Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 8/15 p. 10-15
  • Katapatan—Ano ang Katapat na Halaga?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Katapatan—Ano ang Katapat na Halaga?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Halimbawa ng Katapatan
  • Ang mga Patriarka ay Nagpakita ng Katapatan
  • Kristiyanong Katapatan
  • Katapatan​—Ano ang Katapat na Halaga?
  • Ang Katapatan na Walang Katapat na Halaga
  • Masdan Ninyo ang mga Matapat!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Pagharap sa Hamon ng Pagkamatapat
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • “Ikaw Lang ang Tapat”
    Maging Malapít kay Jehova
  • Kanino Ka Dapat na Maging Matapat?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 8/15 p. 10-15

Katapatan​—Ano ang Katapat na Halaga?

“Sa sinumang tapat ay gagawa kang may katapatan.”​—AWIT 18:25.

1, 2. (a) Ano ba ang katapatan, at papaanong ang mga pitak nito ay may epekto sa ating buhay? (b) Bakit mabuti na bumaling kay Jehova bilang ating pinakamahalagang Halimbawa?

PAGKAMATAPAT, tungkulin, pag-ibig, obligasyon, pagtatapat sa bansa o pinunò. Ano ba ang taglay ng lahat ng mga salitang ito? Ang mga ito ay iba’t ibang pitak ng katapatan. Ang katapatan ay isang maka-Diyos na katangian na nagmumula sa taos-pusong debosyon. Gayunman, para sa maraming tao sa ngayon, walang gaanong kabuluhan ang katapatan. Ang katapatan sa isang kabiyak, mga obligasyon sa nakatatandang mga miyembro ng pamilya, pagtatapat ng isang empleyado sa kaniyang amo​—lahat ay itinuturing na pansamantala at kalimitan ikinukompromiso. At ano ang nangyayari pagka nagkaroon ng suliranin sa katapatan? Kamakailan, sa Inglatera, nang isang accountant ang nagsabi ng katotohanan sa mga inspektor ng adwana tungkol sa pananalapi ng kaniyang kompanya, siya ay sinisante sa kaniyang trabaho.

2 Madaling magsalita tungkol sa katapatan, ngunit ang tunay na katapatan ay kailangang samahan ng gawa na walang pangamba ng pakikipagkompromiso. Bilang di-sakdal na mga tao, kadalasa’y bigo tayo rito. Kaya mabuti na ating isaalang-alang ang halimbawa ng isa na ang katapatan ay hindi mapag-aalinlanganan sa anumang paraan, ang Diyos na Jehova mismo.

Mga Halimbawa ng Katapatan

3. Papaano pinatunayan ni Jehova na tapat siya sa kaniyang layuning binabanggit sa Genesis 3:15?

3 Nang magkasala na si Adan, malinaw na ipinahayag ni Jehova ang kaniyang layunin na tubusin ang sangkatauhan na hindi pa isinisilang. Ang saligan ng ganitong pagkilos ay ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang mga nilalang na tao. (Juan 3:16) Nang takdang panahon, si Jesu-Kristo, ang binhing pangako na inihula sa Genesis 3:15, ay nagpatunay na siyang haing pantubos, at tiyak naman na hindi man lamang iisipin ni Jehova na lumihis sa kaniyang inihayag na layunin. Sa pagtanggap natin sa hain ni Jesus, ang ating pananampalataya ay hindi hahantong sa pagkabigo.​—Roma 9:33.

4. Papaano pinatunayan ni Jehova na siya’y tapat kay Jesus, at ano ang resulta?

4 Ang katapatan ni Jehova kay Jesus ay lubhang nakapagpalakas sa Anak sa panahon ng kaniyang paglagi sa lupa. Alam ni Jesus na siya’y kailangang humarap sa kamatayan at matibay ang kaniyang pasiya na manatiling tapat sa kaniyang Diyos hanggang sa wakas. Ang malaki-laking kaalaman tungkol sa kaniyang buhay bago siya naging tao ay isiniwalat sa kaniya nang siya’y bautismuhan at pahiran ng banal na espiritu. Sa gabi ng pagkakanulo sa kaniya, siya’y nanalangin na muling mapabalik siya sa kaniyang Ama sa langit, sa ‘kaluwalhatian na taglay niya sa piling ni Jehova bago naging gayon ang sanlibutan.’ (Juan 17:5) Papaano ito mangyayari? Tanging sa pamamagitan ng hindi pag-iiwan ni Jehova sa kaniyang tapat na Anak sa libingan upang makakita ng kabulukan. Siya’y ibinangon ni Jehova buhat sa kamatayan tungo sa pagkawalang-kamatayan, sa ngayo’y tapat na tinutupad ang makahulang pangakong nasusulat sa Awit 16:10: “Hindi mo iiwan ang kaluluwa ko sa Sheol.”​—Gawa 2:24-31; 13:35; Apocalipsis 1:18.

5. Ano pang mga gawang katapatan ang may kaugnayan sa mga pangako ni Jehova kay Jesus?

5 Pagkatapos na siya’y buhaying-muli, alam din ni Jesus na makaaasa siya sa sinabi ni Jehova na ‘ilalagay ang kaniyang mga kaaway bilang tuntungan ng kaniyang mga paa.’ (Awit 110:1) Ang panahong iyan ay sumapit noong 1914, sa katapusan ng “itinakdang mga panahon sa mga bansa,” nang itatag ang Kaharian sa langit. Ang ipinangakong pananaig ni Jesus sa kaniyang mga kaaway ay nagsimula nang palayasin sa langit si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Ang sukdulan ay darating pagka sila’y inihagis na sa kalaliman upang manatili roon ng isang libong taon at “ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo” ay napuksa na.​—Lucas 21:24; Apocalipsis 12:7-12; 19:19; 20:1-3.

6. Anong tiyak na pag-asa ang ipinagkakaloob ng Diyos sa atin, at papaano tayo makapagpapakita ng ating pagpapahalaga roon?

6 Ang mang-aawit ay nagpayo: “Umasa ka kay Jehova at sundin mo ang kaniyang daan, at kaniyang itataas ka upang maging iyo ang lupa.” (Awit 37:34) Tayo’y makapagtitiwala na patuloy na tutupdin ni Jehova ang kaniyang salita, at magpahanggang sa katapusan ng balakyot na sanlibutang ito, ay kaniyang ililigtas ang mga lalaki, mga babae, at mga bata na ‘sumusunod sa kaniyang daan.’ Ang pariralang iyan sa orihinal na Hebreo ay nagpapahiwatig ng kapuwa kasipagan at katapatan sa paglilingkod kay Jehova. Ngayon, samakatuwid, ay hindi panahon upang manghinawa o bitiwan ang mga pribilehiyong ipinagkaloob sa atin. Ito ang panahon upang magpakasipag tayo sa tapat na paglilingkod sa ating Diyos at sa kaniyang Kaharian. (Isaias 35:3, 4) May maiinam na halimbawa na magpapatibay-loob sa atin. Ating isaalang-alang ang ilan sa mga iyan.

Ang mga Patriarka ay Nagpakita ng Katapatan

7, 8. (a) Anong atas na gawain ang inialok ni Jehova kay Noe at sa kaniyang pamilya? (b) Papaano pinatunayan ng sambahayan ni Noe na sila’y karapat-dapat iligtas ng Diyos sa panahon ng pagbaha sa buong lupa?

7 Nang nilayon ni Jehova na puksain ang isang balakyot na lipunan ng mga tao sa pamamagitan ng pagbaha ng tubig, siya’y gumawa ng tipan sa patriarkang ulo ng pamilya na si Noe ukol sa ikaliligtas ng kaniyang pamilya at ng pagpapatuloy ng buhay sa lupang ito. (Genesis 6:18) Si Noe ay nagpasalamat ukol sa pag-asang makaligtas sa ilalim ng pagkupkop ng Diyos, ngunit siya at ang kaniyang pamilya ay kailangang magpatunay na karapat-dapat doon. Papaano? Sa pamamagitan ng paggawa ng iniutos ni Jehova. Una muna’y napaharap sila sa napakalaking gawain na pagtatayo ng daong. Pagka iyon ay natapos na, kailangang punuin iyon ni Noe ng pares-pares na mga hayop at ng sapat na pagkain na makatutustos sa kanila nang mahabang panahon. Ngunit hindi pa iyan ang lahat. Sa pinalugitang panahon ng paghahanda, ginawa ni Noe ang lahat ng magagawa niya sa wala pang katulad na gawaing pangangaral, na nagbababala ng darating na paghuhukom ng Diyos.​—Genesis, kabanata 6 at 7; 2 Pedro 2:5.

8 Ang Bibliya’y nagsasabi sa atin na “ginawa ni Noe ang lahat ng iniutos sa kaniya ng Diyos. Ganoong-ganoon niya ginawa iyon.” (Genesis 6:22; 7:5) Si Noe at ang kaniyang pamilya ay nagpatunay na tapat sa pagtupad sa iniatas sa kanila. Ang kanilang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili ay nangahulugan na ginugol nila sa kapaki-pakinabang na paraan ang kanilang panahon, ngunit ang gawain ay mabigat at ang pangangaral ay mahirap. Sa hindi nila pag-aanak bago sumapit ang Baha, ang mga anak na lalaki ni Noe at ang kani-kanilang asawa ay natulungan na ipako ang kanilang kaisipan sa iniatas sa kanila na gawain at magtulung-tulong sa kanilang pagtatrabaho. Ang kapaha-pahamak na Bahang iyon ang nagdala ng wakas sa isang balakyot na sanlibutan. Tanging si Noe, ang kaniyang asawa, at ang kanilang tatlong anak na lalaki at ang tatlong manugang ang nangakaligtas. Ating maikagagalak na sila’y tapat sa Diyos at sa kaniyang mga ipinag-utos, yamang bawat isa sa atin ay tuwirang inapo ni Noe sa pamamagitan sa alinman kay Sem, kay Ham o kay Japhet.​—Genesis 5:32; 1 Pedro 3:20.

9. (a) Papaanong ang pagsubok ni Jehova kay Abraham ay isang pagsubok sa kaniyang katapatan? (b) Papaano nagpakita si Isaac ng katapatan tungkol dito?

9 Nang si Abraham ay maghandang ihandog si Isaac bilang isang hain, siya’y kumikilos bilang tapat na pagsunod sa iniutos ni Jehova. Anong laking pagsubok iyon sa kaniyang katapatan! Subalit, pinigil ni Jehova ang kamay ni Abraham, na ang sabi: “Talastas ko na ngayon na ikaw ay may takot sa Diyos sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak.” Ngayon, makabubuting pag-isipan natin ang mga pangyayari bago naganap iyan. Sa tatlong araw na paglalakbay sa Bundok Moriah, tiyak na nagkaroon si Abraham ng sapat na panahon na pag-isipan ang mga bagay-bagay at baguhin ang kaniyang isip. Kumusta naman si Isaac, na siyang may dala ng kahoy para sa paghahain at pumayag na siya’y igapos sa paa’t kamay? Siya’y hindi nagbago sa kaniyang katapatan sa kaniyang ama, si Abraham, ni kaniya mang pinag-alinlanganan ang papel na kailangang gampanan niya, bagaman lumilitaw na dahil sa kaniyang paglakad sa katapatan ay buhay niya ang kapalit.​—Genesis 22:1-18; Hebreo 11:17.

Kristiyanong Katapatan

10, 11. Ang mga sinaunang Kristiyano ay nagpakita ng anong mga halimbawa ng katapatan?

10 Si Jehova sa tuwina ay kumikilos nang may tunay na katapatan. “Magsitulad kayo sa Diyos,” ang payo ni apostol Pablo. (Efeso 5:1, 2) Gaya ng pagtugon ng mga patriarka, gayon tutugon ang mga Kristiyano. Ang mga sinaunang Kristiyano ay nagpakita ng maiinam na halimbawa sa tapat na pagsamba, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan.

11 Ang Romanong emperador na si Constancio I, ama ni Emperador Constantino, ay maliwanag na may matinding paggalang sa mga tagasunod ni Jesu-Kristo. Upang subukin ang katapatan ng mga Kristiyanong may kaugnayan sa kaniyang palasyo, kaniyang sinabi sa kanila na sila’y makapananatili sa paglilingkod sa kaniya tangi lamang kung sila’y papayag na maghain sa mga idolo. Kung tatanggi sila ay paaalisin sila at siya’y maghihiganti sa kanila, ang sabi sa kanila. Sa pamamagitan ng ganitong simpleng taktika, nais ni Constancio na makilala yaong mga hindi ipagkukompromiso ang kanilang katapatan. Yaong mga magpapatunay na tapat sa Diyos at sa kaniyang mga simulain ay pinapanatili sa pagseserbisyo sa emperador, ang iba ay naging mga pinagkakatiwalaang tagapayo pa man din. Yaong mga di-tapat sa utos ng Diyos ay pinaalis sa kahiya-hiyang paraan.

12. Papaano dapat magpakita ng katapatan ang mga tagapangasiwang Kristiyano, at bakit ito mahalaga para sa kapakanan ng kongregasyon?

12 Bagaman ang katapatan ang kailangang makita sa buhay ng lahat ng Kristiyano, ito ay espesipikong binabanggit sa Tito 1:8 sa listahan ng kuwalipikasyong kinakailangan para ang isang lalaki ay maging isang tagapangasiwang Kristiyano. Sang-ayon kay William Barclay ang hoʹsi·os, na salitang Griego na isinalin dito na “tapat,” ay tumutukoy sa “taong sumusunod sa walang-hanggang batas na dati na at umiiral na bago sa anumang gawang-taong mga batas.” Mahalaga na ang matatanda ay may gayong tapat na paninindigan sa pagsunod sa mga batas ng Diyos. Ang tamang halimbawang ito ay tutulong sa kongregasyon upang lumago at magkaroon ng sapat na lakas na harapin ang lahat ng pagsubok at kagipitan na maaaring magbanta roon bilang isang kalipunan o sa indibiduwal na mga miyembro. (1 Pedro 5:3) Ang hinirang na matatanda ay may malaking pananagutan sa kawan na huwag ikompromiso kailanman ang kanilang katapatan kay Jehova, sapagkat ang kongregasyon ay pinaaalalahanan na “tularan ang kanilang pananampalataya.”​—Hebreo 13:7.

Katapatan​—Ano ang Katapat na Halaga?

13. Ano ang ibig sabihin ng totoong kasabihan na “lahat ng tao ay may kanilang katapat na halaga,” at anong mga halimbawa ang waring nagpapatunay nito?

13 “Lahat ng tao ay may kanilang katapat na halaga” ang isang katotohanan na pinaniniwalaang binuo ni Sir Robert Walpole, isang Britanong punong ministro noong ika-18 siglo. Ito’y isang mainam na sumaryo ng katotohanan na sa buong kasaysayan ang katapatan ay kadalasang ipinagpapalit ng mapag-imbot na pakinabang. Isaalang-alang ang tagapagsalin ng Bibliya na si William Tyndale, na nagkamali nang tanggapin niya si Henry Phillips bilang isang tapat na kaibigan. Noong 1535 may kataksilang ipinagkanulo ni Phillips si Tyndale sa kaniyang mga kaaway, na humantong sa agad-agad na pagbibilanggo kay Tyndale at sa di-napapanahong kamatayan. Isang mananalaysay ang nagsasabi na si Phillips, marahil isang ahente ng alinman sa haring Ingles o sa mga Katolikong Ingles, “ay inupahan nang malaki sa kaniyang ginawang pagsasa-Judas.” Mangyari pa, ang tinutukoy ng mananalaysay ay si Judas Iscariote, na tumanggap ng 30 piraso ng pilak bilang halaga ng pagkakanulo kay Jesu-Kristo. Gayunman, hindi tayo dapat manghinuha buhat sa mga halimbawang ito na ang “halaga” para sa katapatan ng isang tao ay sa tuwina’y salapi. Hindi.

14. Papaanong ang katapatan ni Jose kay Jehova ay napalagay sa pagsubok, at ano ang kinalabasan?

14 Nang hilingin ng asawa ni Potipar na si Jose ay “sumiping [sa kaniya],” ang katapatan niya [ni Jose] kay Jehova ay napalagay sa pagsubok. Ano kaya ang kaniyang gagawin? Taglay ang isang isip na malinaw na nakauunawa na sa simulaing nasasangkot, si Jose ay patakbong lumabas sa bahay, desidido na siya’y huwag “gumawa ng ganitong malaking kasamaan at aktuwal na magkasala sa Diyos.” Ang katapatan ni Jose sa kaniyang Diyos, si Jehova, ay hindi nadaig ng posibleng malasap na ligaya sa seksuwal na pagtatalik.​—Genesis 39:7-9.

15. Papaano nagpakita si Absalom ng kawalang-katapatan, at ano ang resulta?

15 Gayunman, mayroon pang ibang mga panganib; ang ambisyon ay maaaring makasira sa katapatan. Iyan ang motibo na nag-udyok sa paghihimagsik ni Absalom sa kaniyang ama, si Haring David. Sa pamamagitan ng pakikipagsabuwatan at intriga, tinangka ni Absalom na magmapuri sa mga mamamayan. Sa wakas, siya ay bumuo ng isang hukbo upang harapin ang tapat na mga tumatangkilik sa kaniyang ama. Ang kaniyang pagkamatay sa kamay ni Joab ang tumapos sa kawalang-katapatan ni Absalom sa kaniyang ama, si David, ngunit anong laking halaga na ibayad para sa pagtatangkang maibagsak ang kaayusang teokratiko!​—2 Samuel 15:1-12; 18:6-17.

Ang Katapatan na Walang Katapat na Halaga

16. Ano ang isinisiwalat ng 2 Corinto 11:3 tungkol sa mga motibo ni Satanas?

16 Bagaman inaangkin ni Satanas na lahat ay may katapat na halaga, at ito’y totoo tungkol kay Absalom, ito ay hindi totoo tungkol kay Jose, at kailanman ay hindi ito naging totoo kung tungkol sa tapat na mga mananamba kay Jehova. Gayunman, si Satanas ay gagawa ng anumang alok upang ating sirain ang katapatan natin sa ating Maylikha. Si apostol Pablo ay nagpahayag ng kaniyang pangamba na “sa papaano man, kung papaanong nadaya si Eva ng ahas sa kaniyang katusuhan,” baka ang ating kaisipan ay pasamain, na aakay sa atin upang ikompromiso ang ating katapatan kay Jehova at ang pagsamba sa kaniya.​—2 Corinto 11:3.

17. Sa ano ipinagpalit ng ilan ang walang-katapat-na-halagang mga pribilehiyo ng paglilingkod?

17 Angkop naman na itanong natin sa ating sarili: ‘Mayroon bang katapat na halaga na maaari kong tanggapin kapalit ng aking pribilehiyong tapat na pagsamba sa aking Maylikha?’ Nakalulungkot isipin na, di-gaya ni Jose, may ilang mga nag-alay na lingkod ni Jehova na ipinagpalit ang kanilang pribilehiyo sa napakaliit na halaga. Mayroon pa ngang ilang matatanda na ang kanilang walang-katapat-na-halagang mga pribilehiyo ng banal na paglilingkod ay ipinagpalit ng pansamantalang pagtatamasa ng imoral at makalamang mga kalayawan. Sila ma’y matatanda o hindi, marami sa gumawa ng ganito ang nawalan ng hindi na maibabalik pang pagkakaisa ng pamilya, ng pag-ibig at paggalang ng kongregasyon, at ng pagsang-ayon ni Jehova​—ang Isa mismong makapagbibigay ng lakas upang ang isa’y makapanatiling tapat at mapaglabanan ang anumang tukso buhat kay Satanas.​—Isaias 12:2; Filipos 4:13.

18. Bakit mahalaga na pakinggan ang babala sa 1 Timoteo 6:9, 10?

18 Ang iba naman, dahil sa ambisyosong pagkadesididong maitaguyod ang makasanlibutang mga tunguhin, ay “tinuhog ang kanilang mga sarili ng maraming pasakit,” sa kabila ng malilinaw na babala ng Bibliya. (1 Timoteo 6:9, 10) Si Demas, isang Kristiyanong binanggit ni Pablo, ay napariwara dahilan sa ganitong bagay, pansamantala man o permanente. (2 Timoteo 4:10) Ang katapatan kay Jehova ay hindi kailanman maaaring ikompromiso na walang ibinubungang kapahamakan. “Ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagkat ano man ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”​—Galacia 6:7.

19, 20. (a) Ano ang ilan sa mga panganib na iniuugnay sa labis na panonood ng telebisyon? (b) Anong halimbawa ang ipinakita ng isang pamilya ng mga Saksi?

19 Kung minsan ang halagang ipinakikipagtawaran ay tinging hindi naman lumilikha ng anumang pinsala. Halimbawa, isang ulat buhat sa Estados Unidos ang nagsasabi na maraming pamilya ang gumugugol ng mga kalahati ng kanilang oras na sila’y gising sa tahanan sa panonood ng telebisyon, anupa’t ang kabataan ang lalo nang labis na nahuhumaling dito. Kung ang isang Kristiyano’y walang ipapasok sa kaniyang isip kundi unang-una’y yaong napapanood sa telebisyon, tungkol sa sekso at karahasan, hindi magtatagal at ang kaniyang mga simulaing Kristiyano ay maaapektuhan. Ito’y maaaring dagling humantong sa kaniyang pagiging di-tapat, napapahiwalay kay Jehova. Ang ganiyang masasamang kasama ay sumisira ng mabubuting ugali. (1 Corinto 15:33) Huwag nating kalilimutan na ang Kasulatan ay nagpapayo sa atin na mag-iskedyul ng panahon sa pag-aaral at pagbubulay-bulay sa Salita ni Jehova. Ang labis na panahon bang ginugugol sa panonood ng telebisyon ay makatuwirang ipalit sa panahon na maaari sanang ginamit upang kumuha ng kaalaman na aakay sa isa sa buhay na walang-hanggan bilang isang tapat na mananamba kay Jehova? Maraming mga taong tumatanggap ng kaalaman sa katotohanan sa ngayon ang kinailangan na gumawa ng malaking pagbabago sa kanilang kaisipan sa bagay na ito.​—1 Timoteo 4:15, 16; 2 Timoteo 2:15.

20 Si Takashi ay isang negosyanteng Hapones na naninirahan sa Inglatera. Dati-rati’y gumugugol siya ng tatlo o apat na oras sa karamihan ng gabi sa panonood ng telebisyon kasama ang kaniyang pamilya. Pagkatapos na siya at ang kaniyang maybahay ay mabautismuhan tatlong taon na ngayon ang nakalipas, kaniyang ipinasiya na ang personal at ang pampamilyang pag–aaral sa Bibliya ang kinakailangang unahin higit sa lahat. Ang kaniyang panonood ng telebisyon ay ginawa na lamang niyang 15 o 30 minutos isang araw sa katamtaman, at siya’y nagpakita ng isang mainam na pangunguna sa pamilya. Bagaman kinailangan ni Takashi na sa pag-aaral ay gumamit ng dalawang Bibliya, isang Ingles at isang Hapones, ang kaniyang espirituwalidad ay mabilis na sumulong, at ngayon siya’y naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod sa isang kongregasyon sa wikang Ingles. Ang kaniyang maybahay ay isang auxiliary payunir. “Upang maingatan ang espirituwalidad ng aming dalawang anak na batang lalaki,” aniya, “sa araw-araw maingat na sinusubaybayan ko rin sila sa pinapayagan naming mag-asawa na panoorin nila sa telebisyon.” Ang ganiyang pagdisiplina sa sarili ay kapaki-pakinabang.

21. Ano ba ang alam natin tungkol sa mga taktika ni Satanas, at papaano natin maiingatan ang ating sarili?

21 Matitiyak natin ito: Batid ni Satanas ang ating mga kahinaan, marahil mas alam niya kaysa alam natin mismo. Gagawin niya ang lahat upang tayo’y sikaping makipagkompromiso o pahinain natin ang ating kapit sa ating katapatan kay Jehova. (Ihambing ang Mateo 4:8, 9.) Kung gayon, papaano natin maiingatan ang ating sarili? Sa pamamagitan ng laging pagsasaisip ng ating pag-aalay at pagkalugod na mapahusay natin ang ating mga kakayahan samantalang tayo’y naglilingkod alang-alang sa espirituwal na pangangailangan ng iba. Bilang tapat na mga lingkod ni Jehova, tayo’y kailangang laging abala sa paglilingkod sa kaniya at gabayan sa lahat ng panahon ng kaniyang banal na Salita. Ito ang tutulong sa atin sa ating matatag na pasiyang anuman ang halagang ialok sa atin ni Satanas ay hindi makapaglilihis sa atin sa ating katapatan sa Diyos.​—Awit 119:14-16.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Papaano nagpakita ng katapatan si Jehova at si Jesus?

◻ Ano ang ilan sa mga iba pang halimbawa sa Bibliya ng katapatan?

◻ Ano ang maaaring ialok o tangkaing gawin sa atin ni Satanas?

◻ Papaano natin mapatitibay ang ating sarili upang manatiling tapat sa ating pagsamba kay Jehova?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share