Patuloy na Sumulong Hanggang sa Tunguhin!
Mga Tampok Buhat sa Mga taga-Filipos
NAIS ni apostol Pablo na ang mga Kristiyano sa Filipos ay patuloy na sumulong hanggang sa tunguhin na gantimpalang buhay na walang-hanggan. Kaya naman, siya’y sumulat sa kanila noong humigit-kumulang 60 o 61 C.E., samantalang siya’y nasa kaniyang unang pagkabilanggo sa Roma. Ang kaniyang liham ay ipinadala sa isang kongregasyon na kaniyang naitatag mga sampung taon na ang nakalipas sa Filipos, isang siyudad na itinatag ni Felipe ng Macedonia (ama ni Alejandrong Dakila). Nang sumapit ang unang siglo C.E., ito ay naging “ang pangunahing siyudad ng distrito ng Macedonia,” ngayo’y bahagi ng hilagang Gresya at timugang Yugoslavia.—Gawa 16:11, 12.
Ang mga mananampalatayang taga-Filipos ay mga dukha ngunit bukas-palad. Hindi lamang miminsan, sila’y nagpadala ng mga pantustos sa mga pangangailangan ni Pablo. (Filipos 4:14-17) Ngunit ang kaniyang liham ay hindi lamang isang tarheta ng pasasalamat. Ito ay nagbigay rin ng pampatibay-loob, nagpahayag ng pag-ibig, at nagpayo.
Mahahalata ang mga Katangiang Kristiyano
Ang liham ni Pablo ay nagsisimula na taglay ang katunayan ng kaniyang pag-ibig sa mga mananampalatayang taga-Filipos (1:1-30) Siya’y nagpasalamat kay Jehova dahil sa kanilang abuluyan upang mapalawak ang mabuting balita at nanalangin na sana’y patuloy na sumagana ang kanilang pag-ibig. Ikinagalak ni Pablo na dahil sa kaniyang pagkabilanggo ay napatibay sila na magpakita ng ‘higit pang lakas ng loob na magsalita nang walang takot ng salita ng Diyos.’ Siya’y nagnanais na makapiling na ni Kristo ngunit kaniyang nadama na siya’y maaari pang maglingkod sa kanila. Nais din ni Pablo na sila ay patuloy na “nagsisikap sa pananampalataya sa mabuting balita.”
Pagkatapos ay nagpayo tungkol sa saloobin at asal. (2:1-30) Ang mga taga-Filipos ay hinimok na magpakita ng personal na interes sa iba at ang ipakita’y kababaang-loob na katulad ng kay Kristo. Sila’y “lumiliwanag na tulad ng mga ilaw sa sanlibutan” at pinayuhan na manatiling “nakakapit nang mahigpit sa salita ng buhay.” Si Pablo’y umasa na kaniyang maisusugo sa kanila si Timoteo at nagtitiwala na siya mismo ay darating doon sa madaling panahon. Upang mabigyang-katiyakan sila tungkol kay Epafrodito, na nagkaroon ng malubhang sakit, sa kanila’y sinusugo ni Pablo ang tapat na lingkod na ito.
Patuloy na Sumulong Hanggang sa Tunguhin
Pagkatapos ay ipinakita ng apostol sa mga taga-Filipos kung saan ilalagak ang kanilang pagtitiwala samantalang sila’y sumusulong tungo sa tunguhin. (3:1-21) Iyon ay kailangang ilagak kay Jesu-Kristo, hindi sa laman o sa pagtutuli na gaya ng ginagawa ng iba. Ang kaniyang makalamang mga kredensyal ay itinuring ni Pablo na sukal dahil sa “dakilang kagalingan ng kaalaman kay Kristo.” Ang apostol ay “nagsusumikap tungo sa pagkakamit ng gantimpala ng paitaas na pagkatawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus” at kaniyang hinimok ang mga taga-Filipos na magkaroon ng katulad na kaisipan.
Ang pagkakapit ng pangwakas na payo ni Pablo ay tutulong sa mga taga-Filipos upang laging isaisip ang hantungan at gantimpala. (4:1-23) Kaniyang ipinayo sa kanila na ang kanilang mga kabalisahan ay ilapit nila sa Diyos sa panalangin at punuin ang kanilang mga isip ng maiinam na kaisipan. Muling pinuri sila ni Pablo dahilan sa kanilang pagkabukas-palad at siya’y nagtapos sa mga pagbati at sa hangarin na harinawang ang di-na-sana nararapat na kagandahang loob ng Panginoong Jesu-Kristo ay suma-espiritung kanilang ipinakikita.
Ang liham ni Pablo sa mga taga-Filipos ay nagpapaunlad ng pagkabukas-palad, pag-ibig, at kababaang-loob. Ito’y nagpapatibay-loob ng pagtitiwala kay Kristo at ng taus-pusong pananalangin sa Diyos. At ang mga salita ni Pablo ay tiyak na tumutulong sa mga Saksi ni Jehova na patuloy na sumulong hanggang sa tunguhin na gantimpalang buhay na walang-hanggan.
[Kahon/Larawan sa pahina 25]
Hanggang sa Tunguhin: “Kinalilimutan ang mga bagay na nasa likuran at tinatanaw ang mga bagay na hinaharap,” ang isinulat ni Pablo, “ako’y patuloy na nagsusumikap tungo sa pagkakamit ng gantimpala ng paitaas na pagkatawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 3:13, 14) Ang apostol ay nagsusumikap na tulad ng sinuman na nasa isang takbuhan. Siya’y hindi nag-aksaya ng panahon at ng lakas sa paglingun-lingon kundi siya’y patuloy na sumulong hanggang sa kaniyang tunguhin—gaya ng isang mananakbo na nagbubuhos lahat ng kaniyang lakas upang makalampas sa finish line. Para kay Pablo at sa mga iba pang pinahirang Kristiyano, ang gantimpala ay makalangit na buhay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli pagkatapos nila ng kanilang makalupang takbuhin ng katapatan sa Diyos. Ang atin mang pag-asa ay makalangit o makalupa, tayo’y manatiling tapat kay Jehova at patuloy na sumulong hanggang sa tunguhin bilang kaniyang mga Saksi.—2 Timoteo 4:7.