Magagawa ba ng Dukha na Maging Tapat?
Si Amelia ay 29 na araw lamang ang edad nang dalhin siya ng kaniyang lola sa doktor. Ang ina ni Amelia ay hindi makagawa ng gayong pagbibiyahe, sapagkat siya’y may sakit sa tahanan kasama ng apat pang anak.
Ang ama ay nasa ibang lugar at naghahanap ng trabaho. Ang sanggol ay sinuri ng doktor. May mga tanda ng malnutrisyon, na karaniwan sa Kanlurang Aprika. Ngunit ang pangunahing problema ay cellulitis. Ang maliit na dibdib ni Amelia ay dinapuan ng malubhang impeksiyon. Samantalang iniaabot ng doktor ang preskripsiyon sa lola, ito’y nagtanong: “Magkano po ba ang gamot na ito?”
“Apat hanggang limang dolyar,” ang tugon niya.
Ang lola ay dumaing. Kahit na dalawang dolyar ay wala siyang maibayad sa pagkonsulta. “Saan sa daigdig makukuha natin ang salaping ito!” ang kaniyang bulalas.
“Kailangang makuha mo iyan sa ibang lugar,” ang iginiit ng doktor. “Magmakaawa ka sa iyong mga kaibigan at mga kamag-anak. Kung hindi mo ipagagamot ang impeksiyong ito, ito’y kakalat sa sirkulasyon ng dugo, at ang sanggol ay mamamatay.”
Sa papaano’t papaano man ang pamilya ni Amelia ay nakadelihensiya ng pera, at ang sanggol ay umabot sa kaniyang ikalawang buwan. Subalit, angaw-angaw sa umuunlad na mga lupain sa buong daigdig ang hindi makautang ng salapi buhat sa mga kaibigan at mga kamag-anak. At ang pag-asa para sa pagpapasulong ng kabuhayan ay salat.
Ganito ang ipinapahayag ng The State of the World’s Children Report 1989 ng UNICEF (United Nations Children’s Fund): “Makalipas ang mga dekada ng patuloy na pagsulong ng kabuhayan, malalaking bahagi ng daigdig ang umaatras patungo sa karalitaan.” Sa Aprika at Latin Amerika, ang katamtamang kita ay umurong ng 10 hanggang 25 porsiyento noong dekada ng 1980. At noong lumipas na mga ilang taon, sa 37 ng pinakadukhang mga bansa sa daigdig, ang paggasta sa kalusugan ay umurong nang 50 porsiyento.
Ano ba ang ibig sabihin nito para sa milyun-milyong namumuhay sa karalitaan? Para sa marami, ito’y nangangahulugan na sila’y hindi makabibili ng kinakailangang pagkain o gamot. Samakatuwid, ang kanilang mga anak, mga kabiyak, o mga magulang ay maaaring nakaharap sa di-kinakailangang sintensiyang kamatayan, maliban sa sila’y makaisip magkasalapi sa tanging paraan na waring bukás para sa kanila—ang pagnanakaw! Oo, ang karalitaan ay maaaring mangahulugan ng pakikipagbuno sa nakalulungkot na mga suliraning moral: pagnanakaw o kamatayan? pagsisinungaling o kagutuman? pagsuhol o paghihikahos?
Sa Kanlurang Aprika ay may kasabihan: “Kung saan mo itinali ang baka, doon manginginain iyon ng damo.” Sa ibang pananalita, ang mga tao ay lubusang magsasamantala sa anumang kalagayan na nagbibigay sa kanila ng pagkakataong yumaman. Malimit, yaong nasa kapangyarihan sa mga bansa sa buong lupa ay ginagamit ang kanilang katungkulan upang mangikil ng suhol, maglustay ng salapi, o magnakaw. ‘Tulungan mo ang iyong sarili habang magagawa mo,’ ang kanilang pangangatuwiran. ‘Baka hindi ka na magkaroon ng pagkakataon na gawin iyan pagka huli na.’ Habang lumalala ang pagdarahop sa kabuhayan ng umuunlad na mga bansa, ang mga dukhang-dukha ay lalong napadadala sa ideya na hindi siyang pinakamagaling na patakaran para sa mga dukha ang maging tapat.
Ang Bibliya ay nagsasabi: “Huwag kang magnanakaw.” (Exodo 20:15) Ngunit kung ang mga dukha ay talagang hindi magagawa ang maging tapat, hindi baga ang pagkamatuwid ng mga moral sa Bibliya ay nalalagay sa alanganin? Ang mga batas ba ng Diyos ay di-praktikal, walang pandamdam sa talagang pangangailangan ng mga tao? Ang karanasan ng libu-libong tunay na Kristiyano sa umuunlad na mga bansa ay nagbibigay ng isang mahalagang kasagutan sa mga katanungang ito.
[Blurb sa pahina 4]
“Kung saan mo itinali ang baka, doon manginginain iyon ng damo”
[Larawan sa pahina 4]
Ang mga dukha ay kabilang sa mga taong puspusang nagpapagal sa umuunlad na mga bansa