Ugaliing Maging Nasa Oras
1. Anong halimbawa ang ipinapakita ni Jehova pagdating sa pagiging nasa oras?
1 Si Jehova ay laging nasa oras. Halimbawa, nagbibigay siya ng “tulong sa tamang panahon” sa kaniyang mga lingkod. (Heb. 4:16) Naglalaan din siya ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mat. 24:45) Kaya tiyak na ‘hindi maaantala’ ang dumarating na araw ng kaniyang galit. (Hab. 2:3) Laking pasasalamat natin na laging nasa oras si Jehova! (Awit 70:5) Pero dahil tayo ay di-sakdal at abala, hamon sa atin ang pagiging nasa oras. Bakit dapat nating ugaliin na maging nasa oras?
2. Bakit nagpaparangal kay Jehova ang pagiging nasa oras?
2 Sa mga huling araw na ito, marami ang maibigin sa sarili at walang pagpipigil, kaya hindi mahalaga sa kanila ang pagiging nasa oras. (2 Tim. 3:1-3) Kaya kapag ang mga Kristiyano ay maaga sa trabaho, usapan, at mga miting, napapansin ito ng iba at nagpaparangal kay Jehova. (1 Ped. 2:12) Lagi ba tayong maaga sa trabaho, pero nahuhulí naman sa teokratikong mga pagpupulong? Ang pagdating nang maaga sa mga Kristiyanong pagpupulong, bago ang pambukas na awit at panalangin, ay nagpapakitang gusto nating tularan ang ating organisadong Ama sa langit.—1 Cor. 14:33, 40.
3. Bakit pagpapakita ng konsiderasyon ang pagiging nasa oras?
3 Pagpapakita rin ng konsiderasyon sa iba ang pagiging nasa oras. (Fil. 2:3, 4) Halimbawa, kapag maaga tayo sa mga Kristiyanong pagpupulong, pati na sa mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan, hindi tayo nakakaistorbo sa mga kapatid. Pero kung nakaugalian nating mahulí, nagbibigay ito ng impresyon na iniisip nating mas importante ang panahon natin kaysa sa panahon ng iba. Ang pagiging nasa oras ay nagpapakitang maaasahan tayo, masipag, at mapagkakatiwalaan—mga katangiang pinapahalagahan ng iba.
4. Kung lagi tayong nahuhulí, ano ang puwede nating gawin?
4 Kung lagi kang nahuhulí, isipin kung bakit. Maging organisado at gumawa ng makatuwirang iskedyul para matapos mo ang mga gawain nang nasa oras. (Ecles. 3:1; Fil. 1:10) Humingi ng tulong kay Jehova. (1 Juan 5:14) Sa pagiging nasa oras, naipapakita natin ang pagpapahalaga sa dalawang pinakadakilang utos sa Kautusan—ibigin ang Diyos at ibigin ang kapuwa.—Mat. 22:37-39.