Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 5/1 p. 10-13
  • Pananaig sa Aking mga Kahinaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pananaig sa Aking mga Kahinaan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Paghutok sa Murang Sanga’ ng mga Magulang
  • Ang Mainam na Halimbawa ni Itay
  • Ang Positibong Kaisipan ni Inay
  • Pananaig sa Panlulumo
  • Pananaig sa Suliranin ng Aking Anak
  • Kailangang Maging Positibo ang Kaisipan
  • Napasasalamat sa Laging Pag-alalay ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Ano ang Igaganti Ko kay Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Maligaya Ako Kahit May Kapansanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 5/1 p. 10-13

Pananaig sa Aking mga Kahinaan

Inilahad ni Thomas Addison

NANG ako’y isang bata, pagka sa aking daraana’y may nakahalang na ibon ako’y kumakarimot na lamang ng takbo para makaiwas. Pagka may dumalaw na mga kamag-anak o mga kaibigan, ang madaratnan nila’y isang batang ayaw makipag-usap at nagkukubli sa saya ng kaniyang ina. Ang normal na epekto sa akin ng dumadalaw na mga bisita ay ang kumaripas ng takbo sa silid-tulugan sa pinakamabilis na magagawa ko. Ang aking dila ay umid sa harap ng sinumang may kapangyarihan, lalo na sa mga guro sa paaralan.

Ano’t ako’y nabago? Papaanong ang gayong labis na mahiyaing bata ay nakapangyaring magpahayag noong nakalipas na mga taon sa libu-libong mga tagapakinig na naroroon sa malalaking kombensiyon?

‘Paghutok sa Murang Sanga’ ng mga Magulang

Ang aking mga magulang​—lalo na si Itay, isang balingkinitan, masiglang Escoses​—​ay para sa kanila isa akong batang mahirap na maunawaan. Palibhasa’y naulila siya nang edad 13 anyos, siya’y tinging mabagsik pero ang totoo’y hindi naman. Siya’y natutong sumustento sa kaniyang sarili sa kabataan pa lamang. Sa kabilang banda, si Inay ay anak ng isang magsasaka at isang larawan ng kaamuan. Ang pagsasanay sa akin mula sa pagkasanggol ay may kabaitan at katatagan, gayunman hindi labis na mapagsanggalang.

Sa gulang na seis anyos, noong 1945, nagbigay ako ng kauna-unahang pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Ito’y isinagawa ko na ang tumatanglaw ay liwanag ng isang ilawang de-gas sa isang maliit na kongregasyon sa Australia na binubuo lamang ng tatlong pamilya. Matagal pa patiuna, ako’y tinulungan ni Itay na maghanda, na ipinaliwanag ang mga bentaha ng ekstemporanyong pagpapahayag. Kaniya ring idiniin na huwag kailanman matatakot sa kung ano ang sasabihin o iisipin ng ibang tao. Gaya ng pagkasabi niya: “Tayong mga tao ay pawang mga bunton ng alabok. Ang mga ibang bunton ay medyo malalaki kaysa iba, wala kundi iyan.” Nangatog ang aking mga tuhod, pinawisan ang aking mga palad, at sa may bandang gitna ng pahayag, naumid ang aking dila at hindi ko na natapos ang pahayag.

Marahil ay mga sampung taon ako nang kami ng aking bunsong kapatid na si Robert ay ipagsama ni Itay sa kalye real ng bayan, doon sa mismong harap ng sinehan. Aming tangan na nakataas ang mga magasing Bantayan at Gumising! na anupa’t kitang-kita ng aming mga kamag-aral. Ang mga magasin ay para bang simbigat ng tingga, at kung minsan ay makikita na lamang na nasa likuran ko! Ang sinisikap ko’y mapalagay ako sa isang puwesto na doo’y hindi ako kapuna-puna.

Gayunman, habang nagmamasid ako sa may katapangang halimbawa ni Itay, ganiyan na lang ang inilakas ng aking loob. Sa tuwina’y sinasabi niya na ang pag-urong ay pagbibigay-daan kay Satanas at sa takot sa mga tao. Isa pang pagsubok ang napaharap sa amin sa paaralan. Hindi pa gaanong natatagalang natapos ang Digmaang Pandaigdig II, at matindi pa ang nasyonalismo sa Australia. Kami ng aking kapatid na si Ellerie ay nananatiling nakaupo sa oras ng pagtitipon ng mga nag-aaral nang ang pambansang awit ay tinutugtog. Naging isang tunay na pagsubok sa akin ang manindigan bilang naiiba, ngunit gaya ng dati ang laging pagsuporta at pagpapalakas-loob sa akin ng aking mga magulang ang tumulong upang ako’y huwag makipagkompromiso.

Ang Mainam na Halimbawa ni Itay

Kung isasaalang-alang ang nakasanayan at disposisyon ni Itay, tunay na siya’y napakamatiyaga ng pakikitungo sa akin. Siya’y nagsimulang magtrabaho sa mga mina ng karbon sa Inglatera nang siya’y isa pa lamang bata na 13 anyos. Maaga sa kaniyang ika-20 taon pataas, siya’y lumipat sa Australia upang maghanap ng isang lalong mainam na pamumuhay. Ngunit ang krisis sa pananalapi noong dekada ng 1930 ay nagsimula, at siya’y tumanggap ng trabaho sa ilalim ng nakalalagim na kalagayan upang may maitustos sa kaniyang pamilya.

Namulat ang mga mata ni Itay sa mga kalagayang pangkalahatang umiiral at sa pulitika sa partikular, kaya nang siya’y magbasa ng mga aklat ng Watch Tower Society at makita ang kanilang walang-takot na pagbubunyag ng mga pagpapaimbabaw sa larangan ng pulitika, komersiyo, at relihiyon, iyon ang nakagising sa kaniyang natutulog na damdamin. Hindi nagtagal at gumawa siya ng pag-aalay ng sarili upang maglingkod kay Jehova, karakaraka pagkatapos na gumawa ng gayon si Inay. Sa kabila ng paghihirap na likha ng isang bagà na may diperensiya bunga ng pagguho ng minahan at palibhasa’y walang partikular na trabahong kinasanayan, ang aming pamilya ay dinala ni Itay sa mga lugar na kung saan may espirituwal na pangangailangan. Ang kaniyang pagsandig kay Jehova ay nakaiwan ng isang matinding impresyon sa akin.

Halimbawa, natatandaan ko pa nang kami’y lumipat sa isang munting bayang minahan ng karbon na kung saan may dadala-dalawang matatandang sister na Saksi, na kapuwa ang mga asawa’y di-kapananampalataya. Mahirap makakita ng tirahan, ngunit sa wakas ay nakaupa kami ng isang matandang bahay na kung ilang milya ang layo sa bayan. Ang aming tanging paraan ng paglalakbay ay paglalakad o pamimisekleta. At, isang umaga, samantalang kaming tatlong mga bata ay wala at naroon sa bahay ng mga kaibigan, ang aming bahay ay nasunog. Ang aming mga magulang ay nakaligtas naman, ngunit wala nang ibang nailigtas. Kami’y walang seguro at walang salapi.

Ito ang nagugunita ni Itay nang malapit na siyang mamatay noong 1982. Sinabi niya: “Natatandaan mo ba, anak, kung papaanong sa simula’y waring nakapangingilabot ang kalagayan, pero tayo’y inalalayan ni Jehova? Aba, pagkatapos ng sunog, ang mga kapatid sa Perth ay nagpadala ng mga muwebles, damit, at salapi. Dahilan sa kanilang kagandahang-loob, tayo ay may mas mainam na kalagayan kaysa noong bago nagkasunog!” Sa simula’y inakala kong medyo pangahas si Itay nang siya’y walang bukambibig kundi ang tulong ni Jehova sa aming mga buhay. Gayunman, ang malimit na mga karanasan tungkol sa kaniyang tinatawag na tulong buhat sa langit ay naging totoong marami upang ipaliwanag ayon sa anumang ibang paran.

Ang Positibong Kaisipan ni Inay

Isa sa aking malaking suliranin sa tuwina ay ang negatibong kaisipan. Malimit na nagtatanong si Inay: “Bakit ba laging ang madilim na panig ng buhay ang iyong nakikita?” Ang kaniyang halimbawa ng pagtingin sa maaliwalas na panig ay nagsilbing pang-akit sa akin na patuloy na magsikap na mag-isip sa paraang lalong positibo.

Kamakailan, si Inay ay bumanggit ng isang insidente sa isang munting bayang sakahan hindi pa natatagalan pagkalipat namin doon. Kinatuwaan niya ang isang pangungusap ng doktor doon. Ang akala niya (ng doktor) ay nakaririwasa ang aming mga magulang, sapagkat napansin niya ang kanilang maayos na pananamit at masinop na hitsura. Ang totoo ang tirahan namin ay isang malaking kamalig, may mga partisyon na yari sa mga sakong abaka. Walang koryente, gas, o tubig-gripo. Isang araw isang torong baka ang nagrumpe upang makapasok sa pintuan sa harap. Hulaan mo kung nasaan ako: nasa ilalim ng kama!

Si Inay ay umiigib sa isang balon na nasa layong 200 metro, gumagamit ng isang pares ng labinlimang litrong dram na nakakabit sa isang pamatok na pasan-pasan niya sa kaniyang balikat. Siya’y may likas na talino na makita ang katatawanan sa mga bagay na di-kumbinyenteng maranasan at, sa kaunting pag-udyok ni Itay, malasin ang anumang mahirap na situwasyon bilang isang hamon na dapat daigin sa halip na isang balakid. Kaniyang sinasabi na bagaman kami’y walang gaanong materyal na kayamanan, tinatamasa naman namin ang maraming positibong pagpapala.

Halimbawa, maraming maliligayang araw ang ginugugol namin sa paglalakbay sa malalayong mga teritoryo upang doo’y mangaral, mag-camping sa silong ng mga bituin, magluto ng tusino at itlog sa isang apoy na kahoy ang gatong, at umawit ng mga awiting pang-Kaharian habang kami’y naglalakbay. Si Itay naman ang sumasaliw sa kaniyang akordiyon. Oo, sa ganitong mga paraan ay tunay na mayaman nga kami. Sa mga ilang bayan sa lalawigan, kami’y umuupa ng maliliit na mga bulwagan at aming iniaanunsiyo ang mga pahayag pangmadla, na ginagawa namin kung Linggo ng hapon.

Kung minsan, dahilan sa umuulit na mga suliranin ni Itay sa kaniyang kalusugan, kailangan na si Inay ay magtrabaho rin upang may maipunô sa kita niya (ni Itay). Kung mga ilang taon din na inalagaan niya ang kaniyang sariling ina at lolo at sa katapus-tapusan ang aming ama bago sila nangamatay. Ito’y ginawa niya nang walang reklamo. Bagaman mayroon pa rin akong sa pana-panaho’y sumpong ng panlulumo at kadalasa’y mayroon akong negatibong saloobin, ang halimbawa ni Inay at malumanay na paghikayat ang nagtanim sa akin ng hangaring patuloy na magsumikap.

Pananaig sa Panlulumo

Nang mga huling taon ng aking pagka-tinedyer, lahat ng kahinaan ko sa pagkabata na ang akala ko’y naparam na ay muling bumalik nang lalong matindi. Mga katanungan tungkol sa buhay ang gumulo sa aking isip. Ako’y nagsimulang mag-usisa sa aking sarili, ‘Lahat ba ng tao ay may magkakapantay na pagkakataon na makilala si Jehova at maglingkod sa kaniya?’ Halimbawa, ano kung ang isang bata ay isinilang sa India o Tsina? Tiyak na ang kaniyang pagkakataon na makilala si Jehova ay lalong higit na limitado kaysa taglay ng isang bata na pinagpala sa pagiging pinalaki ng mga magulang na Saksi. Ito’y waring di-makatuwiran! Gayundin, ang genetics at ang kapaligiran, na dito’y walang kapangyarihan ang isang bata, ay gumaganap ng isang pangunahing bahagi. Sa napakaraming paraan, ang buhay ay waring walang katarungan. Ako’y nakipagtalo sa aking mga magulang nang matagal tungkol sa gayong mga katanungan. Ako’y nabahala rin tungkol sa aking hitsura. Maraming bagay ang hindi ko gusto tungkol sa aking sarili.

Samantalang pinag-iisipan ko ang mga bagay na ito, ako’y nakadama ng panlulumo, kung minsan ay sa loob ng mga sanlinggong walang katapusan. Naapektuhan ang aking hitsura. Kung ilang ulit, na ako’y lihim na nagbalak magpatiwakal. May mga panahon na nakaramdam ako ng bahagyang kasiyahan buhat sa pagkadama ng pagkaawa sa sarili. Nakita ko ang aking sarili bilang isang martir na walang sinumang nakauunawa. Ako’y nahilig na magbukod ng sarili at minsan, walang kaabug-abog, biglang nakaranas ako ng isang kakila-kilabot na damdamin. Lahat ng bagay sa paligid ko ay waring di-tunay, na para bagang ako’y nakatanaw nang lampasan sa isang mausok na bintana.

Ang ganitong pangyayari ay gumulantang sa akin sa pagkatantong mapanganib nga ang gayong pagkaawa sa sarili. Sa pananalangin kay Jehova, ipinasya kong gumawa ng desididong pagsisikap na huwag na muling magbigay-daan sa pagkaawa sa sarili. Ipinako ko ang aking isip sa positibo, maka-Kasulatang mga kaisipan. Magmula na noon, higit kaysa karaniwang pansin ang ginawa kong pagbabasa sa bawat artikulo sa mga magasing Bantayan at Gumising! na nagtatampok ng mga katangian ng personalidad at pagkatapos ay iniingatan ko ang mga ito sa isang folder. Maingat na iginawa ko ng nota ang mga punto na binanggit sa Ministeryo sa Kaharian tungkol sa kung papaano makikipag-usap sa iba.

Ang aking unang tunguhin ay ang sikaping makipag-usap nang pinakamatagal hangga’t maaari sa isang tao sa bawat pulong na Kristiyano. Sa simula, bawat gayong pakikipag-usap ay tumagal ng mga isang minuto lamang. Kaya naman maraming beses na ako’y umuwi na nakadarama ng panghihina ng loob. Gayunman, sa aking pagpupumilit ay unti-unting bumuti ang aking kakayahang makipag-usap.

Ako’y nagsimulang gumawa ng maraming personal na pananaliksik tungkol sa iniisip kong mga katanungan na nakagugulo ng isip. Karagdagan pa rito, aking binigyang-pansin ang aking kinakain at napatunayan ko na sa pamamagitan ng isang pansuplemento sa pagkain, ang aking disposisyon at sigla ay humusay. Nang malaunan ay napag-alaman ko na ang mga ibang salik ay maaaring maging sanhi ng panlulumo. Halimbawa, kung minsan ako ay nagiging labis na maigting tungkol sa isang kinawiwilihan kong bagay na anupa’t umaabot sa sukdulan ang silakbo ng aking damdamin. Ito ay palaging humahantong sa panlulupaypay, na ang resulta’y pagkawala ng sigla at pagkatapos ay panlulumo. Ang sagot ay ang matutong patuloy na maging interesado sa isang bagay ngunit hindi pinaaabot iyon sa pagmamalabis. Hanggang sa araw na ito, ako ay nagpapakaingat.

Ang susunod na hakbang ay ang sunggaban ang pagkakataon na sa tuwina’y iniaalok ng aking mga magulang sa amin na mga anak nila, samakatuwid baga, ang buong panahong ministeryo. Ang determinasyon ng aking kapatid na babae na huwag bumitiw sa pribilehiyong ito ng pagpapayunir nang may 35 taon na ay patuloy na nagiging isang positibong pampasigla sa akin.

Pananaig sa Suliranin ng Aking Anak

Pagkaraan ng mga ilang taon ng pamamalaging isang payunir na binata, naging asawa ko ang isang kapuwa ko payunir, si Josefa. Siya’y naging isang mainam na kabiyak ko sa lahat ng paraan. Sa kalaunan, kami’y nagkaroon ng tatlong anak. Si Craig, ang aming panganay, ay isinilang noong 1972 na may diperensiyang matinding cerebral palsy (resulta ng diperensiya sa utak). Ang kaniyang kalagayan ay naging isang tunay na hamon, yamang hindi niya magawa ang ano pa man para sa kaniyang sarili maliban sa asiwang pagkutsara sa kaniyang pagkain. Siyempre pa, mahal na mahal namin siya, kaya ginawa ko ang lahat upang tulungan siya na lalong higit na kumilos sa ganang sarili niya. Iginawa ko siya ng sarisaring pantulong para siya makalakad. Kami’y kumonsulta sa maraming espesyalista ngunit bahagya lamang ang naging tagumpay. Napagkilala ko na may mga ilang kalagayan sa buhay na ito na wala nang ibang magagawa kundi tanggapin.

Sa unang 12 taon ng kaniyang buhay, si Craig ay biglang-biglang huminto ng pagkain at pag-inom. Ito’y may kasabay na biglang pagsusuka. Inaakalang ang sanhi nito ay ang kapinsalaan ng sistema nerbiyosa. Siya’y nagsisimula ngayon na literal na maparam sa harap ng aming mga mata. Ang panalangin ang tumulong sa amin na makapanaig sa suliranin, at ang gamot na inihatol ng manggagamot ang tumulong upang makontrol ang sakit. Nakatutuwa naman, si Craig ay waring nabubuhayan uli ng loob sa mismong sandaling iyon, at minsan pa ay kaniyang inaaliw kami ng kaniyang kabigha-bighaning ngiti at walang lagot na mga awitin.

Sa simula ay naging napakahirap kay Josefa na bumagay sa ganitong makabagbag-pusong katayuan. Ngunit nanagumpay rin sa wakas ang kaniyang pag-ibig at pagtitiyaga sa pag-aasikaso sa lahat ng pangangailangan ni Craig. Dahil dito kami ay patuloy na nakalipat saanman na lalong malaki ang pangangailangan ng tulong na Kristiyano. Dahil sa pagsuporta at praktikal na pagtulong ni Josefa, sa loob ng kung ilang mga taon ay nagawa kong ang isang bahagi ng aking panahon ay gamitin ko sa paghahanap-buhay, samantalang nagagawa ko pa rin ang mag-auxiliary payunir bukod sa pagsuporta sa aming pamilya.

Kailangang Maging Positibo ang Kaisipan

Pagka si Craig ay nanlulumo dahilan sa paulit-ulit na karamdaman o sa kabiguan dahil sa kaniyang mga kapansanan, siya’y aming pinalalakas-loob sa pamamagitan ng isa sa aming paboritong mga teksto: “Hindi kami ang uri na umuurong.” (Hebreo 10:39) Ito’y aming nasasaulo, at sa tuwina’y nakapagpapatibay-loob sa kaniya.

Palibhasa’y musmos pa si Craig, gustung-gusto niya ang maglingkod sa larangan. Dahil sa gumagamit siya ng isang pantanging silyang de-gulong, kadalasa’y nakákasáma siya sa amin. Siya’y lalong higit na nagagalak sumama sa amin pagka, paminsan-minsan, ako’y naglilingkod sa mga ibang kongregasyon bilang pansamantalang tagapangasiwa ng sirkito. Ang kaniyang limitadong pagkukomento sa panggrupong pag-aaral at ang kaniyang laging pagsasalita tungkol sa mga kuwento sa Bibliya sa pantanging paaralan na kaniyang pinapasukan, ay may epekto na kaming walang mga kapansanan ay di namin magawa. Kaya naman dahil kay Craig ay nagunita ko na anuman ang ating mga kapansanan, tayo’y magagamit ni Jehova upang gawin ang kaniyang kalooban at layunin.

Noong ilang panahong lumipas ako’y nagkapribilehiyo na maging isang instruktor sa Kingdom Ministry School. Pagkaraan ng lahat ng aking mga taon sa ministeryo, ako’y totoong ninenerbiyos pa rin sa pasimula. Ngunit pagkatapos, dahil sa pagtitiwala kay Jehova, ang aking mga nerbiyos ay kumakalma, at minsan pang nadama ko ang umaalalay na kapangyarihan ni Jehova.

Sa paglingon ko sa nakaraan pagkatapos ng mga 50 taon ng buhay na iyon, ako’y kumbinsido na si Jehova lamang ang maaaring maibiging magsanay sa isang indibiduwal na kagaya ko, na ginagawa siyang isang taong espirituwal.

[Larawan ni Thomas at Josefa Addison sa pahina 10]

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share