Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 2/1 p. 15-19
  • Parangalan ang Anak, ang Punong Ahente ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Parangalan ang Anak, ang Punong Ahente ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Iba Pang Paraan ng Paninirang-Puri kay Jesus
  • Mga Dahilan Para Parangalan ang Anak
  • Kung Ano ang Kaniyang Ginawa Para sa Atin
  • Kung Papaano Mapararangalan Natin ang Anak
  • Parangalan si Jehova—Bakit at Papaano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Igalang ang Lahat ng Uring mga Tao
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Magpakita ng Dangal sa Iba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Ibigay ang Karangalan sa mga Karapat-dapat Dito
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 2/1 p. 15-19

Parangalan ang Anak, ang Punong Ahente ni Jehova

“Siyang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na siyang nagsugo sa kaniya.”​—JUAN 5:23.

1. Papaanong ang paniwala ng Sangkakristiyanuhan sa Trinidad ay paninirang-puri kay Jesus?

SA NGAYON marami sa Sangkakristiyanuhan ang nag-aangking nagpaparangal kay Jesu-Kristo, subalit kabaligtaran ang ginagawa nila. Papaano? Bueno, marami ang nagsasabing si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, at ang Diyos, ang Maylikha ng lahat ng bagay, ay naparito di-umano sa lupa at namuhay at namatay bilang isang tao. Ang ganitong pag-aangkin ay nakapaloob sa doktrina ng Trinidad, na pangunahing turo ng Sangkakristiyanuhan. Subalit kung ang Trinidad ay di-totoo, kung si Jesus ay, ang totoo, mas mababa at napaiilalim sa Diyos, hindi ba ang maling paglalarawang ito ng kaniyang kaugnayan sa Diyos ay magpapalungkot kay Jesus? Oo, kaniyang ituturing na ang gayong maling paglalarawan ay isang kasiraang-puri sa kaniyang sarili at sa lahat ng bagay na kaniyang itinuro.

2. Papaano malinaw na ipinakikita ng Kasulatan na si Jesus ay mas mababa at napaiilalim sa Diyos?

2 Ang katotohanan ay, kailanma’y hindi nag-angkin si Jesus na siya’y Diyos, kundi paulit-ulit na tinukoy niya ang kaniyang sarili bilang “Anak ng Diyos.” Ito ay kinilala maging ng kaniyang mga kaaway man. (Juan 10:36; 19:7) Si Jesus ay laging palaisip sa pagdakila sa Ama at pagpapailalim ng kaniyang sarili sa Kaniya, gaya ng kaniyang inamin: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa ganang sarili niya, kundi yaon lamang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na Kaniyang ginagawa ay ito rin ang ginagawa ng Anak sa gayunding paraan. Hindi ako makagagawa ng anuman kung sa ganang aking sarili . . . sapagkat pinaghahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” Muli, sinabi niya: “Ako’y isang kinatawan niya, at ang Isang iyan ang nagsugo sa akin.” Sinabi rin niya: “Ako’y galing sa Diyos at kaya ako naririto.” (Juan 5:19, 30; 7:28, 29; 8:42) Kailanman ay hindi ipinahiwatig ni Jesus na siya ay Diyos o kapantay niya. Kaya’t ang pagtuturo ng gayong bagay ay nakasisirang-puri kay Jesus.

Mga Iba Pang Paraan ng Paninirang-Puri kay Jesus

3. (a) Sa pagkakaila ng ano tungkol kay Jesus sinisiraang-puri siya ng iba sa Sangkakristiyanuhan? (b) Anong patotoo ang ibinigay ni Jesus tungkol sa kaniyang pag-iral bago siya naging tao?

3 Kataka-taka man, mayroon ding mga iba sa Sangkakristiyanuhan ngayon ang naninirang-puri kay Jesus sa pamamagitan ng pagkakaila na siya ay umiiral na bago naging tao. Gayunman, tangi lamang kung ating nauunawan na si Jesus ay literal na bumaba mula sa langit tungo sa lupa maaari tayong wastong magpasimulang parangalan siya. Si Jesus mismo ay paulit-ulit na nagsabing siya’y umiiral na bago naging tao. “Walang taong umakyat sa langit,” aniya, “kundi siya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng tao.” Nang maglaon ay sinabi niya: “Ako ang nabubuhay na tinapay na bumaba mula sa langit . . . Ano, kung gayon, kung makikita ninyo ang Anak ng tao na umaakyat sa dating kinaroroonan niya?” At muli: “Kayo’y mga tagaibaba; ako’y tagaitaas. . . . Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bago ipinanganak si Abraham, ay ako na nga.” (Juan 3:13; 6:51, 62; 8:23, 58) Sa kaniyang panalangin sa kaniyang makalangit na Ama nang gabi na siya’y ipagkanulo tinukoy rin ni Jesus ang kaniyang pag-iral bago siya naging tao.​—Juan 17:5.

4. (a) Sa anong karagdagang paraan sinisiraang-puri ng marami si Jesus? (b) Anong ebidensiya ang dapat na makasapat upang itatag na si Jesus ay talagang nabuhay na noong una, at bakit?

4 Ang iba sa Sangkakristiyanuhan ay lumalabis hanggang sa sukdulang ikinakaila na si Jesus ay isang taong umiral sa kasaysayan, na siya’y nabuhay bilang isang tao. Kung siya’y hindi aktuwal na nabuhay, walang dahilan na talakayin kung bakit at kung papaano dapat nating parangalan siya. Gayunman ang saganang patotoo ng mga saksing nakakita na naingatan sa Kasulatan ay dapat kilalaning ebidensiya na magtatatag nang walang-pag-aalinlangan sa katotohanan na talagang nabuhay si Jesus sa lupa. (Juan 21:25) Totoong-totoo ito yamang ang mga unang Kristiyano ay malimit na nagtuturo tungkol kay Jesus bagaman nanganganib ang kanila mismong buhay at kalayaan. (Gawa 12:1-4; Apocalipsis 1:9) Gayunman, bukod sa isinulat tungkol sa kaniya ng kaniyang mga tagasunod, mapatutunayan ba na si Jesus ay umiral nga?

5, 6. Anong makasaysayang ebidensiya, bukod sa Kasulatan, ang nagpapakita tungkol sa aktuwal na pag-iral ni Jesu-Kristo?

5 Ang The New Encyclopædia Britannica (1987) ay nagsasabi: “Ang malasariling mga pag-uulat ay nagpapatotoo na noong sinaunang panahon maging ang mga kaaway ng Kristiyanismo ay hindi nagduda sa pagkamakasaysayan ni Jesus.” Ano ba ang ilan sa mga malasariling ulat na ito? Sang-ayon sa iskolar na Judio na si Joseph Klausner, nariyan ang patotoo ng sinaunang kasulatan ng Talmud. (Jesus of Nazareth, pahina 20) Nariyan din ang patotoo ng unang-siglong Judiong historyador na si Josephus. Halimbawa, kaniyang isinasaysay ang pagbato kay Santiago, ipinakilala siya bilang “ang kapatid ni Jesus na tinawag na Kristo.”​—Jewish Antiquities, XX, [ix, 1].

6 Bukod diyan, nariyan ang patotoo ng sinaunang mga historyador Romano, lalo na ang lubhang iginagalang na si Tacitus. Siya’y sumulat maaga noong ikalawang siglo tungkol sa “isang pangkat na kinapopootan dahil sa kanilang kasuklam-suklam na ginagawa, tinatawag na mga Kristiyano ng mamamayan. Si Kristus [Kristo], na buhat sa kaniya nanggaling ang pangalan [na Kristiyano], ay dumanas ng sukdulang parusa sa panahon ng paghahari ni Tiberio sa kamay ng isa sa ating mga prokurador.” (The Annals, XV, XLIV) Sa pagkilala sa labis-labis na ebidensiyang si Jesus ay isang taong makasaysayan, ang Pranses na pilosopong moralista noong ika-18 siglo, si Jean-Jacques Rousseau, ay nagpatotoo: “Ang kasaysayan ni Socrates, na hindi inaakala ng sinuman na mapagdududahan, ay hindi gaanong marami ang patotoo na hindi gaya ng kay Jesu-Kristo.”

Mga Dahilan Para Parangalan ang Anak

7. (a) Anong patotoo ng Kasulatan ang nagbibigay sa atin ng obligasyon na parangalan si Jesu-Kristo? (b) Papaano higit pang pinarangalan ni Jehova ang kaniyang Anak?

7 Ngayon ay naririto tayo sa bagay na pagpaparangal kay Jesu-Kristo. Ang kaniyang mga tagasunod ay obligado na parangalan siya, ayon sa makikita sa kaniyang mga salita sa Juan 5:22, 23: “Sapagkat ang Ama ay hindi humahatol sa kaninuman, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol, upang lahat ay magparangal sa Anak gaya ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Siyang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kaniya.” Magbuhat na buhaying-muli si Kristo, lalong higit na pinarangalan ni Jehova ang kaniyang Anak, ‘na siya’y pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan dahil sa pagkaranas niya ng kamatayan.’ (Hebreo 2:9; 1 Pedro 3:22) Sa simpleng pangungusap, tayo’y may mga dahilan na parangalan si Jesus kapuwa dahilan sa kung sino siya at dahilan sa kaniyang nagawa.

8. Dahilan sa anong pambihirang mga bagay tungkol kay Jesu-Kristo kaya siya karapat-dapat parangalan?

8 Si Jesu-Kristo ay karapat-dapat parangalan sapagkat siya, bilang ang Logos, o Salita, ay tagapagsalita ni Jehova na walang kaparis. Buhat sa Kasulatan lumilitaw na ang titulong “ang Salita” ay kumakapit kay Jesus bago siya naparito sa lupa at gayundin pagkatapos na siya’y umakyat sa langit. (Juan 1:1; Apocalipsis 19:13) Sa Apocalipsis 3:14 kaniyang tinutukoy ang kaniyang sarili bilang “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” Siya’y hindi lamang “ang panganay sa lahat ng nilalang” kundi bilang ang “bugtong na Anak” siya ang tanging tuwirang nilalang ng Diyos na Jehova. (Colosas 1:15; Juan 3:16) Bukod diyan, “lahat ng bagay ay umiral sa pamamagitan niya, at kung hindi sa pamamagitan niya ay wala isa mang bagay na iiral.” (Juan 1:3) Samakatuwid, pagka ating nabasa sa Genesis 1:26 na sinabi ng Diyos, “Gawin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis,” sa “natin” na iyan ay kasali ang Logos, o Salita. Tunay, dahil sa bagay na si Jesus nang siya’y buháy na bago naging tao ay may kamangha-manghang pribilehiyo na makibahagi sa Diyos na Jehova sa paglalang, siya nga ay karapat-dapat sa dakilang parangal.

9. Bakit natin masasabing si Jesus ang arkanghel na si Miguel, at papaano pinarangalan ni Miguel si Jehova may kaugnayan sa katawan ni Moises?

9 Si Jesu-Kristo ay karapat-dapat pa ring parangalan sapagkat siya’y pangunahing anghel, o arkanghel ni Jehova. Salig sa ano nabubuo natin ang ganiyang konklusyon? Bueno ang panlapi na “ark,” na nangangahulugang “pangunahin” o “prinsipal,” ay nagpapahiwatig na mayroon lamang iisang arkanghel. Sa Salita ng Diyos siya’y tinutukoy may kaugnayan sa binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo. Ating mababasa: “Ang Panginoon mismo ang bababang mula sa langit na taglay ang pag-uutos, may tinig ng arkanghel at may trumpeta ng Diyos, at silang mga namatay kaisa ni Kristo ay unang babangon.” (1 Tesalonica 4:16) Ang arkanghel na ito ay may pangalan, gaya ng mababasa natin sa Judas 9: “Nang ang arkanghel Miguel ay makipaglaban sa Diyablo at nakikipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, siya ay hindi nangahas gumamit laban sa kaniya ng isang hatol na may pag-alipusta, kundi sinabi: ‘Sawayin ka nawa ni Jehova.’ ” Sa hindi pangunguna kay Jehova sa pamamagitan ng hindi pangangahas humatol laban sa Diyablo, ang kaniyang makalangit na Ama ay pinarangalan nang gayon ni Jesus.

10. (a) Papaano nangunguna si Miguel sa pakikipagbaka alang-alang sa Kaharian ng Diyos? (b) Anong bahagi ang ginanap ni Miguel kaugnay ng bansang Israel?

10 Ang arkanghel na si Miguel ay nakikipagbaka alang-alang sa Kaharian ng Diyos, na siya ang nangunguna sa pagpapaalis sa langit kay Satanas at sa kaniyang mga hukbo ng mga demonyo. (Apocalipsis 12:7-10) At si propeta Daniel ay nagsasabi na ‘siya’y tumatayo alang-alang sa bayan ng Diyos.’ (Daniel 12:1) Samakatuwid, lumilitaw na si Miguel “ang anghel ng tunay na Diyos na nangunguna sa kampamento ng Israel” at siya ang ginamit ng Diyos upang madala ang kaniyang bayan sa Lupang Pangako. “Mag-ingat kayo dahilan sa kaniya at dinggin ninyo ang kaniyang tinig,” ang utos ng Diyos. “Huwag kayong maghihimagsik laban sa kaniya, . . . sapagkat ang aking pangalan ay nasa kaniya.” (Exodo 14:19; 23:20, 21) Walang alinlangan na ang arkanghel ni Jehova ay lubhang interesado sa tipong bayan ng Diyos na may taglay ng kaniyang pangalan. Angkop naman na siya’y tumulong sa isa pang anghel na sinugo upang umaliw sa propetang si Daniel na hinarang ng isang makapangyarihang demonyo. (Daniel 10:13) Samakatuwid ay makatuwirang sabihin na ang anghel na pumuksa sa 185,000 mandirigma ni Sennacherib ay walang iba kundi si Miguel na arkanghel.​—Isaias 37:36.

11. Sa pagsunod sa anong landasin sa buhay sa lupa karapat-dapat nating parangalan si Jesus?

11 Si Jesu-Kristo ay hindi lamang karapat-dapat parangalan dahil sa kung sino siya kundi siya’y karapat-dapat din nating parangalan dahilan sa kaniyang nagawa. Halimbawa, siya lamang ang taong nabuhay na may sakdal na buhay. Si Adan at si Eva ay nilalang na sakdal, subalit ang kanilang kasakdalan ay panandalian. Subalit, si Jesu-Kristo ay nanatiling ‘tapat, walang kasalanan, hiwalay sa mga makasalanan’ sa kabila ng lahat ng nagawa ng Diyablong idulot sa kaniya sa anyo ng mga tukso o pag-uusig. Sa lahat ng pinagdaanan niyang iyan “siya’y hindi nagkasala, ni nasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig.” May matuwid siyang hamunin ang kaniyang mga kaaway na relihiyoso: “Sino sa inyo ang may maisusumbat sa akin na kasalanan?” Walang isa man! (Hebreo 7:26; 1 Pedro 2:22; Juan 8:46) At dahilan sa siya’y nanatiling walang kapintasan sa kaniyang katapatan, ang kaniyang makalangit na Ama ay naipagbangong-puri ni Jesus bilang ang matuwid na pansansinukob na Soberano at kaniyang pinatunayan na ang Diyablo ay isang napakaimbi at napakalaking sinungaling.​—Kawikaan 27:11.

12. (a) Anong uri ng tao si Jesus, at ano ang kaniyang ginawa at dinanas alang-alang sa iba? (b) Bakit mo sasabihing si Jesus ay karapat-dapat nating parangalan dahilan sa kaniyang ginawa at dahilan sa kaniyang dinanas?

12 Si Jesu-Kristo ay karapat-dapat na parangalan natin, hindi lamang dahil sa siya’y namuhay nang isang sakdal, walang-kasalanang buhay kundi dahil sa siya rin naman ay isang mabuting tao, isang taong walang imbot, mapagsakripisyo sa sarili. (Ihambing ang Roma 5:7.) Siya’y walang kapaguran na naglingkod ukol sa espirituwal at pisikal na mga pangangailangan ng mga tao. Anong laking sigasig ang kaniyang ipinakita ukol sa bahay ng kaniyang Ama, at anong laki ng kaniyang pagtitiyaga sa pakikitungo sa kaniyang mga alagad! Anong laki ng pagdurusang handa siyang suungin sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama! Tungkol sa matinding paghihirap na dinanas niya sa halamanan ng Getsemani, ang Bibliya ay nagsasabi: “Nang siya’y nanlulumo ay patuloy na nanalangin siya nang lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa.” Oo, siya’y “naghandog ng mga panalangin at mga daing . . . kasabay ng matitinding himutok at pagluha.” (Lucas 22:44; Hebreo 5:7) Tamang-tama ang pagkahula ni propeta Isaias ng kaniyang paghihirap sa Isaias 53:3-7!

13. Anong mainam na halimbawa ang ipinakita sa atin ni Jesus sa pagpaparangal sa kaniyang makalangit na Ama?

13 Karapat-dapat din si Jesus na parangalan natin dahilan sa mainam na halimbawang ipinakita niya sa atin sa pagpaparangal sa kaniyang makalangit na Ama. kaya’t nasabi niya: “Pinararangalan ko ang aking Ama.” (Juan 8:49) Sa lahat ng pagkakataon ay pinarangalan niya ang Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga salita at mga gawa. Sa gayon, nang kaniyang mapagaling ang isang lalaki, ang ulat ng Bibliya ay nagsasabi, hindi na niluwalhati ng mga tao si Jesus, kundi na “kanilang niluwalhati ang Diyos.” (Marcos 2:12) Kaya naman, sa katapusan ng kaniyang makalupang ministeryo, matuwid na masasabi ni Jesus sa pananalangin sa kaniyang makalangit na Ama: “Niluwalhati kita sa lupa, natapos ko na ang gawaing ibinigay mo sa akin upang gawin.”​—Juan 17:4.

Kung Ano ang Kaniyang Ginawa Para sa Atin

14. Ano ang nagawa para sa atin ng kamatayan ni Jesus kung kaya siya’y karapat-dapat parangalan?

14 At tunay na karapat-dapat ngang parangalan natin si Jesu-Kristo dahilan sa lahat ng kaniyang nagawa para sa atin! Siya’y namatay alang-alang sa ating mga kasalanan upang tayo’y muling maipagkasundo sa Diyos na Jehova. Sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang sarili: “Ang Anak ng tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang isang pantubos kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Sa gayon, dahilan sa kaniyang kamatayan ay matutupad ang lahat ng ipinangako ng Kaharian para sa atin na mga tao: walang-kamatayang buhay sa langit para sa 144,000 na bumubuo ng kaniyang nobya at buhay na walang-hanggan sa isang lupang Paraiso para sa milyun-milyon na mga iba pa na magpapatunay ng kanilang pananampalataya at pagkamasunurin sa ilalim ng pagsubok.​—Awit 37:29; Apocalipsis 14:1-3; 21:3, 4.

15. Ano ang isang halimbawa ni Jesus ng pagsisiwalat sa atin ng personalidad ng kaniyang Ama?

15 Si Jesu-Kristo ay karapat-dapat din na parangalan dahil, bilang ang Dakilang Guro, kaniyang lubusang isiniwalat sa atin ang kalooban at personalidad ng kaniyang Ama. Halimbawa, sa kaniyang Sermon sa Bundok, kaniyang binanggit ang pagkabukás-palad ng kaniyang Ama sa pagpapasikat ng araw at pagpapaulan sa mabuti at sa masama at pagkatapos ay sinabi niya: “Kaya naman kailangan na kayo’y maging sakdal, gaya ng inyong makalangit na Ama na sakdal.”​—Mateo 5:44-48.

16. Papaano nagbigay si apostol Pablo ng sumaryo ng landasin ni Jesus na sa kaniya’y nagpaging karapat-dapat parangalan?

16 Si apostol Pablo ay nagbigay ng mainam na sumaryo nang siya’y sumulat tungkol sa landasin ni Jesus na sa kaniya’y nagpaging karapat-dapat parangalan: “Bagaman siya’y nasa anyong Diyos, hindi [niya] pinag-isipan na mang-agaw, samakatuwid nga, upang makapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubaran niya ang kaniyang sarili at nag-aanyong alipin at naparito na kawangis ng mga tao. Higit diyan, nang siya’y nasa anyong tao, siya ay nagpakababa at nagmasunurin hanggang kamatayan, oo, ang kamatayan sa isang pahirapang tulos.”​—Filipos 2:5-8.

Kung Papaano Mapararangalan Natin ang Anak

17, 18. Sa anong iba’t ibang paraan mapararangalan natin si Jesu-Kristo?

17 Yamang si Jesu-Kristo ay tiyak na karapat-dapat sa ating pagpaparangal, tayo’y naririto na sa tanong: Papaano natin mapararangalan ang Anak? Magagawa natin iyan sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang haing pantubos, at pinatutunayan natin ang pananampalatayang iyan sa pamamagitan ng pagkuha ng kinakailangang mga hakbang ng pagsisisi, pagbabalik-loob, pag-aalay, at bautismo. Sa pamamagitan ng paglapit kay Jehova sa panalangin sa pangalan ni Jesus, ating pinararangalan si Jesus. Pinararangalan pa rin natin siya pagka sinunod natin ang kaniyang mga salita: “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, itakuwil niya ang kaniyang sarili at pasanin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy na sumunod sa akin.” (Mateo 16:24) Ating pinararangalan si Jesu-Kristo pagka sinunod natin ang kaniyang mga tagubilin na patuloy na hanapin muna ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran, at ating pinararangalan siya pagka sinunod natin ang kaniyang utos na makibahagi tayo sa gawaing paggawa ng mga alagad. Muli, pinararangalan si Jesus pagka tayo’y nagpakita ng pangkapatirang pag-ibig na sinabi niyang pagkakakilanlan sa lahat ng kaniyang tunay na mga tagasunod.​—Mateo 6:33; 28:19, 20; Juan 13:34, 35.

18 Gayundin, ating pinararangalan ang Anak sa pamamagitan ng pagdadala natin ng kaniyang pangalan, na tinatawag ang ating sarili na mga Kristiyano, at pagkatapos ay pamumuhay ayon sa pangalang iyan sa pamamagitan ng ating magandang asal. (Gawa 11:26; 1 Pedro 2:11, 12) Sinabi ni apostol Pedro na dapat nating sundan na maingat ang mga yapak ni Jesus. (1 Pedro 2:21) Sa gayong pagtulad sa kaniya sa lahat ng ating iginagawi, atin ding pinararangalan siya. At tunay, pagka ating ipinagdiriwang sa taun-taon ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo, ating binibigyan siya ng pantanging parangal.​—1 Corinto 11:23-26.

19, 20. (a) Anong gantimpala ang ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod dahil sa pagpaparangal sa kaniya, ngayon at sa hinaharap? (b) Sa ano makapagtitiwala tayo may kaugnayan sa Anak?

19 Anong mga gantimpala ang ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga alagad sa pagsunod sa isang landasin na nagpaparangal sa kaniya? Sinabi niya: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na mga tao, walang sinumang nag-iwan ng bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ina o ama o mga anak o mga lupa dahil sa akin at dahil sa mabuting balita na hindi tatanggap ng tig-iisandaan ngayon sa panahong ito, ng mga bahay at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina at mga anak at mga lupa, kalakip ng mga pag-uusig, at sa dumarating na sistema ng mga bagay ay buhay na walang-hanggan.”​—Marcos 10:29, 30.

20 Kaya naman, kung tayo’y gagawa ng mga pagsasakripisyo alang-alang kay Jesus, kaniyang pangyayarihin na tayo’y tumanggap ng gantimpala. Sa atin ay tinitiyak ni Jesus: “Kaya’t ang bawat kumilala sa akin sa harap ng mga tao, siya’y kikilalanin ko naman sa harap ng aking Ama na nasa langit.” (Mateo 10:32) Kaya kung papaanong pinararangalan ng makalangit na Ama ang mga nagpaparangal sa kaniya, tayo’y makapagtitiwala na tutularan ng bugtong na Anak ni Jehova ang kaniyang Ama sa bagay na ito, kung papaanong ginagawa ang gayon ng Anak sa lahat ng iba pang mga bagay.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Papaanong marami sa Sangkakristiyanuhan ang naninirang-puri sa Anak?

◻ Anong patotoo ang ibinigay ni Jesus tungkol sa kaniyang pag-iral bago siya naging tao?

◻ Ano ang ilang dahilan upang ating parangalan si Jesus?

◻ Ano ang ilang paraan upang ating maparangalan si Jesus?

◻ Ang pagpaparangal kay Jesu-Kristo ay nagbubunga ng anong mga pakinabang?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share