Kung Papaano Magtatagumpay sa Hamon ng Pagiging Dukha
“ANG mga tao ay dukha sapagkat sila’y tamad,” ang sabi ng isang doktor na Aprikano. “Ang siyudad ay punô ng mga lakwatsero. Kung talagang ibig nilang magtrabaho, sila’y makakatagpo nito. Hindi kailangang ang sinuman ay mapasakaralitaan sa ngayon.”
Talagang may mga taong tamad at ang katamarang iyan ay maaaring humantong sa karukhaan. Ang Bibliya’y nagsasabi: “Kaunti pang tulog, kaunti pang idlip, kaunti pang paghahalukipkip ng kamay upang matulog, ganoon darating ang inyong karalitaan na parang magnanakaw at ang inyong kasalatan na parang nasasandatahang tao.” (Kawikaan 24:33, 34) Gayunman, maraming mga taong dukha ang hindi naman tamad. Halimbawa, isaalang-alang ang taong sumulat: “Hanggang sa oras na ito ay nagugutom pa rin kami at nauuhaw at kapos sa damit at inaapi at walang tiyak na tahanan.” (1 Corinto 4:11) Isa bang pusakal na lakwatsero? Hindi naman. Ang mga salitang iyon ay isinulat ni apostol Pablo. Ang kaniyang pinili ay isang buhay na limitado kung sa kabuhayan upang lalong higit na maitaguyod niya ang ministeryong Kristiyano. Ang ilan sa kaniyang mga kahirapan ay dahilan din sa mga kalagayang labas sa kaniyang kapangyarihan na masupil, tulad halimbawa ng relihiyosong pag-uusig.
Sa ngayon, karamihan ng mga dukha sa daigdig ay mga biktima ng kalagayang hindi nila kayang supilin—marahil kakulangan ng edukasyon, umuurong na lokal na mga kabuhayan, o pulitikal na kaguluhan. Marami ang nagtatrabaho mula pa sa pagsikat ng araw hanggang sa kalaliman ng gabi at kumikita ng sapat lamang na ikabuhay. Ang mga pagkakataon upang kumita nang malaki sa pamamagitan ng pandaraya ay maaari kung gayon na magtinging kaakit-akit, na kailangang gawin. Aba, ang iba’y baka mangatuwiran na ipinagmamatuwid ng Bibliya ang manakanakang paggawa ng masama! Tutal, sinasabi nito: “Hindi hinahamak ng mga tao ang isang magnanakaw dahil lamang sa siya’y nagnanakaw upang mabusog ang kaniyang kaluluwa pagka siya’y nagugutom.” At isang taong pantas ang nanalangin: ‘Sana’y huwag akong magdalita at humantong sa pagnanakaw.’—Kawikaan 6:30; 30:8, 9.
Katapatan—Ang Payo ng Bibliya
Ang mga teksto bang ito sa Bibliya ay talagang nagbibigay ng tuwirang pagsang-ayon sa pagdaraya? Bueno, ating suriin ang mga ito sa kanilang konteksto. Pagkatapos aminin na hindi hinahamak ng mga tao ang isang magnanakaw na nagnanakaw upang may makain, ang Kawikaan 6:31 ay nagpapatuloy: “Ngunit, kung siya’y masumpungan, isasauli niyang makapito; kaniyang ibibigay ang lahat na laman ng kaniyang bahay.” Sa ibang pananalita, pagka nahuli ang magnanakaw, siya’y napapaharap sa buong kaparusahan na iginagawad ng batas. Siya’y nagbabayad sa kaniyang ginawang krimen! Imbis na manghimok tungo sa pagnanakaw, kung gayon, ang mga salitang ito ay nagbibigay-babala sa mga dukha na ang pagnanakaw ay hahantong lamang sa higit pang pag-urong ng kabuhayan, sa kahihiyan para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya, at pagkawala ng paggalang sa sarili.
Ngunit kumusta naman ang panalangin ng taong pantas? Kaniyang hiniling na huwag sana siyang malagay sa karalitaan at “aktuwal na magnakaw at ipahamak ang pangalan ng [kaniyang] Diyos.” (Kawikaan 30:9) Oo, ang pagdaraya sa bahagi ng isang taong nag-aangking naglilingkod kay Jehova ay magdadala ng upasala sa pangalan ng Diyos at sa kongregasyon ng Kaniyang bayan. Si apostol Pablo ay sumulat: “Ikaw, na nangangaral ‘Huwag magnanakaw,’ ikaw ba’y nagnanakaw?” Kung ang ilang nag-aangking mga Kristiyano ay nagnanakaw, ito’y maaaring maging dahilan ng ‘pamumusong sa pangalan ng Diyos sa gitna ng mga bansa.’—Roma 2:21, 24.
May mabuting dahilan nga ang Bibliya sa pagsasabi: “Mas maigi ang dukha na lumalakad sa kaniyang pagtatapat kaysa sa suwail sa kaniyang mga lakad, bagaman siya’y mayaman.” (Kawikaan 28:6) Bagaman sa kaniyang sarili si apostol Pablo ay kapos sa ikabubuhay kung minsan, kailanman ay hindi inayunan ni Pablo ang pandaraya ni gumawa man siya nito. Bagkus siya’y sumulat: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi bagkus magpagal, na iginagawa ang kaniyang mga kamay ng mabuting bagay, upang may maibigay siya sa nangangailangan.”—Efeso 4:28.
Ang Lunas: Pagtitiwala sa Diyos
Kumusta naman ang mga taong nagpapagal ngunit hindi kumikita nang sapat upang matustusan ang kanilang sariling pamilya? Ang pagdaraya ba o maging ang pagnanakaw ay may katuwiran sa ganang kanila, lalo na kung isang miyembro ng pamilya ang dinapuan ng sakit o may nangyaring ibang di-inaasahang bagay? May mga taong ganiyan ang paniwala. Ang sabi ng isang tagaroon sa isang bansa sa Aprika: “Sa aking bansa, kung ikaw ay hindi nagdaraya, hindi ka mabubuhay. Kung ibig mong mabuhay, kailangang gumawa ka ng kaunting kalikuan sa iyong pamumuhay.”
Gayunman, sa buong Aprika ay malimit na makakakita ang isang tao ng mga salitang “Magtiwala sa Diyos” na nakapinta sa mga trak, nakasulat sa mga plake sa dingding, at nakalimbag sa mga etiketa at mga bumper ng sasakyan. Ang Bibliya mismo ay nagsasabi: “Tumiwala ka kay Jehova nang buong puso mo.” (Kawikaan 3:5) Ang pandaraya ay hindi kailanman makakasuwato ng payong iyan ng Bibliya. Ngunit ang pagtitiwala ba sa Diyos ay talagang isang praktikal na kasagutan sa hamon ng pagiging dukha?
Bilang ministro ng Diyos, si apostol Pablo ay nakaranas ng mga kahirapan na gaya ng ‘gutom at uhaw, kawalan ng pagkain, ginaw, at kahubaran.’ (2 Corinto 11:27) Tiyak, walang pagsalang naisip ni Pablo kung papaano nga siya mabubuhay! Ngunit pagkatapos ng mga 25 taon ng karanasan bilang Kristiyano, siya’y sumulat: “Marunong naman akong masiyahan kahit sa kaunting panustos-buhay, marunong din naman akong magpakasagana. Sa lahat ng bagay at sa lahat ng kalagayan ay natutuhan ko ang lihim maging sa kabusugan at maging sa kagutuman. Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay-lakas sa akin.” (Filipos 4:12, 13) Oo, si Pablo ay nagtiwala sa Diyos.
Natalos ni Pablo na ang mga simulain sa Kasulatan ay hindi mga salitang walang kabuluhan na mga mithiin lamang. Ang mga ito ay mga tagubilin buhat sa isang Diyos na buháy na sabik na tumulong at umalalay sa mga naghahangad na ikapit ang mga ito. Isang sinaunang propeta ang nagsabi: “Tungkol kay Jehova, ang mga mata niya ay nagsisiyasat sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa kanila na ang puso ay sakdal sa harap niya.”—2 Cronica 16:9.
Pinagpapala Dahil sa Pagtitiwala sa Diyos
Bakit napakahirap para sa karamihan ng tao na magtiwala sa Diyos? Walang pagsala na ito’y dahilan sa hindi sila binigyan ng kanilang relihiyon ng sapat na dahilan na magtiwala. Pinangyari ng mga relihiyon na ang Diyos ay magtinging walang pangalan, malabo, hindi isang persona, na hindi abot ng unawa ng tao. Ngunit sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, ang Diyos ay nakilala ng mga Saksi ni Jehova, hindi bilang isang malabong puwersa, kundi bilang isang Persona na may pangalan. (Awit 83:18; Hebreo 9:24) kanilang napag-alaman na siya’y may mga katangian anupa’t siya’y karapat-dapat na pagtiwalaan natin. Halimbawa, sang-ayon sa Exodo 34:6, si Jehova ay “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan.” Ang mga Saksi ay nagtitiwala sa Diyos at kanilang natatalos na siya ay ‘sagana sa katotohanan.’ Kaya naman, sila ay may lubos na tiwala sa kaniyang ipinangakong darating na isang bagong sanlibutan na wala nang kalunus-lunos na karalitaan na ngayon ay dinaranas ng karamihan sa sangkatuhan.—2 Pedro 3:13.
Napatunayan ng angaw-angaw na mga Saksi ni Jehova na talagang magagawa ang pagtitiwala sa Diyos. Halimbawa, si Rosaline, isang Saksi sa Sierra Leone, ay puspusang nagtatrabaho mula ikalima ng umaga hanggang sa kalaliman ng gabi upang siya at ang kaniyang anim na mga anak ay may maibili ng pagkain at damit. Ang sabi niya: “Maraming tao ang nagsasabi na imposibleng mabuhay ka nang hindi nagdaraya, ngunit batid ko na ito ay hindi totoo. Kung minsan ako’y may mga suliranin at hindi ko alam kung papaano malulunasan. Ngunit batid ko na kung ako’y mamumuhay nang hindi gumagawa ng pagdaraya, lahat ay magiging nasa ayos para sa akin. Kaya pinagsusumikapan ko na ako’y kalugdan ni Jehova.”
Isang manunulat ang nagsabi: “Ang isang taong dukha na hungkag ang tiyan ay nangangailangan ng pag-asa . . . higit kaysa pagkain.” Oo, ang naglahong pag-asa, ang kawalang-pag-asa, at talamak na kawalang-ligaya ay mga suliraning masaklap pa kaysa gutom. Ngunit ang sinuman na nakakikilala at nagtitiwala sa Diyos ay hindi kailangang padaig sa kawalang-pag-asa. “Ako’y puspusang nagtatrabaho ngayon,” isinusog ni Rosaline, “subalit ako’y may kagalakan sapagkat batid ko na darating ang panahon na hindi na ako kailangang magpagal sa ganitong paraan. Ngayon ako ay nagtatrabaho upang may makain ako at ang aking pamilya, ngunit sa bagong sanlibutan ni Jehova, magkakaroon ng maraming pagkain. Kaya ngayon ako’y may pag-asa at isang kagalakan na kailanma’y hindi ko taglay bago ko nakilala si Jehova.”—Ihambing ang Isaias 25:6; Apocalipsis 21:3, 4.
Totoo, yaong mga nagtitiwala sa Diyos ay maaari pa ring nakararanas ng kagipitan sa pamumuhay, gaya ng naranasan ni apostol Pablo. Ngunit kailanman ay hindi sila napadadala sa paglabag sa mga kautusan ng Diyos upang makaraos sa buhay. Sinabi ng salmistang si David: “Ako’y naging bata, at ngayo’y matanda na, gayunma’y hindi ko nakitang pinabayaan ang sinumang matuwid, ni ang kaniyang supling man ay nagpapalimos ng tinapay.” (Awit 37:25) Oo, pinangangalagaan ng Diyos at pinagpapala ang mga taong inuuna sa kanilang buhay ang kaniyang mga kapakanan.—Mateo 6:25-33.
Kaya kung ikaw ay dukha, “huwag magsawa sa paggawa ng mabuti.” (2 Tesalonica 3:13) Kailanma’y huwag mong ikukumpromiso ang kagandahang-asal. Magtatag ka ng kaugnayan sa Diyos at umasa kang tutulungan ka niya upang mapagtagumpayan ang mga suliranin at mga kahirapan sa buhay. Yaong mga naglilingkod kay Jehova at lubusang nagtitiwala sa kaniya ay pinapayuhan: “Magpakababa kayo . . . sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang kayo’y kaniyang itaas sa takdang panahon; habang inyong inilalagak sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat kayo’y ipinagmamalasakit niya.”—1 Pedro 5:6, 7.
[Blurb sa pahina 6]
“Ang isang taong dukha na hungkag ang tiyan ay nangangailangan ng pag-asa . . . higit kaysa pagkain”
[Larawan sa pahina 7]
Tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao upang maglagak ng kanilang pagtitiwala sa Diyos