Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 6/1 p. 4-6
  • Ang Bibliya—Ito Ba’y Galing sa Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Bibliya—Ito Ba’y Galing sa Diyos?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Lamang Kasaysayan
  • Ang Ating Pananagutan
  • Ang Bibliya Ba’y Talagang Nagmula sa Diyos?
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Bakit Babasahin ang Bibliya?
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • Bibliya—Ano Ito?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Tamang mga Turo na Nakalulugod sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 6/1 p. 4-6

Ang Bibliya​—Ito Ba’y Galing sa Diyos?

SI Jehova, isang Diyos ng walang-hanggang kapangyarihan at kapamahalaan, ay tunay na may karapatan ngang makipagtalastasan sa kaniyang mga taong nilalang sa anumang paraan na ibig niya. Kung ang nais niya’y makipagtalastasan sa pamamagitan ng nasusulat na salita, kailangan din na maingatan niya ang kaniyang pasabi sa buong nalakaran ng panahon. Ito ba’y masasabi tungkol sa Bibliya?

Mga 1,500 taon bago naparito si Kristo, nang magsimula ang pagsulat sa Bibliya, may marami pang ibang kasulatang relihiyoso na umiiral. Gayunman, lahat na ito ay dumating sa punto na ito’y hindi na ginamit at sa wakas ay tuluyang nawala na. Ang iba ay nahukay ng mga arkeologo at ngayon ay mga bagay na lamang na naka-exhibit sa mga museo. Sa kabilang dako, ang mga bahagi ng Bibliya na isinulat noong mahigit na tatlong libong taon na ngayon ang nakalipas ay hindi kailanman nakalimutan, at may mga kopya na umiiral pa hanggang ngayon. Ito ay kapansin-pansin, lalo na kung isasaalang-alang ang pagkapoot laban sa Bibliya sa buong nalakarang kasaysayan. Wala nang ibang aklat pa na naging biktima ng mahigpit na pananalansang at pagkapoot. Ang pagbabasa o pamamahagi ng Bibliya ay pinarurusahan ng pagmumulta, pagkabilanggo, pagpapahirap, at kalimitan kamatayan.

Papaanong ang isang hamak na aklat ay patuloy na makaiiral sa ilalim ng ganiyang mga kalagayan? Ang Bibliya mismo ang nagsasabi sa atin: “Ang salita ni Jehova ay nananatili magpakailanman.” (1 Pedro 1:25) Ang patuluyang pag-iral at hindi pagkasira ng Bibliya ay tumutulong upang makilalang ito ang banal na Salita ng Diyos.

Isa pa, makatuwirang asahan natin na ang pasabi ng Diyos sa sangkatauhan ay masusumpungan saanman sa buong daigdig. Ganito ba ang masasabi tungkol sa Bibliya? Tunay na gayon nga! Walang ibang aklat sa kasaysayan ang makakaparis ng Bibliya sa bagay na ito. Tinataya na ang sirkulasyon ng Bibliya ay umabot na sa 3,000,000,000. Isa pa, wala nang ibang aklat na isinalin sa napakaraming mga wika. Ang Bibliya ay mababasa na ngayon, buo man o ang ilang bahagi lamang, sa mahigit na 1,900 iba’t ibang wika. Ang American Bible Society ay nag-uulat na sa ngayon ay makukuha na ito ng 98 porsiyento ng populasyon ng daigdig. Binanggit ng The New Encyclopædia Britannica na ang Bibliya “marahil ang pinakamaimpluwensiyang kalipunan ng mga aklat sa kasaysayan ng tao.” Kung gayon, hindi isang kapalaluan na tukuyin ito na pinakadakilang aklat sa mundo.

Ang panloob na pagkakasuwato ng Bibliya mula sa pasimula hanggang sa katapusan ay sa ganang sarili isang makapangyarihang ebidensiya na ito nga ay kinasihan ng Diyos. Makatotohanan ba na asahang ang mga isinulat ng mga 40 iba’t ibang mga tao sa loob ng 1,600 taon ay magiging magkakasuwato at may isang pangunahing tema? Ito’y imposible kung hahayaan lamang iyon sa pagkakataon o sa basta patnubay ng tao. Subalit, totoo ito sa 66 na aklat ng Bibliya. Tanging isang mas mataas sa tao, na may walang-hanggang talino ang makagagawa ng gayong pambihirang produksiyon.

Hindi Lamang Kasaysayan

Ang makasaysayang nilalaman ng Bibliya ay kapansin-pansin. Subalit ang isang mensahe mula sa Diyos na binubuo lamang ng makasaysayang impormasyon ay magiging limitado ang kahalagahan sa atin. Kailangan natin ang patnubay at praktikal na karunungan, at ang gayon ay masusumpungan din sa Bibliya. Halimbawa, tayo’y hinihimok ng Bibliya na paunlarin ang “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili”​—mga paksang may malawak na saklaw sa kabuuan ng mga pahina nito. (Galacia 5:22, 23; Colosas 3:12-14) Ipinapayo ng Bibliya ang pagiging masipag, malinis, matapat, tapat sa kabiyak, magalang at nagmamahal sa kapuwa; at ito’y may malaking kabang-yaman ng payo tungkol sa dapat igawi ng bawat isa sa loob ng sambahayan at sa komunidad.

Pagka ikinapit, ang payo ng Bibliya ay talagang mapapakinabangan. Tayo’y pinalalaya nito buhat sa kawalang-muwang at pamahiin. (Juan 8:32) Ang praktikal na karunungan nito ay hindi mapapantayan. Oo, taglay nito, walang alinlangan, ang banal na karunungan.

Ang pag-aangkin na “ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa ang lakas” ay lubusang kasuwato sa paraan ng kung papaano aktuwal na pinagbabago ng Bibliya ang mga tao. (Hebreo 4:12) Angaw-angaw ngayon ang nakapanaig na sa masasamang kaugalian ng pagkatao at nagbago na ng kanilang dating masamang lakad ukol sa ikabubuti bilang resulta ng pagsunod sa mga pamantayan ng Bibliya.​—Efeso 4:22.

Ano ang nangyayari pagka ang mga pamantayan ng Bibliya ay ipinagwalang-bahala? Ang resulta ay kalungkutan at kaabahan, digmaan, karalitaan, mga sakit na bunga ng pagtatalik, at watak-watak na mga sambahayan. Ang ganiyan ay tanging maaasahan sapagkat ang pagwawalang-bahala sa Banal na Bibliya ay nangangahulugan ng pagtanggi sa patnubay ng Diyos, na lumikha sa tao at nakaaalam sa kaniyang pangangailangan.

Ang Bibliya ay humuhula rin tungkol sa hinaharap, isang bagay na hindi magagawa ng mga tao. Ang pagbangon ng mga pandaigdig na kapangyarihan mula sa Babilonya sa loob ng daan-daang taóng lumipas hanggang sa ating sariling kaarawan ay inihula sa Bibliya. (Daniel, kabanata 2, 7, 8) Isa pa, halos dalawang libong taon na ang lumipas, wastong nalalahad sa Bibliya ang mga kalagayan sa daigdig sa ika-20 siglong ito. (Mateo, kabanata 24, 25; Marcos, kabanata 13; Lucas, kabanata 21; 2 Timoteo 3:1-5; 2 Pedro 3:3, 4; Apocalipsis 6:1-8) Ang mahabang pag-uulat ng natupad na mga hula sa Bibliya ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na ang pag-asang makamit ang isang maligayang kinabukasan na inilalahad sa mga pahina nito ay tunay.

Ang Ating Pananagutan

Lahat na ito ay lubusang patotoo na talagang nakipagtalastasan ang Diyos sa mga tao. Totoo, ang kaniyang pasabi ay inihatid sa pamamagitan ng kamay ng di-sakdal na mga tao. Subalit ito ay hindi dahilan upang maniwala na ang Bibliya ay hindi gaanong mapanghahawakan bilang tunay kaysa kung ito’y isang salita-por-salitang pasabi na galing sa Diyos, o ipinahatid sa pamamagitan ng mga anghel, o makahimalang isinulat sa langit at kamayan na iniabot sa mga tao sa lupa.

Gayunman, ang pagkilala na banal, o dibino, ang pinagmulan ng Bibliya ay nagbibigay sa atin ng isang pananagutan. Matuwid naman na asahan ni Jehova na ating babasahin nang palagian ang kaniyang Salita. (Awit 1:1, 2) Upang maging mabunga ang ating pagbabasa ng Bibliya kailangan ang isang tumpak na saloobin. Kailangang isaisip na ang Bibliya ay hindi dapat basahin na para bagang ito ay isa lamang piraso ng literatura. Kailangang basahin ito, “hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito, gaya ng salita ng Diyos.”​—1 Tesalonica 2:13.

Ang ilang mga bagay sa Bibliya ay maaaring mahirap maunawaan. Ngunit sa pamamagitan ng madalas na pagbabasa, ang isang tao ay lumalago ang unawa at nagkakaroon ng isang lalong hustong pagkaunawa sa kalooban ng Diyos at sa kaniyang mga layunin. (Hebreo 5:14) Marahil ikaw ay hindi pa lubusang kumbinsido na ang Bibliya ang banal na Salita ng Diyos. Subalit, katugma nito, papaano ka makapagpapahayag ng paniniwala o di-paniniwala sa Bibliya kung hindi mo maingat na napag-aralan ito?

Sa kabila ng kawalang-paniwala ngayon tungkol sa banal na pinagmulan nito, ang maingat na pagsisiyasat sa Banal na Bibliya ay nag-udyok sa maraming palaisip na mga tao na bumulalas ayon sa pananalita ni apostol Pablo: “Hayaang masumpungang tapat ang Diyos, bagaman bawat tao ay masumpungang sinungaling”!​—Roma 3:4.

[Graph sa pahina  4]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang Bibliya ay makukuha na ngayon ng 98 porsiyento ng populasyon ng daigdig

Walang ibang aklat sa kasaysayan ang nagkaroon ng sirkulasyon na malapit man lamang sa tinatayang sirkulasyon ng Bibliya na 3,000,000,000. Tinukoy ito ng The New Encyclopædia Britannica na “marahil ang pinakamaimpluwensiyang kalipunan ng mga aklat sa kasaysayan ng tao”

[Mga larawan sa pahina 4]

Ang Bibliya ay naririto pa hanggang ngayon, samantalang ang ibang mga kasulatang relihiyoso ay naging mga hamak na exhibit sa museo

Itaas: Ang Asiryong paglalahad ng Delubyo

Kanan: Mga dasal sa Ehipsiyong diyos na si Ra

[Credit Line]

Kapuwa: Sa kagandahang-loob ng Trustees of The British Museum

[Larawan sa pahina 5]

Bagaman isinulat ng 40 iba’t ibang tao sa isang yugto ng panahon na 1,600 taon, ang Bibliya ay may sinusunod na isang saligang tema mula pasimula hanggang katapusan. Tanging ang isang nakatataas-sa-tao, walang-hanggang talino ang makagagawa ng gayong kahanga-hangang produksiyon

[Larawan sa pahina 5]

Ang pagbangon ng pandaigdig na mga kapangyarihan mula sa Babilonya sa loob ng daan-daang taóng lumipas hanggang sa ating sariling kaarawan ay inihula sa Bibliya. (Daniel 2, 7, 8)

Kanan: Si Cesar Augusto

[Credit Line]

Museo della Civiltà Romana, Roma

[Larawan sa pahina 6]

Halos dalawang libong taon na ang lumipas, tumpak na inihula ng Bibliya ang mga kalagayan sa daigdig ngayon. (Mateo 24, 25; Marcos 13; Lucas 21; 2 Timoteo 3:1-5; 2 Pedro 3:3, 4; Apocalipsis 6:1-8) Ang walang-pagkabisalang pagiging totoo ng hula ng Bibliya ay nagbibigay-katiyakan sa atin na ang pangako ng Diyos na isang lupang paraiso ay tiyak na matutupad

[Credit Line]

Reuters/Bettmann Newsphotos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share