“Sa Isang Parada ng Tagumpay”
ANG isang parada ng tagumpay ay isang pambihirang selebrasyon ng pagwawagi sa isang kaaway. Isa sa pinakamataas na karangalang ipinagkakaloob ng Senadong Romano sa isang nagwaging heneral ay ang payagan siyang ipagdiwang ang kaniyang pagkapanalo sa pamamagitan ng gayong isang pormal, magastos na parada. Ang parada ng tagumpay ay makalawang binanggit ni apostol Pablo sa kaniyang mga isinulat. Gayunman, bago natin isaalang-alang ang kaniyang mga salita gunigunihin muna natin ang ayos ng gayong parada. Nariyan ang lubhang karamihan ng mga tao na nakahanay sa mga lansangan habang iyon ay unti-unting kumikilos ng pagdaraan sa Via Triumphalis at patungo sa paliku-likong pag-akyat sa templo ni Jupiter sa taluktok ng Capitoline Hill sa Roma.
“Mababangong samyo na nanggagaling sa sinusunog na spices ang saganang isinasabog sa pagdaraan sa mga templo at sa kahabaan ng mga lansangan, samantalang ang hangin ay pinababango ng samyo,” ang isinulat ng iskolar na si James M. Freeman. “Kasama sa paradang iyon ang senado at ang mga pangunahing mamamayan ng estado, na sa pamamagitan ng kanilang pakikihalubilo roon ay nagpaparangal sa konkistador. Ang mayayamang samsam ng digmaan, tulad baga ng ginto, pilak, sarisaring uri ng mga armas, mga istandarte, pambihira at mamahaling mga likhang-sining, at bawat bagay na inaakalang pinakamahalaga ng alinman sa nagwagi o natalo, ay dala-dala upang hayagang matanaw buhat sa siksikang lunsod. Ang mga preso ng digmaan ay sapilitan ding pinagmamartsa sa parada. Ang heneral, na pinararangalan ukol sa tagumpay na iyon, ay nakasakay sa isang karo na may kakatuwang anyo at hila-hila ng apat na kabayo. Ang kaniyang kasuotan ay burdado ng ginto, at ang kaniyang tunika ay burdado naman ng mga bulaklak. Hawak niya sa kaniyang kanang kamay ang isang sanga ng laurel, at sa kaniyang kaliwang kamay ay may hawak naman na setro; samantalang nakakorona pa siya ng laurel na Delphic. Sa gitna ng sigawan ng mga kawal at ng palakpakan ng mga mamamayan ang konkistador ay pasan-pasan samantalang dumaraan sa mga lansangan tungo sa templo ni Jupiter, na kung saan naghahandog ng mga hain, at pagkatapos ay may isang pangmadlang pigingan sa templo.”
Ginamit ni Pablo ang parada ng tagumpay bilang ilustrasyon nang kaniyang isulat ang kaniyang pangalawang liham sa mga Kristiyano sa Corinto noong taóng 55 ng ating Pangkalahatang Panahon. Sinabi niya: “Salamat sa Diyos na laging nangunguna sa atin sa isang parada ng tagumpay kasama ng Kristo at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag ang samyo ng pagkakilala sa kaniya sa bawat dako! Sapagkat sa Diyos tayo ay mabangong samyo ni Kristo sa mga naliligtas at sa mga napapahamak; sa huli ay samyo mula sa kamatayan tungo sa kamatayan, sa una ay samyo mula sa buhay tungo sa buhay.”—2 Corinto 2:14, 16.
Dito si Pablo at ang ibang pinahirang mga Kristiyano ay inilalarawan bilang nakatalagang mga sakop ng Diyos, “kasama ng Kristo.” Sila’y inilalarawan bilang mga anak, mga opisyal, at mga kawal na sumusunod sa pangunguna ni Jehova at nangunguna siya sa isang parada ng tagumpay na dumaraan sa isang pinabanguhang ruta. (Tingnan Ang Bantayan, Hulyo 15, 1990, pahina 10-15.) Ang ganitong paglalarawan na ginagamit ang gayong parada ay nagpapakita rin na yaong mga tumatanggi sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay walang kahihinatnan kundi kamatayan. Ngunit anong laking kaibahan naman para sa pinahirang mga tagasunod ni Jesus! Sila’y may pag-asang makaligtas upang magtamo ng walang-kamatayang buhay sa langit kasama ni Kristo. At kumusta naman ang kanilang tapat na mga kasamahan, na nag-alay rin sa Diyos? Sila’y may nakagagalak na pag-asang mamuhay sa isang makalupang paraiso, na kung saan “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man.” (Apocalipsis 21:1-4; Lucas 23:43) Ikaw ba ay bahagi ng maligayang pulutong na ito?
Isang naiibang larawan naman ang makikita sa Colosas 2:15, na kung saan sumulat si Pablo: “Matapos hubaran ang mga pamahalaan at mga kapamahalaan, sila’y ibinilad [ng Diyos] sa madla bilang mga nabihag, anupa’t sila’y pinangunahan sa isang parada ng tagumpay sa pamamagitan niyaon.” Dito ang kaaway ng mga pamahalaan at mga kapamahalaan sa ilalim ni Satanas na Diyablo ay inilalarawan bilang mga bihag at mga bilanggo sa isang parada ng tagumpay. Si Jehova ang Konkistador na naghuhubad sa kanila at sila’y ibinibilad sa madla bilang mga talunan. Sila’y nabihag “sa pamamagitan niyaon,” samakatuwid nga, ang “pahirapang tulos” ni Jesus. Ang kaniyang kamatayan sa tulos ang nagbigay ng batayan para maalis “ang sulat-kamay na kasulatan” (ang tipang Kautusan) at pinangyari na ang mga Kristiyano ay mapalaya buhat sa pagkaalipin sa maka-Satanas na mga kapangyarihan ng kadiliman. (Colosas 2:13, 14) Dapat nga nating pahalagahan ang gayong kalayaang Kristiyano!