Ligaya ang Dulot ng Pagtitiwala kay Jehova
AYON SA PAGLALAHAD NI JACK HALLIDAY NATHAN
Marahil ay narinig mo na ang kasabihang,“Isinilang na may kutsarang pilak sa kaniyang bibig.”Bueno, nang ako’y isilang noong 1897, iyan ay halos literal na natupad sa akin.
NOON ay ika-60 taon ng paghahari ni Reyna Victoria, ang kaniyang jubileong brilyante. Ang mga batang isinilang noong taóng iyon sa Inglatera ay pinagkalooban ng kutsarang pilak. Ang Imperyo ng Britanya ay nasa kaniyang kaluwalhatian, inaani ang mga kapakinabangan sa Industrial Revolution sa sariling bansa at ang maunlad na kalakalan buhat sa lumalagong mga kolonya sa ibayong-dagat.
Ang aking lolo ay isang Judio, at ang aking ama ay naging isang iskolar sa Hebreo, kabisadung-kabisado niya ang Kasulatang Hebreo. Ngunit ang aking lola ay anak ng isang obispong Anglicano, at dahilan sa kaniyang impluwensiya, tinanggap ng aking ama si Jesu-Kristo bilang ang Mesiyas. Ang mga isinulat ni Charles Taze Russell ay nakaimpluwensiya sa kapuwa mga magulang ko, kaya kailanman ay hindi kami naniwala sa Trinidad o sa doktrina ng maapoy na impiyerno.
Sa panahon ng aking pagkabata, ang mga kabayo ang siya pa ring pangunahing transportasyon sa Inglatera, at kakaunti ang mga karong hindi hila ng kabayo, o mga auto. Noong 1913, dahilan sa pagkahilig ko sa mga kabayo, umanib ako sa isang hila-ng-kabayong yunit ng territorial army (militia). Nang sumiklab na ang Digmaang Pandaigdig I, ako’y inilipat sa regular na army at idinestino sa larangang Griego, na kung saan ako’y tinablan ng malarya. Nang bandang huli, ako’y ipinadala sa kanlurang larangang-digmaan sa Pransiya bilang siyang nagpapaputok ng machine gun at sa wakas ako ay nabihag ng mga Aleman noong 1917.
Pagkasumpong ng Layunin sa Buhay sa India
Nang matapos na ang digmaan noong 1918, walang trabahong mapapasukan sa Inglatera, kaya’t muli akong sumapi sa hukbo at naparoon sa India bilang bahagi ng garison sa panahon na walang giyera. Noong Mayo 1920 muli na namang lumaganap ang sakit na malarya, at ako’y ipinadala sa kaburulan upang magpagaling. Doon ay binasa ko ang lahat ng aklat na maaari kong makuha, kasali na ang Bibliya. Ang pagbabasa sa Kasulatan ay lalong nagpatindi ng aking interes sa pagbabalik ng Panginoon.
Makalipas ang mga buwan, doon sa Kanpur, ako’y nagsimula ng isang grupo sa pag-aaral ng Bibliya, sa pag-asang matututuhan ko pa nang higit ang tungkol sa pagbabalik ng Panginoon. Doon ko nakilala si Fredrick James, isang dating sundalong Britano na ngayon ay isa nang masigasig na Estudyante ng Bibliya. Kaniyang ipinaliwanag sa akin na si Jesus ay naririto na sapol pa noong 1914, di-nakikita ng tao. Ito ang pinakakahindik-hindik na balitang narinig ko kailanman. Ang unang nadama ko ay ang lumabas na sa army. Ang pagdanak ng dugo at kamatayan sa digmaan sa Europa ay naging kasuklam-suklam sa akin. Ibig ko na maging mapayapang misyonero at mangaral ng mabuting balitang ito tungkol sa pagkanaririto ni Kristo.
Subalit, ang hukbo ay hindi pumayag na ako’y bigyang-laya. Sa halip, kanilang ipinadala ako sa kanlurang India, ngayon ay Pakistan. Nang ako’y naroroon na, aking nabasa ang Studies in the Scriptures, ni Charles Taze Russell, at nakumbinse ako higit kailanman na ako’y dapat tumugon sa panawagan na mangaral. Nagsimulang magkaroon ako ng nakababahalang mga panaginip na nagdulot sa akin ng kalungkutan. Sa panahon ng aking panlulumo ay sumulat ako kay Brother James, anupa’t ako’y inanyayahan niya sa kaniyang tahanan sa Kanpur. Nang araw na dumating ako roon ay Memoryal ng kamatayan ng Panginoon. Iyan ay araw na nagkaroon ng malaking epekto sa aking buhay—aking ipinasiya na manatiling binata at gawing tunguhin ko sa buhay ang buong-panahong ministeryo.
Bumalik Ako sa Inglatera
Nang may dulo ng 1921, ako’y ibinalik sa Inglatera, at noong tagsibol ng 1922, natapos ang pagseserbisyo ko sa hukbo. Nang tag-araw na iyon si J. F. Rutherford, ang ikalawang pangulo ng Watch Tower Society, ay dumating sa Inglatera, at ako’y sumama sa aking mga magulang upang makinig sa kaniyang pahayag sa Royal Albert Hall, London. Pagkatapos, ako’y naudyukan na ihandog ko ang aking paglilingkod sa Bethel, gaya ng tawag sa mga tanggapang sangay ng Watch Tower Society, ngunit may kabaitang hinimok ako na gumawa muna ng gawaing colporteur (buong-panahong pangangaral). Kaya nagbitiw ako sa aking trabaho at ako’y tumanggap ng atas na teritoryo sa timog ng Inglatera. Bagaman wala akong karanasan, taglay ang isang crown (50 cents, U.S.) sa aking bulsa, at tiwala kay Jehova, ako’y nagsimula ng aking karera bilang isang buong-panahong ministro. Noong bandang Marso 1924, ako’y inanyayahan sa Bethel.
Ngunit, nang sumunod na taon ay pinalabas ako sa Bethel, at ako’y lubusang pinanghinaan ng loob, sapagkat naisip ko na ako ay dinisiplina dahil sa isang bagay na hindi naman ako ang may kagagawan. Sa maikling panahong iyon, ang Bethel ang naging aking buhay. Subalit sa pamamagitan ng paglalapit ng suliranin kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin at pagtitiwala na magaganap ang kaniyang kalooban, nagawa ko rin na magpatuloy nang may kagalakan sa pagpapayunir sa teritoryong ibinigay sa akin. Noong Mayo 1926, ako’y muling inanyayahan sa Bethel, kung saan ako’y lumagi sa sumunod na 11 taon.
Si Brother Rutherford ay dumalaw uli sa Inglatera noong 1936 at inanyayahan ako na pumaroon sa Canada upang makibahagi sa gawaing pang-Kaharian doon. Subalit dahilan sa isang di-pagkakaunawaan, ako’y hindi kinalugdan ni Brother Rutherford dahilan sa pagsisiwalat ko ng mga ilang impormasyon na di-dapat isiwalat. Natatandaan ko pa ang kaniyang eksaktong pananalita: “Jack, hindi kita mapagkakatiwalaan. Punitin mo na ang iyong mga tiket!” Anong nakapanlulumong karanasan! Ngunit iyon ay disiplina na lubhang kinakailangan, at pagkatapos, kasama ang isa pang kapatid na lalaki, ako’y inatasan na magpayunir sa sumunod na walong buwan. Ang pribilehiyong ito ng paglilingkod ang muling nagbigay sa akin ng pag-asa, at ako’y natuto buhat sa disiplina.
Pinalawak na Ministeryo sa Canada
Makalipas ang mga isang taon, sa kaniyang sumunod na pagdalaw sa Inglatera, si Brother Rutherford ay minsan pang bumanggit ng tungkol sa Canada. Ako’y sabik sa pagkakataong iyon at masiglang tinanggap ko ang isang atas doon. Pagkatapos maglingkod ng mga ilang buwan sa Canadian Bethel, ako’y inatasan bilang isang naglalakbay na kinatawan ng Samahan sa timog-kanlurang Ontario. Karamihan ng kongregasyon doon ay maliliit at nangangailangan ng malaking pampatibay-loob. Ngunit anong laking kagalakan ang idinulot noong mga unang taóng iyon, sa kabila ng mga dalang kahirapan dahilan sa masasamang lagay ng panahon at walang kasiguruhang transportasyon!
Hindi ko malilimutan ang init at espirituwal na pagpapahalaga na nasaksihan sa isang munting kongregasyon ng mga katutubong Indian malapit sa Brantford. Noon ay taglamig, at makapal ang yelo, kaya ako’y nahirapan na makalusot doon ang aking Model T Ford. Walang sinuman na umaasang darating ako, at nang ako’y dumating na nga, ang mga kapatid ay nagpunta pala sa gubat para manguha ng panggatong. Kaya humayo ako upang hanapin sila, samantalang hanggang baywang ang yelo. Nang matagpuan ko sila, sila’y nagulat, ngunit natuwa, na makita ako. Sila’y huminto sa kanilang ginagawa, umuwi, at nagsaayos ng isang pulong ng gabing iyon.
Sa karatig na Beamsville, ang tapat na mga kapatid at ako ay nakipagpunyagi nang maraming buwan sa mga halal na matatanda at mga apostata. Anong laking pribilehiyo na makita kung papaano kumikilos ang espiritu ni Jehova upang husayin ang kalagayan! Ang pagtitiwala kay Jehova at ang katapatan sa kaniyang organisasyon ay nagbunga ng maraming pagpapala para sa mga kongregasyon ng mga unang taóng iyon. Maraming bata buhat sa mga kongregasyong iyon ang nagsilalaki upang pumasok sa gawaing pagpapayunir, maglingkod sa Bethel, sa larangang misyonero, at magsilbing mga naglalakbay na tagapangasiwa. Hindi ko malilimot ang mga kagalakan ng pakikipanirahan sa tapat na mga pamilyang Kristiyano na nagpatuloy sa akin at nagpalaki ng gayong napakaiinam na mga kabataan. Ang mga pamilyang ito ay naging aking pamilya, at ang kanilang mga anak ay naging aking mga anak.
Ang mga Taon Nang Umiiral ang Pagbabawal
Nang panahon ng kahibangan sa digmaan noong 1940, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal. Kami’y nabigla! Mga patalastas sa radyo na taguyod ng pamahalaan ang nag-utos sa amin na ibigay namin sa pulisya ang aming literatura, mga rekord ng aming kongregasyon, at ang mga susi ng aming Kingdom Hall. Dahil sa kaselangan ng kalagayang iyon, nilibot ko ang mga kongregasyon at sinabihan ko sila na itago ang kanilang literatura at mga rekord. Ang mga kapatid ay pinayuhan na magtipon sa pribadong mga tahanan, sa naiibang tahanan bawat linggo. Pagtatagal ang mga kongregasyon ay muling nagpatuloy sa ministeryo ng pagbabahay-bahay, na Bibliya lamang ang ginagamit. Ito’y napatunayang isang pagpapala, sapagkat lahat kami ay natutong higit na gamitin ang aming mga Bibliya.
Sa may dulo ng taóng iyon, kami’y tumanggap ng malaking suplay ng pulyetong End Of Nazism galing sa Estados Unidos. Ang pagpapadala sa Canada nitong ibinawal na literaturang ito ay nangailangan ng malaking pag-iingat. Ang ilang kapatid ay nagsakay ng mga sundalong naglalakad, na umupo sa mga karton, at walang malay na kanila palang naikubli ang bawal na pulyeto. At isang umaga noong Nobyembre, sa pagitan ng alas-tres at alas-seis, ang buong bansa ay biglaan na mabilisang binahay-bahay ng mga Saksi na nag-iwan ng isang sipi ng pulyetong ito sa pintuan ng karamihan ng tahanan sa Canada.
Sa loob ng mga taon na iyon ng pagbabawal, ako’y nagpatuloy sa pagpapayunir sa Canada sa kanlurang probinsiya ng British Columbia. Bago nangyari ang pagbabawal, ang mga kapatid ay gumagamit ng bangka pagka dinadalaw nila ang mga tao sa mga bayan-bayan sa nakabukod na mga maliliit na katubigan mula Vancouver hanggang sa Alaska. Nang pairalin ang pagbabawal, napakaraming literatura ang nakalulan sa bangkang iyon, kaya ang ginawa ng mga Saksi ay inihulog iyon para sumakamay ng palakaibigang mga tao samantalang sila’y papunta sa daungan na kung saan ang bangka ay sasailalim sa mga maykapangyarihan. Nang malaunan, ako’y sumakay sa isang bangka sa pamamalakaya upang hanapin ang literaturang ito, at pagkatapos, sa panahon ng panghuhuli ng salmon, isinaayos ko na ang literaturang ito ay kunin ng mga kapatid sa mga taong interesadong ito. Sumapit ang panahon na ang literatura ay dinala sa Vancouver para sa malawakang pamamahagi, lihim na natatakpan sa mga bangkang para sa pangingisda.
Nang magtatapos na ang 1943, kami’y tumanggap ng balita na ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova ay inalis na. Gayunman, iyon ay hindi inalis sa Watch Tower Society. Kaya kami’y nagpatuloy na gaya ng dati, na ang ginagamit lamang ay ang Bibliya sa aming ministeryo sa pagbabahay-bahay. Ngunit ngayon, maaari na naming ipakilala ang aming sarili bilang mga Saksi ni Jehova. Nang magsimula ang pagbabawal, kami’y humigit-kumulang 6,700 Saksi; nang ito’y alisin, kami’y 11,000 na!
Buhay Bilang Isang Naglalakbay na Tagapangasiwa
Bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa ng Samahan, ako’y nakapaglakbay ng di-mabilang na milya-milya noong sumunod na mga ilang taon, gumagawang kasama at nagpapatibay-loob ng mga kongregasyon. Sa taglamig, kasa-kasama ko ang mga kapatid sakay ng isang pambihirang sasakyang tinatawag na caboose. Ito’y isang hila-ng-kabayo, na karetang may habong, kumpleto na nasasangkapan ng isang kalang de-kahoy na di-napapasok ng hangin at may pasingawan ng usok. Kadalasan, kami’y lalakad na bago magbukang-liwayway at may anim na sakay, pagkatapos ay naglalakbay kami at dumaraan sa makapal na yelo sa layong 35 kilometro o higit pa, sa aming paglalakbay ay dumadalaw kami sa mga sakahan. Kailangang listo ang driver sapagkat baka tumagilid ang caboose dahil sa napapaanod na mga yelo, at ang mga sakay ay mapahagis kasama ng tumitilamsik na baga buhat sa kalan.
Noong 1947, ako’y inatasan na mangasiwa sa unang distrito sa bansa, na sakop ang buong bansa. Ako’y may asambleang pansirkito halos linggu-linggo. Ang mga asamblea ay idinaos sa mga ice rinks, mga laruan ng football, karerahan, union halls, at mga bulwagang pangkomunidad. Mga kaayusan para sa mga pagtitipong ito ang nangangailangan ng malaking pag-aasikaso bago makapagpasimula ang programa. Noong 1950, si Frank Franske ay inatasan na maging ikalawang tagapangasiwang pandistrito sa Canada, at nang malaunan lima pa na mga naglalakbay na tagapangasiwang ito ang idinagdag.
Sa paglakad ng mga taon, ako ay nakapaglakbay sa pamamagitan ng eroplanong pampasahero, ng mga bangka sa pamamalakaya, ng malalaking snowmobiles na sinangkapan ng mga gulong at pinaka-paa na kung tawagin ay bombardiers, ng mga snowplanes (mga behikulong may elisi sa likod at may bahagi sa harap na pinaka-manibela), at ng karaniwang transportasyon—tren, bus, at kotse. Kung minsan, sakay ng eroplano kami’y namamaybay sa mga taluktok ng maharlikang Rocky Mountains, at pagkatapos ay tuluy-tuloy na sisisid nang buong panganib hanggang sa malalalim at nakukubling mga libis upang marating ang nakabukod na mga grupo ng mga kapatid.
Marami nang beses na ako’y nakapag-paroo’t parito sa kalaparan ng Canada. Ako’y nakaranas na tumuloy sa mga bahay-bahayang yari sa troso na napakalalamig kung kaya’t nakikita namin ang aming hininga sa umaga at sa mga kamalig na walang modernong kagamitan. Gayunman, sa pinagdaanan kong lahat na ito, ako’y nagkaroon ng lubhang malaking kasiyahan, sa pagkaalam ko na gawain ni Jehova ang aking ginagawa, na nagpapatibay-loob sa bayan ni Jehova.
Karagdagang mga Pribilehiyo sa Paglilingkod
Sa nakalipas na 33 taon, nagkaroon ako ng pribilehiyo na mapabilang sa pamilyang Bethel sa Canada, at ng paglilingkod bilang isang tagapagpahayag sa mga kombensiyon sa Inglatera, Europa, Aprika, Australia, New Zealand, at Malayong Silangan. Sa Australia, nakilala ko ang anak na babae ni Brother James, na lubhang nagpatibay-loob sa akin sa India. Si Brother James ay hindi naging misyonero kailanman, ngunit siya’y nagpamana ng mainam na espirituwalidad sa kaniyang pamilya.
Sa ngayon ako’y napaliligiran ng daan-daang kabataang lalaki at mga babae sa Canadian Bethel. Ang paraan ng paggamit nila ng kanilang sigla bilang kabataan sa paglilingkuran kay Jehova ay nakapagpapatibay-loob at nakapagpapasigla. Malabo na ang aking mga mata, ngunit ako’y binabasahan ng mga kabataang ito. Mahihina na ang aking mga binti, ngunit kanilang ipinagsasama ako sa ministeryo sa larangan. May mga nagtatanong kung papaano ko napagtatagumpayan ang mga suliranin ng kalusugan na bunga ng pagkakaedad. Bueno, unang-una, ako’y nag-aaral araw-araw ng Salita ng Diyos. Ito’y tumutulong upang ang aking isip at puso ay mapapako sa espirituwal na mga bagay.
Totoong-totoo, naging isang malaking pribilehiyo na lumakad kaalinsabay ng aking makalangit na Ama, si Jehova, at makipag-usap sa kaniya sa loob ng 69 na taon ng pag-aalay ng buhay, 67 nito ang ginugol sa buong-panahong paglilingkuran. Sa tuwina’y napatunayan kong si Jehova ay isang maibigin, mahabaging Diyos, na nagpapatawad ng mga kahinaan ng tao at nagbibigay ng kapangyarihan at lakas sa mga nagtitiwala sa kaniya. Ang aking pag-asa ay ang makapanatili sa aking integridad at katapatan kay Jehova at sa kaniyang organisasyon hanggang sa wakas, nagtitiwala sa pangako na sa takdang panahon ako’y makakasama ng aking mahal na Panginoon, si Jesu-Kristo at ng marami sa aking tapat na mga kapatid, mga lalaki at mga babae, sa makalangit na kaluwalhatian.—Awit 84:12.
[Larawan sa pahina 12]
Ang mga snowplanes ay nagbibiyahe sa magkabilang dulo ng bansa sa bilis na hanggang 80 kilometro por ora
[Larawan sa pahina 13]
Kung tagyelo, ang hila-ng-kabayong caboose ang ginagamit sa pagpapatotoo sa mga kaparangan ng Canada
[Larawan ni Jack Halliday Nathan sa pahina 10]