Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 6/15 p. 10-15
  • “Patuloy na Nagsusumikap Tungo sa Pagkakamit ng Gantimpala”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Patuloy na Nagsusumikap Tungo sa Pagkakamit ng Gantimpala”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Tamang Kaisipan
  • Ang Ating Ministeryo sa Kabila ng mga Kahirapan
  • Pananaig sa mga Hadlang
  • Patuloy na Sumulong Hanggang sa Tunguhin!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Aklat ng Bibliya Bilang 50—Mga Taga-Filipos
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Ipaaninag ang Pangkaisipang Saloobin ni Kristo!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 6/15 p. 10-15

“Patuloy na Nagsusumikap Tungo sa Pagkakamit ng Gantimpala”

“Kinalilimutan ang mga bagay na nasa likuran at tinatanaw ang mga bagay na hinaharap, ako’y patuloy na nagsusumikap tungo sa pagkakamit ng gantimpala.”​—FILIPOS 3:13, 14.

1, 2. (a) Paano tumanggap si Saulo ng Tarso ng atas sa ministeryo, at ano iyon? (b) Paano siya tumugon nang tanggapin niya ang atas na ito?

NANG si Saulo ng Tarso ay patungo sa Damasco upang mang-usig sa mga Kristiyano, isang liwanag buhat sa langit ang kumislap sa palibut niya, nakarinig siya ng tinig na nagsasabi: “ ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?’ Sinabi niya: ‘Sino ka ba, Panginoon?’ Sinabi niya: ‘Ako’y si Jesus, na iyong pinag-uusig. Subalit, tumindig ka at pumasok sa lungsod, at ang dapat mong gawin ay sasabihin sa iyo.’ ”​—Gawa 9:3-6.

2 Bakit binigyan ni Jesus si Saulo ng Tarso ng gayong karanasan? Ipinaliwanag ni Jesus sa alagad na si Ananias: “Ang taong ito [si Saulo] ay isang piniling sisidlan para magdala ng aking pangalan sa mga bansa pati na sa mga hari at sa mga anak ni Israel.” Si Ananias ay sumunod at naparoon upang patungan ng kaniyang kamay si Saulo at ang sabi: “Si Jesus na napakita sa iyo sa daan, ang nagsugo sa akin, upang ikaw ay pagsaulian ng paningin at mapuspos ng banal na espiritu.” (Gawa 9:15, 17) At nang siya’y pagsaulian ng paningin, siya’y nabautismuhan, nagsimulang nakisama sa kongregasyong Kristiyano sa Damasco. Ngayon, bilang isang bautismadong ministrong Kristiyano, agad na nangaral siya nang buong sigasig ng mabuting balita tungkol kay Jesus, ang Anak ng Diyos, sa gitna ng mga Judio.​—Gawa 9:20-22.

3, 4. (a) Paano pinahalagahan ni Pablo ang kaniyang ministeryo? (b) Paanong naiiba ang saloobin ni Pablo sa ipinakitang saloobin ng kongregasyon sa Efeso?

3 Ang masigasig na ministrong ito ay nakilala bilang si apostol Pablo. Sa tuwina’y tinutukoy niya nang may kahalagahan ang kaniyang ministeryo at ang di-nararapat na kaawaan na ipinakita sa kaniya. “Ako’y nagpapasalamat kay Kristo Jesus na Panginoon natin, sapagkat ako’y inari niyang tapat, at binigyan niya ako ng isang ministeryo, bagamat dati ako’y isang mamumusong at isang mang-uusig at isang mang-aalipusta. Gayunman, ako’y kinahabagan sapagkat ako’y walang alam at walang pananampalataya.” (1 Timoteo 1:12-14) Oo, kaniyang lubhang pinahalagahan ang kaniyang ministeryo.​—Roma 11:13; 2 Corinto 4:7.

4 Ang ganiyang mga pagpapahayag ni Pablo ay nagpakita ng pagpapahalaga niya sa ministeryo sa buong panahon ng paglilingkod niya. Hindi siya nahulog sa kalagayan na noong una’y umiral sa kongregasyon sa Efeso, na pinagsabihan ni Jesus: “Mayroon akong laban sa iyo, na iyong iniwan ang pag-ibig na taglay mo noong una.” (Apocalipsis 2:4) Bagkus, ang tunguhin ni Pablo ay laging nasa kaniyang harapan at hindi nagbago ang kaniyang sigasig at sigla sa ministeryo na taglay niya noong mga unang araw sa Damasco.

5. Pagkatapos maglingkod tayo kay Jehova ng maraming taon, paano natin mapatitibay-loob ang iba?

5 Pagkaraan na maging isang tapat na Kristiyanong ministro sa loob ng matagal na panahon, ginamit ni Pablo ang kaniyang sariling kasaysayan at mga karanasan upang patibaying-loob ang kaniyang mga kapuwa ministro sa kongregasyon sa Filipos upang huwag silang manghinawa. Hindi ba nasumpungan mo na kadalasan totoong kawiliwili na makinig sa pagbibida ng isa kung papaano niya tinanggap ang katotohanan at naging isang ministro? Gayundin naman pinatitibay-loob mo ba ang iba batay sa iyong sariling kasaysayan at mga taon ng tapat na paglilingkod bilang isang nag-alay na ministrong Kristiyano?

6. Ano ba ang kasaysayan ni Pablo bilang isang Judio?

6 Si Pablo, sa kaniyang liham sa mga taga-Filipos, ay tumukoy sa kaniyang pamumuhay noon bilang isang Judio, at sinabi niya: “Kung ang sinoman ay nag-aakalang siya’y may dahilan na magtiwala sa kaniyang pagkatao, di lalo pa ako, tinuli ng ikawalong araw, mula sa lahi ng Israel, mula sa angkan ni Benjamin, isang Hebreo na anak ng mga Hebreo; tungkol sa kautusan ay isang Pariseo; tungkol sa pagsisikap ay mang-uusig sa kongregasyon; tungkol sa kabanalan na nasa kautusan ay walang kapintasan.”​—Filipos 3:4-6.

7. Bakit iniwan ni Pablo ang mga bagay na iyon, at ano ang tinamo niya sa paggawa ng gayon?

7 Sa pagkakaroon ng ganiyang pamumuhay si Pablo ay maaari sanang magkaroon ng maraming materyal na bentaha kung siya ay kasama ng mga Judio. Datapuwat, ganito ang sabi niya: “Ang mga bagay na sana’y pakikinabangan ko ay inari kong kalugihan alang-alang sa Kristo. Dahil sa kaniya’y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng bagay at itinuring kong isang tambak na sukal, . . . upang makilala ko siya at ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay-muli at ang pakikibahagi sa mga hirap niya, na tatanggap ng kamatayan tulad ng sa kaniya, upang sana’y tamuhin ko sa anomang paraan ang lalong maagang pagkabuhay-muli buhat sa mga patay.” (Filipos 3:7-11) Mga salita iyan na nagpapakita ng lubusang pananampalataya kay Kristo Jesus at sa paglalaan na ginawa ni Jehovang Diyos. Ikaw ba ay katulad ni Pablo na hindi ang katanyagan o materyal na pakinabang ang hinahayaang manaig sa iyong buhay?

Ang Tamang Kaisipan

8. (a) Pagkatapos maglingkod nang matagal sa ministeryo, ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa kaniyang tunguhin? (b) Paano kumakapit sa atin ang mga salita ni Pablo sa 1 Corinto 9:24-27?

8 Pagkatapos na makapaglingkod si Pablo nang matagal na panahon nanghinawa kaya siya sa pagtataguyod ng kaniyang tunguhin? Siya’y sumulat sa mga taga-Filipos: “Mga kapatid ko hindi ko pa itinuturing na hawak ko na iyon; kundi tungkol doon ay ito: Kinalilimutan ang mga bagay na nasa likuran at tinatanaw ang mga bagay na hinaharap, ako’y patuloy na nagsusumikap tungo sa pagkakamit ng gantimpala ng paitaas na pagkatawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 3:13, 14) Siya’y nakagawa ng mabuting rekord sa ministeryong Kristiyano at nakapagtiis ng maraming bagay, at samantalang siya’y nakabilanggo sa Roma sinulat niya ang mga salitang ito sa mga taga-Filipos, gayunman ay hindi doon natapos ang kaniyang ministeryo. Kung tatanggapin niya ang gantimpala na ibinibigay sa mga naglingkod sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano, samakatuwid nga “ang itaas na pagkatawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus,” kailangang patuloy na itaguyod niya ang kaniyang tunguhin. Ito ang tamang pangmalas na taglay ng lahat ng maygulang na Kristiyano, ang pag-asa man nila ay sa langit o sa lupa. Bawat isa sa atin ay dapat magsuri ng kaniyang sariling posisyon at ng ating paraan ng pag-iisip upang alamin kung talagang pinahahalagahan natin ang ministeryo na ipinagkaloob sa atin sa ilalim ng kaayusan ng Diyos.

9. Tayo’y maaaring magkaroon ng anong maygulang na kaisipan?

9 Nakikilala ni Pablo ang maygulang na kaisipan Kristiyano, na nagsasabi: “Kaya nga, kung ilan sa atin ang mga maygulang, magkaroon tayo ng ganitong kaisipan; at kung sa ano man nga’y naiiba kayo ng iniisip, ang Diyos ang magsisiwalat sa inyo ng nasabing saloobin.” (Filipos 3:15) Ang maygulang na saloobing Kristiyano ang umaakay tungo sa tagumpay. Kasali na rito ang pagsunod sa yapak ni Kristo Jesus, na nagtagumpay ng pagtapos sa kaniyang makalupang ministeryo. Kaya naman nakapanalangin si Jesus sa kaniyang Ama: “Niluwalhati kita sa lupa, yamang naganap ko ang gawa na ipinagawa mo sa akin. Kaya ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako na kasama mo ng kaluwalhatiang taglay ko nang ako’y kasama bago naging gayon ang sanlibutan.”​—Juan 17:4, 5.

10. Ano pa ang masasabi tungkol sa ulirang kaisipan ni Kristo tungkol sa paglilingkod kay Jehova?

10 Kung ibig nating makalugod sa Diyos na Jehova, at sa ganito’y tanggapin ang gantimpalang buhay na walang hanggan, kailangang magkaroon tayo ng gayunding kaisipan na gaya ng taglay ni Kristo Jesus. Sa pagkaalam nito, sinabi ni Pablo, “Manatili kayo sa ganitong kaisipan na taglay din ni Kristo Jesus, na bagamat siya’y nasa anyong Diyos, hindi niya pinag-isipan na mang-agaw, samakatuwid nga, upang makapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubaran niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at naparito na kawangis ng mga tao. Higit diyan, nang siya’y nasa anyong tao na, nagpakababa siya at nagmasunurin hanggang kamatayan, oo, sa kamatayan sa isang pahirapang tulos. Kaya naman siya’y dinakila ng Diyos tungo sa isang nakakataas na kalagayan at may kagandahang-loob na binigyan ng pangalan na mataas kaysa lahat ng iba pang pangalan.” (Filipos 2:5-9) Anong kahanga-hangang saloobin ang taglay ni Jesus! Matutularan kaya natin siya? Ang mapagpakumbabang pagsisikap na gawin ang kalooban ng Diyos ay laging humahantong sa mga pagpapala. Pagka ang isang iniatas na gawain ay isinagawa, ang resulta ay mabuti.

11. Anong dapat gawin niyaong mga malalakas at maygulang sa espirituwal?

11 Sa liwanag ng isinulat na iyan ni apostol Pablo, ang iba sa kongregasyon sa Filipos ay kailangan pa noon na magsumikap upang kamtin ang maygulang na saloobing Kristiyano. Si Pablo ang nagkusa na patibaying-loob sila at tulungan. Sa karamihan ng kongregasyon ngayon, mayroon yaong mas malalakas sa pananampalataya at yaon namang mga mayroong kahinaan. Ang mas malalakas ay dapat na magpatibay-loob sa iba gaya ng ginawa ni Pablo. Malaki ang ginawa ni Jesu-Kristo upang palakasin yaong mahihina sa espirituwalidad, at siya’y isang uliran na dapat tularan ng mga Kristiyano. “Tayo ngang malalakas ay dapat na magbata ng mga kahinaan ng mahihina, at hindi ang ating sarili ang paluguran natin. Bawat isa sa atin ay magbigay-lugod sa kaniyang kapuwa sa ikabubuti niya sa ikatitibay. Ngayon ang Diyos na nagkakaloob ng pagtitiis at kaaliwan ay magbigay nawa sa inyo ng ganoon ding kaisipan na gaya ng kay Kristo Jesus, upang sa isang pag-iisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”​—Roma 15:1, 2, 5, 6.

12. Ano ang dapat na pagkakilala natin sa ibibigay ng Diyos na gantimpala?

12 Sa pagpapalakas ng pananampalataya ng mga taga-Roma, binanggit ni Pablo na “ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23) Sa panahon ng kaniyang ministeryo ay maraming sinabi si Jesus tungkol sa buhay na walang hanggan. Ito’y isang kamangha-manghang gantimpala na ibinibigay ng Diyos sa kaniyang mga lingkod. Ibig ng Diyos na ang kaniyang mga lingkod ay magpako ng kanilang mga mata sa gantimpala, sapagkat ito ang magpapakilos sa kanila na maging tapat. Pagka ginawa natin iyan, tayo’y nagpapakita ng matibay na pananampalataya sa kaniyang mga pangako. Sa ating mga pulong Kristiyano may pagkakataon tayo na magsalitang malimit tungkol sa gantimpala na ibinibigay ni Jehova sa mga tapat.

Ang Ating Ministeryo sa Kabila ng mga Kahirapan

13. Ano ang bahagi ng Kasulatan sa pagkakaroon natin ng tamang kaisipan?

13 Ang pananatili nating may tamang pangmalas, o kaisipan, ay mapatutunayang kailangang-kailangan habang ginaganap natin ang ating ministeryo sa mga huling araw na ito. Bagamat ang iba’y maaaring mawalan ng pag-ibig na taglay nila noong una, tayo sana ay maging disidido na huwag mangyari ito sa atin kailanman. Ang mga Kasulatan ay tulong sa bagay na ito. (Roma 15:4) Sa pamamagitan ng ating pag-aaral nito tayo’y nagtatamo ng pag-asa. Ikaw ba ay totoong nagpapasalamat kay Jehova dahilan sa Kasulatan, at sa maraming mga bagay na nasusulat dito tungkol sa mga tapat na lingkod ni Jehova tulad ni apostol Pablo?

14. Paano nanatili si Pablo sa kaniyang positibong saloobin sa gitna ng kahirapan?

14 Ano ang gagawin natin kung mayroon tayo ng personal na mga karanasan na binabanggit ni Pablo sa 2 Corinto 11:23-28? Bakit hindi ito nagpahinto kay Pablo? Dahil sa nasa-isip niya ang kaniyang tunguhin. Baka tayo ay makaranas ng katulad ng sa kaniya. Gayunman, kailangang patuloy na pagsumikapan nating marating ang ating tunguhin na gantimpalang ibinibigay sa atin ng Diyos. Nang si Pablo ay sumulat sa mga taga-Filipos, ipinakita niya ang kaniyang mabuting kaisipan sa pamamagitan ng pagbanggit na siya’y nakabilanggo dahil sa pagtatanggol sa mabuting balita. (Filipos 1:7, 16) Alam niya kung bakit siya naroroon. Iyan ay mahalaga pagka tayo’y napaharap sa ganiyang pagsubok. Batid natin na tayo ay maaaring gamitin ni Jehova upang magbigay ng patotoo alang-alang sa kaniyang ikapupuri.

15. (a) Bakit kailangan ng kongregasyon sa Filipos ang pampatibay-loob, at ano ang sinabi sa kanila ni Pablo upang sila’y palakasing-loob? (b) Paano naapektuhan ang kongregasyon sa Roma ng pagkakabilanggo ni Pablo?

15 Ang mga taga-Filipos ay dumaranas din noon ng mga pagsubok na tulad ng dinaranas noon ni Pablo sa Roma. Siya’y sumulat: “Yamang ang pakikipagpunyagi ninyo’y kagaya rin ng sa akin na nasasaksihan ninyo at ngayo’y nababalitaan ninyo.” (Filipos 1:30) Sa mga kalagayang ito maaaring patibaying-loob sila ni Pablo sa sulat. Kaniyang binanggit na ang mabuting balita ay nakilala na sa gitna ng mga Bantay ng Pretoryo. Maliwanag na ang mensaheng Kristiyano ay nakarating na hanggang sa mismong sambahayan ng emperador, at ang iba roon ay naging nag-alay na mga Kristiyano na. Ang kongregasyon sa Roma ay tumutugong mainam sa gayong kalagayan, hindi nasisiraan ng loob o natatakot dahilan sa si Pablo ay nakabilanggo. Sa halip sila’y abala sa gawain na ibig ni Jehova na isagawa nila, na nagpapakita ng higit pang tibay-ng-loob na salitain ang salita ng Diyos nang walang takot.​—Filipos 1:12-14; 4:22.

16. Ano lalo na ang dapat nating gawin pagka may bumangong pananalansang?

16 Pagka bumangon ang pananalansang, mayroon maraming pagpapala sa pagpapanatili ng pagkakaisa ng kongregasyong Kristiyano. Idiniin ni Pablo ang pagkakaisa. (Filipos 1:27–2:4) Sa gayong mga panahon kinakailangan ang pagsasalita sa isa’t-isa ng may pananampalataya, upang huwag tayong huminto ng pagtataguyod ng ating tunguhin. Isang panahon ito na kailangang manatiling nagmamahalan, may pagpapakumbaba at gawan ng mabuti ang isa’t-isa, na itinataguyod ang kapakanan ng isa’t-isa.​—Ihambing ang Filipos 2:19-21.

Pananaig sa mga Hadlang

17. Bakit hindi tayo dapat huminto ng pagtataguyod ng ating tunguhin pagka mayroon tayong mga problema sa kalusugan?

17 Ang isang matalik na kaibigan ni apostol Pablo ay si Epaprodito. Nang dahil sa gawain ng Panginoon ay halos napabingit siya sa kamatayan, ngunit walang patotoo na dahil sa kaniyang problema sa kalusugan ay huminto siya ng pagtataguyod ng kaniyang tunguhin. (Filipos 2:25-30) Sa 2 Corinto 12:7, binanggit ni Pablo ang kaniyang sariling karanasan sa pagkakaroon ng “isang tinik sa laman,” marahil ay tinutukoy niya ang diperensiya ng kaniyang mga mata. Siya’y nanalangin na sana’y maalis ito sa kaniya, ngunit hindi ipinagkaloob ang kaniyang kahilingan. Gayunman, ang pagsasaisip ng kaniyang tunguhin ang tumulong kay Pablo na manatiling nagsisikap na marating yaon sa kabila ng mga karamdaman niya. Bagamat mayroon mga kahinaan, napagtagumpayan niya iyon sa tulong ni Kristo Jesus.​—2 Corinto 12:9.

18. Paano nagpakita si Pablo ng pagiging timbang tungkol sa materyal na mga bagay?

18 Ang liham sa mga taga-Filipos (4:11-13) ay bumanggit din ng mga pangangailangan sa buhay. Ang pagkakaroon ng mga kakapusan ay para sa isang Kristiyano isang pagsubok, na kung baga hihinto siya ng pagsusumikap na marating ang kaniyang tunguhin. O siya ba ay magkakaroon ng maygulang na kaisipan sa pamamagitan ng pakikitungo sa problema at magkakaroon pa rin siya ng bahagi sa ministeryo? (Ihambing ang Gawa 18:1-4.) Kapos man o sagana si Pablo sa mga panustos-buhay, ang ministeryo ang kaniyang inuuna. Pagka siya’y may kasaganaan hindi niya ginamit ang okasyong iyon upang gumugugol ng malaking panahon sa paghanap ng kalayawan, kundi patuloy na itinaguyod niya ang pagsusumikap na marating ang tunguhing gantimpala.

19. Ano ang ipinapayo ng Filipos 4:6, 7 na gawin natin pagka kailangan natin ang tulong? Ano ang resulta?

19 Hindi binanggit ni Pablo ang lahat ng uri ng karanasan na maaaring mapaharap sa isang Kristiyano. Pagka napaharap ang mga bagay na makakahadlang sa atin sa ministeryo, bilang maygulang na mga Kristiyano tayo’y babaling kay Jehova sa panalangin, na siyang ipinayo ng Filipos 4:6, 7. Kung magkagayo’y bibigyan tayo ni Jehova ng kapayapaan ng isip, at tutulungan tayo ni Jehova ng kapayapaan ng isip, at tutulungan tayo na mag-isip ng malinaw upang mapagtagumpayan natin ang mga problema samantalang patuloy na tayo’y nagiging tapat na mga ministro niya. Tutulong sa atin ang panalangin na makapanatili sa ating pananampalataya at patuloy na pagsumikapang marating ang ating tunguhin.

20. (a) Paano pinalalakas-loob tayo ng mga halimbawa ng mga tapat na matatagal na sa katotohanan? (b) Ano ang dapat nating gawin? Bakit?

20 Marami na mga kaugnay sa mga kongregasyon ngayon ang nakapaglingkod na kay Jehova nang maraming taon. Lahat sila ay nakapasa sa mga pagsubok samantalang tinutupad ang kanilang ministeryo. Ngunit sila’y tinulungan ni Jehova, kaya’t sila’y nagpapatuloy na nagsusumikap tungo sa pagkakamit ng gantimpala. Tayo ay nagpapasalamat kay Jehova na mayroon sa modernong mga panahon, gaya rin noong unang siglo, ng mga kapatid na mga halimbawa ng pagtitiis, tapat sa kanilang paglilingkod sa Panginoon at ang kanilang mga mata ay nakapako sa gantimpala. Ang mga bago pa sa “Ang Daan” ay makikinabang sa pamamagitan ng pagsusuri sa kasaysayan ni apostol Pablo o ng mga tapat na lingkod sa modernong-panahong kongregasyon, at pag-alam kung papaano pinagtagumpayan ng mga ito ang kanilang mga problema. (Gawa 9:2; Hebreo 13:7) Harinawang samantalahin ng bawat isa sa atin ang lahat ng pagkakataon na magpatibayan sa isa’t-isa upang tayo’y makapagtiis ng may katapatan sa paglilingkod at nagkakaisang patuloy na nagsusumikap tungo sa pagkakamit ng gantimpalang tunguhin na inilagay sa harapan natin ni Jehova. Sa paggawa ng gayon, may pag-asa tayong makapaglingkod sa Diyos na Jehova magpakailanman kasama ng ating tapat na mga kapananampalataya.​—Filipos 3:13-16.

Mga Dapat Tandaan

◻ Ano ang nakaraang kasaysayan ni Pablo, at paano niya ginamit ito upang palakasing-loob ang kaniyang mga kapatid?

◻ Paano ipinakikita sa atin ng mga halimbawa ni Kristo Jesus at ni Pablo kung ano ang maygulang na kaisipang Kristiyano?

◻ Paano natin maipapakitang tayo’y nagkakaisa pagka may bumangong pananalansang?

◻ Bakit patuloy nating itataguyod ang ating tunguhin hanggang sa wakas?

[Larawan sa pahina 12]

Malaki ang nagawa ni Kristo Jesus upang palakasin yaong may mga espirituwal na pangangailangan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share