Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 9/1 p. 4-7
  • Itinuturo ba ng Bibliya ang Paniniwala sa Kapalaran?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Itinuturo ba ng Bibliya ang Paniniwala sa Kapalaran?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sino ang Dapat Sisihin?
  • “Panahon at Di-inaasahang Pangyayari”
  • Ang mga Pinsala ng Di-kasakdalan
  • Paniniwala sa Kapalaran​—Ang Nakapipinsalang Epekto Nito
  • Isa Bang Hadlang sa Ating Kaugnayan sa Diyos?
  • Napalaya Buhat sa Kalupitan ng Kapalaran
  • Ito ba’y Kapalaran o Nagkataon Lamang?
    Gumising!—1999
  • Kapalaran—Hinuhubog Ba Nito ang Iyong Kinabukasan?
    Gumising!—1985
  • Kontrolado ba ng Kapalaran ang Iyong Buhay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Ang Paniniwala ba sa Tadhana ang Naghahari sa Iyong Buhay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 9/1 p. 4-7

Itinuturo ba ng Bibliya ang Paniniwala sa Kapalaran?

LIBELO! PANINIRANG-PURI! Kapag inaakala ng isang iginagalang na miyembro ng komunidad na ang kaniyang pangalan o reputasyon ay sinira ng isang maling ulat, napipilitan siyang ituwid ang mga bagay-bagay. Baka idemanda pa niya yaong may pananagutan sa libelo.

Buweno, ang paniniwala sa kapalaran ay talagang paninirang-puri sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Inaangkin ng turo na ang Diyos ay personal na may pananagutan sa lahat ng trahedya at sakunang dinaranas ng sangkatauhan. Kung naniniwala ka sa kapalaran, baka isipin mong ang Soberano ng Sansinukob ay naghanda ng talaan na kababasahan ng katulad ng sumusunod: ‘Ngayon, mapipinsala si John sa isang aksidente sa kotse, aatakihin ng malarya si Fatou, gigibain ng bagyo ang bahay ni Mamadou’! Magaganyak ka kayang maglingkod sa gayong uri ng Diyos?

‘Ngunit kung hindi ang Diyos ang may pananagutan sa ating mga kasawian, sino kung gayon?’ ang tanong ng mga naniniwala sa kapalaran. Si Ousmane, ang binatang nabanggit sa naunang artikulo, ay nagtanong nito sa kaniyang sarili. Subalit hindi na siya nanghula o nagkuru-kuro pa upang malaman ang katotohanan. Natutuhan niya na nililinis ng Diyos ang kaniyang pangalan buhat sa ganitong paninirang-puri sa pamamagitan ng mga turo na masusumpungan sa Kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya. (2 Timoteo 3:16) Kung gayon, tingnan natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa paksang ito.

Sino ang Dapat Sisihin?

Ang mga baha, bagyo, lindol​—ang gayong mga kapahamakan ay malimit na tawaging gawa ng Diyos. Subalit hindi ipinakikita ng Bibliya na pinapangyayari ng Diyos ang gayong mga kapahamakan. Isaalang-alang ang isang trahedya na nangyari mga siglo na ang nakaraan sa Gitnang Silangan. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang tanging nakaligtas sa kapahamakang ito ay nag-ulat: “Ang mismong apoy ng Diyos [Hebreong pananalita na madalas mangahulugan ng kidlat] ay nahulog mula sa mga langit at nag-lagablab sa mga tupa at sa mga bataan at nilamon sila.”​—Job 1:16.

Bagaman maaaring inisip ng nahihintakutang lalaking ito na ang Diyos ang may pananagutan sa apoy, ipinakikita ng Bibliya na hindi Siya dapat sisihin. Basahin mo mismo ang Job 1:7-12, at malalaman mo na ang kidlat ay pinapangyari, hindi ng Diyos, kundi ng kaniyang Kaaway​—si Satanas na Diyablo! Hindi naman lahat ng sakuna ay tuwirang gawa ni Satanas. Ngunit maliwanag, walang dahilan upang sisihin ang Diyos.

Ang totoo, mga tao ang madalas na dapat sisihin kapag may suliranin. Ang mga kabiguan sa paaralan, sa trabaho, o sa mga ugnayang panlipunan ay maaaring bunga ng kawalan ng pagsisikap at mabuting pagsasanay o marahil ng kawalan ng konsiderasyon sa iba. Gayundin naman, ang mga sakit, aksidente, at kamatayan ay maaaring bunga ng kapabayaan. Aba, ang pagkakabit lamang ng seat belt kapag nagmamaneho ay totoong nakababawas sa posibilidad na mamatay ang isa dahil sa aksidente sa sasakyan. Walang anumang kabuluhan ang seat belt kung ang di-mababagong “kapalaran” ay nagmamaneobra. Ang wastong medikal na pangangalaga at kalinisan ay lubhang nakababawas din sa bilang ng mga di-inaasahang pagkamatay. Kahit ang ilang kapahamakan na karaniwan nang tinaguriang “gawa ng Diyos” ay, sa totoo, gawa ng tao​—ang nakalulungkot na pamana ng maling pamamalakad ng tao sa lupa.​—Ihambing ang Apocalipsis 11:18.

“Panahon at Di-inaasahang Pangyayari”

Totoo, maraming malungkot na pangyayari na ang mga sanhi ay hindi malinaw na nakikita. Subalit, pansinin ang sinasabi ng Bibliya sa Eclesiastes 9:11: “Bumalik ako upang makita sa silong ng araw na hindi ang matutulin ang nananalo sa takbuhan, ni ang malalakas man ang sa pagbabaka, ni ang mga pantas man ang siyang may pagkain, ni ang mga kayamanan man ay sa mga taong may unawa, ni ang pabor man ay doon sa mga taong may kaalaman; sapagkat ang panahon at di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa kanilang lahat.” Kaya walang dahilan upang maniwala na ang Maylalang ang siyang nasa likod ng mga aksidente o na sa anumang paraan ang mga biktima ng mga aksidente ay pinarurusahan.

Pinabulaanan ni Jesu-Kristo mismo ang pangangatuwiran tungkol sa kapalaran. Nang banggitin ang isang trahedya na alam na alam ng kaniyang mga tagapakinig, nagtanong si Jesus: “Yaong labingwalo na nabagsakan ng tore ng Siloam, kung kaya sila ay namatay, inaakala ba ninyo na sila ay napatunayang may mas malaking utang kaysa lahat ng mga tao na nananahanan sa Jerusalem? Sinasabi ko sa inyo, tunay ngang hindi.” (Lucas 13:4, 5) Maliwanag na iniuugnay ni Jesus ang dahilan ng kapahamakan, hindi sa pagkilos ng Diyos, kundi sa “panahon at di-inaasahang pangyayari.”

Ang mga Pinsala ng Di-kasakdalan

Subalit kumusta naman ang di-maipaliwanag na mga kamatayan at sakit? Ganito ang tuwirang paglalarawan ng Bibliya sa kalagayan ng tao: “Kay Adan ang lahat ay namamatay.” (1 Corinto 15:22) Sinasalot na ng kamatayan ang sangkatauhan mula nang tahakin ng ating ninunong si Adan ang landas ng pagsuway. Gaya ng ibinabala ng Diyos, ipinamana ni Adan sa kaniyang mga supling ang kamatayan. (Genesis 2:17; Roma 5:12) Kaya naman, sa wakas ang lahat ng sakit ay matatalunton sa ating ninunong si Adan. Ang ating minanang mga kahinaan ay may malaki ring kinalaman sa mga siphayo at kabiguan na dinaranas natin sa buhay.​—Awit 51:5.

Isaalang-alang ang suliranin tungkol sa karukhaan. Ang paniniwala sa kapalaran ang humimok sa mga nagdurusa nito na tanggapin na lamang ang kanilang mahirap na kalagayan. ‘Ito ang ating tadhana,’ ang paniwala nila. Subalit ipinakikita ng Bibliya na ang di-kasakdalan ng tao, hindi ang kapalaran, ang siyang dapat sisihin. Ang ilan ay nagiging dukha kapag ‘inaani nila ang kanilang inihasik’ dahil sa katamaran o maling paggamit ng mga tinatangkilik. (Galacia 6:7; Kawikaan 6:10, 11) Milyun-milyon ang namumuhay sa karukhaan dahil sila’y biktima ng mga taong masasakim na nasa kapangyarihan. (Ihambing ang Santiago 2:6.) “Dominado ng tao ang kapuwa-tao sa kaniyang kapahamakan,” sabi ng Bibliya. (Eclesiastes 8:9) Walang umiiral na katibayan na ang Diyos o ang kapalaran ang nagpangyari sa lahat ng karukhaan.

Paniniwala sa Kapalaran​—Ang Nakapipinsalang Epekto Nito

Ang isa pang nakahihikayat na argumento laban sa paniniwala sa kapalaran ay ang epekto nito sa mga naniniwala. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga, ngunit bawat bulok na punungkahoy ay nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga.” (Mateo 7:17) Suriin natin ang isang “bunga” ng paniniwala sa kapalaran​—ang impluwensiya nito sa pagkadama ng mga tao ng pananagutan.

Mahalaga ang isang matibay na pagkadama ng personal na pananagutan. Isa ito sa mga bagay na nag-uudyok sa mga magulang upang maglaan para sa kani-kanilang pamilya, upang magtrabaho nang mahusay ang mga manggagawa, upang maglabas ng de-kalidad na produkto ang mga may-ari ng pagawaan. Ang paniniwala sa kapalaran ay mag-uudyok na ipagwalang-bahala ang ganiyang pagkadama ng pananagutan. Halimbawa, ipagpalagay na sira ang manibela ng kotse ng isang lalaki. Kung nakadarama siya ng malaking pananagutan, ipakukumpuni niya ito dahil sa pagkabahala sa kaniyang sariling buhay at niyaong mga pasahero niya. Sa kabilang dako, ang isang naniniwala sa kapalaran ay magkikibit-balikat na lamang sa panganib, anupat ikakatuwiran na ang pagkasira ay mangyayari lamang kung iyon ay ‘kalooban ng Diyos’!

Oo, ang paniniwala sa kapalaran ay madaling magbunsod ng kapabayaan, katamaran, ng pag-iwas na managot sa pagkilos ng isa, at ng marami pang ibang negatibong katangian.

Isa Bang Hadlang sa Ating Kaugnayan sa Diyos?

Pinakamasahol pa, ang paniniwala sa kapalaran ay hahadlang sa pagkadama ng isa ng pananagutan, o obligasyon, sa Diyos. (Eclesiastes 12:13) Hinimok ng salmista ang buong sangkatauhan na “tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti.” (Awit 34:8) Nagtakda ang Diyos ng ilang kahilingan para sa mga magtatamasa ng kaniyang kabutihan.​—Awit 15:1-5.

Isa sa gayong kahilingan ay ang pagsisisi. (Gawa 3:19; 17:30) Kasangkot dito ang pag-amin ng ating mga pagkakamali at paggawa ng kinakailangang pagbabago. Bilang di-sakdal na mga tao, lahat tayo ay maraming dapat pagsisihan. Pero kung naniniwala ang isang tao na siya ay isang kaawa-awang biktima ng kapalaran, mahirap makadama ng pangangailangang magsisi o akuin ang pananagutan sa kaniyang mga pagkakamali.

Ganito ang sabi ng salmista tungkol sa Diyos: “Ang iyong maibiging-kabaitan ay mas mabuti kaysa sa buhay.” (Awit 63:3) Gayunman, ang paniniwala sa kapalaran ay nakakumbinsi sa milyun-milyon na ang Diyos ang nasa likod ng kanilang mga kabagabagan. Natural, dahil dito ay naghinanakit sa kaniya ang marami, anupat sinarhan ang pintuan para sa pagkakaroon nila ng totoong malapit na kaugnayan sa Maylalang. Tutal, paano mo iibigin ang isa na minamalas mong siyang sanhi ng lahat ng iyong suliranin at pagsubok? Sa gayo’y naglalagay ng hadlang sa pagitan ng Diyos at ng tao ang paniniwala sa kapalaran.

Napalaya Buhat sa Kalupitan ng Kapalaran

Ang kabataang si Ousmane, na nabanggit sa pasimula, ay minsang napaalipin sa paniniwala sa kapalaran. Subalit, nang tulungan siya ng mga Saksi ni Jehova upang suriin ang kaniyang kaisipan salig sa liwanag ng Bibliya, napakilos si Ousmane na talikuran ang kaniyang paniniwala sa kapalaran. Ang bunga ay isang malalim na pagkadama ng ginhawa gayundin ng isang bago at positibong pangmalas sa buhay. Mas mahalaga, nakilala niya si Jehova bilang isang Diyos na “maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.”​—Exodo 34:6.

Nabatid din ni Ousmane na ang Diyos, bagaman hindi nagpaplano ng lahat ng detalye sa ating buhay, ay may layunin para sa hinaharap.a Ganito ang sabi ng 2 Pedro 3:13: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” Milyun-milyon ang natulungan ng mga Saksi ni Jehova na maglinang ng pag-asa sa buhay na walang-hanggan bilang bahagi ng ipinangakong ito na “bagong lupa.” Ibig rin nilang matulungan ka.

Habang lumalago ang iyong tumpak na kaalaman sa Bibliya, mauunawaan mo na ang iyong kinabukasan ay hindi nakasalalay sa isang itinakdang kapalaran na doo’y wala kang kontrol. Kapit na kapit ang mga salita ni Moises sa mga sinaunang Israelita: “Inilagay ko ang buhay at ang kamatayan sa harap mo, ang pagpapala at ang maldisyon; at dapat mong piliin ang buhay upang ikaw ay manatiling buháy, ikaw at ang iyong supling, sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, sa pakikinig sa kaniyang tinig at sa pangungunyapit sa kaniya.” (Deuteronomio 30:19, 20) Oo, hawak mo ang iyong kinabukasan. Wala ito sa kamay ng kapalaran.

[Talababa]

a Para sa detalyadong pagtalakay sa patiunang kaalaman ng Diyos, tingnan Ang Bantayan, Enero 15, 1985, pahina 3-7.

[Mga larawan sa pahina 6, 7]

Hindi ‘gawa ng Diyos’ ang mga kapahamakang ito

[Credit Lines]

Kuha ng U.S. Coast Guard

WHO

Kuha ng UN 186208/M. Grafman

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share