Patuloy Ka Bang Lalakad sa Katotohanan?
“WALA nang dakilang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na . . . ang aking mga anak ay patuloy na nagsisilakad sa katotohanan.” (3 Juan 4) Ganiyan ang sabi ni apostol Juan sa may dulo ng kaniyang mahabang buhay. Ang patuloy na pagtitiis ng ‘kaniyang mga anak,’ yaong mga dinala niya sa “katotohanan,” ay nagdulot sa kaniya ng malaking kagalakan. Si Jehova man ay nagagalak din pagka ang kaniyang mananamba ay nananatili sa katotohanan. Anong laki ng kaniyang kagalakan sa ngayon na makita ang isang malaking organisasyon, milyun-milyong katao ang kaanib, na sumusunod sa matalinong payo na iyan!—Kawikaan 27:11.
Gayunman, samantalang ang bayan ng Diyos bilang isang kabuuan ay matatag na nakakapit sa katotohanan, may ilang isahang mga Kristiyano na nanghina o umalis pa man din sila sa tunay na pagsamba. Ito’y nakikini-kinita na, yamang ang ganito ay nangyari na noong unang siglo. (2 Timoteo 4:10; Hebreo 2:1) Gayumpaman, ang bagay na may mga ilan na nanghihina ay nagdiriin na kailangang lahat ay patuloy na pagpakuan ng pansin ang kanilang sariling espirituwalidad. Lahat ng Kristiyano ay pinatibay-loob ni Pablo: “Patuloy na siyasatin ninyo ang inyong sarili.” (2 Corinto 13:5) Bawat Kristiyano ay dapat magtanong sa kaniyang sarili: ‘Papaano ko ba matitiyak na ako’y patuloy na lalakad sa katotohanan?’
Ang ilan ay nanghina o tuluyang huminto na ng paglakad sa katotohanan dahil sa sila’y nasiraan ng loob—marahil dahilan sa mga suliranin sa kalusugan o suliranin sa pakikitungo sa iba dahil sa personalidad. Ang iba naman ay nanghina dahil sa pagkaabala sa ibang mga bagay. Ibig nilang tamasahin ang ilan sa mga bunga ng sistemang ito ng mga bagay habang ito’y naririto. Papaano natin maiiwasan ang panghihina? Upang masagot ito, ating isaalang-alang ang halimbawang iniwan sa atin ni Jesus.
Sumunod sa Halimbawa ni Jesus
Si Jesus ay napaharap sa maraming mahihirap na mga situwasyon. Kinailangang husayin niya ang mga di-pagkakaunawaan ng kaniyang mga tagasunod dahil sa nagkakaiba-ibang personalidad, at tiisin ang pagkapoot at panlilibak sa kaniya ng kaniyang mga kaaway. At kinailangan din niyang paglabanan ang mga tukso buhat sa sanlibutang ito. Oo, siya’y inalok ng di-kawasang kayamanan at katanyagan na kakaunti lamang ang nakararanas hanggang sa ngayon. (Mateo 4:8-11; Juan 6:14, 15) Sa kabila nito, si Jesus ay nagpatuloy sa paglakad sa katotohanan. Ano ba ang tumulong sa kaniya na gawin ito?
Ito’y sinasabi sa atin ni apostol Pablo sa kaniyang sulat: “Takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harap natin, habang masidhing minamasdan natin ang Punong Ahente at Tagasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya siya’y nagtiis sa pahirapang tulos, hinamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos.” (Hebreo 12:1, 2) Para kay Jesus, ang laging pagsasaisip ng “kagalakang inilagay sa harap niya,” ang nakahihigit na gantimpalang naghihintay sa kaniya, ay tumulong sa kaniya na patuloy na lumakad sa katotohanan. Itong “kagalakang inilagay sa harap niya” ay higit na matimbang kaysa pansamantalang mga pagkasira ng kalooban o mga kaabalahan na kailangang harapin niya.
Ang laging pagsasaisip ng gantimpala ay makatutulong sa atin na magtiis, gaya rin ni Jesus. (Apocalipsis 22:12) Bilang halimbawa, pag-isipan ang isang manlalakbay na naglalakad sa isang mahirap lakarang landas sa bundok. Siya’y nahahapo at nasisiraan ng loob. Bawat hakbang ay isang pagpapagal, at ang landas ay waring walang katapusan. Nang magkagayo’y dumarating siya sa taluktok ng isang burol at natatanaw niya sa malayo ang bayan na kaniyang pupuntahan. Biglang sa wari’y medyo dumalî ang paglalakbay. Ang malinaw na pagkatanaw niya sa kaniyang pupuntahan ang tumulong sa kaniya na makalimutan ang kaniyang pagkahapo. Ang isang Kristiyano rin naman ay madadalian sa patuloy na paglakad sa katotohanan kung malinaw na isasaisip niya ang kaniyang pupuntahan.
Tularan si Apostol Pablo
Ang isa pa na nagtiis nang malaki sa mga bagay na sana’y nagpahina ng kaniyang loob ay si apostol Pablo. Kaniyang hinusay ang mga pagkakabaha-bahagi at mga di-pagkakaunawaan sa gitna ng mga magkakapatid, at kaniyang pinagtiisan ang isang matinding suliranin sa kalusugan, sa pag-uusig, sa mga kahirapan sa buhay, sa mga suliranin at maging sa pananalansang man sa loob ng mga kongregasyon. (1 Corinto 1:10; 2 Corinto 10:7-12; 11:21-29; 12:7-10) Bakit hindi nasiraan ng loob si Pablo hanggang sa sukdulan na siya’y huminto? Ganito ang kaniyang paliwanag: “Para sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahilan sa kaniya na nagpapalakas sa akin.” (Filipos 4:13) Hindi niya sinubok na pasaníng mag-isa ang kaniyang mga pasanin. Bagkus, si Pablo ay kay Jehova tumingin upang alalayan siya.—Awit 55:22.
Ang makalangit na bukal ng lakas na hiningan ng tulong ni Pablo upang siya’y makapagtiis ay mahihingan din ng tulong sa ngayon. Ang Bibliya ay nagsasabi: “[Si Jehova] ay nagbibigay ng lakas sa nanghihina; at sa walang dinamikong kalakasan ay pinasasagana niya ang lubos na kapangyarihan. Ang mga kabataang lalaki ay manghihina at mapapagod, at ang mga binata ay tiyak na mangabubuwal, ngunit yaong mga nagsisiasa kay Jehova ay manunumbalik ang lakas. Sila’y paiilanlang na may mga pakpak na parang mga agila. Sila’y magsisitakbo at hindi mangapapagod; sila’y magsisilakad at hindi manghihina.” (Isaias 40:29-31) Kung tayo’y kay Jehova aasa na magbibigay sa atin ng lakas sa pamamagitan ng personal na mga pag-aaral, pagdalo sa mga pulong, masigasig na gawaing Kristiyano, at—lalo na—pananalangin, ating mapagtitiisan ang mga pagsubok at mga pampahina ng loob na maaaring bumangon paminsan-minsan.—Awit 1:1-3; Roma 10:10; 1 Tesalonica 5:16, 17; Hebreo 10:23-25.
Milyun-milyon ang Naghahanda Upang Mabuhay sa Paraiso
Si Satanas ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay, na kung saan ang mga Kristiyano ay tunay na mga banyaga lamang, mga tagaibang bayan. (2 Corinto 4:4) Kung gayon, huwag nating ipagtaka kung tayo paminsan-minsan ay napapaharap sa mga pampahina ng loob o mga pampaabala sa atin. Si Pablo ay sumulat sa aklat ng Hebreo: “Tayo’y wala ritong isang lunsod na namamalagi, kundi masikap na hinahanap natin ang lunsod na darating.” (Hebreo 13:14) Yamang tinatandaan natin na ang ating pag-asa’y wala sa matandang sanlibutang ito kundi naroon sa darating tayo’y natutulungan din nito na huwag manghina.
Sa mga ilang paraan, ang mga Kristiyano ay tulad ng mga nangingibang bayan na umaalis sa kanilang tinubuang lupain sa paghahanap ng isang lalong mainam na buhay sa ibang lugar. Bilang pangkalahatang alituntunin, ito ay isang mahirap na hakbang. Kailangan na siya ay magbasta ng kaniyang mga dala-dalahan o ipagbili niya ang lahat ng kaniyang mga ari-arian at magpaalam siya sa isang tahanan na kabisado na niya, pati na rin sa mga kaibigan at mga kamag-anak. Ito’y pagtungo rin sa isang lupain na banyaga, pakikipamuhay sa mga taong baka ayaw sa kaniya, at pag-aaral ng isang bagong wika at pamumuhay ng isang buhay na hindi pa niya kabisado. Gayunman, marami ang gumagawa ng ganiyan dahil lamang sa pag-asang mapahusay ang kanilang materyal na kalagayan sa sanlibutang ito.
Yaong mga nagsisilipat, wika nga, buhat sa matandang sistemang ito ng mga bagay at nagiging bahagi ng bayan ng Diyos ay napapaharap sa nakakatulad na mga hamon. Sila’y gumagawa ng mga pagbabago sa pamumuhay upang makapamuhay ayon sa malinis na mga pamantayan ng Salita ng Diyos, at kanilang natututuhan ang “dalisay na wika” ng katotohanan. (Zefanias 3:9; 1 Corinto 6:9-11) Sila’y nagpapagal din naman upang maglingkod sa dakilang Hari ng Kaharian ng Diyos, si Jesu-Kristo. Isa pa, malimit na sila’y nilalayuan ng kanilang mga kamag-anak at mga dating kaibigan, kaya, sa katunayan, sila’y kailangang mamaalam sa mga ito.
Ngunit ang mga Kristiyano’y higit pa ang makakamtan kaysa roon sa mga nangingibang-bayan para maghanap-buhay. Unang-una, sila’y napapasanib sa isang sambayanan na umiibig at nangangalaga sa kanila. (Lucas 18:29, 30) Lalong mahalaga, sila’y pumapasok sa isang matalik na kaugnayan kay Jehova, ang Diyos ng sansinukob. Kanilang natatamo ang kapayapaan ng isip at pagtitiwala tungkol sa hinaharap samantalang umaasa sila sa katuparan ng kamangha-manghang mga pangako ng Diyos. (Filipos 4:8, 9) Yaong mga may tumpak na pagpapahalaga sa mga katotohanang ito ay hindi papayag na ang mga pang-abala o mga pampahina ng loob ay magpahina sa kanila ng panghabampanahon. Sila’y hindi maihihiwalay sa makipot na daan na patungo sa buhay.—Mateo 7:13, 14; 1 Juan 2:15-17.
Pangalagaan ang Iyong Espirituwal na Kalusugan
Kung ating pinangangalagaan nang palagian ang ating pisikal na kalusugan, tayo’y may mas mabuting pagkakataon na labanan ang sakit. At sakaling tayo’y magkasakit, madali tayong gumagaling. Sa katulad na paraan, kung ating pinangangalagaan ang ating espirituwal na kalusugan, nananatiling may malinaw na pananaw sa mga pagpapalang tinatamasa natin ngayon at sa mga darating pa, at kung tayo’y natututong umasa sa lakas ni Jehova imbis na sa ating sariling lakas, tayo’y malalagay sa lalong mahusay na katayuan na harapin ang mga suliraning bumabangon. Hindi natin lubusang maiiwasan ang mga pang-abala o nakapagpapahina-ng-loob na mga kalagayan. Ngunit kung tumpak ang pangangalaga natin sa ating espirituwal na kalusugan sa una pa lamang, ang gayong mga bagay ay hindi mananaig sa atin.
Tandaan, si Jehova’y nagagalak pagka nagtitiis ang kaniyang mga mananamba. Kaya pagalakin natin ang kaniyang puso sa pamamagitan ng patuloy na paglakad sa katotohanan.