Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Angkop ba para sa isang Kristiyano na mangaso o mangisda?
Ang sarisaring reaksiyon sa pangangaso ay kalimitan kinasasangkutan ng matitinding damdamin. Kaya’t pinakamagaling para sa mga Kristiyano na magsikap na maunawaan at ikapit ang kaisipan ng Diyos na Jehova sa bagay na iyan ayon sa makikita sa Bibliya.
Binigyan ng Diyos ang tao ng kapamahalaan sa kapuwa “maiilap” at “maaamo” na mga hayop. Sa simula, ang mga tao ay hindi binigyan ng Maylikha ng kapahintulutan, ni marahil may anumang pisikal na pangangailangan, na magpatay ng mga hayop para makain. (Genesis 1:24, 29, 30) Pagkatapos lamang ng Baha binigyan ng Diyos ang tao ng karapatan na kumain ng karneng hayop na wastong pinatulo ang “kaluluwa niyaon—ang dugo niyaon.” (Genesis 9:3, 4) Iyan ay maaaring karne buhat sa maaamo o dili kaya’y maiilap na mga hayop.
Ang mga Israelita ay nag-alaga ng mga hayop, tulad baga ng mga tupa at mga baka, na maaaring katayin para makain pagka gusto nilang kumain ng karne. Sila ay nangangaso rin at nangingisda upang may makain. (Deuteronomio 12:20-24; 14:4-20) Ito’y kasuwato ng kahulugan sa makasagisag na pananalita ng Diyos na siya’y ‘magsusugo ng maraming mamamalakaya upang mamalakaya ukol sa kaniyang bayan at maraming mga mangangaso upang mangaso ukol sa kanila.’ (Jeremias 16:16) Nang malaunan, si Jesus ay tumawag ng mga mamamalakaya upang makabilang sa kaniyang mga apostol at nangasiwa ng aktuwal na mga pamamalakaya.—Mateo 4:18-22; 17:27; Lucas 5:2-6; Juan 21:4-7.
Nang ang matanda nang patriarkang si Isaac ay humiling ng isang masarap na lutuing karne, ang kaniyang anak na si Jacob ay pumayag na pumatay ng dalawang batang kambing upang lutuin para sa kaniya. Si Esau, naman, ay humuli ng isang mailap na hayop upang makakuha ng karneng usa para sa kaniyang ama. Pansinin na bagaman maaaring makakuha ng karne buhat sa maaamong alagang hayop, ang hiningi ni Isaac ay karne buhat sa isang hayop na nahuhuli sa pangangaso. Pansinin, din, na ang kapuwa mga anak na iyan ay pumatay ng mga hayop na magiging pagkain, hindi ng kanilang sarili, kundi ng iba.—Genesis 27:1-19.
Ang mga hayop ay maaaring patayin hindi lamang para gawing pagkain ang kanilang karne. Ang kanilang balat ay maaaring gawing damit. (2 Hari 1:8; Marcos 1:6; Hebreo 11:37) Buhat sa mga balat ng hayop ay gumagawa rin ng mga pantakip na balabal at mga gamit sa kusina, maging galing man sa mga hayop na itinuturing na marurumi upang kanin at hindi kinakain ng mga Israelita.—Exodo 39:33, 34; Bilang 24:7; Hukom 4:19; Awit 56:8.
Ang kahilingan ng Diyos na ang dugo ng pinatay na mga hayop ay ibubuhos sa lupa ay dapat magpagunita sa mga mangangaso na ang buhay ng hayop ay galing sa kaniya kung kaya’t dapat na igalang, hindi pakitunguhan nang walang patumangga. (Levitico 17:13) Marahil si Nimrod ay pumatay ng mga hayop at marahil kaniyang pinangalandakan ang kaniyang pagkadalubhasang manghuli ng mga hayop kung nangangaso, pati ang dami ng kaniyang napapatay na mga hayop, o ang mga tropeo na maaaring nakuha niya dahil sa mga ito. Siya’y “isang makapangyarihang mangangaso na salungat kay Jehova.”—Genesis 10:9.
Ang ganiyang katuwaan na mangaso o pumatay ng mga hayop, o mangisda, ay maaaring sumibol sa isang Kristiyano. Maraming mangangaso o mamamalakaya na sumuri sa kaniyang puso ang nakadiskubre na siya’y nahawahan na ng ‘katuwaang pumatay.’ Ang ganiyang katuwaan ay kasama ng walang patumanggang kawalang-pakundangan sa buhay ng hayop. Kaya bagaman hindi masama na mangaso o mangisda (pagka ang napatay o huli ay gagamitn ng iba para pagkain o ibang angkop na layunin), hindi wasto na gawin iyon kung ang isang Kristiyano ay may espiritung nakakahawig ng kay Nimrod. Ngunit may mga panganib bukod sa katuwaang bunga ng pagtugis, ng pagpatay, o ng pagtanggap ng isang tropeo.
Tinalakay ng Ang Bantayan ng Enero 15, 1984, kung bakit ang mga tunay na Kristiyano ay hindi nagdadala o nag-iingat ng mga baril para gamitin laban sa mga tao o para magsilbing proteksiyon sa kanila. (Pahina 16-21) Ang pagbubulay-bulay sa payong iyan ay umakay sa mga ibang Saksi na muling suriin ang kahit na pagkakaroon man lamang ng mga baril sa pangangaso. Marami ang tuluyang nag-alis na ng kanilang mga baril o hindi na nila ito inilalantad sa publiko at ito’y madali nilang kunin. Ang mga Kristiyanong ito sa gayon ay hindi magbibigay ng impresyon na kanilang ipinagmamalaki ang mga armas o pinagtitiwalaan ang mga ito. Isa pa, sa hindi pagkakaroon ng mga baril sa pangangaso, o dili kaya ang hindi paglalagay sa mga ito sa mga lugar na kung saan madaling makuha ang mga ito, ay makahahadlang sa trahedya. Ang nakamamatay na armas ay hindi maaaring manggaling kung gayon sa kamay ng mga bata na sa di-sinasadya’y maaaring makasakit o makamatay kaninuman ni kung mayroon mang mga baril na malapit kung may sinuman na labis na natakot o dumaranas ng kalumbayan.—Ihambing ang Kawikaan 22:3.
Ang ibang mga Kristiyano ay baka magustuhin sa lasa ng anumang hayop o ng isda, at ang pinakapraktikal na paraan upang makuha ang ganiyang pagkain ay sa pamamagitan ng pangangaso o pangingisda. Ang iba naman ay nasasarapan sa hangin at sa pag-eehersisyo na kaugnay ng pangangaso sa gubat, o kanilang nadaramang ang mga tahimik na oras ng pangingisda ay nakare-relaks. Ang Bibliya ay hindi nagsasalita nang laban dito, kaya hindi kailangang hatulan ang iba tungkol sa kung sila’y nasisiyahan o hindi sa gayong mga bagay. At ang halimbawa ni Isaac at ng kaniyang mga anak ay nagpapakita na hindi kailangang gawing isang isyu ang tungkol sa kung sino ang kakain ng nahuling hayop o isda.—Mateo 7:1-5; Roma 14:4.
Si apostol Pedro ay marahil may hilig din sa pangingisda. Samantalang may mga isdang nakatambak sa malapit, ang binuhay-muling si Jesus ang tumulong sa kaniya upang siyasatin ang kaniyang sariling damdamin tungkol sa isda o sa hanapbuhay na pamamalakaya. Si Jesus ay nagtanong: “Simon anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?”—Juan 21:1-3, 9-15; tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1988, pahina 31.
Sa katulad na paraan, ang isang Kristiyano na sa taglay niyang mabuting budhi ay nagpapasiyang mangaso o mangisda ay dapat makaalam ng kung ano ang kaniyang uunahin. Halimbawa, kung ang panahon ng pangangaso o pangingisda ay napataon sa panahon ng mga pulong ng kongregasyon, ano ang dapat niyang gawin? O ang kaniya bang pananalita ay nagpapakita na kaniyang ipinagmamalaki ang kaniyang kahusayan sa pangangaso o sa pangingisda? Anong inam nga kung ang isang maygulang na Kristiyano na, kung manakanaka, nangangaso o nangingisda ay makapagsasabi nang may matibay na pananalig: “Oo, Panginoon, batid mo na kita’y minamahal [higit kaysa mga gawaing ito].”—Juan 21:16.