Ang Kahulugan ng mga Balita
Pintuan Tungo sa Dati Nang Buhay?
Mga ilang buwan na ngayon ang lumipas tatlong batang babae na nasa elementarya- at junior-high-school ang nakabulagta nang walang malay sa isang daan sa Tokushima, Hapon, resulta ng isang tangkang pagpapatiwakal. Ano ang nag-udyok sa kanila sa kanilang ginawang iyon? Nag-ulat ang Asahi Shimbun: “Sila’y may paniwala na sila ay mga reincarnation (muling pagbabalik sa laman) ng sinaunang mga prinsesa at nahikayat maniwala na kanila muling matatanaw ang kanilang nakaraang buhay kung mararating nila ang isang punto na malapit na sa kamatayan.” Ang nasa likod ng insidenteng ito, sabi ng pahayagan, ay “ang tendensiya ng mga bata na sumilip sa daigdig ng okultismo, [na] lubhang lumalaganap mula noong nakalipas na mga ilang taon.” Ang mga batang babae ay masusugid na mambabasa ng mga komiks na nagtatampok ng reincarnation.
Ang pagtanggap sa ideya ng reincarnation ay walang kabuluhan na tulad baga ng pasuray-suray na pagtungo sa isang malikmata sa isang disyerto. Sinasabi ng Bibliya na pagkamatay ‘ang isang tao ay nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa, at sa araw na iyon ay nawawala na ang kaniyang mga pag-iisip.’ (Awit 146:4) Ang katotohanang ito tungkol sa kamatayan ay pinalabo ng mapandayang turo na ang isang kaluluwa ay nananatiling buháy pagkamatay ng isang tao. Imbis na ituro na ang mga tao’y may walang-kamatayang kaluluwa, sinasabi ng Bibliya na ang kaluluwa ay namamatay. (Ezekiel 18:4) Ngunit para sa mga nasa alaala ng Diyos, nariyan ang magandang pag-asa ng pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Ibinubunyag din ng Bibliya ang pangunahing may pakana ng mga aral ng walang-kamatayang kaluluwa at reincarnation; siya ay si Satanas na Diyablo, “ang ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44; ihambing ang Genesis 3:4.
Ang mga Katoliko at ang Pagpapalaglag
Halos isang dekada na ang lumipas sapol nang referendum sa pagpapalaglag sa Italya na kung saan natalo ang Iglesiya Katolika. Gayunman, sa isang dokumentong ipinalabas kamakailan ng mga obispong Italyano, muling binanggit ng hierarkiyang Katoliko na “ang pagtangging gumawa ng pagpapalaglag o kahit lamang ang hindi pakikipagtulungan tungkol dito ay isang malaking obligasyong moral, nag-uugat sa batas na nakasulat sa puso ng bawat tao at lalo pang pinatitingkad ng simbahan sa kaniyang mga batas, na nagpaparusa ng pagtitiwalag sa mga Kristiyanong nagsasagawa ng pagpapalaglag o nakikipagtulungan tungkol dito.”
Ano ba ang iniisip ng mga Italyano tungkol sa pagpapalaglag? Sa isang surbey kamakailan sa 2,040 katao ay napag-alaman na laban sa mga idinidikta ng simbahan, ang mga Italyano ay sang-ayon sa pagpapalaglag sa may apat na kalagayan. (1) Kung ang pagbubuntis ay nagsasapanganib sa buhay ng ina, 83 porsiyento ay pabor sa pagpapalaglag. (2) Pagka may panganib ng isang di-normal na pagkabuo ng ipinagbubuntis na binhi, 76.3 porsiyento ang pabor na wakasan na ang pagbubuntis. (3) Pagka ang kalusugan ng babae ay nanganganib, 71.1 porsiyento ang pabor sa pagpapalaglag. (4) Kung ang pagbubuntis ay resulta ng panggagahasa, 55.2 porsiyento ang sang-ayon na pahintulutan ang pagpapalaglag. Mahigit na 1 Italyano sa 4 ang pabor sa pagpapalaglag “sa lahat ng mga kalagayan kung sang-ayon doon ang babae,” ang iniulat ng La Repubblica. Tinatayang may 300,000 legal at mga di-legal na aborsyon taun-taon sa Italya.
Maliwanag na sa ganiyang seryosong mga bagay, ang hierarkiyang Katoliko ay hindi nakapagbigay sa kaniyang mga miyembro ng sapat na turo sa Kasulatan na kailangan nilang sundin. Subalit, ang mga tunay na Kristiyano ay tinuturuan ng sinasabi ng Kasulatan sa mahalagang paksang ito. Sa paggalang sa matataas na kahilingang moral ng Bibliya, sila’y hindi nagpapalaglag sa apat na kalagayang tinalakay na sa itaas.—Exodo 21:22-25; tingnan din ang Awit 139:14-17; Jeremias 1:5.