Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 7/1 p. 10-13
  • Pinayaman Ako ng Pagpapala ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinayaman Ako ng Pagpapala ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagharap sa Hamon ng Pagbabawal
  • Pagkakamit ng Aming Tunguhin
  • Pagbubukas ng Isang Bagong Teritoryo
  • Mistulang Wild West
  • Mga Hamon​—Ngunit Mayaman Pa Rin
  • ‘Paghawak sa Araro at Hindi Paglingon’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Mga Biskuwit Para sa mga Aso
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Tinuruan Ako ni Jehova na Gawin ang Kalooban Niya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Kung Bakit Ako Nalulugod sa Paggawa ng mga Alagad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 7/1 p. 10-13

Pinayaman Ako ng Pagpapala ni Jehova

Inilahad ni Elsie Meynberg

“ANG pagpapala ni Jehova​—iyan ay nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kapanglawan.” (Kawikaan 10:22) Ako mismo ay nakaranas ng katotohanan ng kawikaang ito sa Bibliya. Pahintulutan ninyo ako na ilahad kung papaano.

Nang ako’y seis anyos lamang, ako’y nakinig sa pakikipagtalakayan ng aking ina sa isang guro sa Bibliya na dumalaw sa amin, at napansin ko ang pagkabighani ng aking ina sa kaniyang natututuhan. Isang maginaw na gabi sa tagyelo, ako’y bumaba para kumuha ng isang basong tubig at nadatnan ko si Inay na nagbabasa sa tabi ng bukás na pintuan ng oven. Sa halip na ako’y pagalitan gaya ng aking inaasahan, ako’y inakbayan at ipinaliwanag sa akin na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. Ang kasiglahan sa kaniyang tinig ang nagpahiwatig sa akin na ang kaniyang natutuhan ay lubhang mahalaga sa kaniya.

Pagkaraan ng ilan pang pakikipagtalakayan sa guro ng Bibliya, si Inay ay humayo upang ibahagi sa mga kapitbahay ang mabuting balita na kaniyang natutuhan. Gayunman, siya ay hindi laging tinatanggap nang mahusay. Kami’y naninirahan sa gawing lalawigan malapit sa Beatty, Saskatchewan, Canada, at karamihan ng aming mga kapitbahay ay mga kamag-anak, saradong mga Lutherano o Ebanghelista. Gayumpaman, patuloy rin silang dinalaw ni Inay.

Ako’y sumisilip sa mga bintanang nahamugan samantalang si Inay ay nagpipilit na ilabas sa kamalig ang mga kabayo, palibhasa’y alam ko na hindi siya sanay na magsingkaw ng mga ito. Kung minsan siya ay nagpipilit na dumalo sa mga pulong o lumabas sa ministeryo sa larangan sa kabila ng mga reklamo ni Itay. Siya’y hindi kasang-ayon sa bagong relihiyon ni Inay, ngunit ito naman ay desidido. Sa kaniyang pag-uwi ay laging taglay niya ang kasiyahan ng kalooban na nahahalata ng lahat. “Ang pagpapala ni Jehova​—iyan ang nagpapayaman,” aniya. Ako’y nasasabik malaman kung ano kaya ang ibig niyang sabihin. Bagaman noon ako’y seis anyos lamang, nais ko na rin na maglingkod kay Jehova.

Isang araw ako’y nasa bubong kasama ng aking ama, kung saan kaniyang kinukumpuni ang mga tisa sa bubong. Si Inay at ang aking kapatid na si Eileen ay papaalis kasama ng isang grupo na nakasakay sa isang Model T Ford upang makibahagi sa isang “information march.” Sila’y magpaparada sa loob ng bayan dala ang mga placard na nag-aanunsiyo sa isang pahayag sa Bibliya.

“Ikaw ba ay magiging ganiyan din katanga?” ang tanong sa akin ni Itay. Ngunit kahit na ako ay isang batang babae na mahilig sa pag-akyat, mas gusto ko pa na ako’y nasa information march na iyon kaysa naroon sa itaas ng bubong. Gayunman, sinabi nila na ako’y totoong maliit pa upang magdala ng isang placard.

Pagharap sa Hamon ng Pagbabawal

Sa wakas, ang aking unang pagkakataon upang makibahagi sa pangangaral ng Kaharian ay dumating noong Nobyembre 1940. Anong laking kabiglaanan! Palibhasa ang pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay ibinawal noon sa Canada, kami’y sa hatinggabi lumalabas at sa pintuan ng bawat bahay ay nag-iiwan kami ng pulyetong End of Nazism.

Nang ako’y siyam na taóng gulang, aking ipinasiya na ialay ang aking buhay kay Jehova at pabautismo. Dahilan sa pag-uusig, hindi sinasabi sa amin kung saan ang pulong, kundi kami’y sinasamahan patungo sa isang lugar sa gubat na kung saan isang malaking grupo ng mga Saksi ang “nagpipiknik.” Doon kami ng aking ate na si Eleanor ay kabilang sa marami na binautismuhan sa malamig na tubig ng isang karatig na loók.

Ang pag-aaral noon ay nagsisimula sa pagsaludo ng klase sa bandila at pagkanta ng pambansang awit. Sa kabila ng umaakusang titig ng aming mga kaklase, kami’y magalang na tumatangging makibahagi dahilan sa turo ng Bibliya tungkol sa idolatriya. (Daniel, kabanata 3) Ang pinsan kong si Elaine Young, na isa ring Saksi, ay 6 na kilometro ang nilalakad hanggang sa paaralan, ngunit sa araw-araw ay pinalalabas siya dahil sa hindi pagsaludo sa bandila. Pagkatapos ay maglalakad uli siya pauwi. Ginawa niya ito sa loob ng kalahating taon ng pasukan upang siya’y huwag markahan ng absent at hindi makapasa sa kurso.

Nang matapos na ako ng pag-aaral, ako’y nagtrabaho sa isang bangko. Ngunit isang pagsubok ang dumating nang ipagkait sa akin ang aking kahilingan na makadalo sa internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa New York noong 1950. Noon ay mayroon akong kaunting naipon at ipinasiya ko na huminto at magsimula sa buong-panahong ministeryo. Kaya kami ni Elaine ay lumipat sa siyudad ng Regina. “Siya’y uuwi na isang pulubi pagsapit ng tagsibol,” ang pangungutya pa ng iba. Gayunman, nasustentuhan ko ang aking sarili sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang katulong sa bahay sa isang bahagi ng panahon. Ang pagiging mayaman ng mga pagpapala ni Jehova ang tumulong sa akin upang magpatuloy sa kaniyang buong-panahong ministeryo mula’t sapol.

Pagkakamit ng Aming Tunguhin

Noong 1955 kami ni Elaine ay galak na galak maanyayahan sa ika-26 na klase ng Gilead at pagkatapos ay tumanggap ng atas na madestino sa Bolivia, Timog Amerika. Mayroon lamang mga 160 Saksi sa buong bansa noon. Sa wakas, kami’y nagtungo sa Tarija upang makasama ng dalawa pang misyonero sa aming unang atas.

Ang Tarija ay isang magandang bayan. Lubhang kawili-wiling panoorin ang mga babae na nakasuot ng kanilang kinagisnang pananamit at may sunong sa kanilang ulo. Ang mga tao ay mababait naman at kailanman ay hindi nila sinasabi sa amin na sila’y hindi interesado. Marahil inaakala nila na mas magalang ang sabihin sa amin na kami’y bumalik sa isang panahon na alam naman nilang hindi namin sila daratnan sa tahanan. Kami’y hindi kaagad nasanay sa ganiyan.

Isang araw kami’y nakikipag-usap sa isang lalaki sa kaniyang pintuan nang sáhihinto ang isang jeep at biglang bumaba ang isang paring namumula sa galit. “Kung hindi ninyo titigilan ang pagkausap sa mga babaing iyon, kayo ay ititiwalag!” ang bulyaw niya sa lalaki. Siya’y bumaling sa amin, at kami’y pinagbantaan: “Wala kayong karapatang mangaral dito. Kung hindi kayo titigil, kikilos ako laban sa inyo.” Nang mga sandaling ito marami nang mga kapitbahay ang nagsilabas upang manood. Kaya’t basta nagpatuloy kami sa aming gawain, at nakapaglagay ng maraming aklat at Bibliya sa mga nag-uusyosong tagapanood.

Palibhasa’y may dalawang taon na kami sa magandang libis na ito na kung saan may saganang melokoton (peaches), mani, at ubas, sa simula’y hindi namin ikinatuwa ang pagtanggap ng isang bagong atas sa Potosí, isang napakaginaw na minahang siyudad na nasa taas na mahigit na 4,000 metro. Kami’y sanay sa napakaginaw na mga taglamig sa Canada, ngunit ang kaibahan, ang mga tahanan sa Potosí karaniwan na ay walang pampainit. Gayunman, sa Potosí ay sagana sa mainit na pakikisalamuha sa isang kongregasyong Kristiyano, samantalang sa Tarija ay wala pang kongregasyon.

Pagbubukas ng Isang Bagong Teritoryo

Pagkatapos, kami ni Elaine ay naatasan na magtungo sa Villamontes upang buksan doon ang gawaing pangangaral. Ang trak na aming sinakyan ay may kargang kontrabandong asukal, kaya upang maiwasan ang suliranin sa pakikitungo sa pulisya sa pinagbabayaran ng toll, ang tsuper ay hindi nagbiyahe kundi nang kumagat na ang dilim. Nanghinayang kami at hindi kami nakapagdala ng flashlight, sapagkat walang anu-ano ay may biglang kumilos sa tabi namin sa ilalim ng lona! Iyon pala’y ang katulong ng tsuper ng trak.

Nang alas singko ng umaga, kami’y huminto. Palibhasa kami’y nanlalata dahil sa singaw ng tambutso at sa alikabok, kami’y gumapang na palabas. Isang pagguho ang humarang sa aming daraanan. Sa wakas, pagkatapos ng apat na oras ng puspusang pagtatrabaho, ang katulong ay inutusan ng may-ari na itawid ang trak sa makitid na daan na naalisan na ng gumuhong lupa. Ang may-ari ay ayaw man lamang tumingin samantalang namamaybay ang trak at ang panlabas na dalawang gulong niyaon ay halos nakabitin na sa hangin sa ibabaw ng waring pagkatarik-tarik na kalaliman sa tagiliran ng daan. Kami ni Elaine ay naglakad na lamang upang makatawid. Samantalang kami’y nagpapatuloy patungong Villamontes sakay ng trak, ang pagkatatarik na kurba sa mga daan sa bundok ay pagkakikipot kung kaya’t ang tsuper ay paulit-ulit na napilitang umatras at magmaneobra sa palibot ng mga ito. Sa wakas, pagkatapos ng 35 oras ng nakahahapong pagbibiyahe, kami ay sumapit sa paroroonan.

Isang bagong karanasan para sa amin ni Elaine na tumayo sa ganang sarili. Bago rin sa amin ang mga insekto sa tropiko. Malalaking uwang na matitigas ang pakpak ang nahuhulog sa amin pagkatapos na bumalandra sa ilaw na nasa itaas ng aming mga ulo. Maliliit na langaw naman ang kumakagat sa amin nang kay sakit, at nag-iiwan ng makating mga pantal na nagtubig-tubig. Nang unang gabi sa aming bagong tahanan, ako’y lumabas upang gamitin ang palikuran. Ngunit nang buksan ko ang aking flashlight, ang buong sahig ay waring pinagpipistahan ng ipis. Kumarimot ng pagtakas ang mga butiki, at malalaking palaka na nakatitig sa akin sa mga sulok. Minabuti kong maghintay hanggang sa mag-umagá.

Nang malaunan, kami’y naparoon sa may ilog at naisip namin na magpahinga sa isang troso na nakita namin doon. Gayunman, minabuti namin na kami’y gumawa muna ng isang pagdalaw-muli sa kalapit-pook. Nang kami’y magbalik, wala na ang troso. Ang nahihintakutang mga nagdaraan ay nagsabi sa amin na isang malaking ahas ang nanggaling doon. Mabuti naman at hindi namin naisip na umupo sa “troso” na iyon!

Ang nagustuhan namin tungkol sa Villamontes ay ang pagdalaw sa mga tao sa gabi. Aming dinaratnan sila na nakaupo sa mga silyang de sulihiya na nakalagay sa mga bangketa, umiinom ng isang herbal na inuming tinatawag na maté. Kami’y gumugol ng maraming maliligayang oras sa pagpapaliwanag ng mga pangako tungkol sa Kaharian sa gayong mga kapaligiran. Ngunit lalong mahihirap na panahon ang dumating pagkatapos na mag-asawa si Elaine at ako naman ay muling naatasan na gumawa sa Vallegrande kasama ang isang bagong kapareha.

Mistulang Wild West

Upang marating ang Vallegrande, isa pang nakapapagod na biyahe na tatlong araw ang kailangan, at sa pagkakataong ito ako ay nag-iisa. Ang makitid na mga daang hindi aspaltado ay tila man din hindi matatapos ang pagkaliku-liko patungo sa gubat. Sa wakas ako ay dumating din sa paroroonan samantalang lumulubog ang araw. Ginambala ng bus ang katahimikan ng isang bayan na kung saan ang mga kabayo’y higit na pangkaraniwan kaysa mga sasakyang de-motor. Ang mga tao ay nangakatitig buhat sa ilalim ng mga media agua, na nakausli sa ibabaw ng mga bangketa at tinutukuran ng mga poste. Ang iba sa mga lalaking nakasandal sa mga poste ay may sakbat na mga kaluban ng baril na kinalalagyan ng mga rebolber. Halos lahat ay waring nakasuot ng itim. Naisip ko tuloy: ‘Aba ito’y mistulang wild West!’

At gayon nga sa totoo. Ang mga alitan ay nilulutas sa tulong ng baril. Bagaman iyon ay isang bayan na may sampung libo katao lamang, ang pagpapatayan at karahasan ay palasak nang panahong iyon. Ang populasyon ay dominado ng isang gang na siyang nangungulekta ng toll (buwis) sa pasukan ng bayan. Ang mga miyembro ng gang ay binubuhay ng kanilang nakukulekta sa pamamagitan ng pagpapahinto sa mga bus at pagnanakaw sa mga iyon. Ang mga magsasaka ay ninanakawan din pagka kanilang dinadala ang kanilang mga ani sa bayan. Ang mga dalagita ay ginagahasa habang may tutok na baril sa harap mismo ng kanilang mga magulang. Hindi man lamang pinapayagan ng mga ina na ang kanilang mga anak na babae ay pumuntang mag-isa sa kanto upang mamili.

Gunigunihin ang aming kaisipan nang ang lider ng gang ay pumasok sa Kingdom Hall isang araw. Siya’y lasing. Ang tagapangasiwa ng sirkito, na nagpapahayag noon, ay namutla. “Ako’y naniniwala!” ang hiyaw ng lider ng gang sabay suntok nang buong lakas sa likod ng upuan kung kaya’t nasira iyon. Pagkatapos ay kaniyang sinunggaban ang tagapangasiwa ng sirkito. Ngunit bigla siyang tumahimik, at isang dating kaibigan niya sa paaralan at isa sa mga nakikinig ang naglakas-loob na akayin siya palabas.

Sa bandang huli, isang heneral ng hukbo ang humamon sa lider ng gang sa isang duwelo. Nagawa ng heneral na ibitin sa plasa ang isang asong patay na may karatulang: “Lumayas ka rito, o kung hindi ay ganito ang mangyayari sa iyo.” Ang butangero ay umalis naman, at humusay ang mga kalagayan sa Vallegrande.

Kung minsan ay naglalakbay kami nang may 12 oras sakay ng kabayo upang mangaral sa mga karatig nayon. Isang guro sa paaralan sa isa sa mga nayon ang tumanggap sa amin nang may kagandahang-loob at nang bandang huli’y naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Minsan ay humiram ako ng isang mola upang pumunta roon, ngunit tuwing daraan iyon sa tahanan ng isa sa dating may-ari sa kaniya, doon ito pumupunta, at kailangan pang kami’y akayin at ibalik sa dinaraanang landas.

Mga Hamon​—Ngunit Mayaman Pa Rin

Gaya ng totoo tungkol sa maraming iba pang misyonero, natuklasan ko na ang pinakamalaking hamon ay hindi ang init o ang mga insekto, ang ginaw o ang taas, o maging ang sakit man at ang karalitaan. Bagkus, ito’y maaaring mga di-pagkakaunawaan dahil sa pagkakaiba-iba ng personalidad. ‘Bakit ba may gayong mga di-pagkakaunawaan sa organisasyon ni Jehova?’ ang naisip ko, at nag-alinlangan pa ako kung ako baga’y binubuhusan ni Jehova ng mayamang mga pagpapala. Naalaala ko tuloy ang teksto tungkol sa pagpapala ni Jehova sa Kawikaan 10:22. Ang ikalawang bahagi ng talata ay nagsasabi, “At hindi niya idinaragdag ang kapanglawan.” Kaya hindi natin dapat sisihin si Jehova sa mga di-pagkakaunawaang ito. Natanto ko na ito’y bahagi ng ipinamana sa atin ni Adan at kasali sa binanggit ni Pablo sa Roma 8:22: “Ang lahat ng nilalang ay patuloy na sama-samang dumaraing at sama-samang nagdaramdam ng sakit.”

Ako’y nakikipagsulatan kay Walter Meynberg ng Bethel sa Canada, at nang ako’y magbakasyon sa Canada noong 1966, kami’y ikinasal at nadestino sa La Paz, ang pangunahing siyudad ng Bolivia. Anong laking pagpapala na makitang ang mga kongregasyon dito’y dumarami mula sa isa nang ako’y dumating sa Bolivia hanggang sa maging 24, sa bawat sulok ng siyudad. Ito’y nahahawig sa mga ibang siyudad ng bansa. Totoo naman, ang grupong binubuo ng mga 160 mamamahayag na nangangaral ng mabuting balita sa Bolivia nang unang dumating ako roon noong 1955 ay lumago hanggang sa maging mga 7,000!

Ang ibinunga ng ipinakitang pagkadesidido ng aking ina noon pa mang una ay na sampu sa akin mismong sambahayan ang pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Natutuwa akong sabihin na ang aking ama ay naging isang nag-alay na Saksi, at mahigit na 30 katao na nagkapribilehiyo ako na aralan ng Bibliya ang nangabautismuhan. Hindi baga ito’y mga kayamanan? Oo, ako’y naniniwalang gayon nga. Tunay naman, ‘ang pagpapala ni Jehova​—iyan ang nagpayaman sa akin.’

[Larawan ni Walter at Elsie Meynberg sa pahina 10]

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share