Kailangan Natin ang Isang Bagong Sanlibutan
UMURONG ka nang kaunti at masdan mo ang mga kalagayan na nakapalibot sa iyo. Nais mo ba ang iyong nakikita?
Marahil sa sarili mo’y may isa kang magandang tahanan sa isang kaaya-aya, maayos na lugar. Marahil ay mayroon ka ring isang trabahong mainam ang sahod na gusto mo. Isa pa, ikaw at ang iyong mga mahal sa buhay ay nagtatamasa marahil ng katamtamang kalusugan. Sa kabuuan, marahil kung ihahambing sa iba, ikaw ay may katiwasayan at kaligayahan.
Ngunit pag-isipan ang mga ibang pamayanan, ang mga iba pang bahagi ng bansa na kinatitirhan mo, ang mga ibang lupain. Pagmasdan mo ang buong daigdig. Ang iyo bang nakikita ay isang magandang larawan? Ito ba’y tunay na may kasiyahan, kapayapaan, at kaunlaran?
Sang-ayon sa mga ilang pananaw sa hinaharap nang may pasimula ng siglong ito, ngayon ay dapat sanang napawi na ng siyensiya ang lahat ng mga pangunahing sakit, nakapaglaan na sana ito ng saganang pagkain para sa lahat, napatatag na at napahusay ang kapaligiran, at napairal na sana ang kapayapaan. Ngunit ano bang talaga ang nangyayari?
Hindi naman kailangan ang malawakang pagsusuri upang makita na walang kapayapaan sa ating planeta. “Sapol nang mga sinaunang panahon sa Bibliya, ang mga tao ay hinimok nang ang kanilang mga tabak ay gawing mga sudsod,” ang isinulat ni Michael Renner sa State of the World 1990. “Ngayon lalung-lalo nang angkop ang ganiyang payo. Ang walang-lubay na pagpapalawak ng hukbong pandigma ay humila sa sangkatauhan sa bingit ng pagkapuksa.”
May saganang pag-uulat tungkol sa hidwaan at digmaan sa mga bansa na nagwawasak ng malaking bahagi ng maraming lupain sa buong globo. Sang-ayon sa isang ulat, 22 digmaan pa ang naganap noong 1988.a Ilan ang namatay sa mga digmaang iyon? Hanggang noon at kasali ang taóng iyon, “ang kabuuang bilang ng mga taong nangamatay sa lahat ng digmaan noong 1988 ay 4,645,000. Pitumpu’t anim na porsiyento ng mga nangamatay ay mga sibilyan,” ang sabi ng St. Louis Post-Dispatch.
Ang kasalukuyan bang mga kalagayan sa daigdig ay nagpapakita ng isang mapayapang daigdig sa hinaharap? “Sinasabi na ang Malamig na Digmaan ay nagbabawa at nagbibigay-pagkakataon sa kapayapaan. Ngunit magmasid uli,” ang sabi ng isang artikulo sa San Jose Mercury News ng California, E.U.A. “Sa Ikatlong Daigdig, ang digmaan ay patuloy na nagiging isang mistulang bagyo na walang gaanong pag-asang malunasan. Ang mga ito ay ang nakukubling mga digmaan ng sanlibutan. Ang kalakhang bahagi nito ay mga paglalabanán na nagbabangon sa mga pamahalaan laban sa kanilang sariling mga mamamayan: madudugong mga pagbabaka-baka ng mga mamamayan laban sa bansa, relihiyon, mga hidwaan ng mga grupo at tribo, kapangyarihang pulitikal, pati na mga ibinabawal na gamot. . . . Buhat sa Horn of Africa hanggang sa Timog-silangang Asia, digmaan ang sapilitang nagpalikas sa angaw-angaw na mga tao sa kanilang mga tahanan. Ang mga pananim ay hindi napapatanim, sinasalakay ang mga klinika sa panggagamot, nililipol ang hayupan, buong-kalupitang pinagpapapatay ang mga magulang sa harap ng kanilang mga anak, mga batang lalaking 10-taóng gulang ang ginagawang mga kargador at pagkatapos ay mga kawal, mga batang babae ang ginagahasa. Sa karamihan ng limót nang mga lupaing ito, ang digmaan ay nag-iwan ng mga kagibaan at kaguluhang panlipunan na buhat dito’y baka hindi na lubusang makabangon ang mga lipunang ito. . . . Ipinakikita ng pananaliksik na ang dekada ng 1980 ang nakakita ng higit na mga digmaan kaysa anumang ibang dekada sa kasaysayan.”
Marami sa mga taong nakatakas sa lalong maunlad na mga bansa ay nakatagpo nga ng kapayapaan ngunit sinira naman ng banta ng marahas na krimen. “Ang pagdami ng krimen [sa Estados Unidos] ay nagpatuloy sa loob ng dekada ng 1980 sa kabila ng mga panghihinuha na ito ay mababawasan,” ang pag-uulat ng U.S.News & World Report. “Sa isang karaniwang taon: May 8.1 milyong malulubhang krimen na tulad baga ng pagpatay, pananakit at pagnanakaw. . . . Ang napakasakit sa lahat ay ang paraan ng paglaganap ng pagbububo ng dugo at ang bigla-bigla na lamang kaganapan nito. Talamak na ang pambibiktima ng masasamang loob. Tinataya ng U.S. Bureau of Justice Statistics na 83 porsiyento ng mga batang ngayo’y 12 taóng gulang ang magiging biktima ng aktuwal o tinangkang karahasan kung ang krimen ay magpapatuloy sa kasalukuyang bilis ng pagdami. . . . Ang pagpaparusa sa mga nagkakasala sa lipunan ay hindi siguradong gagawin ni ito man ay ginagawa nang mabilis. Sa buong bansa, ang nalulutas ng pulisya ay 1 lamang sa 5 malalaking krimen.” Mga katulad na kalagayan ang umiiral sa buong daigdig. Ang UN General Assembly ay nag-uulat ng “pagdami kapuwa sa bilang at sa kalubhaan ng krimen sa maraming panig ng daigdig.”
Ngunit kahit na lahat ng digmaan, armas, at krimen ay agad-agad mawala sa mundo, ang buhay ay manganganib pa rin. “Ang kalunus-lunos na karalitaan, palasak na sakit, at masa na di-makabasa’t makasulat ang makikita pa rin sa daan-daang milyong mga taong nasa nagpapaunlad na mga bansa,” ang sabi ng Worldwatch Institute sa kanilang ulat sa State of the World 1990. “Lahat ng tao—mayaman o mahirap, malakas man o mahina ang hukbo nila—ay napapaharap sa nakalalagim na pagkawasak ng kapaligiran na wala pang nakakatulad.”
Oo, ang mismong mga sistema na umaalalay sa buhay na inaasahan ng lahat ng tao ay ipinahahamak. “Ang lupa sa kabuuan ay nasa pinakamasamang kalagayan [kaysa noong 1970],” ang isinulat ng editor na si Paul Hoffman sa magasing Discover. “Ang basura ay sobra na sa ating mga pinagtatapunan ng basura. Ang greenhouse na mga gas ay nagpapainit sa atmospera. Numinipis ang sumasanggang ozone sa planeta. Ang mga disyerto ay lumalawak, at ang makapal na mga kagubatan ay lumiliit. May mga uri ng halaman at hayop na nalilipol sa bilis na 17 por ora.”
Idagdag pa riyan ang epekto ng patuloy na pagdumi ng lupain at ng tubig. Gunigunihin ang patuloy na pagdami ng mga tao sa daigdig, na ang resulta’y parami nang paraming lupaing pinag-aanihan ang pinagtatayuan na lamang ng bahay o iniispalto, sa gayo’y lalong bumibilis ang pagkalipol ng hayop at ng pananim. Isaalang-alang ang patuloy na kakapusan ng mga panustos-buhay na nakukuha sa tubig-tabang at ang suliranin ng pag-ulan ng asido. Nariyan pa rin ang nagbabanta sa kalusugan na mga bunga ng hanging labis ang polusyon at ang suliranin ng masukal na basura. Sama-sama, lahat ng ito ay magpapahamak sa lahi ng sangkatauhan. Sinuman tayo o saanman tayo naroon, tayo’y nangangailangan ng hangin, pagkain, tubig, at mga hilaw na materyales upang mabuhay. Ating kailangan ang mga iyan na malinis at nasa sapat na dami. Totoo ito ngayon, “para sa mga dukha, ang dekada ng mil nobesiyentos otsenta ay isang panahon ng walang-pakundangang kapahamakan, ng kapos na pagkain at patuloy na dumaraming kamatayan,” ang sabi ng State of the World 1990.
Ngayong ang lahi ng sangkatauhan ay nanganganib sa napakaraming paraan, maitatatuwa ba ng sinuman na talagang lubhang kailangan ang isang bagong sanlibutan? Ngunit iyan kaya ay tunay na mangyayari? Saan manggagaling ang ganiyang sanlibutan? Anong mga balakid ang kailangang mapagtagumpayan bago ang ating planeta ay tunay na masabing ligtas at umuunlad? Tingnan natin.
Talababa]
a Ang “digmaan” ay ipinakakahulugan na isang labanan na kung saan kasangkot ang di-kukulangin sa isang pamahalaan at kung saan di-kukulangin sa 1,000 katao ang namamatay sa isang taon.
[Picture Credit Line sa pahina 4]
WHO kuha ni P. Almasy