Magkaisa sa Pamamagitan ng Dalisay na Wika
“Kung magkagayon, akin ngang sasaulian ang mga bayan ng dalisay na wika, upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.”—ZEFANIAS 3:9.
1. Narinig na ba ng mga tao na nagsalita ang Diyos na Jehova?
ANG wika ng Diyos na Jehova ay dalisay. Subalit siya ba’y narinig na ng mga tao na magsalita? Aba, oo! Iyan ay nangyari nang ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo ay nasa lupa 19 na siglo na ngayon ang nakalipas. Halimbawa, nang si Jesus ay bautismuhan, ang Diyos ay narinig na nagsabi: “Ito ang aking sinisintang Anak, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:13-17) Iyan ay isang pangungusap ng dalisay na katotohanan, na narinig ni Jesus at ni Juan Bautista sa wika ng mga tao.
2. Ano ang ipinakikita ng pagkabanggit ni apostol Pablo na “ang mga wika ng . . . mga anghel”?
2 Mga ilang taon pagkaraan binanggit ng Kristiyanong apostol Pablo “ang mga wika ng mga tao at ng mga anghel.” (1 Corinto 13:1) Ano ang ipinakikita ito? Aba, ipinakikita nito na hindi lamang mga tao kundi pati mga personang espiritu ay may wika at nakapagsasalita! Mangyari pa, ang Diyos at ang mga anghel ay hindi nakikipag-usap sa isa’t isa sa pamamagitan ng paggamit ng mga tinig at wika na naririnig at nauunawaan natin. Bakit hindi? Sapagkat isang kapaligiran na gaya ng nakapalibot sa lupa ang kinakailangan upang mapalaganap ang mga alon ng tunog ng boses na maaaring marinig at maunawaan ng mga tao.
3. Papaano nagsimula ang wika ng tao?
3 Papaano nagsimula ang wika ng tao? Sinasabi ng iba na ang ating mga ninuno ay nagpunyagi na makipagtalastasan sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga pag-ungol at paghalinghing. Ang sabi ng aklat na Evolution (Life Nature Library): “Ang isang taong bakulaw noong mga isang milyong taon na ngayon ang nakalipas . . . ay posibleng nakapagsaulo ng ilang tunog sa pagsasalita.” Subalit ang kilalang lexicograpong si Ludwig Koehler ay nagsabi: “Ang pagsasalita ng tao ay isang lihim; ito ay isang banal na kaloob, isang himala.” Oo, ang wika ng tao ay isang banal na kaloob, sapagkat ang Diyos ang nagbigay sa unang tao, si Adan, ng isang wika. Maliwanag na ito ang sa wakas tinawag na Hebreo. Ang wikang iyan ang ginamit ng Israelitang mga inapo ni “Abram na Hebreo,” isang tapat na patriarkang ang ninunong si Sem ay isang anak ng tagapagtayo ng daong na si Noe. (Genesis 11:10-26; 14:13; 17:3-6) Dahilan sa makahulang pagpapala ng Diyos kay Sem, makatuwirang manghinuha na ang kaniyang wika ay hindi naapektuhan ng bagay na makahimalang ginawa ng Diyos na Jehova 43 siglo na ngayon ang nakalipas.—Genesis 9:26.
4. Sino si Nimrod, at papaano siya ginamit ni Satanas na Diyablo?
4 Nang panahong iyon ‘ang buong lupa ay iisa ang wika at iisa ang salita.’ (Genesis 11:1) Noon ay nabubuhay ang taong si Nimrod, “isang makapangyarihang mangangaso na salungat kay Jehova.” (Genesis 10:8, 9) Ang di-nakikitang pusakal na kaaway ng tao, si Satanas, ay si Nimrod ang pangunahing ginamit upang itayo ang makalupang bahagi ng organisasyon ng Diyablo. Nais ni Nimrod na siya’y mapatanyag, at ang gayong mapagmataas na saloobin ay lumaganap sa kaniyang mga tagasunod, na naglunsad ng isang pantanging proyekto ng pagtatayo sa lupain ng Sinar. Sang-ayon sa Genesis kabanata 11, talatang 4, sinabi nila: “Halikayo! Magtayo tayo ng isang lunsod natin at ng isang moog na ang taluktok niyaon ay aabot hanggang sa langit, at gumawa tayo ng isang tanyag na pangalan para sa ating sarili, baka tayo mangalat sa ibabaw ng buong lupa.” Ang proyektong iyon na salungat sa utos ng Diyos na “kalatan ang lupa” ay natapos nang guluhin ni Jehova ang wika ng mga rebelde. “Kaya,” iniulat ng Bibliya, “pinanabog sila ni Jehova sa ibabaw ng buong lupa, at kanilang unti-unting iniwan ang pagtatayo ng lunsod.” (Genesis 9:1; 11:2-9) Ang lunsod na iyon ay pinanganlang Babel, o Babilonya (nangangahulugan, “Pagkakagulo”), “sapagkat doon ay ginulo ni Jehova ang wika ng buong lupa.”—Byington.
5. (a) Ano ang nahadlangan nang guluhin ng Diyos ang wika ng tao? (b) Ano ang masasabi tungkol sa wika ni Noe at ni Sem?
5 Ang himalang iyan—na gumulo sa kaisa-isang wika ng tao—ay humantong sa iniutos ng Diyos kay Noe na punuin ang lupa, at hinadlangan niyan ang anumang plano ni Satanas na magtatag ng nagkakaisang karumal-dumal na pagsamba sa kaniya ng mga tao na nagrebelde sa Soberanong Panginoon ng langit at lupa. Totoo, sa pamamagitan ng pagsunod sa anumang anyo ng huwad na relihiyon, ang mga tao ay mga biktima ng Diyablo, at sila’y naglilingkod sa mga demonyo nang sila’y gumawa ng mga diyos at mga diyosa, bigyan nila ito ng mga pangalan sa kani-kanilang iba’t ibang wika, at sinamba nila. (1 Corinto 10:20) Subalit ang ginawa ng tanging tunay na Diyos sa Babel ang humadlang sa pagkabuo ng isang nagkakaisang huwad na relihiyon na nagbibigay sa Diyablo ng pagsamba na kaniyang maliwanag na hinahangad. Mangyari pa, ang matuwid na si Noe at ang kaniyang anak na si Sem ay hindi naparamay sa pagkakagulong iyon sa lupain ng Sinar. Kaya makatuwirang masasabi na ang kanilang wika ay nanatiling yaong kaisa-isa na ginamit ng tapat na si Abram (o Abraham)—ang wika na ginamit ng Diyos sa pakikipag-usap sa taong si Adan sa halamanan ng Eden.
6. Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., papaano ipinakita ni Jehova na siya’y makapagbibigay ng kakayahan na magsalita ng mga wika?
6 Si Jehova, na gumulo sa orihinal na wika ng tao, ay makapagkakaloob din ng kakayahan na magsalita ng mga wika. Oo, iyang-iyan ang ginawa niya noong araw ng Pentecostes ng taóng 33 ng ating Panlahatang Panahon! Sang-ayon sa Gawa 2:1-11, mga 120 tagasunod ni Jesu-Kristo ang noon ay nagkakatipon sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. (Gawa 1:13, 15) Biglang-bigla, nagkaroon ng ugong buhat sa langit na “gaya ng isang humahagibis na hanging malakas.” “Mga dilang kawangis ng apoy” ang nakita at nagkabaha-bahagi. At ang mga alagad ay “napuspos ng banal na espiritu at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob ng espiritu na kanilang salitain.” Sa pamamagitan ng ipinagkaloob ng Diyos na mga wikang iyon, sila’y nagsalita “tungkol sa maririlag na mga bagay ng Diyos.” At anong laking himala iyon, samantalang mga Judio at mga proselita na may iba’t ibang wika, buhat sa pagkalalayong lugar na gaya baga ng Mesopotamia, Ehipto, Libya, at Roma, ang nakaunawa ng pabalitang nagbibigay-buhay!
Isang Bigay-Diyos na Wika Ngayon!
7. Ano ang mga maaasahan kung isa lamang wika ang gagamitin at mauunawaan sa buong daigdig?
7 Yamang ang Diyos ay makahimalang nakapagkakaloob ng iba’t ibang wika, hindi ba magiging kamangha-mangha kung kaniyang pangyayarihin na isa lamang wika ang gamitin at maunawaan sa buong daigdig? Iyan ay magdudulot ng lalong malaking pagkakaunawaan sa sangkatauhan. Ganito ang pagkasabi sa The World Book Encyclopedia: “Kung lahat ng mga bayan ay may iisang wika, ang pangkultura at pangkabuhayang mga ugnayan ay magiging lalong malapit, at magkakaroon ng lalong mabuting ugnayan sa pagitan ng mga bansa.” Bueno, sa lumipas na mga taon ay binanggit na may humigit-kumulang 600 wika sa buong daigdig. Dito, ang Esperanto ang nagkaroon ng pinakamalaking impluwensiya sapagkat mga 10,000,000 katao ang natuto nito sapol nang ito’y likhain noong taóng 1887. Gayunman, ang pagsisikap ng tao na pagkaisahin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng isang pandaigdig na wika ay hindi kailanman nagtagumpay. Sa katunayan, parami nang paraming suliranin ang sanhi ng pagkakabaha-bahagi sa daigdig na ito habang ‘ang balakyot na mga tao ay lalong nagpapakasama.’—2 Timoteo 3:13.
8. Kahit na isang pandaigdig na wika ang ginagamit sa daigdig sa ngayon, ano ang iiral pa rin, at bakit?
8 Kung relihiyon ang pag-uusapan, umiiral ang malaking kaguluhan. Ngunit hindi ba ganito ang dapat nating asahan, yamang sa Bibliya sa aklat ng Apocalipsis ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ay tinatawag na “Babilonyang Dakila”? (Apocalipsis 18:2) Oo, sapagkat ang ibig sabihin ng “Babilonya” ay “Pagkakagulo.” Kahit na kung isang artipisyal na wika o isang katutubong wika na gaya baga ng Ingles, Pranses, Aleman, o Ruso ang ginagamit bilang isang pandaigdig na wika sa daigdig ngayon, ang di-pagkakaisa ay iiral pa rin sa relihiyon at sa mga iba pa. Bakit? Sapagkat “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng isang balakyot,” si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Siya ang mismong larawan ng pag-iimbot, at buong-kasakimang hinahangad niya na siya’y sambahin ng lahat ng tao, gaya ng kaniyang ginawa noong mga kaarawan ni Nimrod at ng Tore ng Babel. Oo, ang isang pandaigdig na wika na ginagamit ng makasalanang mga tao ay makapagbibigay pa kay Satanas ng pagkakataon na magtayo ng isang nagkakaisang pagsamba sa Diyablo! Ngunit kailanman ay hindi papayagan iyan ni Jehova; ang totoo nga, kaylapit-lapit nang wakasan niya ang lahat ng huwad na relihiyon, na kinasihan ng Diyablo.
9. Papaano pinagkakaisa ngayon ang mga tao ng lahat ng bansa at lahi?
9 Datapuwat, ang isang kagila-gilalas na pangyayari ay na pinagkakaisa sa mismong sandaling ito ang mabubuting tao ng lahat ng bansa at lahi. Ito’y nagaganap batay sa mga kondisyon na ibinibigay ng Diyos at alang-alang sa pagsamba sa kaniya. Sa ngayon, pinapangyayari ng Diyos na ang mga tao ay matuto at magsalita ng tanging dalisay na wika sa lupa. At ito talaga ay isang pandaigdig na wika. Tunay nga, ang dalisay na wikang ito ay itinuturo ng Diyos na Jehova sa maraming tao buhat sa lahat ng bansa sa lupa ngayon. Ito ay katuparan ng inihulang pangako ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang propeta at saksing si Zefanias: “Kung magkagayon, akin ngang sasaulian ang mga bayan ng dalisay na wika [sa literal, “isang malinis na labi”], upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.” (Zefanias 3:9) Ano ba itong dalisay na wika?
Ang Ibig Sabihin ng Dalisay na Wika
10. Ano ba ang dalisay na wika?
10 Ang dalisay na wika ay ang katotohanan ng Diyos na masusumpungan sa kaniyang sariling salita, ang Banal na Kasulatan. Ito lalo na ang katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos, na magdadala ng kapayapaan at iba pang mga pagpapala sa sangkatauhan. Sa dalisay na wika ay wala na nga ang maling mga turo ng relihiyon at ang huwad na pagsamba. Lahat ng nagsasalita nito ay pinagkakaisa nito sa dalisay, malinis, kaaya-ayang pagsamba sa buháy at tunay na Diyos, si Jehova. Sa ngayon, mga 3,000 wika ang nagiging isang hadlang sa pang-unawa, at daan-daang huwad na mga relihiyon ang lumilito sa tao. Kaya kaylaki ng ating kagalakan na isinasauli ng Diyos sa mga bayan ang kahanga-hangang dalisay na wikang ito!
11. Ano ang nagawa ng dalisay na wika para sa mga tao ng lahat ng bansa at lahi?
11 Oo, ang mga tao sa lahat ng bansa at lahi ay nagpapakadalubhasa sa dalisay na wika. Bilang ang tanging espirituwal at dalisay na salita sa lupa, ito’y nagsisilbing isang mabisang puwersa sa pagkakaisa. Pinapangyayari nito na lahat ng nagsasalita nito ay “makatawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan,” o sa literal, “nang may isang balikat.” Sila kung gayon ay naglilingkod sa Diyos “na may iisang pagsang-ayon,” “na may iisang pagsang-ayon ng lahat at isang nagkakaisang balikat.” (The New English Bible; The Amplified Bible) Ang salin ni Steven T.Byington ay kababasahan: “Pagkatapos ako [si Jehovang Diyos] ang maglilinis sa mga labi ng lahat ng mga tao, upang sila’y makatawag na lahat sa pangalan ni Jehova at mangagkatulungan sa paglilingkod sa kaniya.” Ang ganiyang pambuong-daigdig na pagtutulungan ng mga may iba’t ibang wika sa paglilingkod sa Diyos ay umiiral tangi lamang sa gitna ng mga Saksi ni Jehova. Sa 212 bansa ngayon, mahigit na apat na milyon ng mga tagapagbalitang ito ng Kaharian ang nangangaral ng mabuting balita sa maraming wika ng tao. Gayunman, ang mga Saksi ay “nagsasalita nang may pagkakaisa” at sila’y may “lubos na pagkakaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Corinto 1:10) Ito’y dahilan sa saanman sila naroroon sa lupa, lahat ng mga Saksi ni Jehova ay nagsasalita ng isang dalisay na wika, sa ikapupuri at sa ikaluluwalhati ng kanilang makalangit na Ama.
Matuto ng Dalisay na Wika Ngayon!
12, 13. (a) Bakit ka dapat mabahala tungkol sa pagsasalita ng dalisay na wika? (b) Bakit ang mga salita sa Zefanias 3:8, 9 ay lubhang mahalaga ngayon?
12 Bakit ka dapat mabahala tungkol sa pagsasalita ng dalisay na wika? Unang-una, sapagkat ang iyong buhay ay depende sa pagkatuto at pagsasalita nito. Kahit na bago ipinangako ng Diyos na kaniyang “sasaulian ang mga bayan ng dalisay na wika,” siya’y nagbabala: “ ‘Hintayin ninyo ako,’ sabi ni Jehova, ‘hanggang sa kaarawan na ako’y bumangon sa panghuhuli, sapagkat ang aking ipinasiya ay pisanin ang mga bansa, upang aking matipong sama-sama ang mga kaharian, upang maibuhos ko sa kanila ang aking galit, lahat ng aking mabangis na galit; sapagkat ang buong lupa ay sasakmalin ng silakbo ng aking paninibugho.’ ”—Zefanias 3:8.
13 Ang mga salitang iyon ng Soberanong Panginoong Jehova ay unang sinalita 26 na siglo na ngayon ang nakalipas sa Juda, na ang kabisera ay ang Jerusalem. Subalit ang pangungusap na iyan ay lalong higit na ukol sa ating kaarawan sapagkat ang Jerusalem ay isang tipo ng Sangkakristiyanuhan. At ang ating panahon, sapol nang itatag noong 1914 ang makalangit na Kaharian ng Diyos, ang araw ni Jehova para sa pagtitipon sa mga bansa at pagpipisan sa mga kaharian. Kaniyang tinipon silang lahat upang kaniyang mabigyang-pansin sa pamamagitan ng isang dakilang gawaing pagpapatotoo. Sa kabilang panig, ito’y pumukaw sa kanila sa pagsalansang sa kaniyang layunin. Gayunman, ang mga tao buhat sa lahat ng mga bansang ito ay maawaing pinapangyayari ng Diyos na Jehova na magkaisa-isa sa pagsasalita ng dalisay na wika. Sa pamamagitan nito, lahat ng naghahanap ng buhay sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan ay makapaglilingkod sa kaniya nang may pagkakaisa bago ang lahat ng bansa ay matupok sa maapoy na pagbubuhos ng galit ng Diyos sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” na karaniwang tinatawag na Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16; 2 Pedro 3:13) Nakagagalak naman, yaong mga nagsasalita ng dalisay na wika at tumatawag sa pangalan ni Jehova nang may pananampalataya bilang nagkakaisa sa tunay na pagsamba ay magtatamasa ng proteksiyon ng Diyos sa kainitan ng kapahamakang iyan ng sanlibutan. Sila’y ililigtas ng Diyos tungo sa bagong sanlibutan, na kung saan tanging ang dalisay na wika ang sa wakas mamumutawi sa labi ng lahat ng tao.
14. Sa pamamagitan ni Zefanias, papaano ipinakita ng Diyos na upang makaligtas sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay ay kailangang agad-agad kumilos?
14 Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Zefanias, niliwanag ni Jehova na ang mga umaasang makaligtas sa katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay ay kailangang agad-agad kumilos. Sang-ayon sa Zefanias 2:1-3, sinasabi ng Diyos: “Kayo’y magpipisan, oo, gumawa kayo ng pagpipisan-pisan, Oh bansang hindi tinatablan ng kahihiyan. Bago magbunga ng ano pa man ang batas, bago dumaang parang dayami ang araw na iyon, bago dumating sa inyo ang mabangis na galit ni Jehova, bago dumating sa inyo ang araw ng galit ni Jehova, hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsigawa ng ayon sa Kaniyang sariling ipinasiyang kahatulan. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaipala ay makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”
15. (a) Ano ang unang katuparan ng Zefanias 2:1-3? (b) Sino ang nakaligtas nang isagawa ng Diyos ang inihatol sa Juda, at ano ang katulad ng pagkaligtas na ito sa ating kaarawan?
15 Ang mga salitang iyon ay nagkaroon ng unang katuparan sa sinaunang Juda at Jerusalem. Ang makasalanang mga tao sa Juda ay hindi tumugon nang naaayon sa panawagan ng Diyos, gaya ng ipinakikita ng kaniyang pagsasagawa ng inihatol sa kanila sa kamay ng mga taga-Babilonya noong taóng 607 B.C.E. Kung papaanong ang Juda ang “bansang hindi tinatablan ng kahihiyan” sa harap ng Diyos, gayon ang Sangkakristiyanuhan ay naging isang “bansang” walang kahihiyan sa harap ni Jehova. Gayunman, dahilan sa pakikinig sa salita ng Diyos, ang ibang mga taga-Juda at ang iba pa ay nangakaligtas, kabilang sa kanila ang tapat na propeta ni Jehova na si Jeremias. Ang iba pang nangakaligtas ay isang Etiopeng nagngangalang Ebed-melek at ang mga inapo ni Jehonadab. (Jeremias 35:18, 19; 39:11, 12, 16-18) Katulad din ngayon, “isang malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ni Jesus na tinipon buhat sa lahat ng mga bansa ang makaliligtas sa Armagedon tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Apocalipsis 7:9; Juan 10:14-16) Tanging yaon lamang natuto at nagsasalita ng dalisay na wika ang makaliligtas na taglay ang kagalakan.
16. Ano ang kailangang gawin ng isang tao upang makubli “sa araw ng galit ni Jehova”?
16 Kung papaanong iniutos ng batas ni Jehova na ang Juda at Jerusalem ay dapat na malipol, ganoon kailangang malipol ang Sangkakristiyanuhan. Oo, ang pagkapuksa ng lahat ng huwad na relihiyon ay malapit na, at yaong mga naghahangad makaligtas ay kailangang kumilos agad-agad. Kailangang gawin nila iyan ‘bago ang araw ay dumaang parang dayami,’ na agad inililipad ng hangin, tulad ng kung ang ipa ay itinatahip sa hangin sa isang giikan. Upang maligtas sa galit ng Diyos, tayo’y kailangang magsalita ng dalisay na wika at tumugon sa babala ng Diyos bago dumating sa atin ang araw ng mabangis na galit ni Jehova. Noong kaarawan ni Zefanias at sa ngayon, ang mga maaamo ay humahanap sa Diyos na Jehova, taglay ang katuwiran at kaamuan. Ang paghanap kay Jehova ay nangangahulugan ng pag-ibig sa kaniya nang ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. (Marcos 12:29 ,30) “Kaipala [yaong mga gumagawa nang gayon] ay makukubli sa araw ng galit ni Jehova.” Subalit bakit sinasabi ng hula na “kaipala”? Sapagkat ang kaligtasan ay depende sa katapatan at pagtitiis. (Mateo 24:13) Yaong mga sumusunod sa matuwid na pamantayan ng Diyos at patuloy na nagsasalita ng dalisay na wika ay makukubli sa araw ng galit ni Jehova.
17. Anong mga tanong ang natitira pa para ating isaalang-alang?
17 Yamang ang araw ng galit ni Jehova ay malapit na at ang kaligtasan ay depende sa pagkatuto at paggamit ng dalisay na wika, ngayon ang panahon na kailangang puspusang mag-aral at magsalita nito. Subalit papaano matututuhan ng isang tao ang dalisay na wika? At papaano ka makikinabang sa pagsasalita nito?
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano nagsimula ang wika ng tao?
◻ Ano ba ang dalisay na wika?
◻ Bakit ang mga salita sa Zefanias 3:8, 9 ay lubhang mahalaga ngayon?
◻ Ano ang kailangan nating gawin upang makubli “sa araw ng galit ni Jehova”?
[Larawan sa pahina 10]
Sa Babel, pinanabog ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng paggulo sa kanilang wika