Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako
Samaria—Kabisera sa Gitna ng mga Kabisera sa Hilaga
BABILONYA, Nineveh, at Roma. Ito ay mga kabiserang lunsod noong mga panahon ng Bibliya. Gayunman, pagka Bibliya ang pinag-uusapan, bukod sa Jerusalem mismo, ang pinakakapansin-pansin na kabisera ay malamang hindi isa sa mga ito kundi, bagkus, ang Samaria. Sa loob ng 200 taon, ito ang kabisera ng sampung-tribong kaharian ng Israel, at maraming makahulang mga mensahe ang nakatuon sa Samaria. Ngunit ano ba ang alam ninyo tungkol sa Samaria? At bakit ito isang kabisera sa gitna ng mga kabisera sa hilaga?
Tunghayan natin ang mapa, gunitain ang kaunting kasaysayan pagkatapos na ang sampung tribo ng Israel ay humiwalay sa hari ni Jehova at sa templo sa Jerusalem. Si Jeroboam, na nanguna sa pagtatatag ng hilagang kaharian, ay sandaling naghari buhat sa Shechem, sa bulubunduking ruta sa hilagang-kanluran. Nang maglaon ay inilipat ni Jeroboam sa Tirzah ang kaniyang kabisera, na ito’y nasa ulunan ng Wadi Far‛ah. Isang ruta buhat sa Libis ng Jordan ang dumaraan sa Tirzah at napapasanib sa daan sa kabundukan. Alam mo ba na ang Tirzah ang kabisera ng sampung-tribong kaharian sa panahon ng paghahari ni Nadab, Baasha, Elah, Zimri, at maging ni Omri?—Genesis 12:5-9; 33:17, 18; 1 Hari 12:20, 25, 27; 14:17; 16:6, 15, 22.
Gayunman, pagkaraan ng anim na taon si Omri ay lumikha ng isang bagong kabisera. Saan? Kaniyang binili ang bundok na nakikita mo sa gawing kaliwa, ang Samaria. (1 Hari 16:23-28) Bagaman ito ngayon ay maraming mga hagdan-hagdan para sa pagsasaka, malamang na pinili ito ni Omri dahil sa ang patag-tuktok na burol na nakausli buhat sa kapatagan ay madaling ipagtanggol. Ang kaniyang anak na si Ahab ay nagpatuloy ng pagtatayo ng Samaria, marahil pinalawak pa ang mga kuta nito sa pamamagitan ng makakapal na pader. Siya’y nagtayo rin naman ng isang templo kay Baal at isang palasyo para sa kaniyang sarili at sa kaniyang asawang taga-Fenicia, si Jezebel. Dahil sa mga paghuhukay ay napalantad ang mga kaguhuan ng palasyo ni Ahab, na makikita sa susunod na pahina. Ang palasyong iyan ay napabantog dahil sa luho at labis na kabuktutan. (1 Hari 6:29-33) Ilarawan ang propetang si Elias na umaakyat sa lunsod na ito at lumalakad sa maluwang na daan patungo sa palasyo, upang tuligsain doon si Ahab sa kasamaang dulot ng pagsamba kay Baal.—1 Hari 17:1.
Noong 1910 ang mga arkeologo ay nakatagpo roon ng pira-pirasong mga luwad na may mga nakasulat, isang listahan ng mga inangkat na alak at langis-olibo o ng mga buwis na binayaran. Ngunit marami sa personal na mga pangalan sa mga iyon ang may kasamang nakasulat na baʹal. Marahil ay matutuwa kang malaman na nakatuklas din ang mga arkeologo ng mga pira-pirasong palamuti na garing o mga panel, gaya ng makikita rito. Alalahanin na noon pang sinaunang panahon ang 1 Hari 22:39 ay bumanggit na si Ahab ay nagtayo ng isang “bahay na garing.” Marahil kasali na rito ang mga muwebles na may palamuting nililok na garing, tulad halimbawa ng pagkagagandang “sopang garing” na binanggit ni propeta Amos isang daang taon ang lumipas. (Amos 3:12, 15; 6:1, 4) Kabilang sa mga palamuti niyaon ay mga sphinx na may pakpak at iba pang mga simbulo buhat sa mitolohiyang Ehipsiyo.
Ang pagbanggit kay Ahab at kay Jezebel ay marahil magpapaalaala sa iyo ng paraan ng kanilang kamatayan. Namatay si Ahab sa isang may kahangalang digmaan laban sa Syria. Nang ang kaniyang karo ay matangay ng agos malapit sa “lawa ng Samaria . . . hinimuran ng mga aso ang kaniyang dugo,” na katuparan ng sinabi ni Elias. (1 Hari 21:19; 22:34-38) Si Reyna Jezebel ay inihagis buhat sa isang bintana ng palasyo tungo sa kaniyang kamatayan. Iyon ba ay buhat sa palasyong ito sa Samaria? Hindi. Si Ahab ay mayroon ding isang palasyo doon sa gawing hilaga sa libis ng Jezreel. Kaniyang hinangad na mapasakaniya ang karatig na ubasan ni Naboth. Buhat sa itaas ng palasyong iyan, may mga bantay na nakatanaw sa gawing silangan na nakakita kay Jehu samantalang nakasakay at buong bilis na nagpapatakbo paitaas sa libis. At doon ang dating reyna ng Samaria ay nakatimbuwang sa kanyang kakila-kilabot na kamatayang karapat-dapat sa kaniya.—1 Hari 21:1-16; 2 Hari 9:14-37.
Samantalang ang Samaria’y nagpatuloy na isang kabisera, iyon ay walang pagsang-ayon o pagpapala ng Diyos. Bagkus, iyon ay naging isang karibal at kaaway ng kaniyang kabisera sa timog, ang Jerusalem. Naging walang kabuluhan ang pagpapadala ni Jehova ng maraming propeta upang magbabala sa mga hari ng Samaria at sa kaniyang mga mamamayan tungkol sa kanilang idolatriya, imoralidad, at kawalang-galang sa kaniyang mga kautusan. (Isaias 9:9; 10:11; Ezekiel 23:4-10; Oseas 7:1; 10:5; Amos 3:9; 8:14; Mikas 1:1, 6) Kaya noong 740 B.C.E., ang Samaria ay nagbigay-sulit, winasak ng mga Asiryo. Marami sa mga mamamayan ang dinalang bihag, at sila’y hinalinhan ng mga banyaga.—2 Hari 17:1-6, 22-24.
Nang maglaon, lalo na noong panahon ni Herodes na Dakila, ang Samaria ay naibalik ng mga Griego at mga Romano sa kaunting katanyagan. Kaya kilala na rin ni Jesus at ng mga apostol ang kabiserang ito sa gitna ng mga kabisera sa hilaga.—Lucas 17:11; Juan 4:4.
[Mapa sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Jezreel
Tirzah
Samaria
Shechem
Jerusalem
Ilog Jordan
[Credit Line]
Batay sa isang mapa na ang may karapatang maglathala ay ang Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. at ang Survey of Israel.
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Lines sa pahina 17]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
Garo Nalbandian
Isiningit: Israel Department of Antiquities and Museums; larawan buhat sa Israel Museum, Jerusalem