya sa pagsasabi: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” (1 Juan 5:19) Ang balakyot ay si Satanas na Diyablo, isang nakatataas sa taong espiritung nilikha na higit na makapangyarihan kaysa atin. Sa pasimula pa lamang, si Satanas ay nasangkot na sa paghihimagsik, pagsisinungaling, at pagpatay. (Genesis 3:1-6; Juan 8:44) Ang kaniyang makapangyarihan, bagaman di-nakikita, na impluwensiya sa pamamalakad ng daigdig ay pinatutunayan ng iba pang kinasihang komentarista. Siya ay tinawag ni Pablo na “ang Diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” “ang pinuno ng kapamahalaan ng hangin.” (2 Corinto 4:4; Efeso 2:2) Hindi lamang miminsan na tinawag siya ni Jesus na “ang tagapamahala ng sanlibutang ito.”—Juan 12:31; 14:30; 16:11.
Yamang ang sanlibutan ay nasa kapangyarihan ni Satanas, ang mga pulitiko ay hindi makapagdadala ng walang-hanggang kapayapaan. Ang ibig bang sabihin ay na hindi na kailanman darating ang kapayapaan? Mayroon bang isang aakay sa sangkatauhan sa kapayapaan?
[Blurb sa pahina 5]
Gaano mang kapantas at kataas ng mga prinsipyo ng isang pinuno, sa wakas ay namamatay siya at kadalasan ibang walang gaanong kakayahan at walang gaanong prinsipyo ang humahalili
[Blurb sa pahina 6]
Ang pinakamalaking nag-iisang hadlang sa kapayapaan ay si Satanas na Diyablo
[Picture Credit Line sa pahina 5]
U.S. National Archives photo