Buháy Pa ba ang Pagsamba sa Inang-Diyosa?
ANG pagsamba sa inang-diyosa ay ginagawa pa rin noong mga kaarawan ng sinaunang mga Kristiyano. Ito’y nasaksihan ni Pablo sa Efeso sa Asia Minor. Tulad sa Atenas, na isa pang siyudad na sumasamba sa diyosa, siya’y nagpatotoo sa “Diyos na gumawa ng sanlibutan,” ang buháy na Maylikha, na hindi “katulad ng ginto o ng pilak o ng bato, na nilikha ng sining at pakana ng tao.” Ito’y labis-labis na para payagan ng mga taga-Efeso, na karamihan sa kanila’y sumasamba sa inang-diyosang si Artemis. Yaong mga taong ang hanapbuhay ay pagtatayo ng mga pilak na bahay-sambahan ng diyosa ang nanghikayat upang magpasok ng kaguluhan. Sa loob ng may dalawang oras, ang pulutong ay nagsigawan: “Dakila si Artemis ng Efeso!”—Gawa 17:24, 29; 19:26, 34.
Si Artemis ng Efeso
Ang mga Griego ay sumasamba rin sa isang Artemis subalit ang Artemis na sinasamba sa Efeso ay bahagya lamang ang pagkakatulad sa kaniya. Si Artemis ng mga Griego ay isang birheng diyosa ng pangangaso at panganganak. Si Artemis ng Efeso ay diyosa ng pag-aanak. Ang kaniyang pagkalaki-laking templo sa Efeso ay itinuturing na isa sa pitong kababalaghan ng daigdig. Ang kaniyang istatuwa, na pinaniniwalaang hulog ng langit, ay kumakatawan sa kaniya bilang isang sagisag ng pag-aanak, ang kaniyang dibdib ay natatakpan ng hile-hilerang hugis-itlog na mga suso. Ang kakatuwang hubog ng mga susong ito ay nagbangon ng sarisaring paliwanag, na ang mga ito raw ay kumakatawan sa mistulang mga kuwintas na itlog o sa mga itlog ng toro. Anuman ang paliwanag, malinaw na nagpapahiwatig ito ng simbulo ng pag-aanak.
Interesanteng malaman, sang-ayon sa The New Encyclopædia Britannica, ang orihinal na istatuwa ng diyosang ito “ay yari sa ginto, ébano, pilak, at batong itim.” Isang kilalang istatuwa ni Artemis ng Efeso, na ang petsa’y mula nang ikalawang siglo C.E., ang nagpapakita na siya’y may maitim na mukha, mga kamay, at mga paa.
Ang rebulto ni Artemis ay inilibot sa mga kalye. Ang iskolar ng Bibliya na si R. B. Rackham ay sumulat: “Sa loob ng templo [ni Artemis] ay naroroon ang kaniyang . . . mga rebulto, dambana, at sagradong mga kasangkapan, gawa sa ginto at pilak, na sa dakilang kapistahan ay dinadala sa siyudad at ibinabalik-muli sa pamamagitan ng isang maningning na prusisyon.” Sa mga kapistahang ito ay naakit ang daan-daang libong mga peregrino buhat sa buong Asia Minor. Sila’y namilí ng mumunting dambana ng diyosa at pinagpugayan siya bilang isang dakila, ang kanilang ginang, ang reyna, ang birhen, “isang nakikinig at tumatanggap sa mga panalangin.” Sa gayong mga kapaligiran, kinailangang magpakalakas-loob si Pablo at ang mga sinaunang Kristiyano upang mapuri “ang Diyos na gumawa ng sanlibutan,” imbes na ang mga diyos at mga diyosa na yari sa “ginto o pilak o bato.”
Mula sa Inang-Diyosa Hanggang sa “Ina ng Diyos”
Sa matatanda ng kongregasyong Kristiyano ng Efeso inilahad ni apostol Pablo ang hula tungkol sa isang apostasya. Siya’y nagbabala na babangon ang mga apostata at magsasalita ng “pinilipit na mga bagay.” (Gawa 20:17, 28-30) Kabilang sa lagi nang nakaabang na mga panganib sa Efeso ay ang panunumbalik sa pagsamba sa inang-diyosa. Ito ba’y tunay na nangyari?
Ating mababasa sa New Catholic Encyclopedia: “Bilang isang sentro ng mga peregrino, ang Efeso ay itinuturing na ang lugar na pinaglibingan kay Juan [ang apostol]. . . . Isa pang tradisyon, na nasaksihan ng Konsilyo ng Efeso (431), ang nag-uugnay sa Pinagpalang Birheng Maria kay San Juan. Ang basilica na kung saan ginanap ang Konsilyo ay tinatawag na Simbahan ni Maria.” Sa isa pang reperensiyang Katoliko (Théo—Nouvelle encyclopédie catholique) ay tinutukoy ang “tila mapaniniwalaang tradisyon” na si Maria’y sumama kay Juan sa Efeso, na kung saan kaniyang ginugol ang nalalabing bahagi ng kaniyang buhay. Bakit ang ipinapalagay na kaugnayang ito ng Efeso at ni Maria ay mahalaga sa atin ngayon?
Hayaang sumagot ang The New Encyclopædia Britannica: “Ang pagsamba sa ina ng Diyos ay lalong sumigla nang ang Iglesiya Kristiyana ang naging relihiyon ng imperyo sa ilalim ni Constantino at ang mga masang pagano ay humugos sa simbahan. . . . Ang kanilang debosyon at pagkarelihiyoso ay nabuo sa loob ng libu-libong taon sa pamamagitan ng kulto ng ‘dakilang inang’ diyosa at ng ‘mahal na birhen,’ na umunlad mula pa nang umiral ang matandang popular na mga relihiyon ng Babilonia at Asirya.” Hindi ba wala nang higit na mabuting dako kundi ang Efeso para sa “Kristiyanisasyon” ng pagsamba sa inang-diyosa?
Samakatuwid, sa Efeso, noong 431 C.E., ipinahayag ng diumano’y ikatlong konsilyong ekumenikal na si Maria ay “Theotokos,” isang salitang Griego na nangangahulugang “Tagapagdalantao-sa-Diyos,” o “Ina ng Diyos.” Ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang paggamit ng Simbahan sa titulong ito ay walang-alinlangang siyang tumulong para sa paglago ng doktrina ni Maria at ng debosyon sa kaniya noong lumipas na mga siglo.”
Ang mga kaguhuan ng “Simbahan ng Birheng Maria,” na doon nagpulong ang konsilyong ito, ay makikita pa rin ngayon sa lugar na kinaroonan ng naunang Efeso. Maaari ring dalawin ang isang kapilya, na ayon sa tradisyon, ay yaong bahay na tinirhan at kinamatayan ni Maria. Ang mga dambana rito ni Maria sa Efeso ay dinalaw ni Papa Paulo VI noong 1967.
Oo, ang Efeso ang pinaka-sentro para sa pagpapasok ng mga pagbabago sa paganong pagsamba sa inang-diyosa, gaya ng nasaksihan ni Pablo noong unang siglo, tungo sa matinding debosyon kay Maria bilang “Ina ng Diyos.” Higit sa lahat ay ang debosyon kay Maria ang tumulong upang ang pagsamba sa inang-diyosa ay makapanatili sa mga lupain ng Sangkakristiyanuhan.
Buháy Pa ang Pagsamba sa Inang-Diyosa
Sa Encyclopædia of Religion and Ethics ang iskolar ng Bibliya na si W. M. Ramsay ay binabanggit na nangangatuwiran na noong “ika-5 siglo ang karangalang iniuukol sa Birheng Maria sa Efeso ay [isang bagong] anyo ng matandang paganong pagsambang Anatolian sa Birheng Maria.” Ang sabi ng The New International Dictionary of New Testament: “Ang Katolikong idea ng ‘ina ng Diyos’ at ng ‘reyna ng langit,’ bagaman huli kaysa B[agong] T[estamento], ay tumutukoy sa mas maagang religio-historical na mga ugat sa Silangan. . . . Sa pagsamba kay Maria noong bandang huli ay maraming bakas ng paganong kulto ng banal na ina.”
Ang mga bakas na ito ay napakarami at napakadetalyado upang magkataon lamang na maging gayon. Ang pagkakahawig ng ina-at-anak na mga istatuwa ng Birheng Maria at ng mga istatuwa ng paganong mga diyosa, tulad halimbawa ni Isis, ay hindi maaaring hindi mapansin. Ang daan-daang istatuwa at mga imahen ng Itim na Madonna sa mga simbahang Katoliko sa buong daigdig ay hindi maaaring hindi magpaalala sa istatuwa ni Artemis. Ang encyclopediang Théo—Nouvelle encyclopédie catholique ay nagsasabi tungkol sa Itim na mga Birheng ito: “Lumilitaw na sila’y isang paraan ng paglilipat kay Maria ng nananatiling popular na debosyon kay Diana [Artemis] . . . o Cybele.” Ang mga prusisyon kung Araw ng Asuncion ng Birheng Maria ay mayroon ding huwaran sa mga prusisyon na nagbibigay-parangal kay Cybele at Artemis.
Ang mismong mga titulong ibinigay kay Maria ay nagpapagunita sa atin ng paganong mga inang-diyosa. Si Ishtar ay binabati bilang ang “Banal na Birhen,” “aking Ginang,” at “ang maawaing ina na nakikinig sa panalangin.” Sina Isis at Astarte ay tinatawag na “Reyna ng Kalangitan.” Si Cybele ay tinatagurian na “Ina ng lahat ng Pinagpala.” Lahat ng mga titulong ito, na may baha-bahagyang kaibahan, ay ikinakapit kay Maria.
Pinasigla ng Vatican II ang kulto ng “Pinagpalang Birhen.” Si Papa Juan Paulo II ay kilalang-kilala sa kaniyang masigasig na debosyon kay Maria. Noong siya’y naglalakbay sa maraming lugar, hindi niya kinaligtaan ang dumalaw sa mga bahay-sambahan kay Maria, kasali na ang Itim na Madonna ng Czestochowa, sa Polandiya. Ang buong daigdig ay kaniyang may tiwalang inihabilin kay Maria. Kung gayon, hindi katakatakang sa ilalim ng “Mother Goddess,” ay sumulat ang The New Encyclopædia Britannica: “Ang termino ay ikinapit din sa sarisaring pigura ng diumano’y mga Venus ng Panahong Bato at sa Birheng Maria.”
Ngunit ang pagsambang Romano Katoliko kay Maria ay hindi ang tanging paraan na nakatulong upang manatili hanggang sa ating kaarawan ang pagsamba sa inang-diyosa. Nakasasabik malaman, ang mga sumusuporta sa kilusang pambabae ay nakabuo ng maraming literatura ng pagsamba sa mga inang-diyosa. Sila’y naniniwala na ang mga babae ay lubhang naaapi sa daigdig na ito na dominado ng mga lalaki at na ang pagsamba na nakahilig sa mga babae ay nagpapahiwatig ng mithiin ng tao na isang di-gaanong agresibong daigdig. Waring sila’y naniniwala rin na sa ngayon ang daigdig ay magiging isang lalong mainam at lalong mapayapang dako kung ito ay higit na nakahilig sa mga gawain ng kababaihan.
Gayunman, ang pagsamba sa inang-diyosa ay hindi nagdala ng kapayapaan sa sinaunang daigdig, at ito’y hindi rin naman magdadala ng kapayapaan sa ngayon. Bukod doon, parami nang paraming mga tao sa ngayon, sa katunayan milyun-milyon na nakikisama sa mga Saksi ni Jehova, ay kumbinsido na ang mundong ito ay hindi ililigtas ni Maria, gaano mang paggalang at pag-ibig ang kanilang ipakita sa kaniya bilang ang tapat, na babae noong unang siglo na nagkaroon ng kahanga-hangang pribilehiyo ng pagsisilang at pagpapalaki kay Jesus. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi rin naman naniniwala na ang Kilusang Kaugnay ng Kalayaan ng mga Babae, bagaman ang ilan sa mga kahilingan nito ay makatuwiran naman, ay makapagdudulot ng isang mapayapang daigdig. Ukol diyan ay umaasa sila sa Diyos na ipinakilala ni Pablo sa mga taga-Atenas at sa mga taga-Efeso, “ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at lahat ng bagay na naririto.” (Gawa 17:24; 19:11, 17, 20) Itong Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, na Jehova ang pangalan, ay nangako ng isang maluwalhating bagong sanlibutan na “tatahanan ng katuwiran,” at tayo’y makapagtitiwala sa kaniyang pangako.—2 Pedro 3:13.
Tungkol sa punto de vista ng Bibliya sa katayuan ng babae sa harap ng Diyos at ng tao, ang paksang ito ay tatalakayin pa rin sa magasing ito.
[Larawan sa pahina 5]
Si ASHTORETH—Diyosa ng Canaan sa sekso at digmaan
[Larawan sa pahina 6]
Si ARTEMIS—Diyosa ng pag-aanak sa Efeso
[Credit Line]
Musei dei Conservatori, Roma
[Larawan sa pahina 7]
Ang “INA NG DIYOS” ng Sangkakristiyanuhan
[Credit Line]
Chartres Cathedral, Pransiya