Magsalita ng Dalisay na Wika at Mabuhay Magpakailanman!
“Hanapin ninyo si Jehova . . . Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaipala ay makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”—ZEFANIAS 2:3.
1. (a) Anong mga paraan ang ginagamit ng mga mag-aarál upang matuto ng isang wikang banyaga? (b) Bakit kailangang magsalita ng dalisay ng wika?
ANG mga mag-aarál ay maaaring matuto ng isang bagong wika sa pamamagitan ng paggamit ng paraang pambalarila o ng paraang pagsasalita-ng-wika. Sa paraang pambalarila, karaniwan nang sila’y gumagamit ng mga aklat-aralan at natututo ng mga alituntunin sa balarila. Sa paraang pagsasalita-ng-wika, kanilang ginagaya ang tunog at parisang mga salita na ginagamit ng kanilang guro. Ang mga paraan ay kapuwa magagamit sa pagkatuto ng “dalisay na wika.” At kailangang tayo’y magsalita ng wikang ito kung tayo’y umaasang “makukubli sa araw ng galit ni Jehova.”—Zefanias 2:1-3; 3:8, 9.
2. Papaano tayo matututo ng matatawag na mga alituntunin ng balarila ukol sa dalisay na wika?
2 Ang pangunahing aklat-aralan na ginagamit upang matuto ng dalisay na wika ay ang Bibliya. Ang masigasig na pag-aaral nito at ng mga publikasyong salig-sa-Bibliya ay nagtuturo sa iyo ng tinatawag na mga alituntunin ng balarila para sa dalisay na wika. Ang isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya na idinaraos ng isa sa mga Saksi ni Jehova ay mabuting pasimula. Para sa mga nag-alay na sa Diyos, ang palagian at masigasig na pag-aaral ng Kasulatan ay kailangan. Subalit mayroon bang natatanging epektibong mga paraan upang matutuhan ang dalisay na wika? At anong mga pakinabang ang resulta ng pagsasalita niyaon?
Kung Papaano Matututo ng Dalisay na Wika
3. Ano ang isang pamamaraan upang matuto ng dalisay na wika?
3 Ang isang pamamaraan upang matuto ng dalisay na wika ay ang pag-uugnay ng mga katotohanang iyong natututuhan at ng mga punto na alam mo na, kung papaanong pasulong na pinag-uugnay-ugnay ng isang mag-aarál ng wika ang sarisaring mga alituntunin sa balarila. Halimbawa, dati nang alam mo na si Jesu-Kristo ay Anak ng Diyos, ngunit bahagya lamang ang alam mo tungkol sa kaniyang mga tungkulin. Mula noon, sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya ay natutuhan mo na si Kristo’y nagpupunò na ngayon bilang isang makalangit na Hari at sa kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari, ang masunuring sangkatauhan ay pauunlarin tungo sa kasakdalan. (Apocalipsis 20:5, 6) Oo, ang pag-uugnay ng mga bagong kaisipan at ng mga kaisipang alam mo na ay nagpapalawak ng iyong kaalaman sa dalisay na wika.
4. (a) Ano ang isa pang pamamaraan upang matuto ng mga ‘alituntunin ng balarila’ ng dalisay na wika, at anong ulat sa Bibliya ang ginagamit upang ipaghalimbawa ito? (b) Ano ang nangyari nang si Gideon at ang kaniyang tatlong daang lalaki ay kumilos na? (c) Ang ulat tungkol kay Gideon ay nagtuturo ng anong aralin?
4 Ang isa pang pamamaraan upang matuto ng mga ‘alituntunin ng balarila’ ng dalisay na wika ay ang ilarawan sa isip ang mga pangyayari sa Bibliya. Bilang halimbawa: Sa pangyayaring iniuulat sa Hukom 7:15-23 subukin mong ‘magmasid at makinig.’ Tingnan mo! Ang kaniyang mga kawal ay hinati-hati ng Israelitang Hukom na si Gideon sa tatlong pangkat na tig-iisang daang lalaki. Sa kadiliman, sila’y tahimik na lumabas sa Bundok Gilboa at pinalibutan ang kampamento ng natutulog na mga Midianita. Nasasangkapan ba sila ng mahuhusay na armas, ang tatlong daang ito? Hindi, kung sa mga armas ng hukbo. Oo, sila’y tutuyain at tatawanan ng hambog na mga kawal ng militar! Bawat lalaki ay mayroon lamang isang pakakak, isang malaking banga ng tubig, at isang sulô sa loob ng banga. Ngunit pakinggan mo! Sa isang hudyat, ang isang daang lalaking kasama ni Gideon ay humihip ng kanilang mga pakakak at binasag ang kanilang mga banga ng tubig. Ganoon din ang ginawa ng dalawang daan pa na kasama nila. Kasabay ng pagtataas nilang lahat ng nagniningas na mga sulô, maririnig mo ang kanilang sigawan: “Ang tabak ni Jehova at ni Gideon!” Kaylaking pangingilabot ang nagawa nito sa mga Midianita! Sila’y pupungas-pungas na nagsilabas sa kanilang mga tolda, ang kanilang mga matang hayok pa sa tulog ay nandididilat dahil sa takot sa pagkakita ng lumalaganap na mga apoy na nagpatingkad na lalo sa mga anino at nagpaalab ng pamahiin at takot. Samantalang nagsisimulang tumakas ang mga Midianita, ang mga tauhan naman ni Gideon ay patuloy na humihihip ng kanilang mga pakakak, at ang kanilang mga kaaway ay pinaglaban-laban ng Diyos. Kaytindi ng araling iyon sa dalisay na wika! Maililigtas ng Diyos ang kaniyang mga lingkod kahit walang sandatahang lakas ng tao. At, “hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan alang-alang sa kaniyang dakilang pangalan.”—1 Samuel 12:22.
5. Papaanong ang mga pulong Kristiyano ay makatutulong upang dalisayin ang ating pananalita?
5 Pagka ang mga mag-aarál ay tinuturuan ng isang wikang banyaga sa pamamagitan ng paraang pagsasalita-ng-wika, kanilang sinisikap na ulitin nang tama ang mga tunog at parisán ng mga salita na itinuturo ng guro. Kay-inam ang mga pagkakataon sa mga pulong Kristiyano upang doon ay salitain ang dalisay na wika! Doon ay ating maririnig ang iba sa pagpapahayag ng kanilang sarili sa wikang iyon ng katotohanan sa Kasulatan, at tayo’y maaaring magkapribilehiyo na magkomento rin. Tayo ba’y natatakot na baka tayo makapagsalita ng isang bagay na mali? Huwag hayaan na iyan ang maging pangunahing ikinababahala natin, sapagkat ang isang pagkakamali na may kabaitang itinutuwid ng matanda na nangunguna sa gayong pulong na gaya baga ng lingguhang Pag-aaral sa Bantayan ay makatutulong upang dalisayin ang ating pananalita. Kung gayon, dumalo at makibahagi nang palagian sa mga pulong Kristiyano.—Hebreo 10:24, 25.
Nakasalingit ang mga Dumi
6. Bakit may napakalaking pagkakaiba ang mga Saksi ni Jehova at ang mga organisasyong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan?
6 Ang mga naghahayag ng layunin ni Jehova at nagbabalita ng kaniyang makalangit na Kaharian ay nagsasalita ng dalisay na wika bilang kaniyang mga Saksi. Kanilang ipinakikilala ang kaniyang pangalan at naglilingkod sa kaniya “nang balikatan,” o nang may pagkakaisa. (Zefanias 3:9) Bagaman ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay may Bibliya, sila’y hindi nagsasalita ng dalisay na wika o tumatawag man sa pangalan ng Diyos nang may pananampalataya. (Joel 2:32) Sila’y walang nagkakasuwatong mensahe na nakasalig sa Kasulatan. Bakit? Sapagkat ang relihiyosong mga tradisyon, makasanlibutang mga pilosopya, at pagtataguyod sa pulitika ang iniuuna nila sa Salita ng Diyos. Ang kanilang mga layunin, pag-asa, at mga paraan ay bahagi ng balakyot na sanlibutang ito.
7. Anong mga pagkakaiba ng mga Saksi ni Jehova at ng huwad na mga relihiyon ang tinutukoy sa 1 Juan 4:4-6?
7 Ang Sangkakristiyanuhan—sa katunayan, ang buong daigdig ng imperyo ng huwad na relihiyon—ay hindi nagsasalita ng iisang wika na sinasalita ng mga Saksi ni Jehova. Kapana-panabik, sa mga nagsasalita ng dalisay na wika, si apostol Juan ay sumulat: “Kayo’y sa Diyos, . . . at inyong dinaig sila, sapagkat siyang kaisa ninyo ay lalong dakila kaysa kaniya na kaisa ng sanlibutan. Sila’y sa sanlibutan; kaya naman sila nagsasalita ng nanggagaling sa sanlibutan at ang sanlibutan ay nakikinig sa kanila. Tayo’y sa Diyos. Ang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa atin; ang hindi sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin.” (1 Juan 4:4-6) Dinaig ng mga lingkod ni Jehova ang mga bulaang guro sapagkat ang Diyos, na kaisa ng kaniyang bayan, “ay lalong dakila kaysa [Diyablo, na] kaisa ng sanlibutan,” ang di-matuwid na lipunan ng tao. Yamang ang mga apostata ay “sa sanlibutan” at taglay ang balakyot na espiritu nito, “sila’y nagsasalita ng nanggagaling sa sanlibutan at ang sanlibutan ay nakikinig sa kanila.” Subalit ang tulad-tupang mga tao ay nakikinig sa mga nasa panig ng Diyos, sa pagkatanto na ang bayan ni Jehova ang nagsasalita ng dalisay na wika ng katotohanan ng Bibliya na inilaan sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon.
8. Ano ang pagkakakilanlan sa taong tampalasan?
8 Inihula ang isang malaganap na apostasya, at ang isang ‘hiwaga ng katampalasanan’ ay gumagawa na noong unang siglo C.E. Sa paglakad ng panahon, mga taong tumanggap—o umagaw—ng mga puwesto sa pagtuturo sa kongregasyon ang nagturo ng maraming doktrinang walang katotohanan. Ang kanilang wika ay malayo sa pagkadalisay. Kaya may bumangon na isang maramihang-bahaging “taong tampalasan,” ang klero ng Sangkakristiyanuhan, na nakagapos sa mga tradisyon ng huwad na relihiyon, makasanlibutang mga pilosopya, at mga turo na hindi maka-Kasulatan.—2 Tesalonica 2:3, 7.
Ang Dalisay na Wika ay Narinig sa Buong Daigdig
9. Ano ang mga pangyayari sa relihiyon noong ika-19 na siglo?
9 Tanging isang maliit na bilang ng mga taong may takot sa Diyos ang ‘puspusang nakipaglaban ukol sa pananampalatayang ibinigay sa mga banal.’ (Judas 3) Saan masusumpungan ang gayong mga mananampalataya? Sa loob ng mga daan-daang taon, ang karamihan ng mga tao ay pinamalagi ng huwad na relihiyon sa espirituwal na kadiliman, ngunit alam ng Diyos kung sino ang ilan na mayroon ng kaniyang pagsang-ayon. (2 Timoteo 2:19) Pagkatapos, sa gitna ng mga pagbabago noong ika-19 na siglo sa komersiyo, sa industriya, at sa lipunan, may bumangong mga tinig na nangibabaw sa pangkaraniwang babel ng nagkakagulong huwad na relihiyon. May mga maliliit na grupong sumubok na basahin ang palatandaan ng panahon at hulaan ang ikalawang pagparito ni Jesus, subalit hindi lahat ay nagsalita ng dalisay na wika.
10. Aling grupo na nagtataguyod ng “ikalawang pagparito” ang pinili ng Diyos upang magsalita ng dalisay na wika, at bakit maliwanag na ang kamay ni Jehova ay sumasakanila?
10 Gayunman, noong 1879, ay nagliwanag kung aling tinig na nagtataguyod ng “ikalawang pagparito” ang pinipili ni Jehova upang magsalita ng dalisay na wika bilang kaniyang mga Saksi. Noon ay isang maliit na grupo sa pag-aaral sa Bibliya na pinangungunahan ni Charles Taze Russell ang nagtitipon sa Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A. Kanilang natiyak na ang ikalawang pagparito ni Jesus ang pasimula ng kaniyang di-nakikitang presensiya (pagkanaririto), na isang panahon ng kahirapan sa daigdig ang dumarating, at na ito’y susundan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo na magsasauli ng Paraiso sa lupa, taglay ang buhay na walang-hanggan para sa masunuring mga tao. Noong Hulyo 1879 ang mga Estudyante ng Bibliya ay nagsimula ng paglalathala ng magasin na ngayo’y kilala bilang Ang Bantayan. Sa unang labas ay 6,000 lamang na mga kopya ang ipinamahagi. Subalit, “ang kamay ni Jehova” ay sumusubaybay sa mga Saksing iyon, sapagkat ang magasing ito ay inilalathala na ngayon sa 111 wika, na ang pamantayang nililimbag ay mahigit na 15,000,000 para sa bawat labas.—Ihambing ang Gawa 11:19-21.
11, 12. Ano ang ilan sa mga katotohanan ng Kasulatan na nauunawaan ng mga nagsasalita ng dalisay na wika?
11 Sa pamamagitan ng Bibliya at ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, lalo na sa pamamagitan ng masigasig na paghahayag ng mga Kristiyano ng mabuting balitang ito, ang dalisay na wika ay nakilala sa buong lupa. At kaydakilang mga kapakinabangan ang tinatamasa ng mga nagsasalita nito! Sa halip na sabihing ‘ang Diyos ay Diyos, si Kristo ay Diyos, at ang Espiritu Santo ay Diyos’ sa mahiwagang diyalekto ng Trinitaryanismo, sila’y sumasang-ayon sa itinuturo ng Bibliya na si Jehova ang Kataas-taasan, si Jesu-Kristo na isang nakabababa ay Kaniyang Anak, at ang banal na espiritu ang kamangha-manghang aktibong puwersa ng Diyos. (Genesis 1:2; Awit 83:18; Mateo 3:16, 17) Ang mga nagsasalita ng dalisay na wika ay nakababatid na ang tao ay hindi bunga ng ebolusyon buhat sa nakabababang anyo ng buhay kundi nilalang ng isang maibiging Diyos. (Genesis 1:27; 2:7) Kanilang natatanto na ang kaluluwa ay hindi na umiiral pagkamatay—isang katotohanan na nag-aalis ng takot sa mga patay. (Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4) Ang impiyerno ang karaniwang libingan ng sangkatauhan sa pagkaunawa nila, hindi isang dako ng maapoy na pagpaparusa na ginawa ng isang napakalupit na diyos. (Job 14:13) Batid din nila na ang pagkabuhay-muli ang bigay-Diyos na pag-asa ng mga patay.—Juan 5:28, 29; 11:25; Gawa 24:15.
12 Yaong mga nagsasalita ng dalisay na wika ay nagpapakita ng paggalang sa dugo at sa buhay. (Genesis 9:3, 4; Gawa 15:28, 29) Batid nila na ang makalupang buhay ni Jesus ang haing pantubos na ibinayad para sa masunuring mga tao. (Mateo 20:28; 1 Juan 2:1, 2) Sila’y hindi nananalangin sa “mga santo,” palibhasa’y alam nila na ang kanilang mga panalangin ay kailangang maipahatid sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Juan 14:6, 13, 14) Yamang hinahatulan ng Salita ng Diyos ang idolatriya, sila’y hindi gumagamit ng mga imahen sa kanilang pagsamba. (Exodo 20:4-6; 1 Corinto 10:14) At sila’y umiiwas sa mga panganib ng demonismo sapagkat kanilang tinatanggihan ang espiritismo, na hinahatulan din sa Bibliya.—Deuteronomio 18:10-12; Galacia 5:19-21.
13. Bakit yaong mga nagsasalita ng dalisay na wika ay hindi naguguluhan?
13 Ang mga lingkod ni Jehova, na nagsasalita ng dalisay na wika, ay hindi naguguluhan tungkol sa kung nasaan na sila sa agos ng panahon. Sila’y tinuruan ni Jehova na sila ay nasa “panahon ng kawakasan,” at si Jesus ay naririto na bilang isang maluwalhating di-nakikitang espiritu. (Daniel 12:4; Mateo 24:3-14; 2 Timoteo 3:1-5; 1 Pedro 3:18) Samantalang makapangyarihang makalangit na mga hukbo ang nasa likuran niya, si Kristo ay halos sasakay na lamang patungo sa labanan upang isagawa ang inihatol ng Diyos laban sa sistemang ito ng mga bagay. (Daniel 2:44; Apocalipsis 16:14, 16; 18:1-8; 19:11-21) Oo, at yaong mga nagsasalita ng dalisay na wika ay abala ng paghahayag ng mabuting balita na ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ang malapit nang magdala ng dakilang mga pagpapala sa lahat ng masunuring tao sa isang lupang paraiso. (Isaias 9:6, 7; Daniel 7:13, 14; Mateo 6:9, 10; 24:14; Lucas 23:43) Lahat na iyan, at nahapaw lamang natin ang ibabaw! Tiyak, ang dalisay na wika ang pinakamayaman, pinakamahalagang wika sa lupa!
14. Ano ang iba pang mga pakinabang na tinatamasa ng mga nagsasalita ng dalisay na wika?
14 Sa pinakapakinabang na tinatamasa niyaong mga nagsasalita ng dalisay na wika ay kasali “ang kapayapaan ng Diyos” na nag-iingat sa mga puso at mga pag-iisip. (Filipos 4:6, 7) Sila’y sumusunod sa mga kautusan ng Bibliya, na nagdudulot ng kalusugan, kaligayahan, at ng kasiyahan na nanggagaling sa pagbibigay-lugod kay Jehova. (1 Corinto 6:9, 10) Oo, at ang mga nagsasalita ng dalisay na wika ay may pag-asang buhay na walang-hanggan sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos.—2 Pedro 3:13.
Gamitin Ito o Iwala Ito
15. Papaano ka makikinabang sa isang mainam na unawa sa dalisay na wika?
15 Kung nais mong gamitin ang dalisay na wika sa bagong sanlibutan, kailangang alam na alam mo ito na anupa’t ito ang wika na ginagamit mo sa pag-iisíp. Pagka ang isang tao ay nag-aaral ng isang wika, sa simula’y nag-iisip siya sa kaniyang katutubong wika at isinasalin ang kaniyang mga kaisipan sa bagong wika. Subalit habang siya’y nagiging mahusay sa bagong wika, siya’y nagsisimulang mag-isip sa wikang iyon na hindi na nangangailangang isalin pa. Sa katulad na paraan, sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral, ikaw ay makakakuha ng gayong mainam na unawa sa dalisay na wika na anupa’t malalaman mo kung papaano ikakapit ang mga kautusan at mga simulain sa Bibliya upang lutasin ang mga suliranin na naroroon pa sa “landas ng buhay.”—Awit 16:11.
16. Ano ang maaaring mangyari kung hindi mo palagiang gagamitin ang dalisay na wika?
16 Kailangang gamitin mong palagian ang dalisay na wika, o kung hindi ay maiwawala mo ang kakayahan na salitain ito nang may kahusayan. Bilang halimbawa: Mga taon na ang nakalipas, ang iba sa atin ay natuto ng isang wikang banyaga. Maaaring maalaala pa natin ang ilang salita sa wikang iyon ngunit malamang na hindi na natin gaanong kabisado iyon dahil sa hindi natin palaging ginagamit. Ganiyan din ang maaaring mangyari sa dalisay na wika. Kung hindi natin palagiang gagamitin, maaaring hindi na natin maging kabisado iyon, at iyan ay hahantong sa malungkot na ibubunga sa ating espirituwalidad. Kaya salitain natin itong palagian sa mga pulong at sa ministeryong Kristiyano. Ang mga gawaing ito, kalakip ng personal na pag-aaral, ay tutulong sa atin sa tamang pagsasalita ng mga bagay-bagay sa dalisay na wika. At anong pagkahala-halaga nga iyan!
17. Anong halimbawa ang nagpapakita na ang pagsasalita ay maaaring maging tagapagligtas-buhay o nagdudulot-kamatayan?
17 Ang pagsasalita ay maaaring maging tagapagligtas-buhay o nagdudulot-kamatayan. Ito’y ipinakita sa isang pag-aalitan ng tribong Israelita ng Efraim at ni Hukom Jephte ng Galaad (Gilead). Upang makilala kung sino ang mga Efraimita na tumatakas patungo sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan, ang mga taga-Galaad ay gumamit ng hudyat na “Shibboleth,” na ang tunog ng unang dalawang letra ay “sh.” Ang mga lalaki ng Efraim ay nakilala ng taga-Galaad na mga bantay sa mga katubigan ng Jordan sa kanilang pagsasabi ng “Sibboleth” sa halip na “Shibboleth,” anupa’t mali ang bigkas nila sa nauunang tunog ng dalawang letra ng salita. Ang resulta, 42,000 Efraimita ang napaslang! (Hukom 12:5, 6) Sa katulad na paraan, ang tunog na itinuturo ng klero ng Sangkakristiyanuhan ay marahil malapit sa tunog ng dalisay na wika sa mga hindi gaanong maalam sa katotohanan ng Bibliya. Subalit ang pagsasalita ayon sa paraan ng huwad na relihiyon ay magdadala ng kamatayan sa araw ng galit ni Jehova.
Tayo’y Nananatiling Nagkakaisa
18, 19. Ano ang kahulugan ng Zefanias 3:1-5?
18 Ang tinutukoy ay ang di-tapat na Jerusalem noong una at ang kaniyang modernong kahalintulad, ang Sangkakristiyanuhan, sinasabi ng Zefanias 3:1-5: “Sa aba niya na mapanghimagsik at nadumhan, ang bayang mapang-api! Siya’y hindi nakinig sa isang tinig; siya’y hindi tumanggap ng disiplina. Kay Jehova’y hindi siya nagtiwala. Siya’y hindi lumapit sa kaniyang Diyos. Ang kaniyang mga prinsipe sa gitna niya ay mga leong umuungal. Ang kaniyang mga hukom ay mga lobo sa gabi na walang inilalabi hanggang sa kinaumagahan. Ang kaniyang mga propeta ay magagaspang, mga taong taksil. Nilapastangan ng kaniyang mga saserdote ang santuwaryo; sila’y gumawa ng karahasan sa kautusan. Si Jehova ay matuwid sa gitna niya; siya’y hindi gumagawa ng kasamaan. Tuwing umaga’y kaniyang patuloy na ibinibigay ang kaniyang sariling makatarungang kahatulan. Sa maghapong araw ay hindi ito nagkukulang. Ngunit ang di-matuwid ay walang nakikilalang kahihiyan.” Ano ba ang kahulugan ng mga salitang iyan?
19 Ang sinaunang Jerusalem at modernong-panahong Sangkakristiyanuhan ay kapuwa naghimagsik kay Jehova at dinumhan ang kanilang sarili ng huwad na pagsamba. Ang masamang gawa ng kanilang mga pinunò ay nagbunga ng pang-aapi. Sa kabila ng paulit-ulit na mga babala ng Diyos, sila’y hindi nakinig at nagsilapit sa kaniya. Ang kanilang mga prinsipe ay naging mistulang masasakim na mga leon, mga arogante na nagwalang-bahala sa katuwiran. Tulad ng dayukdok na mga lobo, ang katarungan ay pinagpilas-pilas ng kanilang mga hukom. Ang kanilang mga saserdote ang ‘lumapastangan sa santuwaryo at gumawa ng karahasan sa kautusan’ ng Diyos. Kaya si Jehova ay halos kikilos na lamang ‘upang pisanin ang mga bansa at tipuning sama-sama ang mga kaharian, upang maibuhos sa kanila ang kaniyang galit, lahat ng kaniyang mabangis na galit.’—Zefanias 3:8.
20. (a) Ano ang kailangang gawin upang makaligtas sa araw ng galit ni Jehova? (b) Papaano ka makaaasang magtatamasa ng walang-hanggang mga pagpapala mula sa Diyos?
20 Ang araw ng galit ni Jehova ay mabilis na dumarating. Samakatuwid, upang makaligtas tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos, huwag nang ipagpaliban pa ang pagkatuto at pagsasalita ng dalisay na wika. Tanging sa paggawa ng ganiyan makasusumpong ka ng kaligtasan buhat sa espirituwal na kapahamakan ngayon at buhat sa mabilis-na-dumarating na pambuong-lupang kasakunaan. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagbabalita ng araw ng galit ng Diyos at ng nakapagpapasayang balita ng kaniyang Kaharian. Kaylaki ng kanilang kaluguran na magsalita tungkol sa kaluwalhatian ng kaniyang paghahari! (Awit 145:10-13) Kayo’y makipagkaisa sa kanila, at kayo’y makaaasang magtatamasa ng buhay na walang-hanggan at ng iba pang mga pagpapala buhat sa Pinagmulan ng dalisay na wika, ang Soberanong Panginoong Jehova.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang ilan sa mga pamamaraan upang matuto ng dalisay na wika?
◻ Bakit kapaki-pakinabang na magsalita ng dalisay na wika?
◻ Ano ang maaaring mangyari kung hindi mo ginagamit nang palagian ang dalisay na wika?
◻ Papaano makaliligtas ang isang tao sa araw ng galit ni Jehova at magtatamasa ng walang-hanggang mga pagpapala?
[Larawan sa pahina 16]
Si Gideon at ang kaniyang mga tauhan ay humihip ng kanilang mga pakakak at itinaas ang kanilang mga sulô
[Larawan sa pahina 18]
Mula noong 1879 patuloy na nagliwanag na si Charles Taze Russell at ang kaniyang mga kasamahan ang ginagamit ng Diyos upang mapalaganap ang dalisay na wika
[Mga larawan sa pahina 20]
Ikaw ba ay kaisa ng mga Saksi ni Jehova sa pagsasalita ng dalisay na wika?