Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 4/15 p. 2-4
  • Natatanaw Na ba ang Kapayapaang Pandaigdig?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Natatanaw Na ba ang Kapayapaang Pandaigdig?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Nakalimutang mga Digmaan
  • May Pag-asa ba Para sa Kapayapaan?
  • Tunay na Kapayapaan—Saan Kaya Magmumula?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • “Ang Kapayapaan ng Diyos” ang Mag-ingat Nawa sa Inyong Puso
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Kailan ba Talagang Darating ang Walang-Hanggang Kapayapaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Sino ang Aakay sa Sangkatauhan sa Kapayapaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 4/15 p. 2-4

Natatanaw Na ba ang Kapayapaang Pandaigdig?

SA BUONG nalakaran ng kasaysayan, hindi nagkaroon ng pagkukulang ng mga plano sa kapayapaan at mga deklarasyon sa kapayapaan anumang uri iyon. Nakalulungkot naman, waring nagkaroon ng kasindami ng mga digmaan upang pawalang-saysay ang mga iyan. Kung tungkol din lamang sa mga kasunduan at mga proklamasyon ng kapayapaan, karamihan ng tao ay natutong huwag gaanong manghawakan sa mga iyan.

Gayunman, sa loob ng nakalipas na mga taon, maraming mga tagapagmasid at mga tagasuri ng balita ang nagsimulang makadama na isang bagay na naiiba ang nagaganap. Kanilang naiisip ang posibilidad na, bagaman may lokal na mga suliranin, sa panahong ito ay nakahanda na marahil ang tanghalan para sa pandaigdig na kapayapaan. “Ang pag-asa para sa mapayapang paglutas sa alitan ay nasa lalong matatag na pundasyon kaysa anumang ibang taon sapol nang magwakas ang Digmaang Pandaigdig II,” ang sabi ng Stockholm International Peace Institute. Isang prominenteng reporter ng balita ang nahikayat ng mabilis na mga pangyayari sa Silangang Europa upang magpahayag: “Ang kapayapaan sa Lupa ay waring posible ngayon kaysa anumang panahon sapol nang Digmaang Pandaigdig II.” Maging ang lathalain mang The Bulletin of the Atomic Scientists ay nagbabadya ng ganitong kalagayan. Noong 1988 binago nito ang kaniyang tanyag na doomsday clock mula sa tatlong minuto bago maghatinggabi ay ginawang anim na minuto bago maghatinggabi, at noong Abril 1990 ay lalo pang iniatras at ginawang sampung minuto bago maghatinggabi.

Lahat na ito ay lumikha ng malaking pag-asa at katuwaan bago sumiklab ang giyera sa Gitnang Silangan. Ngunit kahit na magbuhat noon, may mga taong nag-uusap-usap na natapos na ang Cold War at ang paligsahan sa armas sa pagitan ng mga superpower. Ang iba naman ay nag-iisip ng kung ano ang gagawin sa lahat ng salaping inaasahan ng mga pamahalaan na maiimpok dahil sa pinaliit na gastos ng militar. Posible nga kaya na ang panahon ukol sa walang-hanggang kapayapaan ay talagang dumating na? Ang mga bansa ba ay talagang natututong “pandayin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit”? (Isaias 2:4) Ano ba ang ipinakikita ng mga pangyayari?

Ang Nakalimutang mga Digmaan

“Ang wakas ng cold war at ang bagong paglulubay ng hidwaan sa pagitan ng Silangan at Kanluran ay nakahikayat sa iba na maniwalang kapayapaan ang kaayusan sa ngayon,” ayon sa pagmamasid ng The Economist ng London. “Hindi gayon. Pagkatapos maalis ang isa sa malaking pinagmumulan ng tensiyon, ang daigdig ay mayroon pa ring maraming maliliit nito.” Ano baga ang “maliliit” na mga tensiyong ito, o mga alitan?

Ang Lentz Peace Research Laboratory, isang independiyenteng mananaliksik na organisasyon sa Estados Unidos, ay nag-uulat na hanggang noong Setyembre 1990, di-kukulangin sa 15 digmaan ang nagaganap sa palibot ng daigdig. Dito’y hindi kasali ang paglusob ng Iraq sa Kuwait, dahil sa ang ibinilang lamang sa report ay mga digmaan na kung saan di-kukulangin sa isang libo katao ang nasawi taun-taon hanggang sa panahong iyon. Ang ilan sa mga digmaang ito ay nagaganap na nang may 20 o higit pang mga taon. Kung pagsasama-samahin, dito’y nasawi ang 2,900,000 na mga buhay, at karamihan sa mga ito ay mga sibilyan. Hindi kasali sa bilang na ito yaong mga nangasawi sa ilan sa pinakamadudugong digmaan na huminto lamang noong nakalipas na taon, tulad halimbawa niyaong sa Uganda, Afghanistan, at Iran-Iraq.

Halos tatlong milyong katao ang nangasawi gayong ipinagpapalagay na ang daigdig ay may kapayapaan! Iyan sa ganang sarili ay kalunus-lunos. Gayunman, ang lalong malaking trahedya ay yaong bagay na karamihan sa mga digmaang ito ay nagaganap nang halos hindi napapansin​—at hindi pinananaghuyan​—​ng nalalabing bahagi ng daigdig. Ang mga ito ay matatawag na ang nakalimutang mga digmaan, yamang karamihan ng mga iyan​—mga coup, giyera sibil, rebolusyon​—​ay nagaganap sa isa o sa anuman sa mga bansang di pa gaanong umuunlad. Para sa karamihan ng tao sa mayayaman, industriyalisadong mga bansa, ang kalahating milyong katao na nasawi sa Sudan, o ang sang-katlo ng isang milyong nasawi sa Angola, ay waring hindi gaanong nakatawag ng pansin. Sa katunayan, may mga tao na nangangatuwirang ang daigdig ay nasa isang wala pang katulad na panahon ng kapayapaan sapol nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II sapagkat walang digmaan sa gitna ng maunlad na mga bansa at, sa kabila ng napakalaking tensiyon at pagpaparami ng armas, ang mga superpower ay hindi pa naman napapasangkot sa digmaan laban sa isa’t isa.

May Pag-asa ba Para sa Kapayapaan?

Kung ang kapayapaan ay nangangahulugan lamang na walang nuklear na digmaan ang buong globo, marahil kung gayon ay makapangangatuwiran ang sinuman na ang mga bansa ng daigdig ay nagkaroon na ng kaunting tagumpay sa kanilang pagsisikap ukol sa kapayapaan. Ang patakaran ng Mutual Assured Destruction ay nakapigil sa papaano man sa mga superpower. Subalit iyan ba ay talagang kapayapaan? Papaanong mangyayari iyan, gayong ang mga tao ay namumuhay na palagi sa takot na biglaan at lubusang malipol? Papaano tayo makapagsasalita tungkol sa kapayapaan gayong, sa buong daigdig, napakaraming buhay ng tao ang wasak, napariwara ang kanilang kabuhayan, at ang kanilang pag-asa ukol sa isang makabuluhan at matagumpay na buhay ay naparam ng mga digmaang malalaki at maliliit?

Ang nanalo ng Nobel prize na si Elie Wiesel ay sumulat minsan: “Sa mula’t sapol, ang mga tao ay nangag-uusap-usap tungkol sa kapayapaan nang hindi naman nakakamit iyon. Tayo ba’y kulang lamang ng sapat na karanasan? Bagaman tayo’y nagsasalita ng kapayapaan, tayo naman ay nakikipagdigma. Kung minsan ay nagsasagawa pa nga tayo ng pakikidigma sa ngalan ng kapayapaan. . . . Ang digmaan ay maaaring isang lubhang malaking bahagi ng kasaysayan upang mapawi​—magpakailanman.”

At kamakailan ang digmaan sa Gitnang Silangan ang muling nagwasak sa pangarap na kapayapaan. Baka naman sa maling pinagmumulan ng kapayapaan nakatingin ang sangkatauhan?

[Larawan sa pahina 3]

“Ang salinlahing ito ng mga tao sa lupa ay maaaring makasaksi ng pagdating ng isang di-magbabagong yugto ng panahon ng kapayapaan sa kasaysayan ng sibilisasyon.”​—Sinabi ng pangulong Sobyet na si Mikhail Gorbachev, sa summit meeting sa Washington, D.C., E.U.A., Mayo 1990

[Credit Line]

UPI/Bettmann Newsphotos

[Mga larawan sa pahina 4]

“Isang bagong sanlibutan ng kalayaan ang nasa harap natin . . . , isang daigdig na kung saan mananatili ang kapayapaan, kung saan ang komersiyo ay may konsiyensiya at kung saan lahat ng waring posible ay posible.”​—Ipinahayag ng pangulo ng E.U. na si George Bush, sa isang pandaigdig na pang-ekonomiyang summit meeting sa Houston, Texas, E.U.A., Hulyo 1990

[Credit Line]

UPI/Bettmann Newsphotos

“Ang mga pader na dating kumukulong sa mga tao at sa mga ideya ay gumuguho na. Ang mga taga-Europa ang tumitiyak kung ano ang kanilang sariling destino. Ang pinipili nila ay kalayaan. Kanilang pinipili ang kalayaang pangkabuhayan. Ang pinipili nila’y ang kapayapaan.”​—Deklarasyon ng NATO sa isang summit sa London, Inglatera, Hulyo 1990

[Picture Credit Line sa pahina 2]

Cover photos U.S. Naval Observatory photo (stars); NASA photo (earth)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share