Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Iba Pang Pagpapakita ni Jesus
ANG mga alagad ay nasisiraan pa rin ng loob. Hindi nila maubus-maisip ang kahulugan ng puntod na wala nang laman, ni naniniwala man sila sa ibinalita ng mga babae. Kaya noong may dakong huli ng Linggo, si Cleopas at ang iba pang mga alagad ay lumisan sa Jerusalem patungong Emmaus, na may layong humigit-kumulang labing-isang kilometro.
Samantalang patungo roon, nang kanilang pinag-uusapan ang mga naganap na pangyayari sa araw na iyon, isang taong di-kilala ang sumabay sa kanila. “Ano ba ang mga bagay na inyong pinagtatalunan habang kayo’y naglalakad?” ang tanong niya.
Ang mga alagad ay huminto, nababakas sa kanilang mga mukha ang kalungkutan, at si Cleopas ay tumugon: “Ikaw ba’y naninirahan na mag-isa sa Jerusalem gaya ng isang tagaibang bayan kung kaya’t hindi mo alam ang mga bagay na nangyari sa kaniya sa mga araw na ito?”
“Anong mga bagay?” ang tanong niya.
“Ang mga bagay tungkol kay Jesus na taga-Nasaret,” ang sagot nila. “Ang aming mga pangulong saserdote at mga pinuno ang humatol sa kaniya ng sintensiyang kamatayan at siya’y ibinayubay. Ngunit kami’y umaasang ang taong ito ang itinalaga upang tumubos sa Israel.”
Si Cleopas at ang kaniyang mga kasama ang nagpaliwanag ng nakapanggigilalas na mga pangyayari noong araw na iyon—ang ibinalita tungkol sa kahima-himalang pagkakita sa mga anghel at sa puntod na wala nang laman—ngunit kanilang inamin na sila’y nalilito tungkol sa kahulugan ng mga bagay na ito. Sila’y pinagsabihan ng taong di-kilala: “Oh mga taong haling at mababagal ang puso na maniwala sa lahat ng bagay na sinalita ng mga propeta! Hindi baga kinakailangang ang Kristo’y maghirap ng mga bagay na ito at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?” Pagkatapos ay kaniyang ipinaliwanag sa kanila ang mga talata buhat sa banal na kasulatan na may kinalaman sa Kristo.
Sa wakas ay dumating sila malapit sa Emmaus, at ang taong di-kilala ay waring magpapatuloy ng paglalakbay. Dahil sa ibig nilang makarinig nang higit pa, ang mga alagad ay nag-anyaya: “Makipisan ka sa amin, sapagkat gumagabi na at ang araw ay patapos na.” Kaya siya’y tumuloy sa kanila para sumalo sa pagkain. Samantalang siya’y nananalangin at pinagpuputul-putol ang tinapay at ibinibigay iyon sa kanila, nakilala nila na siya’y talagang si Jesus na nag-anyong nasa katawang-tao. Subalit pagkatapos ay bigla siyang nawala.
Ngayo’y naunawaan nila kung papaanong ang taong di-kilala ay may kaalaman sa napakaraming bagay! “Hindi baga nag-aalab ang ating puso,” ang tanong nila, “habang tayo’y kinakausap niya sa daan, habang kaniyang lubusang ipinauunawa sa atin ang Kasulatan?” Agad-agad, sila’y nagsitindig at dali-daling nagsibalik sa Jerusalem, na kung saan kanilang nasumpungan doon ang mga apostol at ang mga kasama nilang nagtitipon. Bago nakapagsalita ng anuman si Cleopas at ang kaniyang mga kasama, ang mga iba pa ay tuwang-tuwa na nagbalita: “Totoo ngang ang Panginoon ay binuhay at siya’y nagpakita kay Simon!” Nang magkagayo’y inilahad ng dalawa kung papaanong nagpakita rin sa kanila si Jesus. Kaya apat na beses sa maghapon na siya’y nagpakita sa kaniyang iba’t ibang mga alagad.
Kahit na ang mga pintuan ay nakakandado dahil sa takot sa mga Judio ng mga alagad, biglang nagpakita si Jesus nang ikalimang beses. Tumayo siya sa gitnang-gitna nila at nagsabi: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.” Sila’y nangilabot, palibhasa’y naguguni-guni nila na isang espiritu ang kanilang nakikita. Kaya naman, sa pagpapaliwanag na siya’y hindi isang aparisyon, sinabi ni Jesus: “Bakit kayo nagugulumihanan, at bakit tinubuan ng pag-aalinlangan ang inyong mga puso? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga; hipuin ninyo ako at tingnan, sapagkat ang isang espiritu’y walang laman at mga buto gaya ng inyong nakikita sa akin.” Gayunman, sila’y ayaw pa ring maniwala sapagkat ang kaniyang pagiging buháy ay waring napakabuti upang magkatotoo.
Upang tulungan sila na maintindihan ang bagay na siya’y talagang si Jesus, siya’y nagtanong: “Mayroon baga kayo ritong anumang makakain?” Pagkatapos na tanggapin at kanin ang kapirasong isdang inihaw, kaniyang sinimulang turuan sila, na nagsasabi: “Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo nang ako’y kasama pa ninyo [bago sumapit ang aking kamatayan], na kailangang matupad ang lahat ng bagay na nasusulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises at sa Mga Propeta at Mga Awit.”
Sa pagpapatuloy ng, sa katunayan, katumbas ng isang pakikipag-aral sa kanila ng Bibliya, si Jesus ay nagturo: “Ganito ang pagkasulat na ang Kristo ay maghihirap at magbabangong-muli buhat sa mga patay sa ikatlong araw, at ipangangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa—magbuhat sa Jerusalem, kayo’y magiging mga saksi sa mga bagay na ito.”
Sa isang dahilan si Tomas ay wala sa mahalagang miting na ito noong Linggo ng gabi. Kaya nang mga araw na sumunod, ang iba’y may kagalakang nagbalita sa kaniya: “Nakita namin ang Panginoon!”
“Malibang aking makita sa kaniyang mga kamay ang butas ng mga pako,” ang pagtutol ni Tomas, “at maisuot ko ang aking daliri sa butas ng mga pako at maisuot ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, tunay na hindi ako maniniwala.”
Bueno, makalipas ang walong araw ang mga alagad ay muli na namang nagtitipon sa loob ng bahay. Noon ay kasama nila si Tomas. Bagaman ang mga pinto ay nakakandado, minsan pang tumayo sa gitna nila si Jesus at nagsabi: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.” Pagkatapos, bumaling siya kay Tomas, at kaniyang sinabi: “Idikit mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang aking mga kamay, at idikit mo rito ang iyong kamay, at isuot mo iyan sa aking tagiliran, at huminto ka ng di-pagsampalataya, kundi sumampalataya ka.”
“Panginoon ko at Diyos ko!” ang bulalas ni Tomas.
“Dahil ba sa ako’y nakita mo kung kaya ka sumampalataya?” ang tanong ni Jesus. “Maligaya yaong mga hindi nakakita gayunma’y naniwala.” Lucas 24:11, 13-48; Juan 20:19-29.
◆ Ano ang mga katanungan ng isang taong di-kilala sa dalawang alagad na nasa daan patungong Emmaus?
◆ Ano ba ang sinabi ng taong di-kilala na dahilan ng pag-aalab ng puso ng mga alagad sa loob nila?
◆ Papaanong napag-unawa ng mga alagad na ang taong di-kilala ay si Jesus?
◆ Nang si Cleopas at ang kaniyang mga kasama’y bumalik sa Jerusalem, anong nakapananabik na balita ang kanilang narinig?
◆ Ano ang ikalimang pagpapakita ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at ano ang naganap nang pagkakataong iyon?
◆ Ano ang nangyari walong araw pagkatapos ng ikalimang pagpapakita ni Jesus, at papaanong si Tomas sa wakas ay naniwala rin na si Jesus ay buháy na?