Buhay Pagkamatay—Ang Di-nasasagot na mga Tanong
“KUNG ang isang malakas na tao ay mamatay mabubuhay pa kaya siya?” (Job 14:14) Ang tanong na ito, na ibinangon ng patriarkang si Job daan-daang taon na ngayon ang lumipas, ay pinag-isipan ng mga tao sa bawat lipunan ng nakalipas na mga panahon, at hindi nagkaroon ng kakapusan ng mungkahing mga kasagutan.
Ang sinaunang mga Griego ay naniniwalang ang mga kaluluwa ng mga nangamatay ay nabubuhay nang patuloy. Ang mga ito ay ipinamamangka sa pagtawid sa ilog Styx tungo sa isang malawak na dako sa ilalim ng lupa na tinatawag na netherworld (dako ng mga patay). Doon ay may mga hukom na nagsisintensya sa mga kaluluwa alinman sa pagpapahirap sa kanila sa isang mataas-pader na piitan o sa walang-kahulilip na kaligayahan sa Elysium. Ang ibang sinaunang mga bayan ay may paniwala na ang mga kaluluwa’y nagiging mga bituin o kometa. Mayroon pa ring mga iba na may paniwalang ang mga kaluluwa’y maniningning at nahihilang paitaas tungo sa buwan; sa buwan-buwan habang bumibilog ang buwan, ang mga iyan ay inililipat sa araw.
Sa ngayon, ang mga teorya tungkol sa kabilang-buhay ay patuloy na dumarami. Ang mga Hindu at mga Buddhista ay naniniwala sa reincarnation. Ang mga Muslim ay nagtuturo na ang kaluluwa’y patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan at sa huling paghuhukom ay pupunta sa paraiso o dili kaya’y sa impiyerno. Karamihan ng Protestante ay tinuturuan na ang mga kaluluwa’y patuloy na nabubuhay pagkatapos ng kamatayan upang makaranas ng walang-kahulilip na ligaya sa langit o ng parusa sa mga lagablab ng impiyerno. Sa tanawing ito ay idinaragdag ng Katolisismo ang Limbo at purgatoryo.
Sa mga ilang lupain, ang mga paniwala tungkol sa ipinagpapalagay na mga kaluluwa ng mga namatay ay isang kakatuwang pinaghalong lokal na tradisyon at Kristiyanismo sa pangalan. Halimbawa, kaugalian sa maraming Katoliko at Protestante sa Kanlurang Aprika na takpan ang mga salamin pagka may namatay upang walang sinumang tumingin doon at makita ang espiritu ng taong namatay. Makalipas ang apatnapung araw pagkamatay ng isang mahal sa buhay, ang pamilya at mga kaibigan ay magpipiging upang ipagdiwang ang pag-akyat sa langit ng kaluluwa. Pagkatapos, karaniwan na ay kung Pasko o kung Araw ng Bagong Taon, ang mga kamag-anak ay dadalaw sa sementeryo at sila’y magbubuhos ng alak sa pinaglibingan. Kakausapin pa nila ang namatay, humihingi ng pabor at nagbibida ng mga balita tungkol sa pamilya.
Maliwanag, bahagya lamang nagkakasundo ang mga relihiyon ng daigdig tungkol sa kung ano nga ba ang nangyayari pagkatapos na ang isa’y mamatay. Subalit, halos nagkakaisa sila sa buong sansinukob sa isang pangunahing paniniwala: ang pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao. Karamihan ng turo tungkol sa kabilang buhay ay iba-ibang anyo lamang ng saligang temang ito.
Gayumpaman, napapaharap ang ilang nakagagambalang mga tanong: Saan nga ba nanggaling ang ideya na ang kaluluwa ay walang-kamatayan? Ito ba ay itinuturo ng Kasulatan? Kung gayon, bakit kahit na ang mga relihiyong di-Kristiyano ay nagtuturo nito? Ito’y hindi mga tanong na dapat ipagwalang-bahala. Ano man ang iyong sinusunod na relihiyon, ang kamatayan ay isang katotohanan na kailangang harapin. Ang mga isyu kung gayon ay nagsasangkot sa iyo sa isang mahalagang personal na paraan. Inaanyayahan ka namin kung gayon na suriin ang bagay na ito taglay ang isang bukás na kaisipan.