Kagalakan ang Dala ng Masaganang Ani sa Taiwan
ANG Taiwan ay isang isla na 390 kilometro ang haba at 140 kilometro ang luwang. Ito’y may populasyon na mahigit na 20,000,000, isa sa mga rehiyon ng daigdig na pinakamatao. Ang wika ng karamihan ng mga tao rito ay Intsik, o Mandarin na Intsik ayon sa tawag rito ng mga taga-Kanluran. Ngunit maraming diyalekto at mga 13 wika ng tribo ang ginagamit din dito.
Naroon sa Tropic of Cancer, ang Taiwan ay isang isla na napakataba ang lupa, umaani ng saganang-saganang palay at iba pang mga produkto na anupa’t ito’y naging isang tagaluwas ng pagkain. Gayunman, isang naiibang uri ng ani ang nagdadala ng malaking kagalakan sa mga mang-aani. Ito’y isang espirituwal na pag-aani ng mga nagpapakita ng kaaya-ayang pagtugon sa “mabuting balita ng kaharian.”—Mateo 24:14.
Isang Bahagyang Pagtatanim sa Simula
Ang gawaing paghahasik ng binhi ng katotohanan ng Bibliya sa Taiwan ay nagsimula noong mga 60 taon na ang nakalipas, nang ang isang kinatawan ng Watch Tower Society ang dumating galing sa Hapon at nagpahayag tungkol sa mga ilang paksa sa Bibliya sa Taipei, ang kabisera. Isang kabataang lalaking Hapones na nagngangalang Saburo Ochiai ang nagpakita ng mabuting pagtugon sa mensahe ng Kaharian at di-nagtagal, nagsimulang makipag-usap sa iba tungkol doon. Nang malaunan, dalawang buong-panahong ministro buhat sa Hapon ang pumaroon sa isla, naghasik ng mga binhi ng mabuting balita. Sa wakas, sila’y ibinilanggo ng mga Hapones na mga tagapagbunsod ng digmaan at ibinuwis nila ang kanilang buhay alang-alang sa Kaharian ng Diyos. Marami sa mga binhing kanilang inihasik ang dagling sumibol sa gitna ng tribong Amis, ngunit bahagyang interes lamang ang natagpuan sa gitna ng maraming mga Intsik na naninirahan sa kanlurang baybayin ng isla. Ang karamihan sa kanila ay Buddhista o Taoista.
Ang espirituwal na pag-aani sa Taiwan ay nagpatuloy mula sa maliliit na pasimulang ito, kung kaya’t sa ngayon ang isla ay naging isang mabungang kabukiran. Halimbawa, noong huling limang taon, 529 katao ang nabautismuhan, karamihan sa kanila’y mga mamamayang Intsik. Kaya ang bilang ng mga tagapagbalita ng Kaharian sa isla ay umabot sa sukdulang 1,552 noong 1989. Oo, mga Taoista, Buddhista, at naturingang mga Kristiyano ang tumutugon sa mabuting balita at natututo ng tungkol sa Diyos na Jehova! Ngunit ano ba ang katulad ng pakikipag-usap tungkol sa Bibliya sa mga tao na may ganiyang iba’t ibang pinagmulan? At ano ang naging resulta?
Magiliw na Pagtanggap Kung Ihahambing sa Tunay na Interes
Ang pangangaral sa Taiwan ay kapuwa may kagantihan at nagsisilbing isang hamon sapagkat ang mga Intsik ay likas na magiliw. Sa pangkalahatan, sila’y magalang na nakikinig sa mga panauhin. Pagka nag-alok ka ng literatura sa Bibliya, kadalasan ay tinatanggap iyon upang makapagbigay-lugod. Kaya naman, ang ibang buong-panahong mga ministro ay nakapagpasakamay ng hanggang sa 300 magasin o nakakuha ng 100 suskripsiyon ng ating mga magasin sa isang buwan lamang. Sa lumakad ng mga taon, maraming Bibliya, aklat, magasin, at tract ang naipamahagi sa mga tao. Kung gayon, bakit ang pagsulong sa bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian ay medyo mabagal?
Ang isang dahilan ay may kinalaman sa mga ideya ni Confucio na humubog sa kaisipan ng mga tao sa loob ng mga daan-daang taon. Sang-ayon kay Confucio, siya na “dahil sa paggalang sa mga Espiritu ay lumalayo sa kanila, ay matatawag na pantas.”a Ang ideya ay nasa bagay na ang isang taong pantas ay hindi gaanong sumasangkot sa pagsamba sa mga espiritu o mga diyos. Sa gayon, baka marami ang mausyoso tungkol sa mensahe ng Kaharian, ngunit kakaunti ang may ibig na mapasangkot sa pag-aaral sa Bibliya. At, isa pa, bagaman ang mga Intsik ay naniniwala sa maraming espiritu at mga diyos, ang ideya tungkol sa isang kataas-taasang Maylikha ay totoong banyaga sa karamihan sa kanila. Gayundin, kahit na ang karaniwang mga karakter sa Bibliya na tulad baga ni Abraham at ni David ay bahagya lamang ang kahulugan para sa kanila. Samakatuwid, hindi mahirap makita kung bakit malaking panahon at tiyaga ang kailangan upang tulungan ang mga tao rito na tanggapin ang Bibliya bilang kinasihang Salita ng Diyos at magkaroon ng isang personal na kaugnayan sa Maylikha, ang Diyos na Jehova. Gayunman, taglay ang pagpapala ni Jehova, ang gayong mga pagsisikap ay ginagantimpalaan.
Pagpapasigla Para sa Paglago
Sa loob ng maraming taon, ang mga kongregasyon ng bayan ni Jehova sa Taiwan ay mga upahang bulwagan ang ginagamit para sa kanilang mga pulong. Ang pangangailangan ng isang lalong angkop na dakong pulungan ay naitawag-pansin sa matatanda sa isang kongregasyon nang isang taong interesado ang nagsabi: “Kung nasa inyo ang katotohanan, ano ba ang inyong ginagawa sa isang lugar na gaya nito? Bakit wala kayong isang permanenteng dakong pinagtitipunan?” Kaya taglay ang pagtitiwala kay Jehova, ang kongregasyong iyon ay nagsimulang humanap ng isang angkop na mapagtatayuan ng isang Kingdom Hall. Sa wakas, sila’y bumili ng dalawang magkaratig na apartment sa isang malaking gusali, at ngayon sila’y may isang magandang Kingdom Hall.
Noong nakalipas na anim na taon, 11 Kingdom Hall ang naitayo o nabili sa Taiwan. Sa bawat kaso, ang resulta nito ay ang paglaki ng ani at pagdami ng mga dumadalo sa pulong. Ang isang halimbawa ay ang kongregasyon sa timugang siyudad ng Tainan. Noong 1981 ang malaking siyudad na ito na may 600,000 katao ay may isa lamang maliit na kongregasyon na may 44 na mamamahayag ng Kaharian. Bunga ng pangangailangan ang grupong ito ay nagpasiyang magtayo ng kanilang sariling Kingdom Hall. Taglay ang pananampalataya na pagpapalain sila ni Jehova, ang mga kapatid ay nagpatuloy sa kanilang proyekto bagaman ang gusali ay magkakahalaga ng humigit-kumulang $200,000. May mga nag-abuloy ng kanilang doteng ginto; ipinagpaliban naman ng iba ang kanilang paglalakbay sa ibayong-dagat. Lahat na kaanib ng kongregasyon ay nagbigay ng kanilang buong pagsuporta. Nang mabalitaan ng mga kapatid sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society ang proyektong ito, sila’y nagpasiya na magtayo ng isang tahanang misyonero sa gawing itaas ng Kingdom Hall, sa gayo’y makikihati sila sa gastos. Hindi lumampas ang dalawang taon at nayari ang gusali. Ang resulta? Nang matapos ang Kingdom Hall, ang kabuuang bilang ng mamamahayag ay umabot sa 74! Sa kasalukuyang panahon, dalawang kongregasyon, na may kabuuang 160 mamamahayag, ang gumagamit ng bulwagang iyon, at ang linggu-linggong bilang ng mga dumadalo ay umaabot sa katamtamang bilang na humigit-kumulang 250. Ang dalawang kongregasyon ay nagpaplano ngayon na magtayo ng ikalawang Kingdom Hall.
Pag-aani sa Gitna ng mga Tribo
Ang pag-aani sa gitna ng mga tribo sa silangang baybayin ng Taiwan ay nagaganap na sapol nang mismong pasimula ng gawaing pang-Kaharian sa isla. Ang iba sa mga lahing Amis na unang nakaalam ng katotohanan mahigit na 50 taon na ngayon ang nakalipas ay aktibo pa rin. Sa paglakad ng mga taon, sila’y napaharap sa maraming mga hamon. Nang panahon ng pananakop ng mga Hapones noong Digmaang Pandaigdig II, sila’y kinailangan na mag-aral ng Hapones. Nang isauli sa Tsina ang isla pagkatapos ng digmaan, kinailangan na sila’y matuto ng wikang Intsik. Noong pasimula ng dekada ng 1960, sila’y napaharap sa isa pang uri ng pagsubok. Noon maraming mga prominente sa tribong Amis ang nagsialis sa malinis na organisasyon ni Jehova o napatunayang di-karapat-dapat na makisama rito. Sa lahat ng ganitong kalagayan, may mga tapat na Saksing nagpatuloy na maglingkod kay Jehova. Marami sa mga apo ng tapat na nakatatandang mga kapatid na ito ang nangunguna ngayon sa gawaing pangangaral.
Mga tao buhat sa ibang mga tribo ang sumulong din sa espirituwal. Halimbawa, may isang tapat na grupo ng mga mamamahayag ng Kaharian sa tribong Bunun. Ang iba sa kanilang kamakailang mga ninuno ay mga headhunters o mga tagatagpas ng ulo. Ngayon ang mga taong ito ay nangangaral ng mapayapang mensahe ng Kaharian ng Diyos. Ang mga tribong Lukai at Paiwan ay tumanggap din ng mainam na patotoo, at marami sa kanila ang gumawa ng malalaking pagbabago sa kanilang buhay. Ganito ang bida ni Ba Chu Fu tungkol sa kaniyang karanasan:
“Ako’y isinilang sa bulubunduking rehiyon ng Pingtung. Yamang ang ama ko ay isang punò ng tribong Lukai, ang mga tao’y nagdadala ng mga regalong pagkain, kaya hindi kami kailangang gumawa ng anumang trabahong mabigat. Dahilan sa ganitong kalagayan, ako’y tinubuan ng isang espiritung napakamapagmataas. Ako’y naging ‘hepe’ ng isang barkadahan ng kabataang butangero, na nagbabanta sa mga tao at nangingikil ng salapi sa kanila. Ako’y kinatatakutan sa aming nayon. Sa edad na 22 anyos, isa sa aking maraming nobya ang kinuha ko bilang asawa. Ngunit ang imoral na pamumuhay at labis na pag-inom ay nagkaugat nang malalim sa akin kung kaya’t ang buhay may asawa ay nahirapan ako na tanggapin. Hindi nagtagal at naghiwalay kaming mag-asawa, at ako’y bumalik sa aking dating istilo ng pamumuhay.
“Halos sa panahon ding ito, ang aking maybahay ay nagsimulang dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Hindi naman ako interesado at ang turing ko sa aking sarili ay ateista. Gayunman, dahilan sa taimtim at masigasig na pagsisikap ng aking maybahay, noong 1973 ako’y sumang-ayon na sumama sa kaniya sa isang internasyonal na kombensiyon sa Taipei. Kami’y nakituloy sa isang pamilyang Saksi. Ang kabaitan at hindi pagtatangi ng kapatid na babaing Intsik na ito ay nakalikha sa akin ng isang impresyon na hindi mabubura. Nang kami’y makauwi na, ako’y nagsimulang mag-aral ng Bibliya at gumawa ng taimtim na pagsisikap na magbago. Ako’y nabautismuhan noong 1974.
“Magbuhat noon, nagkaroon ng maraming pagsubok. Ang isa ay ang pag-aaral upang matutong bumasa ng Intsik. Isa pa ay ang pagkabukod. Dahilan sa walang maygulang na mga kapatid na lalaki upang maging kalapitan ko o hingan ng tulong, ako’y nahimok na tumiwala kay Jehova. Ako’y natutong maging mapagpakumbaba at nakakapit nang mahigpit sa organisasyon ni Jehova. Ang resulta? Sa ngayon, ang aking buong pamilya ay aktibo sa katotohanan. Naging pribilehiyo ko ang maging isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon, na ngayon ay may 60 masisigasig na mamamahayag. Bagaman wala akong natatanging talento, pinagpala at tinangkilik ni Jehova ang aking mga pagsisikap sa gawaing pag-aani.”
Nagpapatuloy ang Pag-aani
Ang Taiwan ay isa lamang munting bahagi ng pambuong-daigdig na larangan. Gayunman, totoo pa rin dito ang mga salita ni Jesus na, “Ang aanihin ay marami, datapuwat kakaunti ang mga manggagawa.” (Mateo 9:37) Noong nakaraang taon, 4,534 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. At habang patungo sa sukdulan ang pag-aani, ang mga manggagawa na nagpapagal sa Taiwan ay umaani na taglay ang sigaw ng kagalakan.—Ihambing ang Awit 126:5, 6.
[Talababa]
a The Analects, vii 20, isinalin ni Arthur Waley, sa The Analects of Confucius, 1938, Vintage Books, New York.
[Mapa/Mga Larawan sa pahina 31]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
HAPON
TSINA
TAIWAN
PILIPINAS
[Mga larawan]
Isang Kingdom Hall na itinayo kamakailan sa silangang baybayin ng Taiwan
Ang mga tagapagbalita ng Kaharian ay nagdadala ng kagalakan sa marami sa luntiang lupaing ito