Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 6/15 p. 26-29
  • Ang Pagiging Nasa Oras at Ikaw

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagiging Nasa Oras at Ikaw
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Kayo’y Magsitulad sa Diyos”
  • “Sa Kanilang Takdang Kapanahunan”
  • Kung Bakit ang Iba ay Nahihirapan
  • Bakit Kailangang Maging Nasa Oras?
  • ‘Alamin ang Itinakdang Kapanahunan’
  • Bakit Kailangang Laging Nasa Oras?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Ugaliing Maging Nasa Oras
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2014
  • Pagiging Nasa Oras
    Gumising!—2016
  • Magpakita ng Pagpapahalaga sa Bahay ng Diyos
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1994
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 6/15 p. 26-29

Ang Pagiging Nasa Oras at Ikaw

ISANG tagapangasiwang Kristiyano sa isang kongregasyon sa Timog Amerika ang maraming maiinam na katangian. Ngunit ang kaniyang pinakamatalik na mga kaibigan ay pabirong ang tawag sa kaniya’y Armagedon. Bakit? “Alam namin na siya’y darating,” sabi nila, “pero ang Diyos lamang ang nakababatid kung kailan!”

Oo, ang pagiging nasa oras​—o ang kakulangan nito​—​ay may malaking kinalaman sa karangalan (reputasyon) ng isang tao. Ganito ipinaghalimbawa iyon ng pantas na si Haring Solomon: “Ang mga patay na langaw ay nagpapabaho sa ungguwento ng manggagawa ng pabango, upang umalingasaw. Gayon ang munting kamangmangan na sumisira ng karunungan at karangalan ng isa.” (Eclesiastes 10:1) Ang isang Kristiyano ay marahil maraming maiinam na katangian, ngunit kaniyang mamantsahan ang kaniyang mabuting pangalan kung siya’y hindi palaisip sa oras.

“Ang mga taong palaisip sa oras ay nagbibigay sa akin ng kompiyansa,” ang sabi ng isang tagapangasiwa. “Sila ang mga taong ibig kong makasama sa trabaho.” Sila ay pinahahalagahan din sa daigdig ng negosyo. “Magtrabaho ka nang nasa oras; dumating ka nang nasa oras sa mga pulong; magbigay ka ng mga report sa takdang panahon na ito’y kailangang ibigay,” ang payo ng Emily Post’s Etiquette. Katulad din nito, sinasabi ng The New Etiquette (1987) na, sa pangkalahatan, “ang mga nahuhuli nang pagdating ay mga bastos.” Pagkatapos ay isinusog ng mga autor: “Ang mga serbisyo sa relihiyon ay isa pang di-angkop na okasyon upang mahuli ka.”

Lahat tayo ay nagpapahalaga pagka ang mga iba ay dumarating nang nasa oras. Maliwanag na ganiyan ang palagay ni apostol Pablo, sapagkat siya’y sumulat sa mga Kristiyano sa Colosas: “Nasa inyo ako sa espiritu, na nagagalak at nakikita ko ang inyong mabuting ayos.” (Colosas 2:5) At tiyak na tayo’y may katulad na damdamin ni Haring David tungkol sa mga pangako ni Jehova nang siya’y sumulat sa Mga Awit: “Oh Diyos ko, huwag kang lubhang magluwat.”​—Awit 40:17; 70:5.

“Kayo’y Magsitulad sa Diyos”

Ang totoo, si Jehova ay hindi kailanman nahuhuli. Siya ay namumukod sa kaniyang pagiging palaisip sa oras o panahon. Ito’y makikita sa lahat ng kaniyang mga gawang paglalang. Mula sa walang-hangganang sansinukob hanggang sa kaliit-liitang bagay na may buhay, lahat nito ay gumagalaw na para bagang inuugitan ng isang di-nakikitang orasan. Halimbawa, ang isang uri ng liryo sa dagat malapit sa Hapon ang naglalabas ng kaniyang mga selula ng sekso minsan sa bawat taon kung Oktubre sa humigit-kumulang alas-tres ng hapon sa araw na ang buwan ay nasa una o ikatlong kuwarto. Kung tagsibol ang munting grunion ay nagsasapanahon ng kaniyang siklo sa pag-aanak sa loob ng ilang mga minuto ng paglaki ng tubig ng dagat sa baybayin ng California.

Ang pagsasapanahon ni Jehova ay eksakto rin kung tungkol sa pagtupad sa kaniyang pangako. Halimbawa, mababasa natin sa Exodo 12:41 na “nangyari sa katapusan ng apat na raan at tatlumpung taon, nang araw ring yaon ay nangyari na ang lahat ng mga hukbo ni Jehova ay umalis sa lupain ng Ehipto.” Samakatuwid ay tinupad ni Jehova ang pangako na daan-daang taon pa ang aga ay kaniyang ipinangako kay Abraham.​—Genesis 15:13-16; Galacia 3:17.a

Sinugo ni Jehova ang kaniyang Anak, ang Mesiyas, sa sanlibutan sa eksaktong panahon na inihula ni propeta Daniel mahigit na limang siglo ang aga, kung kaya’t siya’y “namatay sa takdang panahon alang-alang sa mga taong masasama.” (Roma 5:6; Daniel 9:25) Kung tungkol sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, ipinakikita ng Bibliya na alam ni Jehova ang “araw at oras na iyon.” (Mateo 24:36) Siya’y hindi mahuhuli. Maliwanag, ang halimbawa ni Jehova sa pagiging nasa oras ay karapat-dapat na tularan natin.​—Efeso 5:1.

“Sa Kanilang Takdang Kapanahunan”

Sa tuwina’y inaasahan ni Jehova na ang kaniyang mga lingkod ay magiging palaisip sa panahon, lalo na kung tungkol sa pagsamba sa kaniya. Ang “araw-araw na iskedyul” ay sinunod nang ang mga Israelita’y naghahandog ng mga hain. Iniutos ni Jehova sa kanila: ‘Inyong ihahandog sa akin . . . sa kanilang takdang kapanahunan.’ Kaniya ring binigyan si Moises ng ganitong tagubilin tungkol sa mga pulong: “Ang buong kapulungan ay kailangang tumupad sa kanilang itinakdang pinagkasunduan.”​—Levitico 23:37; Bilang 10:3; 28:2.

Nang bandang huli, tinupad ng mga Judio “ang oras ng paghahandog ng kamangyan.” (Lucas 1:10) “Ang oras ng panalangin, ang ikasiyam na oras,” ay tinupad ng kapuwa mga Judio at ng mga iba pa. (Gawa 3:1; 10:3, 4, 30) At tungkol sa mga pulong Kristiyano, si Pablo’y sumulat: “Lahat ng bagay ay gawin ninyo sa paraang disente at may kaayusan.”​—1 Corinto 14:40.

Ano ang hinihiling ng lahat ng ito sa mga Israelita at sa mga sinaunang Kristiyano? Na sila’y kailangang maging nasa oras sa pagtupad ng kanilang itinakdang pinagkasunduan, lalo na kung tungkol sa kanilang pagsamba. Walang dahilang isipin na hindi ganiyan ang inaasahan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod sa ngayon.

Kung Bakit ang Iba ay Nahihirapan

Ang mga saloobin tungkol sa panahon ay may malaking pagkakaiba sa iba’t ibang panig ng daigdig. Isang misyonero ang nag-uulat na sa isang munting bayan sa Timog Amerika, ang kaniyang maybahay kung minsan ay siya lamang naroroon bilang tagapakinig pagka kaniyang sinabi na kung ano ang pambungad na awit sa pasimula ng isang pulong Kristiyano. Ngunit kapag kaniya nang sasabihin kung ano ang pansarang awit, 70 katao na ang naroroon. Sa kabilang panig naman, sa isang bansa sa Kanlurang Europa, mga isang libo katao ang tinanong: “Kung sakaling kayo ay inanyayahan sa isang hapunan sa ganap na ika-7:00 n.g., kayo ba ay dapat dumating ng lima o sampung minuto ang aga, o lima o sampung minuto ang atraso, o sa eksaktong oras?” Ang karamihan ay sumagot na “hinihiling ng pagkamagalang ang pagpapakita ng istriktong respeto sa may handa at pagdating sa eksaktong minuto.”

Gayumpaman, ang pagiging nasa oras ay higit pa kaysa isang kagustuhan sa isang lugar. Ito ay isang kinaugalian na, tulad baga ng kung papaano ang pagiging malinis, masinop, o magalang, ay mga bagay na kaugalian. Kung sa bagay, tayo ay hindi ipinanganganak na taglay ang ganiyang mga kaugalian; kailangang pagyamanin natin ang mga iyan. Kung ikaw ay tinuruan na sa iyong pagkabata’y maging palaisip na laging nasa oras, iyan ay isang pagpapala. Subalit marami ang buhat sa mga pamilya at mga kinalakhan na kung saan mayroon lamang iilang mga deadline at hindi gaanong nangangailangan na makipagtulungan sa iba tungkol sa kanilang ginagawa. Tanging sa pagiging bahagi ng kongregasyong Kristiyano at pagkakaroon ng bahagi sa mga pulong at pangmadlang ministeryo nito nagiging tunay sa kanila ang pangangailangang maging nasa oras. Baka nahihirapan sila na ituwid ang nakaugaliang pagiging huli na natutuhan nila maaga sa kanilang buhay. Gayumpaman, ang pag-ibig sa Diyos na Jehova at sa kapuwa ng isa ang mag-uudyok sa kaniya na magbago. Subalit, bakit nga ba kailangang gumawa ng pagbabago?

Bakit Kailangang Maging Nasa Oras?

“Umiibig ka ba sa buhay?” ang minsan ay tanong ni Benjamin Franklin. “Kung gayon ay huwag mong aksayahin ang panahon, sapagkat iyan ang bagay na bumubuo ng buhay.” Lahat tayo ay kumikilala sa katotohanan ng pangungusap na iyan. Kasinghalaga rin sa mga Kristiyano, kung gayon, ang hindi pag-aaksaya sa panahon ng mga ibang tao. “Ang isang huli nang pagdating,” sabi ng isang misyonero, “ay waring nagsasabi sa pamamagitan ng kaniyang kilos, ‘Ang panahon ko ay mas mahalaga kaysa iyo, kaya ikaw ay puwedeng maghintay hanggang sa ako ay handa na.’ ” Ang taong hindi palaisip sa oras ay tingin na hindi lamang disorganisado at di-maaasahan kundi medyo maka-ako at walang konsiderasyon sa iba. Ang mga tunay na Kristiyano ay nagnanais na “huwag gawin ang anuman nang may pagkakampi-kampi o dahil sa pag-ibig sa sarili, kundi nang may kababaang-loob na itinuturing na ang iba’y nakahihigit sa inyo.”​—Filipos 2:3.

Inaakala ng iba na hindi nila gusto na sila’y inoorasan, na bawat kilos ay sumusunod sa orasan. Gayunman, ang pagiging nasa oras ay hindi para bang ang isa’y laging kontrolado ng relo. Ito ay isang bagay na pagsasapuso ng mga kapakanan at kapakinabangan ng mga ibang tao, “na tinitingnan, hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang kapakanan ng iba.”​—Filipos 2:4.

Halimbawa, pag-isipan ang payo ng Bibliya: “Tanggapin ninyo ang isa’t isa, gaya ng pagtanggap rin naman sa atin ni Kristo.” (Roma 15:7) Sa sukdulang ito’y kumakapit sa literal na mga pagbati, maliwanag na ito’y lalong mahirap na gawin kung nakaugalian na ng isa ang maging huli sa mga pagpupulong. Sa pagdating nang maaga sa mga pulong, ikaw ay higit na magkakaroon ng bahagi sa espiritu ng pag-iibigan, pagkakaibigan, at pagtanggap na umiiral sa gayong mga pagtitipon. At ang mga kapakinabangan ay tunay na nasa magkabilang panig. Sa pagdating nang maaga ay nakakabahagi ka sa pambungad na awit at panalangin​—isang mahalagang bahagi ng nagkakaisang pagsamba ng kongregasyon. Ang pagkarinig sa tema o sa titulo na ipinahayag ay tutulong sa iyo na lalong higit na masundan ang bawat bahagi ng programa.

Kung ikaw ay nasa oras ang lahat ay nagkakatulung-tulong sa kanilang mga pagsisikap, at malaki ang magagawa. Nang sinasalakay ang lungsod ng Ai, ang isang bahagi ng kaniyang hukbo ay pinahayo ni Josue upang akitin ang kaaway palayo sa lungsod samantalang ang natitira ng kaniyang mga tauhan ay bumabakay upang masakop nila ang lungsod. Pagkatapos, sa maselang na sandali, si Josue ay nagbigay ng hudyat. Ang kaniyang mga tauhan ay “nagsimulang magsitakbo sa sandaling iunat niya ang kaniyang kamay,” at ang siyudad ay bumagsak sa harap nila. Maguguniguni mo kaya kung ano ang nangyari sakaling hindi sila kumilos nang nasa hustong oras?​—Josue 8:6-8, 18, 19.

Ang mga ministrong Kristiyano sa ngayon ay may maraming dahilan upang maging palaisip sa panahon. Ang pakikibahagi sa pangangaral ng Kaharian kasama ng iba, pag-eensayo ng mga bahagi sa asamblea o sa mga pulong, maging ang paglilinis man ng Kingdom Hall, ay pawang nangangailangan na tayo’y makipagtulungan sa iba. Sa pamamagitan ng pagiging nasa oras, higit ang magagawa at matatapos natin ang gawain. Ito ay totoo kahit na sa isang bagay na kasinsimple ng pag-uulat ng nagawa ng isa sa pangangaral pagdating ng katapusan ng buwan. Pagka ang lahat ay nagtutulungan sa paggawa nito nang nasa panahon, maaaring makabuo ng wasto at nakapagpapatibay-loob at pambuong-daigdig na mga ulat ng kongregasyon.

Ang pagiging nasa oras ay may kinalaman din sa pagtupad ng nasa oras ng pinagkasunduan at ng mga deadline, na marami nito sa araw-araw. Ang iba ay mahalaga, ang iba naman ay hindi gaanong mahalaga. Halimbawa, ang iyong kasal ay dapat magsimula sa piniling panahon. Baka ibig mong ang itlog na kakainin mo ay pakuluan nang kung ilang minuto lamang. Anuman iyon, ang taong palaisip sa oras ay hindi kailangang magpadalus-dalos ng paggawa ng ganoo’t ganitong bagay, anupa’t náhuhulí sa lahat ng bagay. Sa halip, siya ay kalmado at organisado. Mas marami ang nagagawa niya dahil sa kaniyang ipinaplano ang kaniyang maghapon at nagsisimula nang nasa oras o medyo maaga pa nga.

Oo, maraming dahilan kung bakit ang mga Kristiyano ay dapat maging palaisip sa panahon. Higit sa lahat, isang paraan ito upang ipakilala ang ating walang pag-iimbot na pag-ibig sa ating mga kapuwa Kristiyano at ang ating paggalang sa kaayusang teokratiko tungkol sa tunay na pagsamba.

Ngunit, paano mapauunlad ang ugaling pagdating nang nasa oras?

‘Alamin ang Itinakdang Kapanahunan’

“Kahit ang cigueña . . . alam na alam ang kaniyang itinakdang kapanahunan” upang mandayuhan, at ang langgam ay “naghahanda ng kaniyang pagkain maging sa tag-araw” upang maging handa para sa taglamig, ang sabi ng Bibliya. (Jeremias 8:7; Kawikaan 6:8) Nariyan ang lihim ng pagiging nasa panahon at paghahanda ng mga bagay na kailangan.

Tayo man naman ay kailangang ‘alam natin ang ating kapanahunan.’ Bagaman hindi naman tayo matigas o panatiko upang magbago, tayo ay dapat maging palaisip sa panahon. Kailangang malaman natin hindi lamang ang kailangang gawin natin kundi pati kung kailan kailangang gawin natin iyon. Kailangang ugaliin natin ang pag-iisip nang patiuna, na nagbibigay ng palugit para sa posibleng pagkaantala, at pagiging handang paikliin ang kasalukuyang ginagawa natin para bumaling naman sa isang bagay na lalong mahalaga, tulad baga ng ating mga pulong, ministeryo sa larangan, at iba pang teokratikong mga gawain.

Sa bagay na ito, ang pagtutulungan ng pamilya ay kailangan. Naobserbahan na malimit ipinababahala ng ama sa kaniyang asawa ang paghahanda sa pamilya. Pagkatapos siya’y lalabas na ng bahay nang nag-iisa, anupa’t habang papaalis ay inaabisuhan niya ang kaniyang mga kasama, “Dalian ninyo, o kung hindi ay mahuhuli kayo!” Hindi ganiyan si Jacob; siya’y matulunging “tumayo at tinulungan ang kaniyang mga anak at ang kaniyang mga asawa na sumakay sa kamelyo” nang oras na upang umalis.​—Genesis 31:17.

Kung gayon, paano matutulungan ng ama ang kaniyang pamilya? Ang mga anak ay maaaring turuan na magsaayos ng panahon upang maihanda ang mahahalagang mga bagay sa halip na gawin ang lahat sa huling sandali. Sila’y matutulungan na paunlarin ang pagkadama ng pananagutan at kakayahan sa paggawa ng mga bagay nang nasa hustong panahon. Bilang isang pamilya, isaalang-alang ang mga halimbawa sa Bibliya na nagpapakitang mahalaga ang maging handa at nasa hustong panahon. (Genesis 19:16; Exodo 12:11; Lucas 17:31) Marahil ang pinakamagaling o ang pinakaepektibong aral ay nasa pagpapakita ng magulang ng wastong halimbawa.

Ang mga tagapangasiwang Kristiyano ay makatutulong din sa kongregasyon sa pamamagitan ng pagpapakita ng wastong halimbawa. Sila’y hindi mahihirang kung sila’y hindi “mahusay.” (1 Timoteo 3:2) Ang ibang mga kapatid ay marahil lalong magiging palaisip ng pagdating nang nasa panahon kung batid nila na naroroon ang matatanda upang bumati sa kanila at manguna. Kaya’t ang masisipag na mga tagapangasiwa ay magsisikap na naroon na sa Kingdom Hall nang maaga upang tumulong sa kongregasyon. Ang ministeryal na mga lingkod na dumarating nang maaga upang batiin ang kanilang mga kapatid at magsilbi sa kanilang mga pangangailangan ay lubhang pinahahalagahan.

Mangyari pa, ang pagiging nasa oras ay nangangailangan ng pagpipigil-sa-sarili at disiplina. Hindi, hindi para maging kagaya ng militar sa pagiging nasa oras, kundi dahil sa pag-ibig sa ating mga kapuwa Kristiyano at sa paggalang sa kaayusang teokratiko. Ito’y bahagi ng bagong personalidad na ating sinisikap na ibihis sa ating sarili. (Colosas 3:10, 12) Higit sa lahat, ibig nating maging gaya ng ating makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova, na nagtuturo sa atin na “sa bawat bagay ay may takdang panahon.”​—Eclesiastes 3:1.

[Talababa]

a Para sa isang detalyadong pagtalakay sa hulang ito, tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 460-1 at 776-7.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share