Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Nagtatagumpay sa Sali’t Saling-Sabi ang Katotohanan ng Bibliya
ANG sali’t saling-sabi sa relihiyon ay maaaring totoong malalim ang pagkakaugat. Angaw-angaw ang naniniwala na mali ang baguhin ng isa ang kaniyang relihiyon. Si Saulo, na naging si apostol Pablo, ay maliwanag na gayundin ang paniwala, yamang kaniyang sinabi: “Palibhasa’y totoong masikap ako sa mga sali’t saling-sabi ng aking mga magulang [kaysa maraming iba na kasinggulang ko].” Ngunit nang makaalam ng katotohanan, siya’y nagbago buhat sa Judaismo at naging isang Kristiyano. (Galacia 1:13-16) Marami sa ngayon ang nakaaalam na ang katotohanan ng Bibliya ay nanggagaling sa isang lalong mataas kaysa sali’t saling-sabi. Pansinin kung papaano nagtagumpay sa Italya ang katotohanan ng Bibliya.
Isang babae ang nagpaliwanag: “Kami ng aking kapatid na babae ay lumaki sa isang malaking pamilya na sumusunod sa malaon nang mga sali’t saling-sabi na Katoliko, at kami’y saradong mga Katoliko. Nang dumating ang panahon, ako ay nag-asawa. Pagkatapos ay namatay ang aking asawa, at ako ay nabiyuda nang maraming taon kasama ko ang aking mga anak. Ang aking pamangking babae ay nagturo ng katesismo, at siya’y palaging nagtatanong sa pari ng mga katanungan tungkol sa Bibliya, subalit siya’y hindi tumanggap ng mga kasagutang kasiya-siya.
“Samantalang dumadalaw sa aking sinilangang bayan, doon ako unang natagpuan ng mga Saksi ni Jehova at pumayag akong aralan ng Bibliya. Lahat ng aking mga dating kasamahang Katoliko ay lumibak sa akin sa pag-aaral ko ng Bibliya. Gayunman, hindi ako nasiraan ng loob. Noon ako unang-unang nakapag-ari ng isang Bibliya, at ito’y hindi maaaring kunin ninuman sa akin. Ang aking kapatid na babae ay nanindigan din sa panig ni Jehova, at sa loob ng wala pang dalawang taon, kaming dalawa ay kapuwa nabautismuhan.
“Ako’y napaiyak nang unang humiwalay ako sa kinaaanibang relihiyon sapagkat natatakot akong iwanan ang mga sali’t saling-sabi na nag-ugat na sa akin nang may 76 na taon. Subalit ngayon ako ay natutuwa na lumakad sa mga daan ni Jehova at gawin ang pinakamabuting magagawa ko upang tulungan ang iba na lumabas sa espirituwal na kadiliman!”—Ihambing ang 1 Pedro 2:9.
Itinuwid ng Barbero ang Maling Kaisipan
Isang barbero sa Hapón ang mahilig na magkuwento tungkol sa mga demonyo at mga UFO samantalang ginugupitan niya ang kaniyang mga suki. Ngunit, pagkatapos na siya’y magsimulang mag-aral ng Bibliya kaniyang naalaman na napakamapanganib pala ang ganitong kaugalian. Kaya sa halip ay inimbitahan niya ang kaniyang mga suki na sumama sa kaniya sa pag-aaral sa Bibliya. Siya’y nagpatotoo tungkol sa paglalang sa kaniyang nakababatang mga parokyano. Bawat linggo ay pumipidido siya ng mga Bibliya at mga kopya ng mga aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa buhat sa Saksi na nakikipag-aral sa kaniya upang kaniyang maipasakamay sa kaniyang mga parokyano.
Bagaman hindi pa isang Saksi, siya’y nakapagpasakamay ng mahigit na 30 set ng Bibliya at ng aklat na Mabuhay Magpakailanman sa unang taon ng kaniyang pag-aaral. Mahigit na 25 katao ang nagsimulang makipag-aral ng Bibliya bilang resulta ng kaniyang impormal na pagpapatotoo. Kung minsan hanggang sampu ang nakikibahagi sa kaniyang panggrupong pag-aaral ng Bibliya. Ngayon pito sa mga taong kaniyang nabigyan ng patotoo samantalang ginugupit ang kanilang buhok ang nagtuwid ng kanilang maling kaisipan at sila’y bautismado nang mga Saksi ni Jehova!