Ang Pagtanggap sa Regalong Pagmimisyonero ng mga Nagtapos sa Gilead
NOONG Marso 1, 1992, ang 22 miyembro ng ika-92 ng nagtapos na klase ng Watchtower Bible School of Gilead ay tumanggap ng isang regalo—ang regalo ng paglilingkurang misyonero. Sa pagpapahayag sa klase, sinabi ni Lloyd Barry ng Lupong Tagapamahala: “Harinawang tanggapin ninyo ang kahanga-hangang regalong iyan na taglay ang malaking kagalakan, at harinawang gamitin ninyo iyan sa pagdadala ng kagalakan sa iba.”
Mga 4,662 inanyayahang mga panauhin at mga miyembro ng pamilyang Bethel ang nagtipon sa Jersey City Assembly Hall, sa New Jersey, para sa programa ng pagtatapos. Isa pang 970 sa mga pasilidad sa New York ng Watchtower Society sa Brooklyn, Wallkill, at Patterson ang iniugnay sa pamamagitan ng linya ng telepono. Lahat ay nakinig nang mainam habang ang mga nagtapos ay binigyan ng ilan pang huling payo na tutulong sa kanila na lubhang pahalagahan ang regalong paglilingkurang misyonero at gamitin iyon nang may katalinuhan.
Ang programa ay nagsimula sa masiglang pag-awit ng awit bilang 155, “ ‘Tanggapin ang Isa’t Isa’!” Pagkatapos, lahat ay napukaw nang si Frederick W. Franz, ang 98-taóng-gulang na presidente ng Paaralang Gilead, ay taos-pusong nanalangin. Pagkatapos, ang tsirman, si Carey Barber ng Lupong Tagapamahala, ang tumanggap sa lahat sa programa ng pagtatapos at nagsabi: “Ngayon higit kailanman may lalong malaking pangangailangan sa mga misyonero ng Gilead.” Pagkatapos ng kaniyang pahayag, kaniyang sinimulan ang isang serye ng maiikling pahayag na nakatutulong.
Si Curtis Johnson ng Bethel Home Committee ang unang nagsalita, binuo ang temang “Alagaan Ninyong Mabuti ang Inyong Halamanan.” Binanggit ni Brother Johnson na pagdating ng mga bagong misyonerong ito sa kanilang destino, bawat isa sa kanila ay magkakaroon ng isang espirituwal na halamanan na lilinangin. (1 Corinto 3:9) Ang bayan ni Jehova sa buong daigdig ay isang espirituwal na halamanan na namumukadkad sa katuwiran at papuri sa harap ng lahat ng bansa. (Isaias 61:11) ‘Kung papaano ninyo inaalagaan ang inyong espirituwal na halamanan sa hinaharap,’ ang idiniin ng tagapagpahayag, ‘ay magkakaroon ng malaking epekto sa tagumpay ng inyong atas-misyonero.’ Ano ang tutulong sa kanila na pangalagaang mabuti ang kanilang espirituwal na halamanan? ‘Si Jehova ay maaaring maging isang pader na magsisilbing proteksiyon sa palibot ng inyong espirituwal na halamanan. Kung kayo ay desidido na paunlarin ang matuwid na mga gawa, laging lumapit sa kaniya sa panalangin, at pagkatapos ay gumawang kasuwato ng inyong mga panalangin.’
Sumunod, si Lloyd Barry naman ang nagsalita sa temang “Laging Magalak sa Panginoon.” (Filipos 4:4) Taglay ang mahigit na 25 taon ng karanasan sa pagmimisyonero sa Hapón na mapagkukunan ng karanasan, siya’y may ilang praktikal na mga mungkahi na tutulong sa mga nagtapos upang masayang makinabang sa regalong paglilingkurang misyonero. Sinabi niya: ‘Masusumpungan ninyo na ang inyong kagalakan sa paglilingkod sa Diyos ay tutulong sa inyo na madaig ang marami sa mga kagipitan at marahil ang ilan sa pisikal na mga suliranin na mapapaharap sa inyo.’ (Kawikaan 17:22) Kaniyang pinaalalahanan ang mga nagtapos na marahil sila’y mapapaharap sa mga kalagayan at mga situwasyon na may pagkakaiba sa dati nang napapaharap sa kanila. Baka sila’y kailangang matuto ng isang bagong wika. ‘Kailangang magpagal nang puspusan upang matuto ng wika. Subalit pagka kayo ay malayang nakikipag-usap sa mga tao sa kanilang sariling wika, ito man ay may maidaragdag din sa inyong kagalakan.’
Sa pagbuo sa temang “Ipako ang Inyong Mata sa Gantimpala,” ang sumunod na nagsalita ay si Eldor Timm ng Factory Committee. Ano ba ang gantimpala? Buhay na walang-hanggan! Upang makamit ito kailangang ipako natin doon ang ating mata. Tinalakay ng tagapagpahayag ang ilan sa mga pagkakahawig at mga pagkakaiba ng mga Kristiyano sa karera ng buhay at sa mga mananakbo sa mga kompetisyon sa laro noong unang siglo. Tulad ng mga mananakbo, ang mga Kristiyano ay kailangang puspusang magsanay, sumunod sa mga alituntunin, at alisin ang nakasasagabal na mga pabigat. Subalit di-tulad ng literal na mga mananakbo, ang mga Kristiyano ay nasa isang habambuhay na takbuhan at naghahangad ng gantimpalang nananatili magpakailanman. Sa halip na may iisang nananalo, lahat ng tumatakbo sa takbuhan ng buhay hanggang sa katapusan ay tatanggap ng gantimpala. Nagtapos ang pahayag ni Brother Timm: ‘Upang makamit ang gantimpalang buhay, kailangang may pakikipagpayapaan kay Jehova, ang Tagapagkaloob ng gantimpala. At upang magkaroon ng pakikipagpayapaan kay Jehova, tayo’y kailangang may pakikipagpayapaan sa ating mga kapatid.’
Si Milton Henschel ng Lupong Tagapamahala ay sumunod na nagsalita sa temang “Sa Pamamagitan ng Kaaliwan Buhat sa Kasulatan, Tayo Ay May Pag-asa.” (Roma 15:4) ‘Sa lumipas na limang buwan,’ ang pasimula ng tagapagpahayag, ‘kayo ay naging magawain sa Bibliya. Ang lubhang pagkamalapít ay lalong tumibay. Kayo ay may matatag na pag-asa. Sa inyong paghayo sa inyu-inyong mga atas, pakisuyong tandaan kung bakit ang inyong pag-asa ay totoong matatag. Ang dahilan ay sapagkat kayo’y nakapanatiling malapít sa Kasulatan.’ Upang ipakita ang isang halimbawa ng isang pag-uulat sa Bibliya na nagsisilbing inspirasyon sa pag-asa, binanggit ng tagapagpahayag ang Mga Hukom kabanata 6 hanggang 8, na naglalahad kung papaanong isinugo si Gideon upang palayain ang Israel buhat sa paniniil ng mga Midianita. Pagkatapos talakayin ang ulat at ang kahulugan nito para sa ating kaarawan, sinabi niya: ‘Pagka kayo’y may pagkakataon na mapalapít sa Kasulatan at pag-isipan ang mga bagay na ito, iyan ay nagpapasigla sa inyo. Kayo ay nagkakaroon ng tibay ng loob.’
Lahat ay sabik na marinig kung ano ang katapusang payo na ibibigay ng dalawang pangunahing instruktor ng paaralan para sa mga estudyante. Si Jack Redford ang unang nagpahayag sa temang “Gawin Kung Ano ang Tama.” Kaniyang ipinaalaala sa mga nagtapos: ‘Sa Gilead kayo ay lubusang sinanay sa kung ano ang tama ayon sa Kasulatan. Ngayon kayo ay hahayo upang harapin ang hamon ng pagmimisyonero. At alam natin na marahil kayo’y mapapaharap sa mahihirap na suliranin sa inyong daan. Bagaman ganito, at sa kabila ng inyong sariling saloobin, batid namin na magagawa ninyo kung ano ang tama.’ Ano ang tutulong? Unang-una, ang pagkakaroon ng tamang pagkakilala sa iba. Sinabi ng tagapagpahayag: ‘Huwag asahan ang sakdal buhat sa di-kasakdalan.’ Ang pagkakaroon ng tamang pangmalas sa mga situwasyon na nagsisilbing pagsubok ay makatutulong din. ‘Lahat tayo ay may tagumpay at kabiguan sa buhay,’ ang sabi niya. ‘Sinuman ay makahaharap sa tagumpay. Ang batayan kung kayo ay makapagtitiis sa paglilingkurang misyonero ay nasa kung papaano ninyo haharapin ang mga kabiguan.’—Santiago 1:2-4.
Ang piniling tema ng rehistrador ng paaralan, si Ulysses Glass, ay “Ano ang Pag-asa Para sa Hinaharap?” Sa isang tonong tulad ng isang ama, kaniyang pinatibay-loob ang mga nagtapos upang panatiliing nagniningas nang buong liwanag ang kanilang pag-asa. (Kawikaan 13:12) ‘Ang pagpapasimula ng kawalan ng pag-asa ay maaaring bahagya nang mapansin,’ ang paliwanag niya. ‘Dahilan sa mga kalagayan ay baka tayo walang asikasuhin kundi ang ating sarili sa halip na ang ating kaugnayan sa Diyos. Baka tayo magkasakit o akalain natin na masama ang trato sa atin ng iba. Ang iba ay baka lalong maraming materyal na mga bagay kaysa sa atin o maaaring nagkakaroon ng mas lalong mabuting resulta sa ministeryo at tayo’y medyo nananaghili. Kung ating papayagan na ang gayong mga bagay ay unti-unting makapanaig sa atin, hindi magtatagal at ang pagiging tunay ng pag-asa sa Kaharian ay mapaparam sa ating puso at isip, at baka huminto pa nga tayo ng pagtitiis sa takbuhan ukol sa buhay.’ Ano ang maaaring gawin? ‘Positibong pagkilos ang kailangan kung nais nating muling mabuhay ang ating pag-asa. Punuin natin ang ating mga isip at mga puso ng tiyak na mga pangako ng Diyos at ibuhos ang ating buong atensiyon sa pagiging tunay ng Kaharian ng Diyos. At panumbalikin natin ang ating pakikipagtalastasan kay Jehova, sapagkat ito’y tiyak na hahantong sa kagalakan.’
Si Karl Klein ng Lupong Tagapamahala ang bumigkas ng pahayag sa gradwasyon. Ang kaniyang tema ay “Bakit Kailangang Maging Mapagpakumbaba?” At ano ang sagot sa tanong na iyan? ‘Sapagkat ito ang tama at makatuwirang dapat gawin, ang bagay na matalino at mapagmahal,’ ang paliwanag niya sa kaniyang pambungad na mga salita. Ganiyan na lamang ang pananabik ng mga tagapakinig nang kaniyang talakayin ang apat na halimbawa ng pagpapakumbaba na makabubuting tularan natin: (1) si Jehovang Diyos, na tunay ngang mapagpakumbaba nang nakikitungo kay Abraham at kay Moises (Genesis 18:22-33; Bilang 14:11-21; Efeso 5:1); (2) si Jesu-Kristo, na ‘nagpakababa at nagmasunurin hanggang sa kamatayan sa isang pahirapang tulos’ (Filipos 2:5-8; 1 Pedro 2:21); (3) si apostol Pablo, na ‘nagpaalipin sa Panginoon na taglay ang sukdulang kababaang-loob’ (Gawa 20:18, 19; 1 Corinto 11:1); at (4) ‘yaong mga nangunguna sa atin,’ tulad halimbawa ng unang pangulo ng Samahan, si Brother Russell na minsan ay sumulat: “Ang gawain na doo’y natutuwa ang Panginoon na gamitin ang ating munting talino ay hindi ang pagpapasimula kundi ang muling-pagbubuo, pagsasaayos, pagtutugma.” (Hebreo 13:7) Binalangkas ni Brother Klein ang iba pang matitibay na dahilan sa pagiging mapagpakumbaba. Tunay, ang pagsunod sa payo na maging mapagpakumbaba ay tutulong sa mga nagtapos upang matalinong gamitin ang regalong paglilingkurang misyonero!
Pagkatapos ng pahayag na iyon, binasa ng tsirman ang mga pagbating tinanggap buhat sa iba’t ibang panig ng mundo. Sumapit na ang oras para tanggapin ng mga nagtapos ang kanilang mga diploma. Sila’y buhat sa pitong bansa—Canada, Pinlandiya, Pransiya, Mauritius, ang Netherlands, Sweden, at ang Estados Unidos. Subalit sila’y idinestino sa pagmimisyonero sa 11 bansa—Bolivia, Estonia, Grenada, Guatemala, Honduras, Hungary, Mauritius, Peru, Togo, Turkey, at Venezuela.
Pagkatapos ng kaunting pagpapahingalay, nagsimula ang programa sa hapon sa isang pinaikling Pag-aaral ng Bantayan na pinangunahan ni Joel Adams ng Service Department Committee. Pagkatapos, isinadula ng mga nagtapos ang ilan sa kanilang mga karanasan sa paglilingkuran sa larangan noong sila’y nag-aaral. Sa wakas, ang dramang Bakit Kailangang Igalang ang Kaayusang Teokratiko? ay ipinalabas upang mapatibay ang lahat ng naroroon, kasali na ang mga nagtapos.
Oo, ang mga nagtapos na ito ay lumisan upang pumaroon sa kanilang mga destino sa ibang mga bansa taglay ang payo at pampatibay-loob na tutulong sa kanila na gamitin ang regalong paglilingkurang misyonero upang magdulot ng kagalakan hindi lamang sa kanilang sarili kundi para rin naman sa iba.
[Chart sa pahina 22]
Estadistika ng Klase
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 7
Bilang ng mga bansang pinagdestinuhan sa kanila: 11
Kabuuang bilang ng mga estudyante: 22
Katamtamang edad: 33.4
Katamtamang mga taon sa katotohanan: 16.7
Katamtamang mga taon sa buong-panahong ministeryo: 11.8
[Larawan sa pahina 23]
Ika-92 Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa nakatala sa ibaba, ang mga hanay ay may bilang mula sa harap palikod at ang mga pangalan ay nakatala mula kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Chan Chin Wah, M.; Bouancheaux, N.; Chapman, B.; Östberg, A.; Cole, L.; Jackson, K.; Meerwijk, A. (2) Smith, J.; Wollin, K.; Chapman, R.; Gabour, N.; Chan Chin Wah, J.; Smith, C.; Edvik, L. (3) Bouancheaux, E.; Östberg, S.; Cole, K.; Jackson, R.; Gabour, S.; Edvik, V.; Meerwijk, R.; Wollin, G.