Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 11/1 p. 18-22
  • Ang Papel na Ginagampanan ng Nakatataas na mga Autoridad

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Papel na Ginagampanan ng Nakatataas na mga Autoridad
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Tunay na mga Kristiyano ay Hindi “Sumasalansang sa Autoridad”
  • Pagsunod sa Batas
  • Dapat Katakutan
  • “Ito ang Ministro ng Diyos”
  • Kailangan ang Pananampalataya
  • Pagka ang Estado ay Hindi Tumulong
  • Ang Pangmalas ng Kristiyano sa Awtoridad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Ang Pagkakilala ng Kristiyano sa Nakatataas na mga Autoridad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Kaninong Awtoridad ang Dapat Mong Kilalanin?
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Paggalang sa Awtoridad—Bakit Napakahalaga?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 11/1 p. 18-22

Ang Papel na Ginagampanan ng Nakatataas na mga Autoridad

“Ito ang ministro ng Diyos sa iyong ikabubuti. Ngunit kung ang ginagawa mo ay masama, matakot ka.”​—ROMA 13:4.

1, 2. Papaanong marami sa Sangkakristiyanuhan ang napasangkot sa kilusang rebolusyonaryo?

DALAWANG taon na ngayon ang nakalipas isang pagtitipon ng mga obispo sa London ang pumukaw ng isang napopoot na editoryal sa New York Post. Ang pagtitipon ay ang Lambeth Conference, na dinaluhan ng mahigit na 500 obispo ng komunyong Anglicano. Ang pagkapoot ay nag-alab dahilan sa isang resolusyon na pinagtibay ng komperensiya na nagpapahayag ng pagkaunawa sa mga tao “na, pagkatapos gamitin ang lahat ng iba pang mga kaparaanan, ang pinili’y ang paraan ng armadong pakikipagbaka bilang ang tanging paraan sa katarungan.”

2 Sinabi ng Post na ito, sa katunayan, ay isang pagsang-ayon sa terorismo. Gayunman, ang mga obispo ay sumusunod lamang sa isang lumalaganap na kausuhan. Ang saloobing ito ay hindi iba sa saloobin ng paring Katoliko sa Ghana na nagrekomenda ng pakikipagbakang gerilya bilang ang pinakamabilis, pinakasegurado, at pinakaligtas na paraan upang mapalaya ang Aprika; o ng Aprikanong obispong Methodista na nagpanatang ipagpatuloy “ang digmaan ng pagpapalaya hanggang sa mapait na wakas”; o ng maraming misyonero ng Sangkakristiyanuhan na nakipagbakang kasama ng mga rebelde laban sa tatag na mga pamahalaan sa Asia at Timog Amerika.

Ang Tunay na mga Kristiyano ay Hindi “Sumasalansang sa Autoridad”

3, 4. (a) Anong mga simulain ang nilalabag ng di-umano’y mga Kristiyano na nagtataguyod ng rebolusyon? (b) Ano ang natuklasan ng isang indibiduwal tungkol sa mga Saksi ni Jehova?

3 Noong unang siglo, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14) Sinumang tinatawag na Kristiyano na nagtataguyod ng rebolusyon ay isang bahagi ng sanlibutan. Siya’y hindi isang tagasunod ni Jesus; ni siya man ay ‘napasasakop sa nakatataas na mga autoridad.’ (Roma 13:1) Makabubuting pakinggan niya ang babala ni apostol Pablo na “ang sumasalansang sa autoridad ay sa kaayusan ng Diyos sumasalansang; at ang mga sumasalansang ay tatanggap ng hatol sa kanilang sarili.”​—Roma 13:2.

4 Ibang-iba sa marami sa Sangkakristiyanuhan, ang mga Saksi ni Jehova ay walang pakikialam sa armadong karahasan. Ito’y natuklasan ng isang lalaki sa Europa. Siya’y sumulat: “Pagkatapos na makita kung ano ang nagawa ng relihiyon at pulitika, ako’y nagtalaga sa pagpapabagsak sa tatag na kaayusan ng lipunan. Sumali ako sa isang grupo ng mga terorista at tumanggap ng pagsasanay sa paghawak ng lahat ng klase ng armas; ako’y nakibahagi sa maraming armadong pagnanakaw. Ang aking buhay ay palaging nanganganib. Sa paglakad ng panahon, nahayag na ang aming ipinaglalaban ay isang labanang talunan. Ako’y isang taong bigo, nadadaig ng lubos na kawalang-pag-asa sa buhay. Nang magkagayo’y isang Saksi ang tumuktok sa aking pintuan. Kaniyang ibinalita sa akin ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Pagkatapos na igiit ko na ito’y pag-aaksaya ng aking panahon, iminungkahi ko na ang aking maybahay ang makinig. Gayon nga ang ginawa niya, at isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang sinimulan. Sa wakas, ako’y sumang-ayon na dumalo sa pag-aaral. Hindi kaya ng pananalita na ilarawan ang ginhawa na aking nadama sa pagkaunawa sa nagtutulak na lakas sa sangkatauhan upang gumawa ng masama. Ang kahanga-hangang pangako tungkol sa Kaharian ay nagbigay sa akin ng isang umaalalay na pag-asa at isang layunin sa buhay.”

5. Bakit ang mga Kristiyano’y nananatiling mapayapang napasasakop sa nakatataas na mga autoridad, at hanggang kailan magpapatuloy ito?

5 Ang mga Kristiyano ay mga embahador o mga kinatawan ng Diyos at ni Kristo. (Isaias 61:1, 2; 2 Corinto 5:20; Efeso 6:19, 20) Kaya naman, sila’y nananatiling walang pinapanigan sa mga alitan ng sanlibutang ito. Kahit na ang ilang mga pamamalakad pulitikal ay waring mas matatag ang kabuhayan kaysa iba, at ang ilan ay nagbibigay ng higit na kalayaan kaysa iba, ang mga Kristiyano ay hindi nagtataguyod o naghahanay ng isang sistema bilang nakahihigit kaysa iba. Batid nila na lahat ng mga sistema ay di-sakdal. “Kaayusan ng Diyos” na ang mga ito’y magpatuloy na umiral hanggang sa humalili sa mga ito ang kaniyang Kaharian. (Daniel 2:44) Sa gayon, ang mga Kristiyano ay nananatiling mapayapang napasasakop sa nakatataas na mga autoridad samantalang itinataguyod ang walang-hanggang kapakanan ng iba sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.​—Mateo 24:14; 1 Pedro 3:11, 12.

Pagsunod sa Batas

6. Bakit marami ang mga batas ng tao na mabuti naman kahit na “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot”?

6 Ang pambansang mga pamahalaan ay binubuo ng mga sistema ng mga batas, at karamihan ng mga batas na ito ay mabuti. Ito ba’y pagtatakhan natin, sa liwanag ng katotohanan na “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot”? (1 Juan 5:19) Hindi. Binigyan ni Jehova ang ating unang-unang ama, si Adan, ng isang budhi, at ang kaniyang katutubong sentido sa pagkaalam ng matuwid at mali ay mababanaag sa maraming paraan sa mga batas ng tao. (Roma 2:13-16) Si Hammurabi, isang sinaunang tagapagbigay-batas na Babiloniko, ay may ganitong paunang-salita sa kaniyang kodigo ng batas: “Nang panahong iyon [kanilang] inatasan ako na itaguyod ang kapakanan ng mga mamamayan, ako, si Hammurabi, ang nakatalaga, may-takot-sa-Diyos na prinsipe, upang pangyarihin na ang katarungan ay umiral sa lupain, upang mapuksa ang balakyot at ang masama, para ang malakas ay huwag mang-api sa mahina.”

7. Kung ang sinuman ay lalabag sa batas, sino ang may karapatang magparusa sa kaniya, at bakit?

7 Karamihan ng mga pamahalaan ay magsasabi na ang layunin ng kanilang mga batas ay magkakahawig: upang itaguyod ang kapakanan ng mga mamamayan at ang mabuting kaayusan sa lipunan. Kaya naman, kanilang pinarurusahan ang mga gawang laban sa lipunan, tulad baga ng pagpatay at pagnanakaw, at sila’y nagtatakda ng mga regulasyon, tulad baga ng mga limitasyon sa bilis ng pagmamaneho at ng mga batas sa pagpaparada ng sasakyan. Sinuman na kusang lumalabag sa kanilang mga batas ay sumasalansang sa autoridad at “tatanggap ng hatol sa kanilang sarili.” Hatol buhat kanino? Hindi sa Diyos na palagi. Ang salitang Griego na isinalin ditong hatol ay maaaring tumutukoy sa mga pamamaraang pambayan imbis na sa mga kahatulan ni Jehova. (Ihambing ang 1 Corinto 6:7.) Kung ang sinuman ay kikilos ng labag sa batas, ang nakatataas na autoridad ay may karapatan na parusahan siya.

8. Ano ang ginagawa ng kongregasyon kung ang isang miyembro ay gumagawa ng isang malubhang krimen?

8 Ang mga Saksi ni Jehova ay may mabuting pangalan sa hindi pagsalansang sa mga autoridad na tao. Pagka nagkataon na ang isang indibiduwal sa kongregasyon ay lumabag sa batas, siya’y hindi tutulungan ng kongregasyon na makaiwas sa parusang ipinapataw ng batas. Kung ang sinuman ay nagnanakaw, pumapatay, nagkakasala ng paninirang-puri, nanunuba sa kaniyang mga buwis, nanggagahasa, nandaraya, gumagamit ng mga bawal na gamot, o sa anumang paraan ay sumasalansang sa legal na autoridad, siya’y mapapaharap sa isang matinding disiplina buhat sa kongregasyon​—at siya’y hindi dapat magsaloob na siya’y pinag-uusig pagka siya’y pinarusahan ng sekular na autoridad.​—1 Corinto 5:12, 13; 1 Pedro 2:13-17, 20.

Dapat Katakutan

9. Ano ang may karapatang gawin ang mga Kristiyano kung pinagbabantaan ng masasamang elemento?

9 Ipinagpapatuloy ni Pablo ang kaniyang pagtalakay tungkol sa nakatataas na mga autoridad, na ang sabi: “Sapagkat yaong mga nagpupunò ay dapat katakutan, hindi dahil sa gawang mabuti, kundi dahil sa masama. Ayaw mo ba, kung gayon, na matakot sa autoridad? Lagi kang gumawa ng mabuti, at kakamtin mo ang papuri nito.” (Roma 13:3) Hindi ang tapat na mga Kristiyano ang dapat matakot sa parusa buhat sa autoridad kundi ang mga manggagawa ng kalikuan, yaong mga nagkakasala ng ‘mga gawang masama,’ mga gawaing kriminal. Pagka pinagbantaan ng gayong masasamang elemento, ang mga Saksi ni Jehova ay may karapatang tumanggap ng proteksiyon buhat sa may autoridad na pulisya o militar.​—Gawa 23:12-22.

10. Papaano ‘nagkamit ng papuri’ buhat sa autoridad ang mga Saksi ni Jehova?

10 Sa Kristiyano na sumusunod sa batas ng nakatataas na autoridad, sinabi ni Pablo: “Kakamtin mo ang papuri nito.” Bilang isang halimbawa nito, isaalang-alang ang mga ilang liham na tinanggap ng mga Saksi ni Jehova sa Brazil pagkatapos ng kanilang mga kombensiyong pandistrito. Buhat sa chancellor ng isang kagawarang munisipal sa isport: “Ang pinakadakilang papuri ay karapat-dapat dahilan sa inyong mapayapang paggawi. Nakaaaliw sa kasalukuyang maligalig na daigdig na malamang napakarami pa ang naniniwala at sumasamba sa Diyos.” Buhat sa direktor ng isang munisipal na istadiyum: “Sa kabila ng napakaraming dumalo, walang anumang napaulat na insidente na magsisilbing kasiraan sa pagtitipong iyan, salamat sa walang-kapintasang organisasyon.” Galing sa tanggapan ng mayor: “Nais po naming samantalahin ang pagkakataong ito na batiin kayo sa inyong pagkamaayos at kahanga-hanga, kusang pagtugon sa disiplina, at hinahangad namin ang inyong lubos na tagumpay sa darating pang mga araw.”

11. Bakit ang pangangaral ng mabuting balita sa anumang paraan ay hindi masasabing isang gawang masama?

11 Ang terminong “gawang mabuti” ay tumutukoy sa mga gawang pagsunod sa mga batas ng nakatataas na mga autoridad. Isa pa, ang ating gawaing pangangaral, na ipinag-uutos ng Diyos, hindi ng tao, ay hindi isang gawang masama​—isang punto na dapat kilalanin ng makapulitikang mga autoridad. Ito ay isang pangmadlang paglilingkod na nagtataas sa uri ng asal ng mga taong tumutugon. Kung gayon, inaasahan natin na ipagtatanggol ng nakatataas na mga autoridad ang ating karapatan na mangaral sa iba. Si Pablo ay dumulog sa mga autoridad upang itatag sa legal na paraan ang pangangaral ng mabuting balita. (Gawa 16:35-40; 25:8-12; Filipos 1:7) Kamakailan, ang mga Saksi ni Jehova ay naghangad din at nagkamit ng legal na karapatang maipakilala ang kanilang gawain sa Silangang Alemanya, Hungary, Polandya, Romania, Benin, at Myanmar (Burma).

“Ito ang Ministro ng Diyos”

12-14. Papaano kumilos bilang ministro ng Diyos ang nakatataas na mga autoridad (a) noong sinaunang panahon sa Bibliya? (b) sa modernong panahon?

12 Tungkol sa sekular na autoridad, si Pablo ay nagpapatuloy: “Ito ang ministro ng Diyos sa iyo sa iyong ikabubuti. Ngunit kung ang ginagawa mo ay masama, matakot ka: sapagkat hindi walang kabuluhan ang paghawak niya ng tabak; sapagkat ito ang ministro ng Diyos, isang tagapaghiganti upang magpahayag ng poot sa gumagawa ng masama.”​—Roma 13:4.

13 Ang mga autoridad ng mga bansa ay kung minsan nagsisilbing ministro ng Diyos sa espesipikong mga paraan. Ganiyan ang ginawa ni Ciro nang kaniyang ipag-utos sa mga Judio na sila’y bumalik sa Babilonya at muling itayo ang bahay ng Diyos. (Ezra 1:1-4; Isaias 44:28) Si Artaxerxes ang ministro ng Diyos nang kaniyang suguin si Ezra na dala ang abuloy para sa muling pagtatayo ng bahay na iyan at pagkatapos nang kaniyang suguin si Nehemias upang muling itayo ang mga pader ng Jerusalem. (Ezra 7:11-26; 8:25-30; Nehemias 2:1-8) Ang nakatataas na autoridad Romano ay ganiyan ang bahaging ginampanan nang iligtas nito si Pablo buhat sa mga mang-uumog sa Jerusalem, nang iligtas siya nang lumubog ang barko, at nang isaayos na magkaroon siya ng sariling bahay sa Roma.​—Gawa 21:31, 32; 28:7-10, 30, 31.

14 Sa katulad na paraan, ang sekular na mga autoridad ay nagsisilbi ring ministro ng Diyos sa modernong panahon. Halimbawa, noong 1959 ang Korte Suprema ng Canada ay humatol na ang isa sa mga Saksi ni Jehova na akusado sa Quebec ng paglalathala ng mapaghimagsik at nakasisirang-puring mga katha ay hindi nagkasala​—sa gayo’y sinasalansang ang maling pagkakilala ng noo’y premier ng Quebec, si Maurice Duplessis.

15. Sa anong pangkalahatang paraan kumikilos ang mga autoridad bilang ministro ng Diyos, at anong karapatan ang ibinibigay nito sa kanila?

15 Isa pa, sa pangkalahatang paraan, ang mga pamahalaan ng mga bansa ay nagsisilbing ministro ng Diyos sa pamamagitan ng pag-iingat na mapanatili ang pangmadlang kaayusan hanggang sa ang Kaharian ng Diyos ang gumanap ng pananagutang iyan. Sang-ayon kay Pablo, sa layuning ito kung kaya ang autoridad ay ‘may hawak ng tabak,’ na sagisag ng karapatan nito na magparusa. Karaniwan na, kasangkot dito ang pagbibilanggo o ang pagbabayad ng multa. Sa mga ilang bansa ay maaari ring kasali rito ang parusang kamatayan.a Sa kabilang panig, maraming bansa ang tumanggi sa parusang kamatayan, at iyan din naman ay karapatan nila.

16. (a) Yamang ang autoridad ay ministro ng Diyos, ano ang itinuring na wastong gawin ng ilan sa mga lingkod ng Diyos? (b) Anong uri ng trabaho ang hindi tatanggapin ng isang Kristiyano, at bakit hindi?

16 Yamang ang nakatataas na mga autoridad ay ministro ng Diyos kaya naman si Daniel, ang tatlong Hebreo, si Nehemias, at si Mardocheo ay tumanggap ng responsableng mga puwesto sa mga pamahalaan ng Babilonya at ng Persya. Sa ganoo’y makaaapila sila sa autoridad ng Estado sa ikabubuti ng bayan ng Diyos. (Nehemias 1:11; Esther 10:3; Daniel 2:48, 49; 6:1, 2) Sa ngayon ang ilang mga Kristiyano ay nagtatrabaho rin sa gobyerno. Subalit yamang sila’y hiwalay sa sanlibutan, sila’y hindi sumasali sa mga partido pulitikal, hindi naghahangad ng katungkulang makapulitika, o tumatanggap man ng gumagawa-ng-patakarang mga puwesto sa makapulitikang mga organisasyon.

Kailangan ang Pananampalataya

17. Anong mga kalagayan ang maaaring makahila sa ilang mga di-Kristiyano na lumaban sa autoridad?

17 Gayunman, ano kung ang autoridad ay kunsintidor sa kalikuan o sa pang-aapi man? Susubukin ba ng mga Kristiyano na ang autoridad ay halinhan ng isa na waring mas mabuti? Bueno, hindi na bago ang kawalang-katarungan at kalikuan sa pamahalaan. Noong unang siglo, ang Imperyo Romano ay sumang-ayon sa mga pang-aapi na tulad baga ng pang-aalipin. Ito’y kunsintidor din sa likong mga opisyales. Ang Bibliya’y may tinutukoy na mga maniningil ng buwis na magdaraya, isang likong hukom, at isang gobernador ng lalawigan na umaasa sa mga suhol.​—Lucas 3:12, 13; 18:2-5; Gawa 24:26, 27.

18, 19. (a) Papaano kumikilos ang mga Kristiyano kung may mga pang-aabuso o mga katiwalian sa panig ng mga opisyales ng pamahalaan? (b) Papaano nagsikap ang mga Kristiyano na mapahusay ang buhay ng mga tao, gaya ng patotoo ng isang historyador at ng kahon sa ibaba?

18 Disin sana ay sinikap ng mga Kristiyano na wakasan ang gayong mga pang-aabuso noon pa, ngunit hindi nila ginawa iyan. Halimbawa, si Pablo ay hindi nangaral na wakasan ang pang-aalipin, at hindi niya sinabi sa mga Kristiyanong may mga alipin na palayain ang kanilang mga alipin. Bagkus, kaniyang pinayuhan ang mga alipin at ang mga may-ari ng mga alipin na magpakita ng maka-Kristiyanong kaawaan pagka nakikitungo sa isa’t isa. (1 Corinto 7:20-24; Efeso 6:1-9; Filemon 10-16; tingnan din ang 1 Pedro 2:18.) Sa katulad na paraan, ang mga Kristiyano ay hindi sumangkot sa mga gawaing pag-aalsa. Sila’y totoong abala ng pangangaral ng “mabuting balita ng kapayapaan.” (Gawa 10:36) Noong 66 C.E., isang hukbong Romano ang kumubkob sa Jerusalem at pagkatapos ay umatras. Imbis na magpatuloy na kasama ng mga manghihimagsik na tagapagtanggol ng lunsod, ang mga Hebreong Kristiyano ay ‘tumakas sa mga bundok’ bilang pagsunod sa tagubilin ni Jesus.​—Lucas 21:20, 21.

19 Ang sinaunang mga Kristiyano ay namuhay kaalinsabay ng mga bagay na umiiral noon at nagsikap na mapahusay ang buhay ng mga tao sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na sumunod sa mga simulain ng Bibliya. Ang historyador na si John Lord, sa kaniyang aklat na The Old Roman World, ay sumulat: “Ang tunay na tagumpay ng Kristiyanismo ay nakita sa paggawa niya na mabubuting tao ang mga nag-aangking sumusunod sa kaniyang mga doktrina, imbis na ang panlabas na pagbabago ang gawin sa popular na mga institusyon, o pamahalaan, o mga batas.” Ang mga Kristiyano ba sa ngayon ay dapat kumilos sa naiibang paraan?

Pagka ang Estado ay Hindi Tumulong

20, 21. (a) Papaanong ang isang sekular na autoridad ay hindi kumilos bilang ministro ng Diyos para sa ikabubuti? (b) Papaano dapat kumilos ang mga Saksi ni Jehova pagka sila’y pinag-usig na ang Estado ay kasabuwat?

20 Noong Setyembre 1972, malubhang pag-uusig ang sumiklab laban sa mga Saksi ni Jehova sa isang bansa sa sentral Aprika. Libu-libo ang ninakawan ng lahat ng kanilang ari-arian at ginawan ng iba pang mga kalupitan, kasali na ang panggugulpi, pagpapahirap, at pagpatay. Ginanap ba ng nakatataas na autoridad ang kaniyang tungkulin na ipagtanggol ang mga Saksi? Hindi! Bagkus, ito pa nga ang nagpalakas-loob upang gawin ang gayong karahasan, anupa’t pinuwersa ang nananahimik na mga Kristiyanong ito na tumakas sa karatig na mga bansa para maligtas.

21 Hindi baga dapat mag-alsa nang may kapusukan laban sa gayong mga tagapagpahirap ang mga Saksi ni Jehova? Hindi. Ang mga Kristiyano ay dapat na matiyagang magtiis ng gayong mga paglapastangan, na kumikilos nang may pagpapakumbaba bilang pagtulad kay Jesus: “Nang siya’y nagdurusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.” (1 Pedro 2:23) Kanilang natatandaan na nang arestuhin si Jesus sa halamanan ng Getsemane, kaniyang sinaway ang isang alagad na magtatanggol sana sa kaniya sa pamamagitan ng isang tabak, at nang malaunan ay sinabi niya kay Poncio Pilato: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, ang aking mga alipin nga ay nakipagbaka sana upang huwag akong maibigay sa mga Judio. Ngunit, ngayon, ang kaharian ko ay hindi rito.”​—Juan 18:36; Mateo 26:52; Lucas 22:50, 51.

22. Anong magandang halimbawa ang ipinakita ng ilang Saksi sa Aprika nang sila’y dumanas ng matinding pag-uusig?

22 Taglay sa isip ang halimbawa ni Jesus, ang mga Saksing iyon sa Aprika ay may lakas ng loob na sundin ang payo ni Pablo: “Huwag gumanti sa kaninuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harap ng lahat ng tao. Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi inyong bigyang-daan ang galit; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ ” (Roma 12:17-19; ihambing ang Hebreo 10:32-34.) Anong nakapagpapasiglang halimbawa ang ating mga kapatid sa Aprika para sa lahat sa atin sa ngayon! Kahit na kung ang autoridad ay tumatangging kumilos nang may karangalan, ang tunay na mga Kristiyano ay hindi tumatalikod sa mga simulain ng Bibliya.

23. Anong mga tanong ang natitira pa upang talakayin?

23 Gayunman, ano ba ang maaasahan sa mga Kristiyano ng nakatataas na mga autoridad? At mayroon bang ano mang hangganan ang mga kahilingan na may karapatan silang gawin? Ito’y tatalakayin sa susunod na artikulo.

[Talababa]

a Sa bigay-Diyos na kodigo ng Kautusan sa sinaunang Israel ay kasali ang parusang kamatayan para sa malulubhang krimen.​—Exodo 31:14; Levitico 18:29; 20:2-6; Bilang 35:30.

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Ano ang ilang paraan na ang isang tao ay maaaring “sumasalansang sa” nakatataas na mga autoridad?

◻ Ano ang “kaayusan ng Diyos” kung tungkol sa autoridad sa pamahalaan?

◻ Sa anong paraan “dapat katakutan” ang mga autoridad?

◻ Papaanong ang mga pamahalaan ng tao ay nagsisilbing “ministro ng Diyos”?

[Kahon sa pahina 21]

Isang Liham Buhat sa Isang Hepe ng Pulisya

ISANG liham na may sagisag na “Serbisyo Publiko Para sa Estado ng Minas Gerais” ang dumating sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Brazil. Ito’y galing sa hepe ng pulisya ng bayan ng Conquista. Mayroon bang nangyaring gulo roon? Hayaang ang liham ang magpaliwanag. Ito’y nagsasabi:

“Mahal na Ginoo:

“Isang malaking kaluguran na magpakilala ako sa inyo sa pamamagitan ng liham na ito. Ako ay naging hepe ng pulisya sa bayan ng Conquista, Minas Gerais, sa humigit-kumulang tatlong taon. Sa trabaho, sa tuwina’y sinisikap ko na maging maingat, pero nagkakaroon din po ako ng mga suliranin sa pagpapanatili ng kapayapaan sa piitan. Ang mga preso, bagaman binigyan ng pagsasanay sa mga ilang trabaho, ay alumpihit.

“Mga ilang buwan na ngayon ang lumipas, si Senhor O​—ay dumating sa aming bayan at nagpakilalang siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Kaniyang sinimulang ipangaral ang Bibliya sa ibang mga preso, tinuruan sila na bumasa at sumulat at ipinakita sa kanila ang mga pangunahing kaalaman tungkol sa kalinisan at mga panlipunang kadalubhasaan pati na rin ang pagbabalita sa kanila tungkol sa Banal na Bibliya. Ang paraan ng paggawa ng mángangáral na ito ay nagpapakitang siya’y dedikado, may pag-ibig at pagsasakripisyo-sa-sarili. Ang paggawi ng mga preso ay madaling nagbago na anupa’t naging kapansin-pansin, sa laki ng pagtataka at pagpapahalaga ng mga taong nagmamasid.

“Dahilan sa nangyari sa aming piitan, nais kong sa opisyal na paraan ay ipagbigay-alam sa Watch Tower Bible and Tract Society ang aming pagpapahalaga sa mainam na gawaing ginawa sa aming pamayanan ng karapat-dapat na mángangarál.”

Tungkol sa autoridad ng pamahalaan, sinabi ni apostol Pablo: “Lagi kang gumawa ng mabuti, at kakamtin mo ang papuring ito.” (Roma 13:3) Tunay na ito’y totoo sa nasabing kaso. Anong laking patotoo sa mabisang lakas ng Salita ng Diyos na nagawa ng mabuting balita sa loob ng ilang buwan na hindi magawa ng bilangguan sa loob ng mga taon!​—Awit 19:7-9.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share