Ang Washington Codex ng mga Ebanghelyo
NOONG Disyembre 1906, si Charles L. Freer, isang mayamang Amerikanong industriyalista at kolektor ng sining, ay bumili ng ilang matatandang manuskrito buhat sa isang nagbebentang Arabo na nagngangalang Ali, sa Giza, Ehipto. Ayon kay Ali ang mga ito ay galing sa White Monastery malapit sa Sohâg, ngunit waring mas malamang na ang mga ito ay natagpuan sa mga kaguhuan ng Monastery of the Vinedresser, malapit sa ikatlong pyramid ng Giza sa Nile Delta.
Si Freer ay binigyan ng tatlong manuskrito at “isang nangingitim, nabubulok nang tumpok ng pergamino na sa labas ay sintigas at sinlutong ng kola.” Ang sukat nito ay mga 17 sentimetro ang haba, 11 sentimetro ang luwang, at 4 na sentimetro ang kapal at ipinagbiling kasama ang mga manuskrito dahil lamang sa iyon ay may kaugnayan sa mga ito, hindi dahil sa ipinalalagay na sariling kahalagahan nito. Isang trabahong mahirap, delikado na paghiwa-hiwalayin ang nagkadikit-dikit na bunton ng pira-pirasong mga pahina, ngunit sa wakas 84 nito ang nakilala, pawang buhat sa ikalima o ikaanim na siglo C.E. na codex ng mga liham ni Pablo.
Isa sa natirang tatlong manuskrito ay yaong mga aklat ng Deuteronomio at Josue. Ang isa pa ay ang Mga Awit, buhat sa saling Griegong Septuagint. Subalit, ang ikatlo at pinakamahalaga sa lahat ay isang manuskrito ng apat na mga Ebanghelyo.
Ang huling manuskritong ito ay binubuo ng 187 pahina ng pinong pergamino, karamihan ay balat-tupa, isinulat sa nakahilig na Griegong uncials (kapital). Bihira ang bantas, ngunit malimit na may maliliit na espasyo sa pagitan ng mga parirala. Ang mga gilid ng manuskrito ay pawang buluk na bulok na, ngunit karamihan ng sulat ay naingatan. Nang malaunan ay dinala ito sa Freer Gallery of Art of the Smithsonian Institution, sa Washington, D.C. Ito’y pinanganlan na Washington Codex ng mga Ebanghelyo, at binigyan ito ng pagkakakilanlang titik na “W.”
Ang pergamino ay binigyan ng petsang katapusan ng ikaapat o pasimula ng ikalimang siglo C.E., kung kaya’t ito’y hindi gaanong nagpapahuli sa mahalagang tatlong manuskrito na Sinaitico, Vaticano, at Alexandrino. Ang mga Ebanghelyo (kumpleto maliban sa dalawang nawalang pahina) ay nasa tinatawag na kaayusang Kanluran ng Mateo, Juan, Lucas, at Marcos.
Sa pagbasa sa manuskrito ay nahahayag ang di-pangkaraniwang haluang mga tipo ng teksto, bawat isa’y kinakatawan ng malalaki, patuluyang mga seksiyon. Lumilitaw na ito’y kinopya sa natitira pang mga bahagi ng ilang manuskrito, bawat isa’y may naiibang tipo ng teksto. Iminungkahi ni Propesor H. A. Sanders na ito’y maaaring bumalik sa biglang pag-uusig sa mga Kristiyano ni Emperador Diocletian noong taóng 303 C.E., na nag-utos na lahat ng kopya ng Kasulatan ay sunugin sa publiko. Batid natin buhat sa mga rekord ng kasaysayan na may ilang manuskritong naitago nang panahong iyan. Waring isang di-kilalang tao makalipas ang mga dekada ang kumopya ng natirang mga bahagi ng iba’t ibang mga manuskrito upang makalikha ng teksto ng Washington Codex. Nang malaunan, ang unang koleksiyon ng mga pahina ng Juan (Juan 1:1 hanggang 5:11) ay nawala nang sandaling panahon at kinailangan na muling isulat noong ikapitong siglo C.E.
May ilang interesanteng mga pagkakaiba-iba sa teksto at isang pambihira, ngunit hindi ibinibilang, na karagdagan sa Marcos kabanatang 16 na marahil nagsimula bilang isang panggilid na kalatas. Ang namumukod na katangian ng manuskrito ay nasa bagay na ito’y may kaugnayan sa matatandang mga saling Latin at Syriaco. Mga dumi na likha ng tulo ng kandila na lumaglag sa pergamino ang nagpapakilalang ito’y gamít na gamít.
Sa kabila ng pag-uusig at pananalansang at pagkapinsala dahil sa katagalan ng panahon, kagila-gilalas na ang Bibliya’y naingatan para sa atin sa maraming mga manuskrito. Tunay, “ang salita ni Jehova ay nananatili magpakailanman.”—1 Pedro 1:25; Isaias 40:8.
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Sa kagandahang-loob ng Freer Gallery of Art, Smithsonian Institution