Ang “New World Translation”—Pantas at Tapat
“PUNÔ ng mga palsipikado!” Kung babalik tayo sa ika-16 na siglo, ganiyan ang sinabi ng mga mananalansang tungkol sa salin ni Martin Luther ng Bibliya. Sila’y naniwala na maaari nilang mapatunayan na ang Bibliya ni Luther ay may “1,400 kamalian at kasinungalingan ng mga erehes.” Sa ngayon, ang Bibliya ni Luther ay itinuturing na isang mistulang mohon bilang isang salin. Ang tawag pa rito ng aklat na Translating the Bible ay “isang gawa ng henyo”!
Sa ika-20 siglong ito, ang New World Translation ay binintangan din na palsipikado. Bakit? Sapagkat ito ay malayo sa tradisyonal na paraan ng pagsasalin sa maraming talata at idiniriin ang paggamit ng pangalan ng Diyos, na Jehova. Samakatuwid, ito ay malayo sa kalakaran. Subalit dahil ba rito ay palsipikado nga ito? Hindi. Ito’y gumamit ng malaking pag-iingat at pagbibigay-pansin sa detalye, at ang marahil ay tinging di-pangkaraniwan ay nagpapakita ng isang taimtim na pagsisikap na isalin nang maingat ang mga iba’t ibang kahulugan ng isang salita sa orihinal na wika. Ang teologong si C. Houtman ay nagpapaliwanag ng dahilan tungkol sa pagka di-karaniwan ng New World Translation: “Ang sarisaring tradisyonal na mga salin ng mahalagang mga termino buhat sa orihinal na teksto ay hindi ginamit, maliwanag na upang makamit ang posibleng pinakamagaling na unawa.” Ating isaalang-alang ang mga ilang halimbawa nito.
Naiiba—Ngunit Hindi Mali
Unang-una, ang mga salitang may malapit na kaugnayan sa isa’t isa sa orihinal na mga wika ng Bibliya ay isinalin, kung saan posible ito, sa pamamagitan ng iba’t ibang salitang Ingles, sa gayo’y tinutulungan ang estudyante ng Bibliya sa maaaring iba’t ibang kahulugan. Kaya, ang syn·teʹlei·a ay isinaling “katapusan” at ang teʹlos ay “wakas,” bagaman ang mga salitang iyan ay kapuwa isinaling “wakas” sa marami pang mga ibang bersiyon. (Mateo 24:3, 13) Ang salitang koʹsmos ay sinaling “sanlibutan,” ang ai·onʹ ay “sistema ng mga bagay,” at ang oi·kou·meʹne ay “tinatahanang lupa.” Isa pa rin, maraming salin ng Bibliya ang gumagamit lamang ng “sanlibutan” upang kumatawan sa alinman sa dalawa o sa lahat ng tatlo sa mga salitang Griegong ito, bagaman, ang totoo, may mga pagkakaiba-iba sa pagitan ng mga ito.—Mateo 13:38, 39; 24:14.
Gayundin, maingat na ipinakikita ng New World Translation ang pagkakaiba sa pagitan ng gnoʹsis (“kaalaman”) at e·piʹgno·sis (isinaling “tumpak na kaalaman”)—isang pagkakaiba na hindi kinikilala ng marami pang mga iba. (Filipos 1:9; 3:8) Ipinakikita rin nito ang pagkakaiba sa pagitan ng ta·phos (“libingan,” isang personal na dakong pinaglilibingan), mneʹma (“puntod”), mne·meiʹon (“alaalang libingan”), at haiʹdes (“hades,” sa Bibliya’y tumutukoy sa panlahatang libingan ng patay na sangkatauhan). (Mateo 27:60, 61; Juan 5:28; Gawa 2:29, 31) Sa mga ibang salin ng Bibliya ay ipinakikita ang pagkakaiba ng taʹphos at mne·meiʹon sa Mateo 23:29 ngunit sa mga ibang lugar ay hindi magkakatugma.—Tingnan ang Mateo 27:60, 61, New International Version.
Ang mga panahunan ng pandiwa ay maingat at wastong isinalin. Halimbawa, sa Revised Standard Version, sa 1 Juan 2:1 ay mababasa: “Kung sinuman ay nagkasala, tayo’y may tagapamagitan sa Ama, si Jesu-Kristo ang matuwid.” Hindi nagtagal pagkatapos, ang salin ding iyan ay ganito ang pagkasalin sa 1 Juan 3:6: “Walang sinumang nananahan [kay Jesus] na nagkakasala.” Kung walang tagasunod ni Jesus na nagkakasala, papaano ngayon kumakapit ang 1 Juan 2:1?
Itinutuwid ng New World Translation ang waring pagkakasalungatang ito. Sa 1 Juan 2:1, sinasabi nito: “Ako’y sumusulat sa inyo ng mga bagay na ito upang kayo’y huwag sanang makagawa ng kasalanan. Ngunit, kung sinuman ay makagawa ng kasalanan, sa atin ay may tutulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isang matuwid.” Ginamit ni Juan ang panahunang aorist sa talatang ito, nagpapakita ng pagkagawa ng isang nakabukod na kasalanan, ang uri ng kasalanan na nagagawa natin paminsan-minsan dahilan sa tayo’y di-sakdal. Datapuwat, sa 1 Juan 3:6 ay mababasa: “Bawat nananatiling kaisa niya ay hindi namimihasa sa pagkakasala; sinumang namimihasa sa pagkakasala ay hindi nakakita sa kaniya, ni hindi rin naman nakakilala sa kaniya.” Dito ay ginamit ni Juan ang panahunang pangkasalukuyan, na nagpapakita ng isang patuluyan, kinaugalian nang paggawa ng kasalanan na nagpapawalang-bisa sa pagsasabi ng isa na siya’y Kristiyano.
Ang Ibang mga Iskolar ay Sumasang-ayon
Ang ilang di-pamilyar na mga terminong sinasabing inimbento ng mga Saksi ni Jehova ay sinusuhayan ng ibang mga salin ng Bibliya o mga lathalaing reperensiya. Sa Lucas 23:43, ganito ang pagkasalin sa New World Translation ng mga salita ni Jesus sa kriminal na pinatay na kasabay niya: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo sa araw na ito, Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” Sa orihinal na Griego, walang mga bantas na gaya baga ng kuwit; kundi karaniwan nang may bantas na isinisingit ang mga tagapagsalin upang makatulong sa pagbasa. Subalit, ang pagkasalin ng karamihan sa Lucas 23:43 ay para bagang si Jesus at ang kriminal ay patungo sa Paraiso sa mismong araw na iyan. Ganito ang mababasa sa The New English Bible: “Sinasabi ko ito sa iyo: sa araw na ito ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” Datapuwat, hindi lahat ay ganito ang kaisipang ipinahahayag. Si Propesor Wilhelm Michaelis ay may ganitong pagkasalin: “Katotohanan, sa araw na ito ay ibinibigay ko na sa iyo ang katiyakan: (balang araw) ikaw ay makakasama ko sa paraiso.” Ang ganitong pagkasalin ay higit na makatuwiran kaysa pagkasalin sa The New English Bible. Ang mamamatay na kriminal ay tiyak na hindi kasama ni Jesus sa Paraiso nang araw ring iyon. Si Jesus ay hindi binuhay-muli kundi noong ikatlong araw pagkamatay niya. Samantala siya ay nasa Hades, ang pangkalahatang libingan ng sangkatauhan.—Gawa 2:27, 31; 10:39, 40.
Ayon sa Mateo 26:26 sa New World Translation, nang itinatatag ni Jesus ang selebrasyon ng Hapunan ng Panginoon, ganito ang sinabi niya tungkol sa tinapay na kaniyang ipinapasa sa kaniyang mga alagad: “Ito’y nangangahulugan ng aking katawan.” Karamihan ng iba pang mga salin ay ganito ang pagkasalin sa talatang iyan: “Ito ay aking katawan,” at ito’y ginagamit upang umalalay sa doktrina na sa panahon ng selebrasyon ng Hapunan ng Panginoon, ang tinapay ay literal na nagiging laman ni Kristo. Sa New World Translation ang salitang isinalin na “nangangahulugan” (es·tinʹ, isang anyo ng ei·miʹ) ay galing sa salitang Griego na ang kahulugan ay “nagiging,” subalit maaari ring nagpapahiwatig na “nangangahulugan.” Sa gayon, ang Greek-English Lexicon of the New Testament ni Thayer ay nagsasabi na ang pandiwang ito “ay kalimitan i.q. [katumbas ng] nagpapakilala, nagpapakita, nagpapahiwatig.” Tunay, ang “nangangahulugan” ay isang makatuwirang pagkasalin dito. Nang itatag ni Jesus ang Huling Hapunan, ang kaniyang laman ay nakadikit pa sa kaniyang mga buto, kaya papaano ngang ang tinapay ay ang kaniyang literal na laman?a
Sa Juan 1:1 ganito ang mababasa sa New World Translation: “Ang Salita ay isang diyos.” Sa maraming salin ang pangungusap na ito ay ganito lamang ang sinasabi: “Ang Salita ay Diyos” at ginagamit upang sumuhay sa doktrina ng Trinidad. Hindi katakataka, ang pagkasaling ito sa New World Translation ay tinatanggihan ng mga Trinitaryo. Subalit ang Juan 1:1 ay hindi pinalsipika upang patunayan na si Jesus ay hindi Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Ang mga Saksi ni Jehova, kasali ang marami ring iba, ay tumutol sa paggawang malaking titik ng “d” sa “diyos” malaon pa bago lumitaw ang New World Translation, na nagsisikap na isalin nang wasto ang orihinal na wika. Limang mga tagapagsalin ng Bibliyang Aleman ang gumagamit din ng terminong “isang diyos” sa talatang iyan.b Di-kukulangin sa 13 iba pa ang gumamit ng pananalitang gaya ng “uring dibino” o “uring tulad-diyos.” Ang mga saling ito ay kasuwato ng ibang bahagi ng Bibliya na nagpapakita na, oo, si Jesus nang nasa langit ay isang diyos sa diwa na pagiging dibino. Subalit si Jehova at si Jesus ay hindi iisa, hindi iisang Diyos.—Juan 14:28; 20:17.
Ang Personal na Pangalan ng Diyos
Sa Lucas 4:18, ayon sa New World Translation, isang hula sa Isaias ang ikinapit ni Jesus sa kaniyang sarili, na ang sabi: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin.” (Isaias 61:1) Marami ang tumututol sa paggamit ng pangalang Jehova rito. Gayunman, isa lamang ito sa mahigit na 200 lugar na kung saan makikita ang pangalang iyan sa New World Translation ng Kasulatang Griegong Kristiyano, ang tinatawag na Bagong Tipan. Totoo, walang maagang umiiral pang mga manuskritong Griego ng “Bagong Tipan” ang may personal na pangalan ng Diyos. Subalit ang pangalan ay isinali sa New World Translation sa mabuting kadahilanan, hindi lamang dahil sa kapritso. At ganito rin ang sinunod ng iba. Sa wikang Aleman lamang, di-kukulangin sa 11 bersiyon ang gumagamit ng “Jehova” (o ang transliterasyon ng Hebreo, “Yahweh”) sa teksto ng “Bagong Tipan,” samantala idinagdag ng apat na tagapagsalin ang pangalan sa panaklong pagkatapos ng “Panginoon.”c Mahigit na 70 saling Aleman ang gumagamit nito sa mga talababa o mga komentaryo.
Sa Israel, ang pangalan ng Diyos ay buong-layang binigkas sa loob ng mahigit na isanlibong taon. Iyan ang pangalan na lumilitaw nang pinakamadalas sa Kasulatang Hebreo (“Matandang Tipan”), at walang nakakukumbinsing pruweba na ito ay di-kilala ng publiko o na ang bigkas nito ay nakalimutan noong unang siglo ng ating Panlahatang Panahon, nang ang mga Judiong Kristiyano ay kinasihang sumulat ng mga aklat ng “Bagong Tipan.”—Ruth 2:4.
Si Wolfgang Feneberg ay may ganitong komento sa Jesuitang magasing Entschluss/Offen (Abril 1985): “Siya [si Jesus] ay hindi nagkait sa atin ng pangalan ng kaniyang Ama na YHWH, kundi kaniyang ipinagkatiwala iyon sa atin. Disin sana’y hindi maipaliliwanag kung bakit ang unang kahilingan sa Panalangin ng Panginoon ay ganito mababasa: ‘Pakabanalin nawa ang iyong pangalan!’ ” Isinusog pa ni Feneberg na “bago ng panahong Kristiyano ang mga manuskrito para sa mga Judiong Griego ang wika, ang pangalan ng Diyos ay hindi ipinangangahulugan na kasama ng kýrios [Panginoon], kundi isinusulat sa anyong tetragram [YHWH] sa Hebreo o sinaunang mga karakter na Hebreo. . . . Makikita natin ang nagugunitang mga kaanyuan ng pangalan sa mga isinulat ng mga Ama ng Simbahan; subalit sila’y hindi interesado roon. Sa pamamagitan ng pagsasalin sa pangalang ito ng kýrios (Panginoon), ang mga Ama ng Simbahan ay higit na interesado na ang kadakilaan ng kýrios ay ibigay kay Jesu-Kristo.” Sa New World Translation ay isinasauli ang pangalan sa teksto ng Bibliya saanman mayroong makatuwiran, pantas na dahilan na gawin iyon.—Tingnan ang Apendise 1D sa Reference Bible.
Pinipintasan ng iba ang anyong “Jehova” na siyang pagkasalin ng pangalan ng Diyos sa New World Translation. Sa mga manuskritong Hebreo, ang pangalan ay lumilitaw bilang apat lamang na katinig, YHWH, at iginigiit ng marami na ang tumpak na bigkas ay “Yahweh,” hindi “Jehova.” Kaya naman, kanilang inaakala na ang paggamit ng “Jehova” ay mali. Subalit, ang totoo, ang mga iskolar ay hindi nagkakasundo na ang anyong “Yahweh” ang kumakatawan sa orihinal na bigkas. Ang katotohanan ay na bagaman iningatan ng Diyos ang banghay ng kaniyang pangalan na “YHWH” mahigit na 6,000 beses sa Bibliya, hindi niya iningatan ang bigkas niyaon na narinig ni Moises sa Bundok Sinai. (Exodo 20:2) Samakatuwid, ang bigkas ay hindi siyang pinakamahalaga sa panahong ito.
Sa Europa ang anyong “Jehova” ay malaganap na kinilala sa loob ng daan-daang siglo at ginagamit sa maraming Bibliya, kasali na ang mga saling Judio. Ito’y lumilitaw nang napakaraming beses sa mga gusali, sa mga barya at iba pang mga bagay, at sa mga limbag na lathalain, gayundin sa maraming himno ng simbahan. Kaya imbis na sikaping ang orihinal na bigkas Hebreo ang katawanin, ang New World Translation sa lahat ng iba’t ibang wika nito ay gumagamit ng anyo ng pangalan ng Diyos na tinatanggap ng marami. Ganiyang-ganiyan ang ginagawa ng mga ibang bersiyon ng Bibliya sa lahat ng iba pang mga pangalan sa Bibliya.
Bakit May Ganiyang Kabagsik na Pamimintas?
Ang Bibliya ni Luther ay pinintasan dahilan sa iyon ay gawa ng isang taong nagbunyag sa mga kahinaan ng tradisyonal na relihiyon noong kaniyang kaarawan. Ang kaniyang salin ay nagbukas ng daan upang ang karaniwang mga tao ay makakita ng katotohanan ng kalakhang bahagi ng kaniyang sinabi. Sa katulad na paraan, ang New World Translation ay pinipintasan sapagkat ito ay lathala ng mga Saksi ni Jehova, na tahasang nagpapahayag na marami sa mga doktrina ng Sangkakristiyanuhan ang hindi matatagpuan sa Bibliya. Ang New World Translation—oo, ang anumang Bibliya—ay naghahayag nito.
Ang totoo, ang New World Translation ay isang pantas na salin. Noong 1989, si Propesor Benjamin Kedar ng Israel ay nagsabi: “Sa aking pagsasaliksik sa wika may kaugnayan sa Bibliyang Hebreo at sa mga salin, malimit na ginagawa kong reperensiya ang edisyong Ingles na kilala sa tawag na New World Translation. Sa paggawa ng gayon, ang aking damdamin ay paulit-ulit na nagpapatunay na ang saling ito’y kababanaagan ng isang tapat na pagsisikap na matamo ang pagkaunawa sa teksto na pinakawasto hangga’t maaari. Nagpapatunay ng isang malawak na kaalaman sa orihinal na wika, isinasalin nito ang orihinal na mga salita sa isang ikalawang wika na nauunawaan ngunit hindi lumalayo kung kinakailangan sa espesipikong kaayusan ng Hebreo. . . . Bawat pangungusap ng wika ay nagpapahintulot ng isang takdang kalayaan sa interpretasyon o pagsasalin. Kaya ang solusyon tungkol sa wika sa anumang kaso ay baka pagtalunan. Subalit hindi ako nakatuklas sa New World Translation ng anumang may pagkiling na intensiyon na dagdagan ang teksto ng anumang wala roon.”
Angaw-angaw na mga mambabasa ng Bibliya sa buong daigdig ang gumagamit ng New World Translation sapagkat ito ay isang modernong-wikang salin na wasto ang pagkasalin sa mga termino sa Bibliya. Ang buong Bibliya ay makukuha na ngayon sa 9 na wika at ang Kasulatang Griegong Kristiyano ay makukuha sa 2 pang wika; yamang ito’y inihahanda sa karagdagan pang 20 wika. Ang wastong salin ay nangangailangan ng mga taon ng puspusang pagtatrabaho, subalit tayo’y umaasang ang New World Translation balang araw ay lilitaw sa lahat ng iba’t ibang wikang ito upang matulungan ang marami pa na magkaroon ng lalong mainam na unawa sa “salita ng buhay.” (Filipos 2:16) Yamang nakatulong na ito sa angaw-angaw sa bagay na iyan, tunay nga na karapat-dapat irekomenda ito.
[Mga talababa]
a Sa Apocalipsis 1:20, ganito ang pagkasalin sa pandiwa ring iyan ng Alemang tagapagsalin na si Curt Stage: “Ang pitong kandelero ay nangangahulugan [ei·sinʹ] ng pitong kongregasyon.” Sina Fritz Tillmann at Ludwig Thimme ay isinalin din ito na “nangangahulugan” [es·tinʹ] sa Mateo 12:7.
b Sina Jürgen Becker, Jeremias Felbinger, Oskar Holtzmann, Friedrich Rittelmeyer, at Siegfried Schulz. Si Emil Bock ay nagsasabi: “isang dibinong persona.” Tingnan din ang mga saling Ingles na Today’s English Version, The New English Bible, Moffatt, Goodspeed.
c Sina Johann Babor, Karl F. Bahrdt, Petrus Dausch, Wilhelm M. L. De Wette, Georg F. Griesinger, Heinrich A. W. Meyer, Friedrich Muenter, Sebastian Mutschelle, Johann C. F. Schulz, Johann J. Stolz, at Dominikus von Brentano, August Dächsel, Friedrich Hauck, Johann P. Lange, at Ludwig Reinhardt ay sa mga panaklong inilagay ang pangalan.
[Blurb sa pahina 28]
Ang The New World Translation ay isinasalin ngayon sa 20 pang mga wika
[Kahon sa pahina 29]
ISANG SALIN NA NAGREREKOMENDA NG SARILI
Isa sa mga Saksi ni Jehova sa Alemanya ang kausap ng isang may edad nang babae, na binasahan ng Habacuc 1:12: “Di baga ikaw ay mula sa walang-hanggan, Oh Jehova? Oh Diyos ko, aking Banal na Isa, ikaw ay hindi namamatay.” Ang babae ay tumutol dahil sa ang sabi ng kaniyang Bibliya, “Huwag kaming tulutang mamatay.” Binanggit ng Saksi na ang New World Translation ay mahigpit na sumusunod sa orihinal na mga manuskrito. Yamang nagsasalita ng Hebreo ang matandang babae, kaniyang kinuha ang kaniyang Bibliyang Hebreo at natuklasan niya sa kaniyang ikinagulat na wasto ang New World Translation. Malaon na noong una pa na ang tekstong ito ay binago ng Sopherim (mga eskribang Judio) sapagkat kanilang inaakala na niwawalang-galang ang Diyos ng orihinal na teksto. Maliban sa ilang kataliwasan, ang mga saling Aleman ng Bibliya ay hindi gumawa ng anumang mga pagbabago upang ituwid ang pagbabagong ito ng mga eskriba. Ang binagong teksto ay isinauli ng New World Translation sa orihinal.
[Larawan sa pahina 26]
Ang kompletong New World Translation ay umiiral na ngayon sa: Aleman, Daneso, Hapones, Ingles, Italyano, Kastila, Olandes, Portuges, at Pranses