Pinayuhan ang mga Nagtapos sa Gilead na Pasulungin ang Pagkadalubhasang Makipag-usap
NOONG Linggo, Marso 4, 1990, mahigit na 4,100 katao ang naroroon sa Jersey City Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses para sa graduwasyon ng ika-88 klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Ang 24 na mga nagtapos ay nanggaling sa 6 na mga bansa at ngayo’y idinestino sa 13 mga bansa lahat-lahat.
Ang programa ay nagsimula sa ganap na ika-10:00 n.u. Pagkatapos ng isang awit, si George Gangas, ngayo’y mahigit na 90 anyos na at isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay nagbukas sa palatuntunan sa pamamagitan ng maningas na pananalangin kay Jehova. Pagkatapos nito, ang chairman, si C. W. Barber, isa ring miyembro ng Lupong Tagapamahala at isang graduwado rin ng ika-26 na klase ng Gilead, ay tumalakay nang maikli sa ilan sa mga mabilis na pagbabago sa tanawin ng sanlibutan. Nagtapos siya sa pagsasabi: “Kailanman ay ngayon may lalong kahanga-hangang pagkakataon na maging mga saksi sa pagiging kataas-taasan ni Jehova at ng kaniyang katuwiran.” Pagkatapos ay nagpatuloy siya na ipakilala ang iba’t ibang tagapagpahayag para sa programa sa umaga.
Si Vernon Wisegarver, isang miyembro ng Komite sa Pabrika sa Brooklyn, ay pumili ng temang “Maging Dalubhasa sa Inyong Gawain.” Sa paggamit ng ilustrasyon ng isang panday sa nayon na nagpanday ng isang matibay na tanikala na, samantalang nakakabit sa isang angkla, nagligtas ng buhay ng lahat ng nakasakay sa isang barko samantalang may bagyo, kaniyang inihambing sa panday ang mga nagtapos sa Gilead. Sa pagtuturo ng Bibliya sa mga tao, sila ay matutulungan na gumawa ng isang nagliligtas-buhay na mistulang tanikala ng maka-Diyos na mga katangian, na ginagamit ang pagkadalubhasang kanilang napaunlad sa kanilang pagsasanay sa Gilead. Kaniyang hinimok ang mga nagtapos na kung baga sa tabak patuloy na ihasa ang kanilang pagkadalubhasang magturo, at tumayo sa harap ng pinakadakila sa lahat ng Hari bilang “dalubhasang mga manggagawa.”
Pagkatapos, si John Barr, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay nagpahayag sa paksang “Tikman at Tingnan na si Jehova Ay Mabuti.” Ang kaniyang ipinahayag ay nakasalig sa Awit 34:8, na nagsasabi: “Inyong tikman at tingnan ninyo na si Jehova ay mabuti, Oh kayong mga tao; maligaya ang malusog at malakas na taong nanganganlong sa kaniya.” Kaniyang pinayuhan sila: “Tikman ang lahat ng bagay sa inyong teritoryong misyonero. Subukin ninyong lahat. Huwag kayong matakot doon. Kung magkagayon ay mararanasan ninyo ang kabutihan ni Jehova sa isang paraan na kailanma’y hindi pa ninyo ito nararanasan kundi noon lamang. Huwag maging pihikan. Huwag sabihin kailanman, ‘Hindi ko gusto ito.’ Tikman ninyo iyon.”
Si Charles Woody, isang miyembro ng Komite sa Departamento ng Paglilingkod sa Brooklyn, ay nagpahayag sa kaniyang piniling paksa, “Pananatiling May Timbang na Pangmalas sa Ating Sarili.” Sabi niya: “Tayo’y naliligayahang makasama yaong mga may timbang na pangmalas ng kanilang sarili, na hindi laging iginigiit na sundin ang kanilang sariling paraan, na mabilis na magbigay ng komendasyon at magpatibay sa iba, at, bagaman may kaalaman, hindi nila ipinadarama sa iba na ang mga ito ay wala niyaon.” Ang sabi pa niya: “Bilang mga misyonero nanaisin ninyo na maakit ang mga tao sa katotohanan, hindi ang sila’y palayuin. Ang inyong ugaling mapakumbaba ay malaki ang magagawa sa pagtulong sa kanila sa bagay na ito.”
Si Lyman Swingle, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang sumunod na nagpahayag sa temang “Ang Susunod na mga Kabanata, Ano Kaya ang Sasabihin Nito sa Atin?” Siya’y nagsimula sa pagsasabing: “Ngayon ay nagsisimula kayo ng isang bagong kabanata sa inyong buhay. Ano ba ang inyong isusulat sa mga kabanatang ito mula ngayon hanggang sa kinabukasan?” Kaniyang ipinagunita sa kanila: “Lahat ng inyong gagawin ay dapat magdala ng karangalan at kaluwalhatian kay Jehova,” at isinusog niya: “Tiyakin ninyo na ang inyong mga pasiya ay nakasalig sa Salita ng Diyos. Alalahanin ang Kawikaan 3:7, na nagsasabi: ‘Huwag kayong magpakapantas sa inyong sariling mga mata.’ Masumpungan nawa kayo na tapat sa pagsasagawa ng iniatas sa inyo.” Siya’y nagtapos sa pagsasabing: “Kami’y nagtitiwala na kayo’y hindi kailanman matatapos sa pagsulat ng inyong talambuhay, na kayo’y mabubuhay magpakailanman.”
Sumunod, si Jack Redford, isa sa mga instruktor ng paaralan, ay nagpayo sa mga graduwado: “Maging Buháy na mga Sakripisyo.” Siya’y nagsimula sa pagsasabing: “Ang paglilingkurang misyonero ay isang buhay ng pagsasakripisyo. . . . Aming iniibig kayo dahil sa inyong espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili.” Sa pagsipi sa Filipos 2:17, na kung saan sinabi ni apostol Pablo na siya’y ibinuhos na tulad ng isang handog na inumin, na ang ibig sabihin siya ay handang pagamit ng kaniyang sarili na gaya ng isang buháy na sakripisyo, siya’y nagtanong: “Ngunit papaanong ang isang misyonero ay kalimitan tulad ng mga handog na iniinom?” Pagkatapos ay naglahad siya ng dalawang karanasan tungkol sa mga misyonero na ginamit ang kanilang sarili nang higit pa sa hinihiling. Ang isa ay gumawa ng 16,000 ladrilyo sa pamamagitan ng kaniyang sariling mga kamay at nagtayo ng unang Kingdom Hall sa bansa na kinadestinuhan niya. Ang isa pang karanasan ay tungkol sa isang sister na sumama sa kaniyang asawa sa gubat, na kung saan labis na makamatandang-uso ang mga kalagayan sa pamumuhay. Ang lokal na mga sister ay pawang nagpahalaga sa kaniya sapagkat kanilang nakilala na siya’y naghahandog ng kaniyang sarili na tulad ng isang ‘haing buháy.’ Ngunit pagkatapos ay ipinagunita ng tagapagpahayag sa mga estudyante na ang hain ay walang halaga kung walang kasamang pagsunod. Sa paggamit sa kasaysayan ni Haring Saul at ng mga Amalekita, siya’y nagpayo: “Laging tandaan na ang pagsunod ay mas mainam kaysa hain. Kailanman ay huwag ninyong susubukin na makipagtawaran kay Jehova. Sa tuwina’y gawin ang kaniyang sinasabi sa inyo na gawin ninyo.”
Pagkatapos ay ipinakilala ng chairman yaong isa pang instruktor sa paaralan, si Ulysses Glass. Si Brother Glass ay nagsimula sa pagsasabi: “Ang ika-88 klase, noong nakaraan at ngayon, ay isang maligayang klase. Ang ibang mga klase ay maliligaya rin naman. Kung gayon, bakit nga ang inyong kaligayahan ay kapuna-puna sa lahat?” Kaniyang ipinakita na ang kaligayahan ay “hindi isang tunguhin kundi isang resulta ng matuwid na mga gawa. Ang paraan ng pagpunta roon ang nagdadala ng gantimpala.” Sumipi siya ng isang autor na ang buhay ay nabago sa pagkakita ng pariralang: “Ang tagumpay ay isang paglalakbay, hindi isang patutunguhan.” Ang autor ay nagpanata na siya’y hihinto ng pagbibigay-halaga sa kaligayahan batay sa pagdating sa mga patutunguhan sa halip na malasin ang kaniyang buong buhay bilang isang patuloy na paglalakbay. “Walang daan na patungo sa kaligayahan,” aniya. “Ang kaligayahan ang daan.” Pagkatapos ay binanggit ni Brother Glass na nasakyan ng klaseng ito ang pinakabuod ng mga salitang iyon. Siya’y nagtapos sa pamamagitan ng mga salitang kuha sa ika-84 na Awit at nagsabi: “Patuloy na lumakad sa mga dakong nasa siping ng mga tubig na pahingahan. Ano mang mga suliranin ang mapaharap sa inyo, harinawang ang kaligayahan ng mga umiibig at natatakot kay Jehova ay magpatuloy sa inyo.”
Pagkatapos ay sumapit ang tampok na pahayag sa umaga, na ibinigay ng isa pang miyembro ng Lupong Tagapamahala, si Karl Klein, na ang napiling tema ay “Pagpapasulong ng Komunikasyong Kristiyano.” Siya’y nagsimula sa pamamagitan ng pagpapaalala sa lahat na si Jehova ang pinakadakila sa lahat ng mga tagapagsalita. Ang kaniyang bugtong na Anak, ang Logos, ay ginamit bilang Punong Tagapagsalita ni Jehova, at siya ang nagpahayag ng kalooban at mga turo ng Diyos sa makalupang mga nilalang. Nang si Jesus ay nasa lupa, ang karamihan ay nanggilalas sa kaniyang paraan ng pagtuturo. Kailanman ay noon lamang sila nakarinig ng isang taong nagsalita na gaya niya. Sa Mateo 28:19, 20, pinatibay-loob ni Jesus ang kaniyang mga alagad na maging mabubuting tagapagsalita sa pamamagitan ng paghayo sa sanlibutan, na nagtuturo sa iba ng kaniyang mga pag-uutos at ginagawa silang mga alagad.
Pagkatapos, sa pamamagitan ng tuwirang pagsasalita sa magiging mga misyonero sa hinaharap, sinabi ni Brother Klein na may apat na pitak na dapat pag-isipan ang mga misyonero sa pagpapasulong ng mga katangian ng mabuting komunikasyon: sa pagitan ng mag-asawa, sa pakikitungo sa iba sa tahanang misyonero, sa pakikitungo sa mga nasa tanggapang sangay na kinadestinuhan nila, at sa kanilang natatagpuan sa paglilingkod sa larangan. “Kayo’y nagsisimula nang makipag-usap bago pa man ninyo bukhin ang inyong bibig,” ang sabi ni Brother Klein. “Ang inyong tindig at pag-aayos ay nagbibigay ng impresyon sa maybahay.” Pagkatapos ay nagbigay siya ng ilang ilustrasyon upang patunayan ang kaniyang punto at nagtapos sa ganitong mga payo: “Kayo’y maging mapakumbaba. Panatilihing bukás ang mga linya ng komunikasyon. Magsikap na maging lalong mahuhusay na mga tagapagsalita.”
Pagkatapos na basahin ang mga pagbati, bawat isa sa mga graduwado ay pinagkalooban ng chairman ng diploma. Pagkatapos ay nagharap ang klase ng isang resolusyon na pahatid sa Lupong Tagapamahala at sa pamilyang Bethel na binasa ni Paul Angerville ng Guadeloupe.
Ang sesyon sa hapon ay nagsimula sa Pag-aaral ng Bantayan. Pagkatapos nito, ang mga estudyante ay nagtanghal ng isang programa na nagbigay sa mga naroroon ng pagkakataon na makita ang isang bagay na may kaugnayan sa kanilang ginagawa sa silid-aralan, magmasid sa kanilang impormal na mga pagsasalu-salo sa kanilang mga kuwarto, at marinig ang marami sa kanilang mga karanasan sa paglilingkod sa larangan sapol nang sila’y pumarito sa Gilead limang buwan na ngayon ang nakalipas. Sa wakas, nagpalabas ng isang mainam na drama na may temang Paggawa ng Matuwid sa Paningin ni Jehova. Ang drama ay ginampanan ng mga mamamahayag buhat sa Lyndhurst Kongregasyon, New Jersey. Ang maghapon ay natapos sa pansarang awit, na sinundan ng panalangin ni Fred Franz, ang 96-anyos na presidente ng Samahan.
[Kahon sa pahina 27]
ESTADISTIKA NG KLASE
Bilang ng bansang may kinatawan: 6
Bilang ng bansang pinag-atasan: 13
Bilang ng mga kapatid na binata: 2
Bilang ng magkaparehang mag-asawa: 11
Bilang ng mga estudyante: 24
Katamtamang edad: 32.7
Katamtamang taon sa katotohanan: 14
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 9
[Larawan sa pahina 26]
Ika-88 Klaseng Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hilera ay nilagyan ng numero mula harap palikod at ang mga pangalan ay nakatala mula kaliwa pakanan sa bawat hilera. (1) Magney, D.; Rogers, L.; Foster, S.; Foley, R.; Untch, L.; Jonasson, G. (2) Buri, H.; Buri, B.; Krammer, M.; Hudson, D.; Underkoffler, J. (3) Angerville, P.; Olsson, M.; Jones, A.; Untch, R.; Krammer, A.; Hudson, C. (4) Foley, L.; Magney, J.; Jones, A.; Jonasson, H.; Foster, M.; Rogers, M.; Underkoffler, R.