Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 6/1 p. 10-15
  • Ang Espirituwal na mga Maglalasing—Sino Sila?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Espirituwal na mga Maglalasing—Sino Sila?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang mga Maglalasing ng Efraim”
  • ‘Naligaw ang Saserdote at ang Propeta’
  • Espirituwal na mga Maglalasing sa Ngayon
  • “Utos at Utos”
  • Ang Pagtutuos
  • Inihula ni Isaias ang ‘Kakaibang Gawa’ ni Jehova
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
  • Isang Ama at ang Kaniyang Rebelyosong mga Anak
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
  • Ang Kanilang Kanlungan—Isang Kasinungalingan!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Isaias—I
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 6/1 p. 10-15

Ang Espirituwal na mga Maglalasing​—Sino Sila?

“Sa aba ng dakilang putong ng mga maglalasing ng Efraim.”​—ISAIAS 28:1.

1. Ano ang pag-asa ng marami, ngunit ang kanila bang mga pag-asa ay matutupad?

TAYO’Y nabubuhay sa nakapupukaw-damdaming mga panahon. Maraming mga tao ang napupukaw ng madulang mga pagbabagong makapulitika sa buong daigdig at ng pagkakita sa higit pang pagkasangkot ng Nagkakaisang mga Bansa. Noong Disyembre 1989 ang Detroit Free Press ay nagsabi: “Sa pagpasok ng planeta sa dekada ng 1990, ang kapayapaan ay nagsimulang maging kapansin-pansin.” Isang magasing Sobyet ang nag-anunsiyo: “Kami’y naghahandang pandayin ang mga tabak upang maging mga sudsod,” samantalang ang pangkalahatang-kalihim ng Nagkakaisang mga Bansa ay nagpahayag: “Tayo’y wala na sa cold war.” Oo, naging totoong matitindi ang mga pag-asa, at walang alinlangan, ang tanawin ng daigdig ay nagbabago. Kamakailan lamang, ang digmaan sa Gulpo ay nagpakita kung gaano kabilis maaaring maganap ang mga pagbabago. Subalit ito bang kasalukuyang daigdig ay makasasaksi kailanman ng isang panahon ng tunay na kapayapaan at katiwasayan, kasama na ang lahat ng dulot na mga kapakinabangan nito? Ang sagot ay hindi. Ang totoo, isang malubhang krisis ang nagbabanta na yayanig sa daigdig hanggang sa mga saligan nito! Ito ay isang krisis na lubhang kinasasangkutan ng relihiyon.

2. Papaano may katulad sa sinaunang Israel at Juda ang kalagayan sa ngayon?

2 Ang krisis na ito ay inilarawan ng mga pangyayari sa sinaunang Israel at Juda noong ikawalo at ikapitong siglo B.C.E. Kahit na noon, naisip ng mga tao na, marahil nga, kanila nang natamo ang kapayapaan. Subalit ang Diyos, sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, ay nagbabala na ang kanilang pag-asa na kapayapaan ay isang pagkahibang lamang, na mabubunyag sa malapit na hinaharap. Sa katulad na paraan ngayon, sa pamamagitan ng kaniyang mga Saksi ay nagbabala si Jehova sa sangkatauhan na sila’y nadaya kung sila’y umaasang kakamtin ang walang-hangggang kapayapaan sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. Basahin natin ang makahulang babala ni Jehova at alamin kung papaano ito kumakapit sa ngayon. Ito’y masusumpungan sa ika-28 kabanata ng Isaias 28 at isinulat bago sumapit ang 740 B.C.E., malamang na noong mga panahon ng paghahari ng balakyot na si Haring Peka ng Israel at ng suwail na si Haring Ahaz ng Juda.

“Ang mga Maglalasing ng Efraim”

3. Anong nakagigitlang mga salita ang sinabi ni Isaias?

3 Sa talatang 1 ng kabanata 28 Isa 28:1, tayo’y nabigla ng isang nakagigitlang pangungusap: “Sa aba ng dakilang putong ng mga maglalasing ng Efraim, at ng nalalantang bulaklak ng kanilang maningning na kagandahan na nasa ulo ng mabungang libis ng mga nadaraig ng alak!” Kaylaki ng kabiglaanan ng mga Israelita nang marinig nila ang masakit na mga salitang iyan! Sino ba itong “mga maglalasing ng Efraim”? Ano ba ang kanilang “dakilang putong”? At ano ang “ulo ng mabungang libis”? Lalong mahalaga, ano ba ang kahulugan para sa atin ngayon ng mga salitang ito?

4. (a) Ano ba ang Efraim at ang ulo ng mabungang libis? (b) Bakit nadama ng Israel na siya’y panatag na?

4 Yamang ang Efraim ang pinakamalaki sa sampung tribo ng Israel, ang terminong “Efraim” ay tumutukoy kung minsan sa buong kaharian sa hilaga. Kaya ‘ang mga maglalasing ng Efraim’ ay tumutukoy na talaga sa mga maglalasing ng Israel. Ang kabiserang lunsod ng Israel ay Samaria, na naroroon sa isang nakahihigit na kataasan sa pinaka-ulo ng isang mabungang libis. Kaya ang pananalitang “ulo ng mabungang libis” ay tumutukoy sa Samaria. Nang isulat ang mga salitang ito, ang kaharian ng Israel ay totoong masama na kung relihiyon ang pag-uusapan. Isa pa, ito’y pumasok sa isang makapulitikang kasunduan sa Sirya laban sa Juda at ngayo’y nakadarama na siya’y panatag na. (Isaias 7:1-9) Iyan ay halos magbabago na lamang noon. Isang krisis ang napipintong dumating, kung kaya sinalita ni Jehova na iyon ay “sa aba ng dakilang putong ng mga maglalasing ng Efraim.”

5. (a) Ano ba ang dakilang putong ng Israel? (b) Sino ang mga maglalasing ng Efraim?

5 Ano ba ang “dakilang putong”? Ang putong (korona) ay isang simbolo ng maharlikang kapangyarihan. Maliwanag, ang “maharlikang putong” ay yaong katayuan ng Israel bilang isang bukod na kaharian, hiwalay sa Juda. May napipintong mangyari na sisira sa maharlikang kasarinlan ng Israel. Sino, kung gayon, ang “mga maglalasing ng Efraim”? Walang-alinlangan, sila ay literal na mga maglalasing sa Israel, yamang ang Samaria ang pinangyarihan ng malaswang pagsambang pagano. Gayunman, sa Bibliya ay may tinutukoy na isang lalong masamang uri ng kalasingan. Sa Isaias 29:9, ating mababasa: “Sila’y nalasing, ngunit hindi sa alak; sila’y gumiray, ngunit hindi dahil sa nakalalasing na alak.” Ito ay isang espirituwal na pagkalasing, isang karumal-dumal, nakamamatay na pagkalango. Ang mga pinuno ng Israel​—lalung-lalo na ang kaniyang mga pinunong relihiyoso​—​ang malinaw na dumanas ng gayong espirituwal na kalasingan.

6. Ano ang dahilan ng pagkalasing ng sinaunang Israel?

6 Ano ba ang dahilan ng espirituwal na pagkalasing ng sinaunang Israel? Unang-una, iyon ay ang kaniyang pakikipagkasundo na makiisa sa Sirya laban sa Juda, na nagpadama sa mga pinuno ng bansa na sila’y panatag na. Ang espirituwal na pagkalasing na ito ang nakahadlang sa Israel upang huwag makita ang tunay na pangyayari. Tulad ng isang literal na lasing, siya’y naging palaasa na maganda ang mangyayari bagaman walang dahilan na umasa. Isa pa, ipinangangalandakan ng Israel ang kaniyang nakalalasing na pakikipagkasundo sa Sirya, tulad ng isang magandang kuwintas. Subalit, gaya ng sinasabi ni Isaias, iyon ay isang nalalantang kuwintas na hindi na tatagal pa.

7, 8. Sa kabila ng kaniyang nadaramang kapanatagan, ano ang nakatakdang maranasan ng sinaunang Israel?

7 Ito’y idiniriin ni Isaias sa Isa kabanata 28, talatang 2: “Narito! Si Jehova ay may isang makapangyarihan at malakas na sugo. Parang humuhugong na bagyo ng graniso, na manggigibang bagyo, parang umuugong na bagyo ng bumubugsong baha ng tubig, tunay na siya’y gagawa ng isang pagbubuwal sa lupa nang buong lakas.” Sino ba itong “makapangyarihan at malakas na sugo”? Noong panahon ng sinaunang Israel, ito ay ang makapangyarihang Imperyo ng Asirya. Ang malupit, walang-awang kapangyarihang ito ng daigdig ay nakatakdang sumapit sa Israel na parang umuugong na bagyo ng bumubugsong baha ng tubig. Ano ang resulta?

8 Si Isaias ay patuloy na nagsasabi: “Ang dakilang mga putong ng mga maglalasing ng Efraim ay yuyurakan ng mga paa. At ang nalalantang bulaklak ng kaniyang kagandahan na nasa ulo ng mabungang libis ay magiging gaya ng maagang hinog na bunga ng igos bago magtag-init, na, kung nakikita ng tumitingin, samantalang nasa kaniyang kamay pa, kinakain na niya iyon.” (Isaias 28:3, 4) Ang kabiserang lunsod ng Israel, ang Samaria, ay mistulang isang hinog na igos sa Asirya, handa nang pitasin at kanin. Ang tulad-kuwintas na kasunduang pinasukan ng Israel sa Asirya ay yuyurakan. Iyon ay mawawalan ng kabuluhan pagdating ng araw ng pagtutuos. Ang lalong masama, ang kaniyang tulad-putong na kaluwalhatian ng pagsasarili ay madudurog sa ilalim ng mga paa ng kaaway na Asirya. Kaylaking kapahamakan nga!

‘Naligaw ang Saserdote at ang Propeta’

9. Bakit maaari sanang ang Juda ay umasang tatanggap ng lalong mabuting mensahe kay Jehova kaysa tinanggap ng sinaunang Israel?

9 Oo, isang kakila-kilabot na pagtutuos ang naghihintay sa Israel, at gaya ng ibinabala ng Diyos na Jehova, ang pagtutuos na iyon ay dumating noong taóng 740 B.C.E. nang puksain ng Asirya ang Samaria at ang hilagang kaharian ay hindi na umiral bilang isang bansang may kasarinlan. Ang nangyari sa sinaunang Israel ay nagsisilbing isang malagim na babala sa di-tapat na bulaang relihiyon sa ngayon, gaya ng ating makikita. Subalit kumusta naman ang kapatid na kaharian ng Israel sa timog, ang Juda? Noong panahon ni Isaias ang templo ni Jehova ay umaandar pa rin sa Jerusalem, ang kabisera ng Juda. Ang mga saserdote ay gumaganap pa rin doon ng gawain, at ang mga propeta tulad ni Isaias, Oseas, at Mikas ay nagsasalita pa rin noon sa pangalan ni Jehova. Kung gayon, anong mensahe ang taglay ni Jehova para sa Juda?

10, 11. Anong nakasusuklam na kalagayan ang umiral sa Juda?

10 Si Isaias ay nagpapatuloy ng pagsasabi sa atin: “Ang mga ito rin [samakatuwid baga, ang mga saserdote at ang mga propeta ng Jerusalem]​—dahilan sa alak sila’y nangaligaw at dahilan sa nakalalasing na alak sila ay pahapay-hapay. Ang saserdote at ang propeta​—sila’y naligaw dahilan sa nakalalasing na alak.” (Isaias 28:7a) Maliwanag, ang mga pinunong relihiyoso ng Juda ay mga lasing din. Malamang, tulad sa Israel, ang iba ay mga maglalasing sa literal na kahulugan, at kung gayon, ito ay nakahihiya. Ang Kautusan ng Diyos ay espesipikong nagbabawal ng matapang na alak sa mga saserdote pagka sila’y naglilingkod sa templo. (Levitico 10:8-11) Ang literal na pagkalasing sa bahay ng Diyos ay isang nakagigitlang paglabag sa Kautusan ng Diyos.

11 Gayunman, lalong malubha ang espirituwal na pagkalasing sa Juda. Gaya ng Israel na pumasok sa isang kasunduan sa Sirya laban sa Juda, ang Juda rin naman ay humanap ng kapanatagan sa pamamagitan ng pagpasok sa isang kasunduan sa Asirya. (2 Hari 16:5-9) Sa kabila ng pagkanaroroon ng templo ng Diyos at ng kaniyang mga propeta, ang Juda ay naglagak ng pananampalataya sa mga tao gayong ang dapat sana’y kay Jehova siya tumiwala. Bukod dito, pagkatapos na pumasok sa gayong binuong tiwaling kasunduan, ang kaniyang mga pinuno ay naging totoong pabaya gaya ng kanilang lasing sa espirituwal na mga kalapit-bansa sa may hilaga. Ang kanilang gayong iresponsableng inasal ay kinasuklaman ni Jehova.

12. Ano ang naging resulta ng espirituwal na pagkalasing ng Juda?

12 Si Isaias ay nagpapatuloy ng pagsasabi: “Sila’y nalilito dahil sa alak, sila’y nagpapagala-gala dahil sa nakalalasing na alak; sila’y naligaw sa kanilang pangitain, sila’y natitisod sa kanilang paghatol. Sapagkat ang mga hapag mismo ay pawang napuno ng karumal-dumal na suka​—walang dakong wala niyaon.” (Isaias 28:7b, 8) Malamang, sa kanilang pagkalasing, ang iba’y literal na sumuka sa templo. Subalit ang lalong masama pa, ang mga saserdote at ang mga propeta na dapat sanang nagsilbing patnubay tungkol sa relihiyon ay sumuka ng karumal-dumal na pagkaing espirituwal. Bukod dito, maliban sa ilang mga tapat, ang mga paghatol ng mga propeta ay liko, at ang kanilang nakini-kinita ay mga bagay na di-totoo para sa bansa. Parurusahan ni Jehova ang Juda dahil sa ganitong espirituwal na karumihan.

Espirituwal na mga Maglalasing sa Ngayon

13. Anong katulad na kalagayan sa Israel at sa Juda ang umiral noong unang siglo C.E., at anong katulad ang umiiral naman sa ngayon?

13 Ang mga hula ba ni Isaias ay natupad sa sinaunang Israel at sa Juda lamang? Hindi. Si Jesus at si apostol Pablo ay kapuwa sumipi ng kaniyang mga salita tungkol sa espirituwal na pagkalasing at ikinapit iyon sa relihiyosong mga lider noong kapanahunan nila. (Isaias 29:10, 13; Mateo 15:8, 9; Roma 11:8) Sa ngayon din naman, isang kalagayan na katulad noong panahon ni Isaias ang bumangon​—sa panahong ito ay sa Sangkakristiyanuhan, isang pambuong-daigdig na organisasyong relihiyoso na nag-aangking kumakatawan sa Diyos. Sa halip na manindigang matatag sa katotohanan at umasa kay Jehova, ang kaniyang pananampalataya ay inilagak ng Sangkakristiyanuhan, Katoliko at Protestante, sa sanlibutan. Kaya naman siya’y gigiray-giray na pahapay-hapay, tulad ng mga maglalasing ng Israel at Juda. Ang espirituwal na mga maglalasing ng sinaunang mga bansang iyon ay lumalarawan sa espirituwal na mga lider ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon. Tingnan natin kung papaano totoong-totoo ito.

14. Papaanong ang relihiyosong mga lider ng Sangkakristiyanuhan ay lasing na katulad ng mga lider ng sinaunang Samaria at Jerusalem?

14 Tulad ng Samaria at ng Jerusalem, ang Sangkakristiyanuhan ay uminom ng maraming alak ng makapulitikang mga kasunduan. Noong 1919 kabilang siya sa pangunahing mga promotor ng Liga ng mga Bansa. Bagaman sinabi ni Jesus na ang mga Kristiyano ay hindi bahagi ng sanlibutan, ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan ay nagpapaunlad ng kaugnayan sa makapulitikang mga lider. (Juan 17:14-16) Ang makasagisag na alak ng gayong gawain ay nagpapasigla sa klero. (Ihambing ang Apocalipsis 17:4.) Sila’y natutuwa na kumunsulta sa kanila ang mga pulitiko at makisalamuha sa mga dakilang tao ng sanlibutang ito. Ang resulta, sila’y walang maibigay na tunay na patnubay sa espirituwal. Sila’y sumusuka ng karumal-dumal na mga bagay imbes na magsalita ng dalisay na wika ng katotohanan. (Zefanias 3:9) Ngayong nanlalabo na ang kanilang pangitain at sila’y nalilito, sila’y hindi maaasahang mga tagaakay sa tao.​—Mateo 15:14.

“Utos at Utos”

15, 16. Papaano tumugon sa babala ni Isaias ang mga tao noong panahon niya?

15 Noong ikawalong siglo B.C.E., inilantad ni Isaias ang maling hakbang ng espirituwal na mga lider ng Juda lalo na. Papaano sila tumugon? Kanilang kinapootan iyon! Nang magpatuloy si Isaias ng pagbabalita ng mga babala ng Diyos, ang relihiyosong mga lider ay tumugon: “Kanino siya magtuturo ng kaalaman, at kanino niya ipauunawa ang balita? Sila bang nangalayo sa gatas, silang iniwalay sa suso?” (Isaias 28:9) Oo, naisip baga ni Isaias na siya’y sa maliliit na sanggol nakikipag-usap? Ang relihiyosong mga lider ng Jerusalem ay may palagay na sila’y mga taong may gulang na, lubusang makapagpapasiya para sa kanilang sarili. Hindi na kailangang sila’y makinig pa sa nangungulit na mga paalaala ni Isaias.

16 Ginawang biro pa nga ng mga relihiyonistang iyon ang gawain ni Isaias na pangangaral. Nakababagot na inulit-ulit nila sa kaniya: “Sapagkat ‘utos at utos, utos at utos, bilin at bilin, bilin at bilin, kaunti rito, kaunti roon.’ ” (Isaias 28:10) ‘Si Isaias ay totoong maulit,’ ang sabi nila. ‘Laging sinasabi niya: “Ganito ang utos ni Jehova! Ganito ang utos ni Jehova! Ito ang pamantayan ni Jehova! Ito ang pamantayan ni Jehova!” ’ Sa orihinal na Hebreo, ang Isaias 28:10 ay isang paulit-ulit na pagtutugma, sa halip na katulad ng pagtutugma ng isang batang nag-aaral pa lamang sa nursery. At ganiyan ang turing ng relihiyosong mga lider sa propeta, maulit at parang bata.

17. Papaano tumutugon ang marami may kaugnayan sa babalang pabalita ng mga Saksi ni Jehova?

17 Noong unang siglo C.E., ang pangangaral ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ay kung pakikinggan paulit-ulit din at simpleng-simple. Ang mga tagasunod ni Jesus ay itinuring ng relihiyosong mga pinunong Judio bilang mga isinumpa, mga simpleng probinsiyano, mga taong walang mataas na pinag-aralan at pangkaraniwan. (Juan 7:47-49; Gawa 4:13) Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay kadalasan nang ganiyan din ang pagkakilala sa kanila. Sila’y hindi nakapag-aral sa mga seminaryo ng Sangkakristiyanuhan, at hindi sila gumagamit ng matatayog-pakinggang mga titulo o ng teolohikong mga termino gaya ng ginagamit ng klero. Kaya sila’y minamata-mata lamang ng mga matataas sa Sangkakristiyanuhan, ginuguniguni na sila’y dapat makaalam ng kanilang dako at higit na igalang ang mga pinunong relihiyosong ito.

18. Ano ang hindi nakikita sa ngayon ng mga pinunong relihiyoso?

18 Gayunman, may isang bagay na hindi nakikita ang mga pinunong relihiyosong iyon. Bagaman ang mga dakilang tao noong kaarawan ni Isaias ay tumanggi sa kaniyang pabalita, katotohanan ang kaniyang sinasabi, at natupad ang kaniyang mga ibinabala! Katulad din sa ngayon, ang mga babalang ibinibigay ng mga Saksi ni Jehova ay totoo, matatag na nakasalig sa Salita ng Diyos na katotohanan, ang Bibliya. (Juan 17:17) Kaya naman, ang mga ito ay matutupad.

Ang Pagtutuos

19. Papaano napilitan ang Juda na makinig sa mga banyagang utal magsalita ng wika?

19 Sa Isaias 28:11, ating mababasa: “Sapagkat sa pamamagitan ng mga taong utal magsalita at may naiibang wika siya’y magsasalita sa bayang ito.” Ang pagtuturo ni Isaias ay sa pandinig ng Juda tulad ng kadadaldal ng isang banyaga. Bagaman ang Juda ay nakaligtas sa panganib na nilikha ng Asirya sa Israel, pagsapit ng panahon si Jehova ay gumawa na ng pagkilos laban sa Juda sa pamamagitan ng isa pang banyaga, si Nabucodonosor. (Jeremias 5:15-17) Sa mga Hebreong iyon ang wikang Babiloniko ay marahas at utal kung pakinggan. Subalit sila’y napilitang makinig doon nang ang Jerusalem at ang templo ay wasakin noong 607 B.C.E. at ang mga tao roon ay ipinatapon sa Babilonya. Sa katulad na paraan sa ngayon, sa malapit na hinaharap ang Sangkakristiyanuhan ay kailangang parusahan sapagkat, tulad ng sinaunang Juda, kaniyang ipinagwalang-bahala ang mga payo ni Jehova.

20, 21. Ano ang walang-patid na inihahayag ng mga Saksi ni Jehova, ngunit ano ang tinatanggihang gawin ng mga lider ng Sangkakristiyanuhan?

20 Tungkol sa mga katulad nila ang hula ay nagsasabi: “Sa mga pinagsabihan niya: ‘Ito ang dakong-pahingahan. Pagpahingahin ninyo ang pagód. At ito ang dako ng kaginhawahan,’ subalit hindi nila pinakinggan. At sa kanila ang salita ni Jehova ay magiging ‘utos at utos, utos at utos, bilin at bilin, bilin at bilin, kaunti rito, kaunti roon,’ upang sila’y humayo at matisod at mabuwal at magkawatak-watak at masilo at mahuli.”​—Isaias 28:12, 13.

21 Walang patid, gaya ni Isaias na nagsalita ng pasabi ng Diyos, inihahayag ng mga Saksi ni Jehova sa Sangkakristiyanuhan na siya’y dapat maglagak ng pag-asa sa salita ni Jehova. Subalit siya’y tumatangging makinig. Sa kaniya, ang mga Saksi ay waring nagdadadaldal sa wikang banyaga. Sila’y nagsasalita ng isang wika na hindi niya maunawaan. Ang Sangkakristiyanuhan ay tumatangging magbigay ng kapahingahan sa pagód sa pamamagitan ng pagbabalita tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa bagong sanlibutan na darating. Bagkus, siya’y lasing sa alak ng kaniyang kaugnayan sa sanlibutang ito. Mas ibig niya na tangkilikin ang pulitikal na mga solusyon sa mga suliranin ng sangkatauhan. Katulad ng mga Judio noong kaarawan ni Jesus, hindi niya hinanap ang Kahariang dakong-kapahingahan, at hindi niya ibabalita sa iba ang tungkol dito.​—Mateo 23:13.

22. Ano ang tahasang ipinatatalastas ni Jehova sa mga lider ng Sangkakristiyanuhan?

22 Sa gayon, ang makahulang mga salita ni Isaias ay nagbibigay sa klero ng tahasang patalastas na si Jehova ay hindi laging magsasalita sa pamamagitan ng Kaniyang di-nakapipinsalang mga Saksi. Hindi na magtatagal, ipatutupad ni Jehova ang kaniyang “utos at utos, bilin at bilin,” at ang resulta ay kapahamakan para sa Sangkakristiyanuhan. Ang kaniyang mga relihiyosong lider at ang kanilang mga kawan ay ‘magkakawatak-watak at masisilo at mahuhuli.’ Oo, katulad ng Jerusalem noong una, ang relihiyosong pamamalakad ng Sangkakristiyanuhan ay lubusang wawasakin. Anong nakagigitla, di-inaasahang pangyayari ang magaganap! At anong kakila-kilabot na resulta ang kahihinatnan sapagkat ang pinili ng klero ay espirituwal na kalasingan imbes na ang mga paalaala ni Jehova!

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Sino ang mga maglalasing ng Efraim, at ano ang sanhi ng kanilang pagkalasing?

◻ Papaanong ang dakilang mga putong ng mga maglalasing ng Efraim ay yuyurakan?

◻ Anong nakahihiyang kalagayan sa Juda ang ibinunyag ni Isaias?

◻ Saan sa ngayon makikita natin ang espirituwal na pagkalasing?

◻ Bakit ang Sangkakristiyanuhan ay dapat magbigay ng pansin sa nangyari sa sinaunang bansa ng Juda?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share