Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 9/1 p. 3-4
  • Kontrolado ba ng Kapalaran ang Iyong Buhay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kontrolado ba ng Kapalaran ang Iyong Buhay?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Kaparehong Materyal
  • Itinuturo ba ng Bibliya ang Paniniwala sa Kapalaran?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Ang Paniniwala ba sa Tadhana ang Naghahari sa Iyong Buhay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Ito ba’y Kapalaran o Nagkataon Lamang?
    Gumising!—1999
  • Kapalaran—Hinuhubog Ba Nito ang Iyong Kinabukasan?
    Gumising!—1985
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 9/1 p. 3-4

Kontrolado ba ng Kapalaran ang Iyong Buhay?

ALA NÒ DON.” Sa wikang Bambara ng Mali, Kanlurang Aprika, ang mga salitang ito ay nangangahulugang, “Gawa iyon ng Diyos.” Ang mga sawikaing katulad nito ay totoong pangkaraniwan sa bahaging iyan ng daigdig. Sa wikang Wolof, ganito ang kasabihan, “Yallah mo ko def” (Ginawa iyon ng Diyos). At sa isang panlalawigang diyalekto ng mga Dogon, sinasabi nila, “Ama biray” (Pinapangyari iyon ng Diyos).

Ang mga kasabihang ito ay may katumbas sa ibang lupain. Ang mga sawikaing tulad ng, “Dumating na ang oras niya” at, “Kalooban iyon ng Diyos” ay madalas marinig kailanma’t may namatay o naganap na trahedya. Sa Kanlurang Aprika, ang mga sawikaing tulad ng “Ang tao ang nagpapanukala, ang Diyos ang nagpapasiya” ay karaniwang nakapinta sa mga pampublikong sasakyan at nakapaskil sa mga tindahan. Para sa marami ay mga bukambibig lamang ang mga ito. Subalit kadalasan, masasalamin sa mga ito ang matibay na paniniwala sa kapalaran.

Ano nga bang talaga ang paniniwala sa kapalaran? Binigyang-katuturan ito ng The World Book Encyclopedia bilang “ang paniniwala na ang mga pangyayari ay itinatakda ng mga puwersang hindi masusupil ng mga tao.” Ano ba ang “mga puwersang” ito? Libu-libong taon na ang nakaraan, naniniwala ang mga taga-Babilonya na ang kapalaran ng isang tao ay lubhang naiimpluwensiyahan ng posisyon ng mga bituin nang siya’y isilang. (Ihambing ang Isaias 47:13.) Naniniwala ang mga Griego na ang kapalaran ay nasa kamay ng tatlong makapangyarihang diyosa na nagkidkid, sumukat, at pumutol sa hibla ng buhay. Gayunman, ang mga teologo ng Sangkakristiyanuhan ang siyang nagpasimula ng idea na ang Diyos mismo ang nagtatakda ng kapalaran ng isang tao!

Halimbawa, tinanggihan ni “Saint” Augustine ang “huwad at nakalalasong mga opinyon” ng mga astrologo. Sa kabilang banda, ikinatuwiran niya na “ang mag-angking umiiral ang Diyos, at kasabay nito ay itanggi na Siya ay may patiunang kaalaman sa mga bagay sa hinaharap, ang siyang pinakamalaking kamangmangan.” Sinabi niya na upang ang Diyos ay maging tunay na makapangyarihan sa lahat, tiyak na kaniyang “alam ang lahat ng bagay bago mangyari ang mga ito” anupat “walang anumang di-itinadhana.” Gayunman, mariing ipinahayag ni Augustine na bagaman patiunang alam ng Diyos ang lahat ng nangyayari, taglay pa rin ng tao ang malayang kalooban.​—The City of God, Aklat V, Kabanata 7-9.

Pagkaraan ng mga siglo, ang idea ay pinaunlad pa ng Protestanteng teologo na si John Calvin, na nagsabing samantalang ang ilan ay “itinadhana [ng Diyos] na maging mga anak at tagapagmana ng makalangit na kaharian,” ang iba naman ay itinadhanang “tumanggap ng kaniyang galit”!

Sa ngayon, ang paniniwala sa kapalaran ay tinatanggap sa maraming panig ng daigdig. Tingnan ang karanasan ni Ousmane, isang binatang taga-Kanlurang Aprika. Isa siya sa pinakamagagaling na estudyante sa kaniyang paaralan, subalit nang kumuha siya ng panghuling pagsusulit, hindi siya nakapasa! Nangahulugan ito hindi lamang ng pag-ulit ng isang taon sa paaralan kundi ng kahihiyan ng kaniyang pamilya at mga kaibigan. Sinikap siyang aliwin ng isang kaibigan na nagsabing iyon ang kalooban ng Diyos. Isinisi rin ng ina ni Ousmane sa kapalaran ang kaniyang kabiguan.

Sa una ay masayang tinanggap ni Ousmane ang kanilang pagdamay. Tutal, kung kalooban nga talaga ng Diyos ang kaniyang kabiguan, wala siyang anumang magagawa para maiwasan iyon. Iba naman ang pangmalas ng kaniyang ama. Sinabi niya kay Ousmane na kasalanan niya​—hindi ng Diyos​—ang hindi niya pagkapasa sa pagsusulit. Nabigo si Ousmane dahil talaga namang nagpabaya siya sa pag-aaral.

Palibhasa’y humina ang kaniyang paniniwala sa kapalaran, nagpasiya si Ousmane na suriin ang mga bagay-bagay. Inaanyayahan namin kayo ngayon na gayundin ang gawin sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa susunod na artikulo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share