Ang Bibliya o ang Tradisyon?—Isang Problema sa Taimtim na mga Katoliko
KAMAKAILAN lamang ang Bibliya ay maaari nang makuha sa parami nang paraming mga bansang Katoliko. Halimbawa, sa Espanya mas maraming salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Castiliano ang nailathala sa nakalipas na mahigit 50 mga taon kaysa noong naunang 500 mga taon. Sa gayunding paraan, ang mga Katolikong Pranses ngayon ay maaari nang makakuha ng ilang sinang-ayunan-simbahan na mga Bibliya na isinalin mula sa orihinal na mga wika. Ang Katolikong mga iskolar na nagsasalita ng Ingles ay nakagawa rin ng ilang bagong mga salin ng Bibliya.
Kaya ngayon ang sinumang Katoliko na nagnanais bumasa ng Bibliya ay maaaring gawin ang gayon. Subalit dapat niyang basahin ang isang tumpak at sinang-ayunang salin, na dapat ay may kalakip na paliwanag. Bakit ginagawa ng Iglesya Katolika ang kondisyong ito? Sapagkat sinasabi nito na may isa pang pinagmumulan ng banal na pagsisiwalat—ang tradisyon—at ang gayong mga paliwanag ay kinakailangang magkatugma sa isa’t isa. Ngayon alin sa dalawang pinagmumulan—ang Bibliya o ang tradisyon—ang ipinalalagay ng simbahan na mas mahalaga?
Ipinahihintulot Subalit Hindi Mahalaga
Ang aklat na A Catholic Commentary on Holy Scripture ay nagtatanong: “Ang pagbabasa ba ng Bibliya ay kinakailangan sa kaligtasan?” Bilang tugon sabi nito: “Walang pansansinukob na alituntunin, mula sa Diyos o sa mga apostol na dapat personal na basahin ng lahat ng tapat—bawat lalaki, babae at bata—ang Bibliya.”
Sa gayon, bagaman ipinahihintulot ngayon ng Iglesya Katolika sa mga membro nito na basahin ang Banal na Kasulatan, nagkakaloob pa nga ng plenaryong indulhensiya “kung ang pagbabasa ay magpapatuloy ng hindi kukulanging kalahating oras,” hindi nito ipinalalagay na ang gayong pagbabasa ng Bibliya ay mahalaga.a Ipinaliliwanag kung bakit, ang Katolikong Pranses na Dictionnaire de la Bible ay nagsasabi: “Ang tradisyon ang pinakakaraniwang alulod o channel na sa pamamagitan nito ang lahat ng turo ng pananampalataya ay nakararating sa tao. Ang paggamit sa mga Kasulatan ng Bagong Tipan ay dumating nang dakong huli. Ang mga ito ay hindi naglalaman ng buong kalipunan ng pananampalataya, at ang gamit nito ay hindi mahalaga.”
Ang Tradisyon ay Ginawang Nakahihigit sa Bibliya
Samakatuwid, ang Bibliya ay hindi hinihiling o ipinag-uutos na basahin ng mga Katoliko. At kahit na kung basahin nila ito, ito ay dapat na pangalawang dako lamang, pangalawa lamang sa tradisyon. Sinasabi ng Iglesya Katolika na ang sinaunang mga Kristiyano ay dumepende sa bibigang tradisyon bago nila tanggapin ang nasusulat na Salita at na, kasuwato nito, ang Kasulatan ay dapat na unawain sa liwanag ng tradisyon na iningatan ng simbahan.
Pinatutunayan ang palagay na ito, ganito ang sabi ng isang aklat na idinisenyo upang tulungan ang mga Katolikong nagsasalita ng Pranses na basahin ang Bibliya: “Ang banal na pagsisiwalat o paghahayag, pati na yaong maraming ipinahayag sa mga Kasulatan, ay ipinagkatiwala sa isang pamayanan ng mga tapat, ang nabubuhay na Iglesya; ito ay nagbabangon ng mahalagang katanungan tungkol sa kaugnayan ng Bibliya, Tradisyon at ng Simbahan. . . . Ang karagdagang liwanag na ito [na nasa Kasulatan], nang maibigay, ay kasali at kinukompleto ang kayamanan ng Tradisyon. . . . Samakatuwid, ang Kasulatan ay pawang depende sa Tradisyon.”—Initiation Biblique, pahina 963, 971. Italiko ng may-akda.
Gaano kalaking pagtitiwala ang tataglayin ng isang taimtim na Katoliko sa Bibliya kapag nabasa niya sa isang aklat na isinulat ng isang Katolikong propesor ng Banal na Kasulatan: “Ang tradisyon ay nauuna, bumabalot, pumapatnubay at nakahihigit sa Kasulatan”?b O ano ang iisipin niya kung dadamputin niya ang A Catholic Dictionary at mababasa niya: “Pinagtitibay ng Simbahan . . . na ang lahat ng Kasulatan ay salita ng Diyos, subalit kasabay nito ay pinananatili nito na mayroong isang hindi nasusulat na salita ang Diyos na nakahihigit sa Kasulatan”?
Isang Problema sa mga Katolikong Nagbabasa ng Bibliya
Sa loob ng mga dantaon walang tanung-tanong na tinanggap ng karaniwang Katoliko ang turo ng simbahan sapagkat ang mga karaniwang tao ay walang panukat na doon susukatin ang katapatan ng mga doktrina ng simbahan. Natutuhan ng karamihang mga Katoliko ang kanilang pananampalataya sa paraang pag-uulit-ulit ng mga salita sa mga klase ng katekismo. Kung hihilingin nila ang katekista o ang kanilang pari na ipaliwanag ang mga doktrinang mahirap maunawaan na gaya ng Trinidad o ang Immaculada Concepcion ni Maria, malamang na marinig nila ang sagot na: “Ito ay isang banal na misteryo.”
Subalit binago ng Ikalawang Konsilyong Vaticano ang mga bagay-bagay. Ang Iglesya Romano Katoliko ay dumanas ng isang aggiornamento, o pagbabago na nagbukas-daan sa walang katulad na pagsisiyasat ng katotohanan sa gitna ng mga Katoliko. Pinayagan ng Vatican II ang paglalathala ng karagdagang “angkop at wastong mga salin” ng Bibliya, at inatasan nito ang mga obispong Katoliko na “bigyan ang mga tapat na ipinagkatiwala sa kanila ng angkop na instruksiyon sa tamang paggamit ng banal na mga aklat.” Kaya, sa kasalukuyan maaari nang makakuha ang mga Katoliko ng mga Bibliya, basahin ang mga ito, at ihambing ang kanilang nabasa sa kung ano ang itinuro sa kanila.
Gayunman, ang malaking pagbabago na ito ay lumikha ng mga problema. Natutuklasan ng maraming Katoliko sa kauna-unahang pagkakataon na ang karamihan ng mga turo ng simbahan ay hindi masumpungan sa Bibliya. Kabilang sa gayong mga turo ang debosyon kay Maria, mga panalangin sa “mga santo,” pagsamba sa mga relikya, mga indulhensiya, purgatoryo, at limbo.
Tungkol sa huling nabanggit, ganito ang inaamin ng A Catholic Dictionary: “Mayroong likas na pagkamuhi sa paniniwala na yaong mga walang kasalanan ay dapat na pahirapan sa impierno, at ang problemang ito ay umakay sa mga teologo na itaguyod ang sarisaring mga teoriya upang makalusot.” Ang limbo ay isa sa gayong teoriya.c
Gayunman, binabanggit ng Bibliya na ang mga patay ay natutulog sa libingan, naghihintay ng pagkabuhay-muli. (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 5:28, 29) Yamang walang imortal na kaluluwa, hindi maaaring magkaroon ng pagpapahirap sa impierno. Kaya hindi kinakailangang imbentuhin ang teoriya ng limbo upang makalusot sa isang teolohikal na alanganing katayuan! Isa lamang itong halimbawa ng problema na nakakaharap ng maraming Katolikong nagbabasa ng Bibliya. Alin ang kanilang paniniwalaan, ang inimbento ng taong mga tradisyon o ang Bibliya?
Isang Problema sa Iglesya Katolika
Subalit ang problema ay higit pa riyan. Malamang na iwasan ng isang pari ang nabanggit na problema sa indibiduwal na mga Katoliko sa pagsasabing: ‘Walang problema. Ang pagsisiwalat sa Bibliya ay nakompleto na ng tradisyon. Tanggapin ang tradisyon ng Simbahan.’ Gayunman, ang mga bagay ay hindi gayon kasimple.
Ang Jesuitang propesor na si Paul Henry, ng Catholic Institute sa Paris, ay sumulat: “Ang Kasulatan ay normatibo [nagtatatag ng kapani-paniwalang pamantayan] sa buhay, pagsamba, moral, at sa teolohikal na doktrina ng Simbahan. Normatibo, hindi sa diwa na ang lahat ng isiniwalat o ninanais ng Diyos ay maliwanag na ipinasulat sa Kasulatan, yamang walang anumang bagay na walang-pagkakamaling ginawa o itinuro ng Simbahan ang maaaring maging labag sa Kasulatan.”
Hindi tamang sabihin na kinokompleto ng tradisyon ang Banal na Kasulatan. Ito mismo ay salungat sa kung ano ang mababasa ng mga Katoliko sa kanilang mga Bibliya sa 1 Corinto 4:6. Subalit ang ituro ang mga doktrina—gaya ng impiernong apoy, purgatoryo, at limbo—na hindi lamang wala sa Bibliya kundi maliwanag din na “salungat sa Kasulatan” ay naglalagay sa Iglesya Katolika sa alanganin.—Ezekiel 18:4, 20; Roma 6:23.
Ihambing ang Tradisyon sa Bibliya
Sa Ikalawang Konsilyo ng Vaticano, hayagang hinimok ng Iglesya Katolika ang “lahat ng mga tapat na Kristiyano” na magsagawa ng “madalas na pagbabasa ng banal na Kasulatan.” Higit pa riyan, ang A Catholic Dictionary ay nagsasabi: “Ang Katoliko ay ganap na binibigyang-matuwid sa paniniwala taglay ang sakdal na pagtitiwala na ang Simbahan ay hindi maaaring magturo ng anumang doktrina na salungat sa Kasulatan.” Inaanyayahan namin ang taimtim na mga Katoliko na sundin ang paghimok ng kanilang simbahan na basahin ang Bibliya at suriin mismo kung ang alinmang doktrinang Katoliko ay “salungat sa Kasulatan.”
Lalo pa itong mahalaga kung nais nilang sundin ang panawagan na ginawa sa Ikatlong Panlahat na Asamblea ng Catholic World Federation for the Biblical Apostolate—na ang mga Katoliko ay dapat na maging mga guro ng Bibliya. Ang panawagang ito at ang mga implikasyon nito ay isasaalang-alang sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Enchiridion Indulgentiarum, 1968, num. 50.
b La Parole de Dieu, pahina 26.
c Ang limbo ay binigyan-kahulugan bilang “isang lugar na nasa hangganan ng impierno, ang tirahan ng mga batang namatay na hindi nabinyagan at ng matuwid na mga taong nabuhay bago si Jesus.”
[Blurb sa pahina 5]
Mayroon bang “isang hindi nasusulat na salita ang Diyos na nakahihigit sa Kasulatan”?
[Blurb sa pahina 6]
Totoo bang “walang anumang bagay na walang-kamaliang ginawa o itinuro ng Simbahan ang maaaring maging salungat sa Kasulatan”?
[Larawan sa pahina 6]
Binago ng Ikalawang Konsilyo ng Vaticano ang mga bagay-bagay
[Pinagmulan]
UPI/Bettmann Newsphotos