Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 4/15 p. 14-20
  • Tutularan Mo ba ang Awa ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tutularan Mo ba ang Awa ng Diyos?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ipinatupad ang Banal na Katarungan
  • Ang Katarungan ay Katimbang ng Awa
  • Pagkabahala sa Nawala
  • Ang Kagalakan sa Langit​—Dahil sa Ano?
  • Ang Pagkilos ng Pagsisisi at ng Awa
  • Si Jehova—Ang Pinagmumulan ng Tunay na Katarungan at Katuwiran
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Tularan si Jehova—Gumawa Nang may Katarungan at Katuwiran
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Malapit Na ang Katarungan Para sa Lahat ng Bansa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Nagsasaya Dahil sa Nagsising Makasalanan
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 4/15 p. 14-20

Tutularan Mo ba ang Awa ng Diyos?

“Magsitulad sa Diyos, na gaya ng mga anak na minamahal.”​—EFESO 5:1.

1. Bakit ang pagtulad sa iba ay dapat pag-isipan nating lahat?

SA IKABUBUTI man o sa ikasasama, karamihan ng tao ay tumutulad sa iba. Ang mga taong nasa palibot natin, at marahil ay ating tinutularan, ay makaaapekto sa atin nang malaki. Ang kinasihang manunulat ng Kawikaan 13:20 ay nagbabala: “Ang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit ang nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.” Kaya naman, may mabuting dahilan na ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Huwag mong tularan ang masama, kundi ang mabuti. Siyang gumagawa ng mabuti ay sa Diyos.”​—3 Juan 11.

2. Sino ang dapat nating tularan, at sa anu-anong paraan?

2 Tayo’y may pinakamaiinam na halimbawa sa Bibliya ng mga lalaki at babae na matutularan natin. (1 Corinto 4:16; 11:1; Filipos 3:17) Gayunman, ang pangunahin sa lahat na dapat nating tularan ay ang Diyos. Sa Efeso 4:31–​5:2, pagkatapos na banggitin ang mga asal at mga kaugalian na dapat nating iwasan, ipinayo ni apostol Pablo na tayo’y maging “malumanay sa kaawaan, saganang nagpapatawad sa isa’t isa.” Ang resulta nito ay ang mahalagang pangaral: “Kayo nga’y magsitulad sa Diyos, na gaya ng mga anak na minamahal, at patuloy na magsilakad kayo sa pag-ibig.”

3, 4. Ano ang pagkalarawan ng Diyos tungkol sa kaniyang sarili, at bakit dapat nating isaalang-alang ang kaniyang pagiging isang makatarungang Diyos?

3 Ano ang mga paraan at mga katangian ng Diyos na dapat nating tularan? Maraming mga pitak ang kaniyang personalidad at mga pagkilos, gaya ng makikita natin buhat sa paraan ng kaniyang paglalarawan tungkol sa kaniyang sarili kay Moises: “Si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan, na nagpapakita ng maibiging-awa sa libu-libo, nagpapatawad sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay hindi magtatangi mula sa kaparusahan, na nagdadala ng parusa ukol sa kasalanan ng mga ama, sa mga anak at sa mga apo.”​—Exodo 34:6, 7.

4 Yamang si Jehova ay “isang mangingibig sa katuwiran at katarungan,” dapat na tiyakang makilala at tularan natin ang pitak na ito ng kaniyang personalidad (Awit 33:5; 37:28) Siya ang Maylikha, at gayundin ang kataas-taasang Hukom at Tagapagbigay-Batas, kaya siya’y nagpapakita ng katarungan sa lahat. (Isaias 33:22) Ito’y malinaw na ipinakikita sa pamamagitan ng kaniyang kahilingan tungkol sa katarungan at sa pagpapatupad nito sa gitna ng kaniyang bayang Israel at nang maglaon ay sa loob ng kongregasyong Kristiyano.

Ipinatupad ang Banal na Katarungan

5, 6. Papaano ipinakita ang katarungan sa mga pakikitungo ng Diyos sa Israel?

5 Nang hinihirang ang Israel bilang ang kaniyang bayan, itinanong ng Diyos kung kanilang ‘mahigpit na susundin ang kaniyang tinig at patuloy na iingatan ang kaniyang tipan.’ Samantalang sila’y natitipon sa may paanan ng Bundok Sinai, sila’y nagsisagot: “Lahat ng sinalita ni Jehova ay aming malugod na gagawin.” (Exodo 19:3-8) Anong pagkahala-halagang gawain! Sa pamamagitan ng mga anghel, ang mga Israelita ay binigyan ng Diyos ng mga 600 kautusan, na pananagutan nila na tupdin bilang isang bayang nag-alay sa kaniya. Ano kaya kung may hindi tutupad niyaon? Isang espesyalista sa Kautusan ng Diyos ang nagpaliwanag: “Ang binigkas na salita sa pamamagitan ng mga anghel ay napatunayang matibay, at ang bawat pagsalansang at pagsuway ay tumanggap ng parusa na ayon sa katarungan.”​—Hebreo 2:2.

6 Oo, ang isang Israelita na hindi susunod ay nakaharap sa “parusa na ayon sa katarungan,” hindi yaong may kulang na katarungan ng tao, kundi katarungan buhat sa ating Maylikha. Nagtakda ang Diyos ng sarisaring parusa para sa paglabag sa kautusan. Ang pinakamalubhang parusa ay ‘paghihiwalay,’ o pagpuksa. Iyan ay kapit sa matitinding paglabag, tulad halimbawa ng idolatriya, adulterya, insesto, pagsiping sa hayop, homoseksuwalidad, pagsasakripisyo sa bata, pagpatay, at maling paggamit sa dugo. (Levitico 17:14; 18:6-17, 21-29) Isa pa, sinumang Israelita na kusang lumabag sa anumang banal na kautusan at hindi nagsisi ay maaaring “ihiwalay.” (Bilang 4:15, 18; 15:30, 31) Pagka ang banal na katarungang ito ay ipinatupad, ang mga epekto ay maaaring maranasan ng mga inapo ng nagkasala.

7. Ano ang ilang mga resulta ng pagpapatupad ng katarungan sa gitna ng sinaunang bayan ng Diyos?

7 Ang ganiyang mga parusa ay nagdiriin sa kaselangan ng paglabag sa banal na kautusan. Halimbawa, kung ang isang anak na lalaki ay maging isang maglalasing at isang matakaw, siya’y dapat dalhin sa harap ng maygulang na mga hukom. Kung kanilang matuklasan na siya’y isang kusa, di-nagsisising manlalabag-kautusan, ang mga magulang ay magkakaroon ng bahagi sa pagpapatupad ng katarungan. (Deuteronomio 21:18-21) Para sa atin na mga magulang ating maguguniguni na hindi madali na gawin iyan. Gayunman alam ng Diyos na kailangan iyan upang ang kabalakyutan ay hindi lumaganap sa gitna ng tunay na mga mananamba. (Ezekiel 33:17-19) Ito ay isinaayos ng Isa na tungkol sa kaniya ay masasabi: “Lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, at makatarungan; matuwid at banal siya.”​—Deuteronomio 32:4.

8. Papaano makikita ang katarungan sa mga pakikitungo ng Diyos sa kongregasyong Kristiyano?

8 Pagkaraan ng maraming daan-daang taon ang bansang Israel ay tinanggihan ng Diyos at kaniyang pinili ang kongregasyong Kristiyano. Subalit si Jehova ay hindi nagbago. Siya’y nakatalaga pa rin sa katarungan at maaaring tukuyin na “isang apoy na mamumugnaw.” (Hebreo 12:29; Lucas 18:7, 8) Siya kung gayon ay nagpatuloy na magkaroon ng paglalaan na magtuturo ng maka-Diyos na pagkatakot sa buong kongregasyon sa pamamagitan ng pagtitiwalag sa mga nagkakasala. Ang nag-alay na mga Kristiyano na nagkasala at hindi nagsisi ay ititiwalag.

9. Ano ba ang pagtitiwalag, at ano ang nagagawa nito?

9 Ano ba ang kasangkot sa pagtitiwalag? Tayo’y makakakita ng isang aktuwal na halimbawa nito sa paraan ng paglutas sa isang suliranin noong unang siglo. Isang Kristiyano sa Corinto ang nahulog sa imoralidad sa pakikiapid sa asawa ng kaniyang ama at hindi nagsisi, kaya ipinayo ni Pablo na siya’y itiwalag sa kongregasyong iyon. Ito’y kinailangang gawin upang maingatan ang kalinisan ng bayan ng Diyos, sapagkat “ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak.” Kung siya’y ititiwalag ang kaniyang kasamaan ay mahahadlangan upang huwag makasirang-puri sa Diyos at sa Kaniyang bayan. Ang matinding pagdisiplina ng pagkatiwalag ay maaari ring makagulantang sa kaniya upang manumbalik siya sa kaniyang katinuan at maturuan siya at ang kongregasyon ng nararapat na pagkatakot sa Diyos.​—1 Corinto 5:1-13; ihambing ang Deuteronomio 17:2, 12, 13.

10. Papaano tutugon ang mga lingkod ng Diyos kung may isang natiwalag?

10 Ang banal na utos ay na kung itiniwalag ang isang taong balakyot, ang mga Kristiyano’y “hindi makikihalubilo sa [kaniya] . . . , na hindi man lamang makikisalo sa gayong tao.”a Samakatuwid siya ay inihihiwalay upang huwag makisama, kasali na ang sosyal na pakikihalubilo, sa mga taong tapat na gumagalang sa kautusan ng Diyos at ibig na lumakad nang ayon dito. Ang iba sa kanila ay baka mga kamag-anak na hindi bahagi ng mismong pamilya, hindi bahagi ng sambahayang iyon. Marahil ay mahihirapan ang mga kamag-anak na iyon na sumunod sa banal na direktibang ito, gaya rin ng kung papaano hindi madali para sa mga magulang na Hebreo sa ilalim ng Kautusang Mosaiko na magkaroon ng bahagi sa pagpatay sa isang balakyot na anak. Gayunman, maliwanag ang utos ng Diyos; kaya matitiyak natin na makatarungan ang pagtitiwalag.​—1 Corinto 5:1, 6-8, 11; Tito 3:10, 11; 2 Juan 9-11; tingnan Ang Bantayan, Marso 15, 1982, pahina 21-27; Abril 15, 1988, pahina 28-31.

11. Papaanong ang sarisaring pitak ng personalidad ng Diyos ay nahahayag may kaugnayan sa pagtitiwalag?

11 Gayunman, tandaan na ang ating Diyos ay hindi lamang makatarungan; siya ay isa ring “sagana sa maibiging-awa, nagpapatawad sa kamalian at pagsalansang.” (Bilang 14:18) Nililiwanag ng kaniyang Salita na ang isang taong tiwalag ay maaaring magsisi, na humahanap ng banal na kapatawaran. Pagkatapos ay ano? Ang may karanasang mga tagapangasiwa ay maaaring makipagpulong sa kaniya upang tiyakin lakip ang panalangin at maingat na pagsusuri kung siya’y nagpapatunay na nagsisisi nga sa pagkakasalang nagdala sa kaniya sa pagkatiwalag. (Ihambing ang Gawa 26:20.) Kung magkagayon, siya ay maaaring tanggapin muli sa kongregasyon, gaya ng ipinakikita ng 2 Corinto 2:6-11 na nangyari sa isang lalaking nasa Corinto. Subalit, ang ilang mga itiniwalag ay napalayo sa kongregasyon ng Diyos sa loob ng kung ilang mga taon, kaya may magagawa ba upang matulungan sila na makabalik?

Ang Katarungan ay Katimbang ng Awa

12, 13. Bakit sa pagtulad natin sa Diyos ay dapat maaninag sa atin ang higit pa kaysa kaniyang katarungan lamang?

12 Ang tinalakay na nauna ay may kinalaman lalung-lalo na sa isang pitak ng mga katangian ng Diyos, gaya ng binabanggit sa Exodo 34:6, 7. Gayunman, ang mga talatang iyon ay tumatalakay ng higit pa kaysa katarungan ng Diyos, at ang mga nagnanais tumulad sa kaniya ay hindi lamang nakatutok ang pansin sa pagpapatupad ng katarungan. Kung ikaw ay gumagawa ng isang modelo ng templong itinayo ni Solomon, ang pag-aaralan mo ba lamang ay isa sa mga haligi niyaon? (1 Hari 7:15-22) Hindi, sapagkat bahagya ka na lamang bibigyan nito ng isang timbang na larawan ng sariling katangian at bahaging ginagampanan ng templo. Sa katulad na paraan, kung nais nating tularan ang Diyos, kailangang kopyahin din natin ang iba pa ng kaniyang mga paraan at mga katangian, tulad baga ng kaniyang pagiging “maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan, na nagpapakita ng maibiging-awa sa libu-libo, nagpapatawad sa kamalian.”

13 Ang awa at pagpapatawad ay mga pangunahing katangian ng Diyos, gaya ng nakita natin buhat sa paraan ng kaniyang pagtuturo sa Israel. Sila’y hindi ipinuwera ng Diyos ng katarungan sa parusa dahil sa paulit-ulit na pagkakamali, gayunman ay nagpakita siya ng sapat na awa at pagpapatawad. “Kaniyang ipinabatid ang kaniyang mga daan kay Moises, ang kaniyang mga gawa sa mga anak ng Israel. Si Jehova ay puspos ng kahabagan at mapagbiyaya, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa. Hindi siya makikipag-alitan nang panghabang panahon, ni kaniya mang tataglayin ang kaniyang galit magpakailanman.” (Awit 103:7-9; 106:43-46) Oo, kung tayo’y magbabalik-tanaw sa kaniyang mga pakikitungo sa loob ng daan-daang taon mapatutunayan na ang mga salitang yaon ay totoo.​—Awit 86:15; 145:8, 9; Mikas 7:18, 19.

14. Papaano ipinakita ni Jesus na kaniyang tinularan ang pagkamaawain ng Diyos?

14 Yamang si Jesu-Kristo “ang sinag ng kaluwalhatian ng [Diyos] at ang tunay na larawan ng kaniyang sarili,” siya’y ating maaasahan na magpapakita ng gayunding awa at pagkamapagpatawad. (Hebreo 1:3) Gayon nga, gaya ng ipinakita ng kaniyang mga pakikitungo sa iba. (Mateo 20:30-34) Kaniya ring idiniin ang awa sa pamamagitan ng kaniyang mga salita na ating mababasa sa Lucas kabanata 15. Ang tatlong ilustrasyon doon ay nagpapatunay na tinularan ni Jesus si Jehova, at ang mga ito ay nagbibigay ng mahalagang mga aral para sa atin.

Pagkabahala sa Nawala

15, 16. Ano ang nag-udyok kay Jesus na magbigay ng mga ilustrasyon sa Lucas 15?

15 Ang mga ilustrasyong iyon ay nagpapatotoo sa maawaing pagkabahala ng Diyos sa mga makasalanan, na nagbibigay ng isang timbang na larawan upang tularan natin. Isaalang-alang ang tagpo ng mga ilustrasyon: “Ngayon lahat ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay patuloy na nagsilapit kay [Jesus] upang makinig sa kaniya. Kaya ang mga Fariseo at ang mga eskriba ay patuloy na nagbulung-bulungan, na nagsasabi: ‘Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at sumasalo sa kanila.’ ”​—Lucas 15:1, 2.

16 Lahat ng taong kasangkot ay mga Judio. Ipinagmamalaki ng mga Fariseo at ng mga eskriba ang kanilang ipinalalagay na mahigpit na pagsunod sa Kautusang Mosaiko, isang uri ng pagkamatuwid na naaayon sa batas. Bagaman gayon, hindi sang-ayon ang Diyos sa ganoong pagkamatuwid na nagtatanghal ng sariling katuwiran. (Lucas 16:15) Maliwanag, ang mga maniningil ng buwis na binanggit ay mga Judio na kumulekta ng mga buwis para sa Roma. Dahilan sa marami ang sumingil nang labis-labis na halaga buhat sa kanilang mga kapuwa Judio, ang mga maniningil ng buwis ay isang pangkat na hinahamak. (Lucas 19:2, 8) Sila’y inuuri na “mga makasalanan,” mga kinabibilangan ng mga taong imoral, maging ng mga patutot man. (Lucas 5:27-32; Mateo 21:32) Subalit tinanong ni Jesus ang nagrereklamong mga pinunong relihiyoso:

17. Ano ang unang ilustrasyon ni Jesus sa Lucas 15?

17 “Aling tao sa inyo na kung may isandaang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon, ay hindi iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang at hahanapin ang nawala hanggang sa ito’y kaniyang masumpungan? At pagka nasumpungan niya ay pinapasan ito sa kaniyang balikat at natutuwa. At pagdating niya sa kaniyang tahanan ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at mga kapitbahay, at sasabihin sa kanila, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko ang aking tupang nawala.’ Sinasabi ko sa inyo na sa ganoo’y magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanan na nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na mga taong matuwid na hindi kailangang magsisi.” Nauunawaan ng mga pinunong relihiyoso ang paglalarawan, sapagkat ang mga tupa at mga pastol ay isang karaniwang tanawin. Dahil sa pag-aalala, iniwan ng pastol ang 99 na tupa upang manginain sa damuhan na kabisado nila samantalang siya’y humayo upang hanapin ang nawawalang tupa. Siya’y nagpatuloy ng paghahanap hanggang sa kaniyang matagpuan iyon, ngayon ay malumanay na kinalong niya ang natakot na tupa at ibinalik sa kawan.​—Lucas 15:4-7.

18. Gaya ng itinampok sa ikalawang ilustrasyon ni Jesus sa Lucas 15, ano ang dahilan ng kagalakan?

18 Isinusog ni Jesus ang ikalawang ilustrasyon: “Oh aling babae na may sampung drakma na pilak, kung mawalan siya ng isang drakma na pilak, ang hindi magpapaningas ng isang ilawan at magwawalis sa kaniyang bahay at maghahanap na maingat hanggang sa kaniyang matagpuan iyon? At pagka kaniyang natagpuan na ay tinatawag niya ang mga babaing kaniyang mga kaibigan at mga kapitbahay, na nagsasabi, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang drakmang pilak na nawala sa akin.’ Kaya, sinasabi ko sa inyo, na may kagalakan sa gitna ng mga anghel ng Diyos dahilan sa isang makasalanan na nagsisisi.” (Lucas 15:8-10) Ang drakma ay katumbas halos ng maghapong kita para sa isang manggagawa. Ang pilak ng babae ay maaaring namana pa niya, o maaaring ito ay bahagi ng isang huwego na ginawang alahas. Nang ito’y mawala, siya’y naghanap nang puspusan upang matagpuan ang pilak, at pagkatapos siya at ang kaniyang mga kaibigang babae ay nangagsaya. Ano ang sinasabi nito sa atin tungkol sa Diyos?

Ang Kagalakan sa Langit​—Dahil sa Ano?

19, 20. Ang unang dalawang ilustrasyon ni Jesus sa Lucas 15 ay pangunahin tungkol kanino, at ano ang pinakasentrong punto nito?

19 Ang dalawang ilustrasyong ito ay bilang pagtugon sa pamimintas kay Jesus, na mga ilang buwan pa bago noon ay nagpakilala sa kaniyang sarili bilang “ang mabuting pastol” na magbibigay ng kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga tupa. (Juan 10:11-15) Gayunman, ang mga ilustrasyon ay hindi pangunahin tungkol kay Jesus. Ang mga aralin na kailangang matutuhan ng mga eskriba at mga Fariseo ay nakasentro sa saloobin at mga paraan ng Diyos. Sa gayon, sinabi ni Jesus na may kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanan na nagsisisi. Ang mga relihiyonistang iyon ay nag-aangkin na naglilingkod kay Jehova, gayunman ay hindi nila tinutularan siya. Ang maawaing mga paraan ni Jesus, sa kabilang panig, ay kumakatawan sa kalooban ng kaniyang Ama.​—Lucas 18:10-14; Juan 8:28, 29; 12:47-50; 14:7-11.

20 Kung isa sa isandaan ay nagdudulot ng kagalakan, ang isang pilak sa sampu ay lalo pang magbibigay ng kagalakan. Kahit na sa ngayon, ating nadarama ang damdamin ng mga babaing natutuwa pagkatapos na matagpuan nila ang pilak! Dito rin naman, ang aralin ay nakasentro sa langit, sa bagay na “ang mga anghel ng Diyos” ay nakikigalak kay Jehova “dahil sa isang makasalanan na nagsisisi.” Pansinin ang huling salitang iyan na, “nagsisisi.” Ang mga ilustrasyong ito ay tunay na tungkol sa mga makasalanang nagsisisi. At nakikita mo na kapuwa ito nagdiriin sa pagiging naaangkop ng pagkakaroon ng kagalakan dahil sa kanilang pagsisisi.

21. Anong aralin ang dapat nating matutuhan buhat sa mga ilustrasyon ni Jesus sa Lucas 15?

21 Kinaligtaan ng naligaw na mga pinunong relihiyosong iyon na nangangalandakan dahil sa pakunwaring pagsunod sa Kautusan, na ang Diyos ay “maawain at magandang-loob, . . . nagpapatawad sa kamalian at pagsalansang at kasalanan.” (Exodo 34:6, 7) Kung sana’y kanilang tinularan ang pitak na ito ng mga paraan at personalidad ng Diyos, kaipala’y kanilang pinahalagahan ang awa ni Jesus sa mga makasalanan na nagsisi. Kumusta naman tayo? Atin bang isinasapuso ang aralin at ikinakapit iyon? Bueno, pansinin ang ikatlong ilustrasyon ni Jesus.

Ang Pagkilos ng Pagsisisi at ng Awa

22. Sa maikli, ano ang ibinigay ni Jesus bilang ikatlong ilustrasyon sa Lucas 15?

22 Malimit na ito’y tinatawag na ilustrasyon ng alibughang anak. Gayunman, sa pagbabasa nito maaaring makita mo kung bakit ang palagay dito ng iba ay talinghaga ito ng pag-ibig ng isang ama. Isinasaysay nito ang tungkol sa nakababatang anak na lalaki sa isang pamilya, na kinuha na sa kaniyang ama ang kaniyang mana. (Ihambing ang Deuteronomio 21:17.) Ang anak na ito ay lumisan patungo sa isang malayong lupain, na kung saan kaniyang inaksaya ang lahat ng kaniyang kabuhayan sa pawaldas na pamumuhay, kaya nagtrabaho siya bilang tagapag-alaga ng mga baboy, at siya’y humantong hanggang sa ang kinakain niya’y yaong pagkain ng mga baboy. Sa wakas ay natauhan siya at nagpasiya na umuwi na sa kanila, upang magtrabaho para sa kaniyang ama bilang isang upahang manggagawa. Samantalang siya’y palapit sa tahanan, ang kaniyang ama ang siyang gumawa ng positibong hakbang na salubungin siya, hanggang sa nagdaos pa man din ng isang kapistahan. Ang nakatatandang kapatid na lalaki, na namalagi roon sa tahanan sa pagtatrabaho, ay nagalit dahil sa awang ipinakita. Subalit sinabi ng ama na sila’y dapat pa ngang magalak sapagkat ang anak na namatay ay nabubuhay ngayon.​—Lucas 15:11-32.

23. Ano ang dapat nating matutuhan buhat sa ilustrasyon ng alibughang anak?

23 Baka naisip ng ibang mga eskriba at mga Fariseo na sila’y inihahambing sa nakatatandang anak, bilang naiiba sa mga makasalanan na gaya ng nakababatang anak. Gayumpaman, kanila bang nasakyan ang pinakapangunahing punto ng ilustrasyon, at atin ba ring naiintindihan ito? Itinatampok nito ang isang litaw na katangian ng ating maawaing Ama sa langit, ang kaniyang pagiging handa na magpatawad salig sa taus-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob ng isang makasalanan. Ito’y dapat sanang pumukaw sa mga tagapakinig na tumugon nang may kagalakan sa katubusan ng nagsisising mga makasalanan. Ganiyan ang pagkakita ng Diyos sa mga bagay-bagay at ganiyan ang kaniyang pagkilos, at yaong mga tumutulad sa kaniya ay ganiyan din ang ginagawa.​—Isaias 1:16, 17; 55:6, 7.

24, 25. Anong mga paraan ng Diyos ang dapat nating pagsikapang tularan?

24 Maliwanag, katarungan ang makikita sa lahat ng mga paraan ng Diyos, kaya yaong mga ibig tumulad kay Jehova ay nagpapahalaga at nagtataguyod ng katarungan. Gayunman, ang ating Diyos ay hindi pinakikilos ng katarungan lamang na guniguni o hindi na mababago pa. Dakila ang kaniyang awa at pag-ibig. Kaniyang ipinakikita ito sa pamamagitan ng pagiging handang magpatawad batay sa tunay na pagsisisi. Kung gayon, angkop na ang ating pagiging mapagpatawad ay iniugnay ni Pablo sa ating pagtulad sa Diyos: “[Maging] saganang nagpapatawad sa isa’t isa gaya ng saganang pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Samakatuwid, kayo ay magsitulad sa Diyos, gaya ng mga anak na minamahal, at patuloy na magsilakad kayo sa pag-ibig.”​—Efeso 4:32–5:2.

25 Ang mga tunay na Kristiyano ay matagal nang nagsisikap na tularan ang katarungan ni Jehova at gayundin ang kaniyang awa at pagiging handa na magpatawad. Mientras nakikilala natin siya, lalong nagiging madali para sa atin na tularan siya sa mga bagay na ito. Gayunman, papaano natin maikakapit ito tungkol sa isang tao na makatuwirang katatanggap lamang ng mahigpit na disiplina sapagkat siya’y nagpatuloy nang paglakad sa landas ng pagkakasala? Tingnan natin.

[Talababa]

a “Ang pagtitiwalag ayon sa sukdulang diwa nito sa pangkalahatan ay yaong sadyang pagkilos na kung saan ipinagkakait ng isang grupo ang mga pribilehiyo ng pagkamiyembro doon sa mga taong dati’y mga miyembro na may mabuting katayuan. . . . Ang pagtitiwalag noong panahong Kristiyano ay nangyaring nagkaroon ng kahulugan na tumutukoy sa isang gawang paghihiwalay na sa pamamagitan niyaon ang isang relihiyosong komunidad ay nagkakait sa mga nagkasala ng mga sakramento, pangkongregasyong pagsamba, at posible ng anumang uri ng sosyal na pakikisalamuha.”​—The International Standard Bible Encyclopedia.

Ano ba ang Natutuhan Mo?

◻ Papaano ipinakita ang katarungan ng Diyos sa kongregasyon ng Israel at sa kongregasyong Kristiyano?

◻ Bakit dapat nating tularan ang awa ng Diyos, bukod sa kaniyang katarungan?

◻ Ano ang nagbigay-daan sa tatlong ilustrasyon sa Lucas kabanata 15, at anong mga aralin ang dapat ituro nito sa atin?

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang kapatagan ng er-Raha sa harap ng Bundok Sinai (kaliwa sa gawing likuran)

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Garo Nalbandian

[Picture Credit Line sa pahina 18]

Garo Nalbandian

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share