Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang ibig ipahiwatig ni apostol Pablo nang sabihin niya na kaniyang “kinalilimutan ang mga bagay na nasa likuran at inaabot ang mga bagay na nasa unahan”? (Filipos 3:13) Maaari bang kusang kalimutan ng isang tao ang isang bagay?
Hindi, sa karamihan ng mga kaso ay hindi natin kusang maaalis sa ating isip ang isang alaala. Ang totoo, nalilimutan natin ang maraming bagay na gusto nating tandaan at naaalaala ang maraming bagay na gusto na nating kalimutan. Ano, kung gayon, ang ibig ipahiwatig ni apostol Pablo nang kaniyang isulat ang mga salita ng Filipos 3:13? Ang konteksto ay tumutulong upang ating maunawaan.
Sa Filipos kabanata 3, inilarawan ni Pablo ang kaniyang “saligan ukol sa pagtitiwala sa laman.” Sinasabi niya ang tungkol sa kaniyang napakahusay na kinalakihan bilang Judio at ang kaniyang sigasig ukol sa Kautusan—mga bagay na maaaring nagbigay sa kaniya ng maraming bentaha sa bansang Israel. (Filipos 3:4-6; Gawa 22:3-5) Gayunpaman, tinalikuran niya ang gayong mga bentaha, anupat itinuturing ang mga ito na isang kawalan, wika nga. Bakit? Sapagkat nasumpungan niya ang isang bagay na mas mabuti—ang “nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus.”—Filipos 3:7, 8.
Ang pangunahing tunguhin ni Pablo ay ang maabot, hindi ang isang posisyon sa sanlibutang ito, kundi “ang mas maagang pagkabuhay-muli mula sa mga patay.” (Filipos 3:11, 12) Kaya naman, sumulat siya: “Kinalilimutan ang mga bagay na nasa likuran at inaabot ang mga bagay na nasa unahan, ako ay nagsusumikap patungo sa tunguhin ukol sa gantimpala ng paitaas na pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 3:13, 14) Nang sabihin ni Pablo na kaniyang “kinalilimutan ang mga bagay na nasa likuran,” hindi niya ibig ipahiwatig na para bang binura niya sa kaniyang isip “ang mga bagay na nasa likuran.” Maliwanag na natatandaan pa niya ang mga ito, yamang kalilista pa lamang niya ng mga ito. Bukod dito, sa orihinal na Griego ay ginagamit niya ang isang anyo ng pandiwa na nagpapahiwatig ng isang patuluyang pagkilos, hindi pa natapos. Ang sabi niya ay “kinalilimutan,” hindi “kinalimutan.”
Ang Griegong salita na isinaling “kalimutan” (e·pi·lan·thaʹno·mai) ay may iba’t ibang kahulugan, isa na rito ang “maging di-interesado tungkol sa,” o kaya ay “pabayaan.” Ayon sa Exegetical Dictionary of the New Testament (isinaayos nina Horst Balz at Gerhard Schneider), ito ang kahulugan ng “kinalilimutan” sa Filipos 3:13. Hindi laging iniisip ni Pablo ang mga bagay na tinalikuran na niya. Natutuhan niyang malasin ang mga ito bilang di-mahalaga. Ang mga ito ay parang “mga basura” kung ihahambing sa makalangit na pag-asa.—Filipos 3:8.
Papaano maaaring kumapit sa ngayon ang mga salita ni Pablo? Buweno, ang isang Kristiyano ay maaaring, gaya ni Pablo, nagsakripisyo upang paglingkuran ang Diyos. Maaaring iniwan niya ang isang matagumpay na karera para lamang sa buong-panahong paglilingkuran. O maaaring nanggaling siya sa isang mayamang pamilya na nagtakwil sa kaniya dahil sila ay tutol sa katotohanan. Ang gayong mga pagsasakripisyo ay kapuri-puri, subalit ang mga ito’y hindi mga bagay na laging ginugunita. Ang isang Kristiyano ay ‘lumilimot,’ humihinto sa paggunita, “sa mga bagay sa likuran” dahil sa maluwalhating kinabukasan na nakalaan sa kaniya.—Lucas 9:62.
Ang simulain sa likod ng mga salita ni Pablo ay maikakapit marahil sa iba pang paraan. Ano naman kung tungkol sa isang Kristiyano na nakagawa ng pagkakasala bago natuto tungkol sa Diyos? (Colosas 3:5-7) O halimbawang matapos maging Kristiyano ay nakagawa siya ng malubhang pagkakasala at dinisiplina ng kongregasyon. (2 Corinto 7:8-13; Santiago 5:15-20) Buweno, kung siya ay totoong nagsisi at nagbago ng kaniyang landasin, siya ay ‘nahugasan na nang malinis.’ (1 Corinto 6:9-11) Ang nangyari ay nakaraan na. Maaaring hindi niya kailanman literal na malilimutan ang kaniyang ginawa—sa katunayan, isang katalinuhan para sa kaniya na matuto buhat sa karanasan upang hindi na maulit ang pagkakasala. Gayunman, siya ay ‘lumilimot’ sa diwa na hindi niya patuloy na sinisisi ang kaniyang sarili. (Ihambing ang Isaias 65:17.) Yamang pinatawad na salig sa hain ni Jesus, sinisikap niyang kalimutan ang nakaraan.
Sa Filipos 3:13, 14, inilarawan ni Pablo ang kaniyang sarili bilang isang mananakbo sa isang takbuhan, na “inaabot” na marating ang tunguhin. Ang isang mananakbo ay tumitingin sa unahan, hindi sa likuran. Sa gayunding paraan, ang isang Kristiyano ay dapat tumingin sa mga pagpapala sa hinaharap, hindi sa mga bagay na iniwan. Sinabi rin ni Pablo: “Kung kayo ay may kaisipang nakahilig nang di-gayon sa anumang paraan, isisiwalat ng Diyos ang nabanggit na saloobin sa inyo.” (Filipos 3:15) Kung gayon, manalangin sa Diyos na tulungan kayong malinang ang ganitong pangmalas. Punuin ang iyong isip ng mga kaisipan ng Diyos na masusumpungan sa Bibliya. (Filipos 4:6-9) Bulay-bulayin ang pag-ibig ni Jehova sa iyo at ang mga pagpapala na tinatamasa mo dahil dito. (1 Juan 4:9, 10, 17-19) Kung magkagayon, tutulungan ka ni Jehova sa pamamagitan ng banal na espiritu na huwag maging palaisip tungkol sa mga bagay na nakalipas. Sa halip, gaya ni Pablo, titingin ka sa maluwalhating kinabukasan na napakalapit na.—Filipos 3:17.