Pumapasok sa Buhay na Kapaki-Pakinabang ang mga Nagtapos sa Gilead
“ANONG sayáng okasyon ito, ang pagtatapos ng ika-90 klase ng Gilead!” Sa mga salitang iyan, pinasimulan ng chairman, si Karl F. Klein ng Lupong Tagapamahala, ang programa ng graduwasyon. Sa paggunita sa pagpapasimula ng Watchtower Bible School of Gilead, kaniyang isinusog: “Sino ang mag-iisip, noong 1943, nang magtapos ang unang klase ng Gilead na makalipas ang 48 taon tayo ay magtitipun-tipon pa rin para sa pagtatapos ng isa pang klase—ang ika-90?”
Gayunman, noong Marso 3, 1991, na maalinsangang araw na di-sana dapat magkagayon sa New Jersey, mahigit na 4,000 inanyayahang panauhin at mga miyembro ng pamilyang Bethel ang nagtipon sa Jersey City Assembly Hall, na nasa kabilang ibayo lamang ng ilog kung ikaw ay nasa New York City, para sa pagtatapos ng mga bagong misyonerong ito. Bago pumasok sa buhay misyonero, ang mga nagtapos ay tatanggap ng ilang huling paalaala may kaugnayan sa kanilang araw ng graduwasyon.
Ang programa ay nagsimula sa isang awit. Pagkatapos, lahat ng naroroon ay naantig ang kalooban nang si Frederick W. Franz, ang 97-taóng-gulang na presidente ng Watchtower Bible School of Gilead, ay manguna sa pambungad na panalangin. Pagkatapos ng pambungad na pahayag ng chairman, ang mga nagtapos—at lahat ng dumalo—ay matamang nakinig sa sunud-sunod na maiikli, praktikal na mga pahayag.
Si Max H. Larson ng Komite sa Pabrika ang unang nagsalita, sa temang “Mga Kamanggagawa ni Jehova.” Pagkatapos itawag-pansin ang daong ng kaligtasan na ginawa ni Noe at ng kaniyang pamilya, sinabi niya: ‘Sa ngayon si Jehova ay tumitipon ng isang pambuong-sanlibutang pamilyang binubuo ng milyun-milyon, at kaniyang nilayon na itawid sa malaking kapighatian ang malaking pamilyang ito.’ Papaano? Aba, sa pamamagitan ng modernong daong—ang espirituwal na paraiso! ‘Kayo,’ ang pagunita niya sa mga nagtapos, ‘ay pupunta sa iba’t ibang panig ng mundo, na kung saan kayo ay magiging mga kamanggagawa ni Jehova sa pagtatayo ng modernong daong.’ Upang ihanda sila sa mga bagay na hinaharap nila, sinabi niya: ‘Ito’y mangangailangan ng inyong pagpapagal. Kakailanganin ang pagtitiyaga. Kayo’y mapapaharap sa mga balakid. Dito kakailanganin ninyo ang pagkadalubhasa na ibinigay sa inyo ng inyong pagsasanay.’
Si Daniel Sydlik, isang kagawad ng Lupong Tagapamahala, kamakailan ay dumalaw sa matatagal nang mga misyonero sa Hapón at Costa Rica. Sa pagpapahayag sa temang “Kayo’y May Kapaki-pakinabang na Pamumuhay,” kaniyang tinalakay ang ilan sa nakatutulong na mga mungkahing kaniyang narinig sa matagumpay na mga misyonerong ito. Isang sister, ang sabi niya, ang ibinahagi ang payo na ibinigay sa kaniya ng kaniyang ina: ‘Mahalin mo ang paglilingkod sa larangan. Makipagkaibigan ka sa mga tao. Ang iba’y bahaginan mo ng iyong buhay, at iyon ay magdudulot ng kaligayahan sa iyo.’ Isa pang sister ang nagsabi: ‘Sa lumakad na mga taon, natanto natin na kung hindi naman gaanong malaki ang inaasahan natin sa iba, tayo’y hindi madaling masisiraan ng loob. Anumang gawang kabaitan at pag-aalaala sa atin ay malaki na ang kabuluhan sa atin.’ Ang pagkakapit ng ganiyang praktikal na payo ay tiyak na tutulong sa mga nagtapos upang maging matagumpay na mga misyonero.
“Maging matiisin sa lahat,” ang sabi ng 1 Tesalonica 5:14. Si Leon Weaver ng Kagawarang Komite sa Paglilingkod ay nagkomento sa tekstong ito sa kaniyang pagpapahayag ng temang “Maging Matiisin sa Lahat ng Inyong Aktibidades.” Sino ba ang kasali sa “lahat” na sa kanila’y dapat tayong maging matiisin? Ang tagapagpahayag ay sumagot: ‘Yaong mga makakausap ninyo sa paglilingkod sa larangan. Ang mga kapatid sa inyong bagong kongregasyon. Ang inyong mga kapuwa misyonero. Ang mga nasa sangay. Ang inyong kasama. Ang inyong sarili mismo.’ Bakit kailangang maging matiisin sa lahat ng ating aktibidades? ‘Mga kapatid,’ ang paliwanag ng tagapagpahayag, ‘dahil sa pagtitiis ay nababawasan ang kaigtingan at ang pagkabalisa. Ang pagtitiis ay nagdudulot ng kapayapaan. Dahil sa pagtitiis ay napananatili ang pag-asa. Ang pagtitiis ay tumutulong sa atin na mapamalagi ang ating kagalakan sa paglilingkod.’
Si Albert D. Schroeder, isang kagawad ng Lupong Tagapamahala at unang-unang tagapagrehistro ng Paaralang Gilead, ang sumunod na nagsalita. Sa pagpapahayag sa temang “Patuloy na Tularan ang Inyong Halimbawa—si Jesu-Kristo,” ang kaniyang mga komento ay isinalig niya sa Filipos kabanata 2. “Manatili kayo sa ganitong kaisipan [“Ito ang maging inyong pag-iisip,” talababa] na taglay rin ni Kristo Jesus,” ang sabi ng Fil 2 talatang 5. ‘Ito’y nagpapakita,’ ang paliwanag ng tagapagpahayag, ‘na tayo’y kailangang magkaroon ng timbang na kaisipan, kung papaanong si Jesus mismo ay nagkaroon ng timbang na kaisipan.’ Pasimula sa Fil 2 talatang 6, siya’y gumawa ng isang interesanteng pagsusuri, na nagpapakitang si Pablo ay nagbigay muna ng mga patotoo na may timbang na kaisipan si Jesus (Fil 2 talatang 6-8) at pagkatapos ay binalangkas ang mga paraan na doo’y ginantimpalaan siya ni Jehova dahil sa kaniyang pagkamasunurin (Fil 2 talatang 9-11). ‘Ito’y bahagi ng inyong pribilehiyo,’ ang kaniyang pantapos, ‘na ipangaral ang Panginoong Jesu-Kristo, tulungan ang iba na magkaroon din ng gayong kaisipan na taglay niya.’
Ano ba ang salitang pamamaalam ng mga instruktor ng paaralan para sa kanilang mga estudyante? Si Jack D. Redford ay nagpahayag sa temang “Ang Kakayahang Umisip ay Patuloy na Magbabantay sa Inyo.” (Kawikaan 2:10, 11) ‘Samantalang kayo ngayon ay lalabas na,’ aniya, ‘ang inyong kaligayahan ay hindi magiging depende sa kung sino kayo o kung ano ang inyong taglay o kahit na sa bagay na kayo ay isang nagtapos sa Gilead. Ang inyong kaligayahan ay dedepende sa kung papaano ang takbo ng inyong kaisipan. Kung kayo’y gagamit ng kakayahang umisip at ikakapit ninyo ang inyong kaalaman, kayo’y liligaya.’ Sa pagpapakita ng kahalagahan ng kakayahang umisip, siya’y nagpaliwanag: ‘Ang pagkakaiba ng tamang pagkilos at ng maling pagkilos ay ang pag-iisip. Sa inyong iniisip depende ang inyong gagawin.’ Si J. D. Redford ay nagtapos sa pamamagitan ng mga salitang pampatibay-loob sa mga estudyante: ‘Napakaraming totoong matatalinong tao sa daigdig na hindi mahusay na mag-isip, at maraming tao na may katamtamang talino na naging sanáy gumamit ng pag-iisip. Kaya ang kasanayang iyan ang dapat na makamit. Maging desidido na gamitin ang inyong isip. Gamitin ang inyong kaalaman. Harapin ninyo ang mga suliranin. Makisama kayong mabuti sa mga tao. Tanggapin ninyo ang autoridad. Maging mabunga kayo sa inyong gawain. Magtiis kayo sa iniatas sa inyo.’
Ang temang “Inaalalayan ni Jehova ang Ating Kamay,” batay sa Awit 37:23, 24, ang pinili ni Ulysses V. Glass, ang tagapagrehistro ng paaralan. ‘Pinupuri ko ang klaseng ito,’ aniya, ‘dahil sa kanilang interes na matuto.’ Kaniyang ipinaalaala sa kanila ang ilan sa mga tulong na inilaan ni Jehova upang alalayan sila—ang Salita ng Diyos, ang tapat at maingat na alipin sa ilalim ng pangangasiwa ni Jesus upang magbigay ng kahulugan at pagkaunawa buhat sa Kasulatan, sarisaring publikasyon, mga pulong, at mga kombensiyon. ‘Ang mga tulong na inyong ginamit sa inyong pag-aaral,’ ang patuloy pa niya, ‘ay mistulang espirituwal na baston at pamalo. Kailangan natin ito na pinaka-espirituwal na suporta, at tinutulungan tayo na magsalita nang may autoridad sa paghahatid sa iba ng Salita ng Diyos.’ Sa pagtatapos ay ganito ang kaniyang payo sa mga estudyante: ‘Kung ang inyong puso ay puspos ng pag-ibig para sa mga tao, ang tapat na mga puso ay tutugon. Kayo’y magtatagumpay sa inyong ministeryo, at inyong madarama na inaalalayan ni Jehova ang inyong kamay.’
Ang katapusang tagapagpahayag sa programa sa umaga ay si Carey W. Barber ng Lupong Tagapamahala, na ang piniling tema ay “Pumasok Kayo sa Makitid na Pinto.” Sa pagpapaliwanag tungkol sa Lucas 13:23, 24, sinabi niya: ‘Marami ang naghahangad ng mga pagpapala ng buhay, ngunit kakaunti ang nagnanais na puspusang magsikap upang makamit ang mga iyan.’ Kumusta naman tayo? ‘Makabubuting itanong natin sa ating sarili, “Ano ba ang kahulugan sa akin ng larawang ito ng makitid na pinto?” ’ Ang mga bigong makapasok sa makitid na pinto ay nabibigo, hindi dahilan sa ito’y imposible, kundi dahil sa sila’y ayaw na puspusang magsumikap. ‘Si Jehova ay hindi naman humihingi sa atin nang labis-labis,’ ang paliwanag ng tagapagpahayag. ‘Sa tulong ni Jehova,’ aniya, ‘harinawang lahat tayo ay may kagalakang magsumikap nang husto upang magpilit na makapasok sa makitid na pinto tungo sa bagong sanlibutan ng buhay na walang-hanggan, kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan, sa walang-hanggang kaluwalhatian ni Jehova!’
Pagkatapos ng mga pananalitang ito, inihatid ng chairman ang mga pagbating tinanggap buhat sa iba’t ibang panig ng mundo. Sumapit na ngayon ang oras upang tanggapin ng mga nagtapos ang kanilang diploma. Ang mga estudyante ay nanggaling sa anim na bansa—Canada, Pinlandiya, Alemanya, Gran Britanya, Switzerland, at Estados Unidos. Sila’y naatasan naman sa mga bansang gaya ng Argentina, Benin, Bolivia, Dominican Republic, Papua New Guinea, Peru, St. Lucia, at Taiwan. At ano ang nadama ng mga nagtapos sa araw ng kanilang pagtatapos? Sa isang nakapupukaw na liham na pahatid sa Lupong Tagapamahala at sa pamilyang Bethel, ganito ang sabi nila sa isang bahagi: “Kami’y nagtitiwala sa pagtangkilik ng Lupong Tagapamahala, ng pamilyang Bethel, at ng buong organisasyon ni Jehova. Samantalang napapaharap kami sa mga pagsubok na napipinto, ang pagtangkilik na iyan ay aming pakamamahalin. Dahilan dito tunay na kami’y nagpapasalamat.”
Pagkatapos ng sandaling pamamahinga, ang programa sa hapon ay nagsimula sa pamamagitan ng isang pinaikling Pag-aaral sa Bantayan, na pinangunahan ni Karl A. Adams. Pagkatapos, ang mga estudyante ay nagsadula ng tunay na mga karanasan na ang pinupuntirya ay ang puso sa pagtuturo ng Salita ng Diyos. Sa wakas, lahat ng naroroon, kasali na ang mga nagtapos ng ika-90 klase, ay nasiyahan sa isang napapanahong drama na pinamagatang Iwasan ang mga Kabalisahan sa Buhay, na itinanghal ng lokal na mga mamamahayag.
Ang chairman, si Karl Klein, ay nagsalita para sa lahat nang kaniyang sabihin sa kaniyang pantapos na mga pananalita: “Tunay na nakabuti sa atin na tayo’y naririto sa ikatlong araw na ito ng Marso 1991!” Ang nakalulugod na palatuntunan ay nagtapos sa isang pansarang awit, sinundan ng isang panalangin ni Harold J. Dies.
[Kahon sa pahina 27]
Mga Estadistika ng Klase
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 6
Bilang ng mga bansang pinagdestinuhan: 10
Kabuuang bilang ng mga estudyante: 24
Katamtamang edad: 31.2
Katamtamang taon sa katotohanan: 15
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 11
[Larawan sa pahina 26]
Ika-90 Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang bilang ng mga hanay ay mula sa harap papalikod at ang mga pangalan ay nakatala mula kaliwa pakanan sa bawat hanay. (1) Miller, M.; Helenius, S.; Marsh, L.; Kleeman, A.; Loosli, Y.; Nizan, H. (2) Skogen, R.; Nutter, D.; Noack, E.; Diehl, L.; Hair, J. (3) Marsh, C.; Helenius, H.; Loosli, M.; Danio, A.; Danio, A.; Nizan, D. (4) Miller, L.; Noack, J.; Hair, L.; Kleeman, W.; Skogen, D.; Diehl, S.; Nutter, W.