Ang Tadhana ba ang Dapat Maghari sa Iyong Buhay?
SA LISTAHAN, ang tanging hindi naniwala sa pagtatadhana ay si Jesu-Kristo. Ano ba ang kaniyang paniwala?
Ang unang-siglong talambuhay tungkol kay Jesus (sa mga aklat ng Bibliya ng Mateo, Marcos, Lucas, at Juan) ay tumutukoy sa kaniyang paniwala na maaaring maimpluwensiyahan ng mga indibiduwal ang kanilang hinaharap, ang ibig sabihin lamang ay kung ano ang nangyayari sa kanila.
Halimbawa, sinabi ni Jesus na “magbibigay [ang Diyos] ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya” at na ang taong “nakapagtiis hanggang wakas ang siyang maliligtas.” Gayundin, nang ang mga tao sa Jerusalem ay ipagwalang-bahala ang mga babala na kaipala’y nagligtas sa kanilang buhay, ang kanilang reaksiyon ay hindi isinisi ni Jesus sa tadhana. Sa halip, sinabi niya: “Kayong mga tao ay hindi ninyo ibig ito.”—Mateo 7:7-11; 23:37, 38; 24:13.
Atin din namang mahahalata ang pangmalas ni Jesus sa pamamagitan ng kaniyang sinabi tungkol sa isang kapaha-pahamak na sakuna na naganap sa Jerusalem, na nagsasabi: “Yaong labingwalo na nalagpakan ng moog sa Siloam, at nangamatay, ay inaakala baga ninyo na sila’y lalong salarin kaysa lahat ng taong nananahan sa Jerusalem? Sinasabi ko sa inyo, Hindi.” (Lucas 13:4, 5) Pansinin na ang pagkamatay niyaong 18 katao ay hindi sinabi ni Jesus na yao’y itinadhana, ni sinabi man niya na sila’y nangamatay dahilan sa sila’y higit na balakyot kaysa iba. Bagkus, di-tulad ng mga Fariseo noong kaniyang kaarawan na ang pagtatadhana ay iniugnay sa paniwala sa malayang kalooban ng tao, itinuro ni Jesus na maaaring impluwensiyahan ng tao ang kaniyang indibiduwal na kinabukasan.
Itinuro rin ng mga apostol ni Jesus na ang kaligtasan ay maaaring piliin at maaaring kamtin ng lahat. Si apostol Pablo ay sumulat: “Iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan, na sa iyo’y nakapagpapadunong sa ikaliligtas.” At ang apostol Pedro ay nagsabi: “Gaya ng mga sanggol na bagong silang, magnasa kayo nang may pananabik sa gatas na walang daya na ukol sa salita, upang sa pamamagitan nito kayo’y magsilago sa ikaliligtas.” (2 Timoteo 3:15; 1 Pedro 2:2; tingnan din ang Gawa 10:34, 35; 17:26, 27.) Sa Encyclopædia of Religion and Ethics ni Hastings ay binabanggit na ang mga manunulat noong ikalawa- at ikatlong-siglo, tulad baga ni Justin, Origen, at Irenaeus, ay ‘walang alam na anuman tungkol sa walang-pasubaling pagtatadhana; sila’y tinuruan ng malayang kalooban.’
Ngunit kung napakarami, kasali na ang maraming Judio sa palibot nila, ang naniniwala sa mga anyo ng pagtatadhana, bakit si Jesus at ang sinaunang mga Kristiyano ay hindi naniwala na itinakda na ang kapalaran ng tao? Ang isang dahilan ay sapagkat ang ideyang iyan ay lipos ng mga suliranin. Turingan natin ang dalawa lamang: Ang pagtatadhana ay salungat sa mga katangian ng Diyos na Jehova; ito’y pinabubulaanan ng matatag nang mga katotohanan. Isa pa, maaring isapanganib nito ang iyong kasalukuyan at panghinaharap na buhay. Ang isang malapitang pagmamasid ay magpapakita sa iyo kung papaano nga ito nagkagayon.
Ang Ipinahihiwatig ng Pagtatadhana at ang mga Katangian ng Diyos
Kung babalik tayo sa ikatlong siglo B.C.E., ang pilosopong si Zeno ng Citium ay nagturo sa kaniyang mga mag-aarál sa Atenas na “tanggapin ang utos ng Tadhana tulad sa isang nakukubling paraan bilang ang pinakamagaling.” Gayunman, isang araw pagkatapos na matuklasan ni Zeno na ang kaniyang alipin ay nagnanakaw, si Zeno ay napaharap mismo sa mga bagay na ipinahihiwatig ng kaniyang sariling pilosopya. Papaano ngang nagkagayon? Nang kaniyang gulpihin ang magnanakaw, ang alipin ay sumabat: “Ngunit itinadhana na ako’y magnakaw.”
May punto ang alipin ni Zeno. Kung ikaw ay naniniwala na ang buhay ng bawat tao’y itinadhana na bago pa man, ang pagsisi sa isang tao dahil sa siya’y isang magnanakaw ay mistulang paninisi sa isang buto ng dalanghita sa pagiging isang punong dalanghita. Siyanga pala, kapuwa ang tao at ang buto ay naging gayon lamang alinsunod sa isinaayos na programa. Ano nga ba, ang sa wakas ay kahulugan ng gayong pangangatuwiran?
Bueno, kung ang kanilang pagkatadhana ang sinusunod lamang ng mga kriminal, sa gayo’y ang isang nagtadhana sa kanila ang may pananagutan ukol sa kanilang mga ikinilos. Sino ba iyon? Ayon sa mga naniniwala sa tadhana, ang Diyos mismo. Kung palalawakin pa nang higit ang pangangatuwirang ito, ang Diyos ang kung gayo’y siyang Unang Sanhi ng lahat ng kasamaan, karahasan, at paniniil na nagawa ng tao. Sang-ayon ka ba riyan?
Isang artikulo sa Nederlands Theologisch Tijdschrift (Dutch Journal of Theology) ang nagsasabi na ang ganiyang paniwala ng pagtatadhana ay “nagpapalagay bago pa man ng isang larawan ng Diyos na, para sa mga Kristiyano man lamang, ay di-mapaninindigan.” Bakit? Sapagkat ito’y salungat sa larawan ng Diyos na inihaharap ng kinasihang manunulat ng Bibliya. Pansinin, halimbawa, ang mga siniping ito buhat sa kinasihang aklat ng Mga Awit: “Ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kabalakyutan.” “Sinumang umiibig sa karahasan ay tunay na kinapopootan ng Kaniyang kaluluwa.” “Buhat sa paniniil at buhat sa karahasan siya [ang inatasang Mesiyanikong Hari ng Diyos] ang tutubos sa kanilang kaluluwa.” (Awit 5:4; 11:5; 72:14) Malinaw, ang mga ipinahihiwatig ng pagtatadhana at ang mga katangian ng Diyos ay tuwirang nagkakasalungatan.
Ang Pagtatadhana at ang mga Pangyayari
Subalit kumusta naman ang likas na mga kapahamakan? Hindi ba ang mga ito ay itinadhanang maganap at samakatuwid imposible na maiwasan?
Ano ba ang ipinakikita ng mga pangyayari? Pansinin ang natuklasan sa pag-aaral tungkol sa sanhi ng likas na mga kapahamakan, na iniulat ng pahayagang Olandes na NRC Handelsblad: “Hanggang dito, ang mga lindol, baha, pagguho, at mga ipuipo . . . ay laging itinuturing na mga kakatuwang pangyayari sa kalikasan. Gayunman, sa pamamagitan ng malapitang pagsasaalang-alang ay makikita na ang marahas na panghihimasok ng tao sa kalikasan ay nakaapekto nang malaki sa kakayahan ng kapaligiran na ipagtanggol ang sarili laban sa kalamidad. Kaya naman, ang likas na mga kapahamakan ang nagpapahamak ng higit na mga buhay kaysa rati.”—Amin ang italiko.
Ang mga baha sa Bangladesh na binanggit sa naunang artikulo ay isang mainam na halimbawa. Sang-ayon sa mga siyentipiko ngayon “ang pagkawasak ng malalawak na kagubatan ng Nepal, Hilagang India, at Bangladesh ang pangunahing sanhi ng mga baha na nagpahirap sa Bangladesh noong kamakailang mga taon.” (Magasing Voice) Isa pang ulat ang nagsasabi na ang pagkalbo sa mga gubat ay lalong nagpabilis sa mga pagbaha sa Bangladesh mula sa isang pagbaha tuwing 50 taon hanggang sa isa bawat 4 na taon. Nahahawig na mga gawang pakikialam ng tao sa mga ibang panig ng daigdig ang humantong rin sa kapaha-pahamak na mga resulta—tagtuyot, mga sunog sa kagubatan, at pagguho ng lupa sa kabundukan. Oo, ang mga gawa ng tao—hindi ang mahiwagang tadhana—ang kadalasang sanhi o tagapagpalalâ ng likas na mga kapahamakan.
Kung gayon, dapat ding yaong kabaligtaran ang gawin ng mga gawa ng tao: pakauntiin ang mga kalamidad. Ganiyan nga ba ang nangyayari? Talaga nga. Isaalang-alang ang mga pangyayaring ito: ang UNICEF (United Nations Children’s Fund) ay nag-uulat na sa loob ng mga ilang taon daan-daang bata sa interyor ng Bangladesh ang nabulag. Ito ba’y dahil sa di-nagbabagong tadhana? Hindi nga. Pagkatapos na makumbinse ng mga manggagawa ng UNICEF ang mga ina na pakanin ang kanilang pamilya hindi lamang ng kanin kundi rin naman ng mga prutas at gulay, ang sakit sa mata ay nagsimulang umurong. Ngayon, ang pagbabagong ito ng pagkain ay nagligtas buhat sa pagkabulag ng daan-daang mga bata sa Bangladesh.
Gayundin, ang mga taong hindi naninigarilyo ay nabubuhay, sa katamtaman, mula sa tatlo hanggang apat na taon ang haba kaysa mga naninigarilyo. Sa mga pasahero sa kotse na nagsusuot ng mga seat belt ay mas kakaunti ang naaaksidente nang malubha kaysa roon sa hindi nagsusuot. Maliwanag, ang iyong sariling kilos—hindi ang tadhana—ang may impluwensiya sa iyong buhay.
Ang Nakamamatay na Bunga ng Paniniwala sa Pagtatadhana
Gaya ng binanggit na, ang paniniwala sa pagtatadhana ay maaari ring magpaikli ng iyong buhay. Papaano? Sa pagtalakay sa “mga halimbawa ng lalong kakila-kilabot na uri ng pagtatadhana,” sinasabi ng The Encyclopedia of Religion: “Buhat sa Digmaang Pandaigdig II may kabatiran tayo tungkol sa mga pagtorpedo na isinasagawa ng nagpapakamatay na mga Hapones at ng pagpapatiwakal sa mga kuwartel ng SS (Schutzstaffel) noong panahon ng pamamahala ni Hitler bilang pagtugon sa ideya ng destinasyon (Schicksal) na ipinagpapalagay na sa kabila pa roon ng halaga ng indibiduwal na mga buhay ng tao.” At kamakailan, ang puna ng aklat ding iyan, “ang makarelihiyosong kinasihang nagpapatiwakal na mga pag-atake sa mga target na ipinagpapalagay na banta sa Islam . . . ay naging halos regular na pitak sa mga pag-uulat ng mga pahayagan sa Malapit na Silangan.” Libu-libong mga kabataang sundalo, ang sabi ng gayong pag-uulat, ang lumahok sa labanan kumbinsido na “kung hindi nasusulat na ang isa’y nakatakdang mamatay, siya’y hindi maaano.”
Subalit, maging ang respetadong mga gurong Muslim ay tutol sa ganiyang kawalang-pakundangan. Halimbawa, isang caliph ang nagsabi: “Siyang nasusunog na sa apoy ay dapat tumalaga na sa kalooban ng Diyos; ngunit siyang wala pa roon sa apoy ay hindi naman kailangang tumalon doon.” Nakalulungkot sabihin, maraming mga kawal ang hindi kumilos na kasuwato ng payo ng caliph. Sa halos walong taon ng digmaan, ang Iran ay dumanas ng tinatayang 400,000 nangamatay—higit kaysa dami ng nangamatay sa kawal ng Estados Unidos noong Digmaang Pandaigdig II! Malinaw, ang pagtatadhana ay makapagpapaigsi ng iyong buhay. Maaari pa ngang isapanganib nito ang iyong panghinaharap na buhay. Sa papaano?
Yamang ang isang tagapagtadhana ay naniniwala na ang kinabukasan ay di-maiiwasan at katulad din ng nakalipas na takda na, madaling makasasagap siya ng mapanganib na ugali ng pagkatao. Anong ugali? Ganito ang sagot ng Encyclopedia of Theology: “Ang indibiduwal . . . ay nakadarama na siya’y walang magagawa, isang walang-saysay, nauubos na salik sa mga kalakaran sa lipunan na waring hindi maiiwasan. Ito’y umaakay sa hilig na pagkawalang-bahala na kakabit ng mapamahiing pagpapaliwanag na lahat ng bagay ay depende sa isang mahiwaga ngunit nangingibabaw na tadhana.”
Ano’t ang pagkawalang-bahala ay totoong mapanganib? Malimit na ito’y humahantong sa isang kamangmangang saloobin ng pagkatalo. Ito’y maaaring humadlang sa tagapagtadhana sa kusang pagkilos o pagtugon sa kahanga-hangang paanyaya ng Diyos: “Oh kayo, lahat kayong nauuhaw! Magsiparito kayo sa tubig . . . Inyong ikiling ang inyong tainga at magsiparito kayo sa akin. Kayo’y magsipakinig, at ang inyong kaluluwa ay mananatiling buháy.” (Isaias 55:1-3) Kung ang paniniwala sa tadhana ay humihila sa isa na huwag ‘pumarito’ at ‘makinig,’ ang bunga nito’y ang pagwawala ng pagkakataon na ‘manatiling buháy’ magpakailanman sa darating na Paraisong isasauli sa lupa. Anong laking halaga para ibayad!
Kaya saan ka ba nakatayo? Kung ikaw ay sa isang komunidad na ang kaisipan ng mga tao’y nakasalig sa mga turong pagtatadhana, marahil ay tinanggap mo ang paniwalang iyan nang walang anumang pag-aalinlangan. Gayunman, ang mga pagtutol na tinalakay sa artikulong ito ay marahil nakatulong sa iyo na makitang sa kalakhang bahagi ang iyong kasalukuyan at panghinaharap na buhay ay hinuhubog ng iyong sariling mga gawa.
Gaya ng nakita mo, ang katuwiran, mga pangyayari, at, higit sa lahat, ang Banal na Kasulatan ay nagpapakita na hindi ka dapat padala sa saloobin ng nakamamatay na pagkatalo dahilan sa pagtatadhana. Sa halip, gaya ng ipinayo ni Jesus: “Magkandahirap . . . na pumasok sa matuwid na pintuan.” (Lucas 13:24, The Emphatic Diaglott, interlinear reading) Ano ba ang ibig niyang sabihin? Ganito ang paliwanag ng isang komentarista ng Bibliya: “Ang salitang [agonize, (sa Ingles)] ay hango sa mga laro sa Gresya. Sa kanilang mga karera . . . sila’y nagsusumikap, o nagkakandahirap, o ibinubuhos ang lahat ng kanilang lakas upang magtagumpay.” Sa halip na sumuko ka sa pagkatalo sa buhay, ipinapayo ni Jesus na magsumikap ka sa wala nang iba kundi, tagumpay!
Kung gayon, tanggalin mo sa iyo ang anumang pagwawalang-bahala na likha ng paniniwala sa tadhana. Lumahok ka sa karera ng buhay na ipinapayo ng Salita ng Diyos, at huwag hayaang ang pagtatadhana ang makahadlang sa iyo. (Tingnan ang 1 Corinto 9:24-27.) Bilisan mo ang iyong pagkilos sa pamamagitan ng dagling pagtugon sa kinasihang paanyaya: “Piliin mo ang buhay upang ikaw ay manatiling buháy, ikaw at ang iyong supling.” Papaano ka makagagawa ng ganiyang pasiya? “Sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, ng pakikinig sa kaniyang tinig at pangungunyapit sa kaniya.” Ang paggawa mo ng ganiyan ay hahantong sa tagumpay, sapagkat magpapatunay na si Jehova ang “iyong buhay at ang kahabaan ng iyong mga araw.”—Deuteronomio 30:19, 20.
[Larawan sa pahina 7]
Ang ipinangaral ni Moises ay hindi ang tadhana kundi ang payo niya: “Piliin mo ang buhay upang ikaw ay manatiling buháy.”