Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 8/1 p. 4-7
  • Mga Lingkod na Kabataan Noong Panahon ng Bibliya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Lingkod na Kabataan Noong Panahon ng Bibliya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Si Moises at ang mga Iba Pang Tapat na Kabataan
  • Sina David, Josias, at Jeremias
  • Si Daniel, si Jesus, at si Timoteo
  • Ano Bang Uri ng Kinabukasan ang Ibig Mo?
  • Maliligayang Kabataan sa Paglilingkod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Moises
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Inaalam ang mga Daan ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Gaano Mo Kakilala si Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 8/1 p. 4-7

Mga Lingkod na Kabataan Noong Panahon ng Bibliya

ANG Bibliya ay naglalahad ng maraming maiinam na mga kabataan na naging seryoso sa paglilingkod sa Diyos at saganang pinagpala sa paggawa nang gayon. Tayo man ay kabataan o matanda na at ubanin, ang maiinam na halimbawang ito sa Bibliya ay makapagbibigay ng malaking pampatibay-loob.

Si Jose ay 17 anyos lamang nang siya’y ipagbili sa pagkaalipin doon sa Ehipto. Doon, malayo sa kaniyang pamilya at sa paningin ng mga taong nakakakilala sa kaniya, pinatunayan ni Jose ang kaniyang katapatan. Nang ang asawa ni Potipar ay magtangkang puwersahin si Jose na siya’y sipingan, ito’y nagsabi: “Papaano ko magagawa itong malaking kasalanang ito at magkasalang tunay laban sa Diyos?” Kahit na sa harap ng makapangyarihang si Faraon, ang pinakamakapangyarihang hari noong kaniyang kaarawan, sinamantala ni Jose ang pagkakataon na ang Diyos ang bigyan ng kapurihan tungkol sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng mga panaginip ni Faraon. Siya’y saganang pinagpala. Ginamit siya ng Diyos upang iligtas kapuwa ang mga Ehipsiyo at upang ang kaniyang pamilya buhat sa kamatayan dahil sa taggutom at ang kaniyang ama, si Jacob, at ang kaniyang sambahayan ay dalhin sa Ehipto.​—Genesis 37:2; 39:7-9; 41:15, 16, 32.

Si Moises at ang mga Iba Pang Tapat na Kabataan

Ang ginawa ng anak na babae ni Faraon ay inampon si Moises na gaya ng kaniyang sariling anak, ngunit ang ina’t ama ni Moises ang nagturo sa kaniya ng tungkol sa tunay na Diyos. Ang Bibliya ay nagsasabi na nang siya’y lumaki, si Moises ay “tumangging patawag na anak ng anak na babae ni Faraon, minabuti pa niyang siya’y tampalasanin na kasama ng bayan ng Diyos kaysa magtamo ng pansamantalang kaligayahan sa pagkakasala.” Ginamit ng Diyos si Moises upang ilabas sa Ehipto ang kaniyang bayan, upang tanggapin ang Kautusan sa Sinai, at upang isulat ang malaking bahagi ng Bibliya. Ano man ang iyong edad, pinatitibay mo ba ang determinasyon na maglingkod sa Diyos gaya ng ginawa ni Moises?​—Hebreo 11:23-29; Exodo 2:1-10.

Ang Kasulatan ay naglalahad sa atin tungkol sa “mga bata” na nakinig kasama ng mga iba pa sa bansa nang ang Kautusan ng Diyos ay binabasa sa Israel. (Deuteronomio 31:10-13) “Lahat ng may sapat nang isip upang makinig” ay naroroon “mula sa madaling-araw hanggang sa katanghaliang-tapat” upang makinig sa Kautusan noong kaarawan ni Nehemias. (Nehemias 8:1-8) Kahit na kung hindi naiintindihan ng mga bata ang lahat ng sinasabi, kanilang nauunawaan naman na sila’y kailangang umibig, sumamba, at sumunod sa Diyos na Jehova. Ano man ang iyong edad, ikaw ba ay nakikinig sa mga kombensiyon at mga asamblea pagka tinatalakay roon ang Salita ng Diyos? Natutuhan mo ba ang kahalagahan ng pagsunod sa kaniya, gaya noong mga batang Israelita?

Sina David, Josias, at Jeremias

Pinili ng Diyos si David, ang bunso sa walong magkakapatid na lalaki, para sa pantanging paglilingkod at sinabi tungkol sa kaniya: “Aking nasumpungan si David na anak ni Jesse, isang lalaking kalugud-lugod sa aking puso, na gagawa ng lahat ng bagay na nais ko.” Siya’y pinili ng Diyos upang maging “isang pastol” ng kaniyang bayan, at ginanap ni David ang paglilingkurang iyan, samantalang pinatutunayan ang kaniyang pag-ibig kay Jehova sa loob ng maraming taon. Siya ang sumulat ng mahigit na 70 ng Mga Awit at naging isang ninuno ni Jesu-Kristo. Ikaw man ay bata o matanda, iyo bang pinahahalagahan ang mga daan ng Diyos, at ginagawa mo ang mga bagay na kaniyang ninanais, gaya ng ginawa ni David?​—Gawa 13:22; Awit 78:70, 71; 1 Samuel 16:10, 11; Lucas 3:23, 31.

Si Josias ay naging hari nang siya’y walong taóng gulang lamang. Nang edad na humigit-kumulang 15, “nang siya’y isa pa lamang bata, sinimulan niyang hanapin ang Diyos ni David na kaniyang ninuno.” Bago siya magkaedad ng 20, sinimulan ni Josias ang isang kampanya laban sa huwad na pagsamba. Nang malaunan, kaniyang ipinakumpuni ang templo, at kaniyang isinauli ang dalisay na pagsamba sa lupain. Mababasa natin: “Lahat ng kaniyang mga araw sila’y hindi humiwalay ng pagsunod kay Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno.” Lahat tayo ay hindi maaaring maging isang hari na katulad ni Josias, ngunit tayo’y makapaglilingkod sa Diyos at makapaninindigang matatag laban sa huwad na pagsamba, ano man ang edad natin.​—2 Cronica 34:3, 8, 33.

Ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat ay nagsabi kay Jeremias: “Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita, at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinaging-banal kita. Ginawa kitang propeta sa mga bansa.” Si Jeremias ay tumutol na siya’y napakabata upang maging isang propeta: “Inakupo, Oh Soberanong Panginoong Jehova! Narito’t talagang hindi ako marunong magsalita, sapagkat ako’y isang bata lamang.” Si Jehova ay tumugon: “Huwag mong sabihin, ‘Ako’y isang bata lamang.’ Sapagkat saanman kita suguin ay paroroon ka; at ano mang iutos ko sa iyo ay sasalitain mo.” Sa mahigit na 40 taon ganiyan ang ginawa ni Jeremias, at kahit na nang ibig niyang huminto, siya’y hindi makahinto. Ang salita ng Diyos ay “napatunayan na gaya ng isang nagniningas na apoy na nakukuyom sa [kaniyang] mga buto.” Kailangang siya’y magsalita! Ano man ang edad mo, iyo bang pinauunlad ang uri ng pananampalataya na gaya ng kay Jeremias, sumusulong sa paglilingkuran sa Diyos gaya niya?​—Jeremias 1:4-8; 20:9.

Si Daniel, si Jesus, at si Timoteo

Hindi mo ba naririnig ang tungkol kay Daniel? Marahil siya ay wala pang 20 taóng gulang nang siya, kasama ang iba pang “mga kabataan” ay dinalang bihag sa palasyo ng makapangyarihang si Nabucodonosor, hari ng Babilonya. Sa kabila ng pagiging isang kabataan ni Daniel, siya’y desididong sumunod sa salita ng Diyos. Si Daniel at ang kaniyang mga kasamahan ay tumangging dumhan ang kanilang sarili ng pagkain na kaipala’y labag na kanin sa ilalim ng Kautusan ng Diyos. O dili kaya’y nadumhan ng mga rituwal ng pagano. Sa loob ng mahigit na 80 taon, si Daniel ay hindi kailanman nagbago, nanatili ang kaniyang katapatan hanggang sa punto na pagtangging huminto ng pananalangin sa Diyos, bagaman ito’y hahantong sa paghahagis sa kaniya sa mga leon. Ang iyo bang paglilingkod sa Diyos at ang iyong mga panalangin ay itinuturing mong ganiyang kahalaga? Dapat nga.​—Daniel 1:3, 4, 8; 6:10, 16, 22.

Sa edad na 12, si Jesus ay nasumpungang nakaupo sa gitna ng relihiyosong mga guro sa templo sa Jerusalem, “nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila. Ngunit lahat ng mga nakikinig sa [batang kay Jesus] ay patuloy na namamangha sa kaniyang kaunawaan at sa kaniyang mga sagot.” Ang isa kayang pakikipagtalakayan sa Kasulatan ng nakatatandang mga lalaki sa templo ay makapukaw ng iyong interes na gaya ng ginawa niyaon kay Jesus? Ang iba kaya ay manggilalas dahil sa iyong kaunawaan at sa iyong mga sagot? Sa ngayon, maraming mga kabataang Saksi na nag-aaral, nakikinig nang maingat, at nakikibahagi sa mga pulong-Kristiyano ang may kaalaman sa Kasulatan na pinagtatakhan ng mga nakatatanda.​—Lucas 2:42, 46, 47.

Ikaw ba’y katulad ni Timoteo, na noong siya’y isang bata ay tinuruan ng “banal na kasulatan”? Nang siya’y isang binata na, si Timoteo “ay may mabuting patotoo ng mga kapatid” sa di-kukulangin dalawang kongregasyon. Pinili ni apostol Pablo si Timoteo upang makasama niya sa paglalakbay, hindi upang maging isang kargador lamang, kundi upang tumulong kay Pablo sa pagtuturo sa iba. Ikaw kaya ay mápili para sa ganiyang mga pribilehiyo? Ang iyo bang gawain ay “may mabuting patotoo,” hindi lamang sa iyong sariling kongregasyon kundi pati rin sa mga iba?​—2 Timoteo 3:15; Gawa 16:1-4.

Ano Bang Uri ng Kinabukasan ang Ibig Mo?

Posible ba para sa mga kabataan sa ngayon ang maging tapat na gaya nina Jose, Moises, David, at ng mga iba pa? Oo, posible. Totoo naman, maraming kabataan ang interesado lamang sa pagpapalipas ng oras. Ngunit ang kanilang kabataan ay ginagamit ng iba nang may katalinuhan, nag-aaral upang makilala nila ang Diyos at ang kaniyang kalooban para sa kanila. Ang mga ito ay tumutupad sa hula ng Bibliya: “Ang bayan mo ay kusang maghahandog ng kanilang sarili sa araw ng iyong hukbong panlaban. . . . Nasa iyo ang iyong hukbo ng mga kabataang lalaki na sadyang kagaya ng mga patak ng hamog.”​—Awit 110:3.

Ang ganiyang mga kabataan ay nagpapakita ng karunungan higit sa kanilang edad, yamang sila’y matutulungan ng Diyos upang magtagumpay ang kanilang kasalukuyang buhay at gayundin binibigyan sila ng isang maningning na kinabukasan sa dumarating na bagong sanlibutan. (1 Timoteo 4:8) Datapuwat, papaano ngang ang isang modernong kabataan ay makapagpapaunlad ng isang pananampalataya na katulad niyaong mga kabataan na binanggit sa Bibliya? Kung ibig mong maalaman, ikaw ay inaanyayahan namin na basahin ang artikulong “Maliligayang Kabataan sa Paglilingkod kay Jehova,” nagsisimula sa pahina 10 ng magasing ito.

[Mga larawan sa pahina 5]

Ang kabataang si Moises ay hindi narahuyo ng kayamanan ng Ehipto

Ang may kabataang si David ay nakalugod sa puso ni Jehova

[Mga larawan sa pahina 6]

Bagaman nadama ni Jeremias na siya’y “isang bata lamang,” lakas-loob na ipinangaral niya ang isang di-popular na mensahe

Sa edad na 12 taóng gulang, nanggilalas kay Jesus ang mga matatanda dahilan sa kaniyang kaunawaan sa Salita ng Diyos

[Larawan sa pahina 7]

Sa Israel kahit ang mga bata ay nakikinig pagka binabasa ang Kautusan ng Diyos. Nakikinig ka rin ba?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share