Mga Kabataan na Naglilingkod sa Diyos
INAAKALA mo bang kakatuwa na may mahuhusay na kabataang gugugol ng kanilang panahon, nang di-binabayaran, sa pagparoon sa iyong bahay upang makipag-usap tungkol sa Diyos? Para bang katakataka, sa isang panahon ng lumalaganap na kawalang pananampalataya, na ang mga anak ay sumama sa kani-kanilang magulang sa pagpapaliwanag sa iba tungkol sa kahanga-hangang mga pangako ng Bibliya tungkol sa isang maligayang kinabukasan?a
Sa karamihan ng mahigit na 60,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa, ikaw ay makakakita ng maraming kabataan. Sila’y hindi nagpupunta sa isang lingguhang Sunday school o klase sa katesismo. Bagkus, ang mga kabataang ito ay nakikinabang at nakikibahagi pa man din sa mga pulong ng kongregasyon. Ang mga batang maliliit ay maaaring magbigay ng simpleng mga komento. Ang mga batang bago pa lamang sumisibol ay may bahagi na sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Maraming tinedyer ang gumugugol ng bakasyon sa paaralan sa pagtulong sa mga kapitbahay upang matuto tungkol sa Diyos at sa kaniyang kahanga-hangang mga pangako para sa hinaharap.
Talaga namang walang bago tungkol sa ganiyang gawain ng kabataan. Sa Bibliya ay may nalalahad tungkol sa tapat na mga kabataang lalaki at mga babae, at gayundin sa mga binata at maliliit na mga bata, na nagpapakita ng maiinam na halimbawa sa paglilingkod sa Diyos.
Ang aklat ng Mga Awit sa Bibliya ay may hula tungkol sa “pangkat ng mga kabataang lalaki,” na mistulang “mga patak ng hamog” na nakarerepresko at napakarami, nagsasagawa ng maka-Diyos na paglilingkod. May binabanggit din ito na “mga binata” at “mga dalaga” na pumupuri sa pangalan ng Diyos. (Awit 110:3; 148:12, 13) Posible, ang ilang mga kabataan ay kabilang sa mga naroroon nang ang banal na espiritu ng Diyos ay ibuhos sa mga mananampalataya noong Pentecostes 33 C.E. Nang araw na iyon mga 3,000 ang tumanggap sa Salita at nangabautismuhan. Sinabi ni apostol Pedro na ang kagila-gilalas na pangyayaring ito ay katuparan ng hula ni Joel: “Ang iyong mga anak na lalaki at ang iyong mga anak na babae ay magsisipanghula at ang iyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain at ang iyong mga matatandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip.”—Gawa 2:4-8, 16, 17, 41.
Ang mga ibang halimbawa sa Bibliya ng mga taong naglingkod sa Diyos na Jehova sa kanilang kabataan ay sina Samuel, ang matuwid na si Haring David, ang kilalang mga propeta sa Bibliya na si Jeremias at si Daniel, gayundin ang tapat na si Timoteo. Ang labas na ito ay may tatlong artikulo na tumatalakay sa ilan sa mga halimbawang ito sa Bibliya. Makikita mo buhat sa mga artikulo kung bakit ang mga kabataan, at gayundin ang mga tao na mas matatanda, ay seryoso sa paglilingkod sa Diyos at kung bakit sila’y gumugugol ng napakalaking panahon sa pagtulong sa kanilang kapuwa na gumawa rin ng gayon.
[Talababa]
a Sa pamamagitan ng isang Gallup surbey noong 1985 napatunayan na 12 porsiyento lamang ng mga Amerikanong isinilang sapol noong 1946 ang nagsabing sila’y may “malaking pananampalataya” sa edad na 16.