Pagharap sa Hamon ng Pagkamatapat
“Magbihis [kayo] ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.”—EFESO 4:24.
1. Bakit utang natin sa Diyos na Jehova ang pagiging matapat?
MARAMING pitak ang pagharap sa hamon ng pagkamatapat. Higit sa lahat ay ang pagharap sa hamon ng pagkamatapat sa Diyos na Jehova. Tunay, sa pagsasaalang-alang kung sino si Jehova at kung ano ang nagawa niya para sa atin, at dahil sa ating pag-aalay sa kaniya, utang natin sa kaniya ang pagiging matapat. Papaano ba natin ipinamamalas ang pagkamatapat sa Diyos na Jehova? Ang isang pangunahing paraan ay sa pamamagitan ng pagiging matapat sa matuwid na mga simulain ni Jehova.
2, 3. Ano ang kaugnayan sa pagitan ng pagkamatapat at katuwiran?
2 Upang maharap ang hamon, dapat nating pakinggan ang mga salita na masusumpungan sa 1 Pedro 1:15, 16: “Alinsunod sa Isa na Banal na tumawag sa inyo, kayo rin mismo ay magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi, sapagkat nasusulat: ‘Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.’ ” Ang pagkamatapat sa Diyos na Jehova ay magpapangyaring sundin natin siya sa lahat ng panahon, anupat ginagawang kasuwato ng kaniyang banal na kalooban ang ating kaisipan, salita, at pagkilos. Nangangahulugan ito ng pag-iingat ng mabuting budhi, gaya ng iniutos sa atin sa 1 Timoteo 1:3-5: “Ang layunin talaga ng mandatong ito [na huwag magturo ng kakaibang doktrina o magbigay-pansin sa mga kuwentong di-totoo] ay pag-ibig mula sa isang malinis na puso at mula sa isang mabuting budhi at mula sa pananampalatayang walang pagpapaimbabaw.” Totoo, walang sinuman sa atin ang sakdal, ngunit dapat na sinisikap natin ang buong makakaya natin, hindi ba?
3 Ang pagkamatapat kay Jehova ay hahadlang sa atin sa mapag-imbot na pakikipagkompromiso ng matuwid na mga simulain. Sa katunayan, ang pagkamatapat ang pipigil sa atin na maging mapagpaimbabaw. Pagkamatapat ang siyang nasa isip ng salmista nang siya’y umawit: “Turuan mo ako, O Jehova, tungkol sa iyong daan. Lalakad ako sa iyong katotohanan. Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.” (Awit 86:11) Kahilingan sa pagkamatapat ang angkop na inilarawan bilang ang pagiging “masunurin sa mga hindi maipatutupad.”
4, 5. Hahadlangan tayo ng pagkamatapat buhat sa paggawa ng ano?
4 Ang pagkamatapat sa Diyos na Jehova ay hahadlang din sa atin sa paggawa ng anumang magdudulot ng upasala sa kaniyang pangalan at Kaharian. Halimbawa, gayon na lamang ang di-pagkakaunawaan minsan ng dalawang Kristiyano anupat may kamaliang bumaling sila sa isang makasanlibutang hukuman. Nagtanong ang hukom, ‘Kayo bang dalawa ay mga Saksi ni Jehova?’ Maliwanag na hindi niya maunawaan kung bakit sila nasa hukuman. Ano ngang laking upasala iyan! Ang pagkamatapat sa Diyos na Jehova ay nagpangyari sana sa mga kapatid na iyon na sundin ang payo ni apostol Pablo: “Kung gayon, tunay ngang nangangahulugan ito ng lubusang pagkatalo sa inyo na nagkakaroon kayo ng mga hablahan sa isa’t isa. Bakit hindi na lamang ninyo hayaang gawan kayo ng mali? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang dayain kayo?” (1 Corinto 6:7) Tunay, ang landasin ng pagkamatapat sa Diyos na Jehova ay ang dumanas ng personal na kalugihan sa halip na magdulot ng upasala kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.
5 Nasasangkot din sa pagkamatapat sa Diyos na Jehova ang hindi pagpapadaig sa takot sa tao. “Ang panginginig sa mga tao ang siyang naglalagay ng silo, ngunit siya na nagtitiwala kay Jehova ay ipagsasanggalang.” (Kawikaan 29:25) Sa gayon, hindi tayo nakikipagkompromiso kapag napaharap sa pag-uusig, kundi sinusunod natin ang halimbawa ng mga Saksi ni Jehova sa dating Unyong Sobyet, sa Malawi, sa Etiopia, at sa maraming iba pang lupain.
6. Hahadlangan tayo ng pagkamatapat buhat sa pakikisalamuha kanino?
6 Kung tayo’y matapat sa Diyos na Jehova, iiwasan natin ang pakikipagkaibigan sa lahat ng kaniyang kaaway. Iyan ang dahilan kung kaya sumulat ang alagad na si Santiago: “Mga mangangalunya, hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Samakatuwid, ang sinumang naghahangad na maging kaibigan ng sanlibutan ay ibinibilang ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.” (Santiago 4:4) Ibig nating maging matapat na kagaya ng ipinamalas ni Haring David nang sabihin niya: “Hindi ko ba kinapopootan yaong matinding napopoot sa iyo, O Jehova, at hindi ba ako nakadarama ng pagkasuklam para sa mga naghihimagsik laban sa iyo? Kinapopootan ko sila taglay ang lubusang pagkapoot. Sila ay naging tunay na mga kaaway sa akin.” (Awit 139:21, 22) Hindi natin ibig na makisalamuha sa sinumang sinasadyang magkasala, sapagkat wala tayong kaugnayan sa kanila. Hindi ba ang pagkamatapat sa Diyos ang siyang hahadlang sa atin na makisalamuha sa gayong mga kaaway ni Jehova, nang tuwiran man o sa pamamagitan ng telebisyon?
Pagtatanggol kay Jehova
7. Ang pagkamatapat ay tutulong sa atin na gawin ang ano hinggil kay Jehova, at papaano ito ginawa ni Elihu?
7 Pagkamatapat ang magpapakilos sa atin na ipagtanggol ang Diyos na Jehova. Ano ngang inam na halimbawa ang mayroon tayo kay Elihu! Sinasabi sa atin ng Job 32:2, 3: “Ang galit ni Elihu . . . ay nag-init. Nag-alab ang kaniyang galit laban kay Job dahil sa pagpapahayag na ang kaniyang sariling kaluluwa ay matuwid sa halip na ang Diyos. Gayundin, nag-alab ang kaniyang galit laban sa kaniyang tatlong kasamahan sa bagay na hindi sila nakasumpong ng sagot kundi sila’y nagpasimulang maghayag na ang Diyos ay balakyot.” Sa Job kabanata 32 hanggang 37, ipinagtanggol ni Elihu si Jehova. Halimbawa, sinabi niya: “Pagtiisan ninyo ako nang sandaling panahon pa, at ipahahayag ko sa inyo na may mga salita pang masasabi para sa Diyos. . . . Iuukol ko ang katuwiran sa aking Manghuhubog. . . . Hindi niya aalisin ang kaniyang mga mata buhat sa sinumang matuwid.”—Job 36:2-7.
8. Bakit kailangan nating ipagtanggol si Jehova?
8 Bakit may pangangailangan na ipagtanggol si Jehova? Sa ngayon, ang ating Diyos na si Jehova ay nilalapastangan sa napakaraming paraan. Inaangkin na hindi siya umiiral, na siya ay bahagi ng isang Trinidad, na walang-hanggang pinahihirapan niya ang mga tao sa isang nag-aapoy na impiyerno, na siya ay bahagyang nagsisikap na kumbertehin ang sanlibutan, na hindi siya nagmamalasakit sa sangkatauhan, at marami pang iba. Ipinamamalas natin ang ating pagkamatapat sa kaniya sa pamamagitan ng pagtatanggol sa kaniya at pagpapatunay na si Jehova ay talagang umiiral; na siya ay marunong, makatarungan, makapangyarihan-sa-lahat, at maibiging Diyos; na siya ay may panahon para sa lahat ng bagay; at na kapag sumapit ang kaniyang takdang panahon, wawakasan niya ang lahat ng kasamaan at gagawing isang paraiso ang buong lupa. (Eclesiastes 3:1) Hinihiling nito na gamitin natin ang lahat ng pagkakataon upang magpatotoo sa pangalan at Kaharian ni Jehova.
Pagkamatapat sa Organisasyon ni Jehova
9. Sa anong mga bagay naipakita ng iba ang kanilang pagiging di-matapat?
9 Ngayon ay sumapit na tayo tungkol sa pagiging matapat sa nakikitang organisasyon ni Jehova. Talaga naman, nararapat lamang na maging matapat tayo rito, pati na sa “tapat at maingat na alipin,” na sa pamamagitan nito ay pinakakain sa espirituwal ang Kristiyanong kongregasyon. (Mateo 24:45-47) Sakaling may inilathala sa mga publikasyon ng Watch Tower na hindi natin nauunawaan o sinasang-ayunan ngayon. Ano kaya ang gagawin natin? Magagalit ba tayo at iiwan ang organisasyon? Iyan ang ginawa ng ilan nang ikapit ng The Watch Tower, maraming taon na ang nakaraan, ang bagong tipan sa Milenyo. Nagalit naman ang iba sa sinabi minsan ng Ang Bantayan hinggil sa isyu ng neutralidad. Kung yaong mga natisod hinggil sa mga bagay na ito ay naging matapat sa organisasyon at sa kanilang mga kapatid, hinintay sana nila na liwanagin ni Jehova ang mga bagay na ito, na siya namang ginawa niya sa kaniyang takdang panahon. Sa gayon, kasali sa pagkamatapat ang paghihintay nang may pagtitiis hanggang sa mailathala ng tapat at maingat na alipin ang higit pang pagkaunawa.
10. Ang pagkamatapat ay hahadlang sa atin buhat sa pagnanais na malaman ang ano?
10 Ang pagkamatapat sa nakikitang organisasyon ni Jehova ay nangangahulugan din ng pagtanggi sa mga apostata. Hindi nanaising malaman ng matapat na mga Kristiyano kung ano ang masasabi ng gayong mga tao. Totoo, hindi sakdal yaong mga ginagamit ng Diyos na Jehova upang pangasiwaan ang kaniyang gawain sa lupa. Subalit ano ba ang sinasabi ng Salita ng Diyos na dapat nating gawin? Iwan ang organisasyon ng Diyos? Hindi. Dapat tayong manatiling matapat dito dahil sa pagmamahal na pangkapatid, at nararapat na patuloy nating “ibigin nang masidhi ang isa’t isa mula sa puso.”—1 Pedro 1:22.
Pagkamatapat sa Matapat na Matatanda
11. Tutulungan tayo ng pagkamatapat na magbantay laban sa anong negatibong kaisipan?
11 Kapag nahihirapan tayong unawain ang isang bagay na sinabi o ginawa sa kongregasyon, hindi natin hahatulan ang mga motibo kung taglay natin ang pagkamatapat at ito ay tutulong sa atin upang ituring na marahil iyon ay may kinalaman sa paggamit ng kanilang kakayahang humatol. Hindi ba mas mainam na isaalang-alang ang mabubuting katangian ng hinirang na matatanda at ng ibang kapananampalataya sa halip na tingnan ang kanilang mga pagkukulang? Oo, ibig nating umiwas sa lahat ng gayong negatibong kaisipan, sapagkat may kaugnayan iyon sa pagiging di-matapat! Ang pagkamatapat ay tutulong din sa atin na sundin ang tagubilin ni Pablo na “huwag magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman.”—Tito 3:1, 2.
12, 13. Anong partikular na mga hamon ang kailangang harapin ng matatanda?
12 Ang pagkamatapat ay lalo nang naghaharap ng hamon sa matatanda. Isa sa mga hamong ito ay may kinalaman sa pagiging kompidensiyal. Ang isang miyembro ng kongregasyon ay maaaring may ipagtapat sa isang matanda. Ang pagkamatapat sa isang iyon ay hahadlang sa isang matanda na labagin ang simulain ng pagiging kompidensiyal. Susundin niya ang payo sa Kawikaan 25:9: “Huwag mong isiwalat ang kompidensiyal na usapan ng iba.” Nangangahulugan ito ng hindi pagsisiwalat ng bagay na iyon maging sa kaniyang sariling kabiyak!
13 May iba pang pagsubok ng pagkamatapat na kailangang harapin ng matatanda. Sila ba’y magiging mga tagapagpalugod sa tao, o may lakas ng loob at kahinahunan nilang tutulungan yaong nangangailangan ng pagtutuwid, kahit na sila ay mga kamag-anak o malalapit na kaibigan? Ang pagkamatapat sa organisasyon ni Jehova ang mag-uudyok sa mga matatanda sa atin na sikaping tulungan ang sinuman na nangangailangan ng espirituwal na pag-alalay. (Galacia 6:1, 2) Bagaman magiging mabait tayo, dahil sa pagkamatapat ay magiging prangka tayo sa ating kapuwa matanda, kung papaanong naging prangka si Pablo nang magsalita kay apostol Pedro. (Galacia 2:11-14) Sa kabilang banda, ibig ng mga tagapangasiwa na maging maingat, upang maiwasan ang di-matalinong pagkilos o pagkiling o pag-abuso ng kanilang awtoridad sa ibang paraan na maaaring magpahirap para sa kanilang pinangangasiwaan na maging matapat sa organisasyon ng Diyos.—Filipos 4:5.
14, 15. Anu-anong salik ang maaaring sumubok sa pagkamatapat ng mga miyembro ng kongregasyon?
14 May iba pang salik sa pagharap sa hamon ng pagkamatapat sa kongregasyon at sa matatanda nito. Kung sa papaano man ay may magulong mga kalagayan sa kongregasyon, nagbibigay ito sa atin ng pagkakataon na ipamalas ang pagkamatapat kay Jehova at sa kaniyang mga kinatawan. (Tingnan Ang Bantayan, Hunyo 15, 1987, pahina 15-17.) Kapag may itiniwalag, hinihiling ng pagkamatapat na suportahan natin ang matatanda, anupat hindi sinisikap na hulaan kung may sapat na dahilan para sa hakbang na ginawa.
15 Ang pagkamatapat sa kongregasyon ay humihiling din sa atin na tangkilikin ang lahat ng limang lingguhang pulong hangga’t ipinahihintulot ng ating kalagayan at kakayahan. Kailangan sa pagkamatapat hindi lamang ang pagdalo sa lahat ng mga ito kundi ang paghahanda para sa mga ito at pagbibigay ng nakapagpapatibay na mga komento habang ipinahihintulot ng pagkakataon.—Hebreo 10:24, 25.
Pagkamatapat sa Kabiyak
16, 17. Anong mga hamon sa pagkamatapat ang kailangang harapin ng mga Kristiyanong may-asawa?
16 Kanino pa tayo dapat na maging matapat? Kung tayo ay may-asawa, dahil sa ating panata sa pag-aasawa, kailangang harapin natin ang hamon ng pagiging matapat sa ating kabiyak. Ang pagiging matapat sa ating kabiyak ay hahadlang sa atin na magkamaling maging mas nakalulugod sa iba kaysa sa sarili nating kabiyak. Ang pagkamatapat sa ating asawa ay humihiling din na hindi natin isiwalat sa iba ang mga kahinaan o pagkukulang ng ating asawa. Mas madaling magreklamo sa iba kaysa sa magsumikap na panatilihing bukás ang linya ng pakikipagtalastasan sa ating kabiyak, na siya namang nararapat nating gawin kasuwato ng Ginintuang Tuntunin. (Mateo 7:12) Ang totoo, ang pagiging may-asawa ay naghaharap ng seryosong hamon sa ating Kristiyanong pagkamatapat.
17 Upang maharap ang hamong ito ng pagkamatapat, dapat nating iwasan hindi lamang ang malubhang pagkakasala kundi dapat ding bantayan natin ang atin mismong kaisipan at damdamin. (Awit 19:14) Halimbawa, kung ang ating magdarayang puso ay labis na naghahangad ng kaluguran at katuwaan, napakadali para sa atin na maging mapag-imbot anupat ang paghanga ay humahantong sa paghahangad. Sa pagrerekomenda ng katapatan sa asawa, ipinayo ni Haring Solomon sa mga asawang lalaki na makasagisag na ‘uminom ng tubig mula sa kanilang sariling imbakang-tubig.’ (Kawikaan 5:15) At sinabi ni Jesus: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nakagawa ng pangangalunya sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28) Ang mga asawang lalaki na nagpapakagumon ng kanilang sarili sa pornograpikong mga materyal ay nanganganib na makagawa ng pangangalunya, sa gayo’y nagtataksil sa kanilang asawa at nagiging di-matapat sa kanila. Sa gayunding dahilan, ang isang asawang babae na nalululong sa panonood ng mga soap opera na may mga eksena tungkol sa pangangalunya ay maaaring matukso na maging di-matapat sa kaniyang asawa. Gayunpaman, sa pagiging totoong matapat sa ating kabiyak, pinatitibay natin ang buklod ng pag-aasawa, at tinutulungan natin ang isa’t isa sa ating pagsisikap na mapalugdan ang Diyos na Jehova.
Mga Tulong Upang Manatiling Matapat
18. Ang pagkaunawa sa ano ang siyang tutulong sa atin na maging matapat?
18 Ano ang tutulong sa atin upang harapin ang hamon ng pagkamatapat sa apat na larangang ito: pagkamatapat kay Jehova, sa kaniyang organisasyon, sa kongregasyon, at sa ating kabiyak? Ang isang tulong ay ang pagkaunawa na ang pagharap sa hamon ng pagkamatapat ay may malaking kaugnayan sa pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova. Oo, sa pananatiling matapat ay naipapakita natin na minamalas natin si Jehova bilang ang Soberano ng Sansinukob. Sa gayo’y nagkakaroon din tayo ng paggalang-sa-sarili at ng pag-asa na walang-hanggang buhay sa bagong sanlibutan ni Jehova. Matutulungan natin ang ating sarili na manatiling matapat sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa maiinam na halimbawa ng pagkamatapat, mula kay Jehova hanggang sa mga nabanggit sa Bibliya at sa ating mga publikasyon ng Watch Tower, kasali na ang mga salaysay sa Yearbook.
19. Anong papel ang ginagampanan ng pananampalataya sa ating pagiging matapat?
19 Ang matibay na pananampalataya sa Diyos na Jehova at ang pagkatakot na di-makalugod sa kaniya ay tutulong sa atin na harapin ang hamon ng pagkamatapat. Napatitibay natin ang ating pananampalataya at takot kay Jehova sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Salita ng Diyos at pakikibahagi sa Kristiyanong ministeryo. Tutulong ito sa atin na kumilos kasuwato ng payo ni Pablo na nakaulat sa Efeso 4:23, 24: “Magbago kayo sa puwersa na nagpapakilos sa inyong pag-iisip, at magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.”
20. Higit sa lahat, anong katangian ang tutulong sa atin na maging matapat kay Jehova at sa lahat ng iba pa na pinagkakautangan natin ng pagkamatapat?
20 Ang pagpapahalaga sa mga katangian ni Jehova ay tumutulong sa atin na maging matapat. Higit sa lahat, ang walang-pag-iimbot na pag-ibig sa ating makalangit na Ama at pagtanaw ng utang-na-loob para sa lahat ng ginawa niya sa atin, pag-ibig sa kaniya nang ating buong puso at kaluluwa at pag-iisip at lakas ang siyang tutulong sa atin na maging matapat sa kaniya. Isa pa, ang pagtataglay ng pag-ibig na siyang sinabi ni Jesus na magpapakilala sa kaniyang mga tagasunod ay tutulong sa atin na maging matapat sa lahat ng Kristiyano sa kongregasyon at sa ating pamilya. Sa ibang pananalita, iyon ay talagang tungkol sa pagiging alinman sa mapag-imbot o di-mapag-imbot. Ang pagiging di-matapat ay nangangahulugan ng pagiging mapag-imbot. Ang pagkamatapat ay nangangahulugan ng pagiging di-mapag-imbot.—Marcos 12:30, 31; Juan 13:34, 35.
21. Papaano maaaring isumaryo ang tungkol sa pagharap sa hamon ng pagkamatapat?
21 Bilang pinakasumaryo: Ang pagkamatapat ay isang mahusay na katangiang ipinamalas ng Diyos na Jehova, ni Jesu-Kristo, at ng lahat ng tunay na lingkod ni Jehova. Upang magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos na Jehova, dapat nating harapin ang hamon ng pagkamatapat sa kaniya sa pamamagitan ng pag-abot sa kaniyang matuwid na mga kahilingan, hindi pagkakaroon ng kaugnayan sa kaniyang mga kaaway, at pagtatanggol kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa pormal at di-pormal na paraan. Kailangan din nating harapin ang hamon ng pagiging matapat sa nakikitang organisasyon ni Jehova. Dapat tayong maging matapat sa ating kongregasyon at sa ating asawa. Sa matagumpay na pagharap sa hamon ng pagkamatapat, makikibahagi tayo sa pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova, at pipiliin natin ang kaniyang panig sa usapin. Sa gayon ay mawawagi natin ang kaniyang pagsang-ayon at kakamtin ang gantimpalang buhay na walang-hanggan. Ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa maka-Diyos na debosyon ay masasabi rin tungkol sa ating pagharap sa hamon ng pagkamatapat. Iyon ay kapaki-pakinabang kapuwa sa buhay ngayon at sa hinaharap.—Awit 18:25; 1 Timoteo 4:8.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Sa anu-anong paraan maaari nating harapin ang hamon ng pagkamatapat sa Diyos?
◻ Ano ang hinihiling sa atin ng pagkamatapat sa organisasyon ni Jehova?
◻ Papaano maaaring harapin ng matatanda ang hamon ng pagkamatapat?
◻ Anong hamon tungkol sa pagkamatapat ang kailangang harapin ng mga Kristiyanong may-asawa?
◻ Anu-anong katangian ang tutulong sa atin na harapin ang hamon ng pagkamatapat?
[Larawan sa pahina 17]
Ang pagkamatapat sa mga miyembro ng kongregasyon ang hahadlang sa matatanda na isiwalat ang kompidensiyal na mga bagay
[Mga larawan sa pahina 18]
Pinatitibay ng pagkamatapat sa kabiyak ang buklod ng pag-aasawa