Si Jehova at si Kristo—Pangunahin sa Pakikipagtalastasan
“Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng isang bagay kung ang kaniyang lihim ay hindi pa niya naihahayag sa kaniyang mga lingkod na propeta.”—AMOS 3:7.
1. Anong mga paraan ng pakikipagtalastasan ang ginagamit sa ngayon?
SA NGAYON ang komunikasyon o pakikipagtalastasan ay isang multimilyong dolyar na negosyo. Lahat ng mga aklat na lathala, lahat ng mga pahayagan at mga magasin na regular na nililimbag, lahat ng mga programa sa radyo at telebisyon na isinasahimpapawid, pati lahat ng mga pelikula at mga dula, ay mga pagsisikap sa pakikipagtalastasan. Totoo rin iyan tungkol sa lahat ng liham na naisulat at naihulog sa koreo at gayundin lahat ng mga tawag sa telepono. Lahat ay pawang pagsisikap sa pakikipagtalastasan.
2. Ano ang ilang mga halimbawa ng mga pagsulong na nagawa ng mga tao sa teknolohiya ng pakikipagtalastasan?
2 Ang pagsulong ng mga tao sa teknolohiya ng pakikipagtalastasan ay nakagigitla. Halimbawa, mga kableng fiber-optic, na higit na mainam kaysa mga kableng tanso, ay nakapaghahatid ng maraming libu-libong pag-uusap sa telepono nang minsanan. At nariyan ang mga satelayt sa komunikasyon, na umiikot sa mundo na nasa espasyo at may kagamitan para sa paghahatid ng mga signales ng telepono, telegrapo, radyo, at telebisyon. Isa sa gayong satelayt ay sabay-sabay na makapag-aasikaso ng 30,000 mensahe sa telepono!
3. Ano ang nangyayari pagka may mga ‘communication gap’?
3 Subalit sa kabila ng lahat na mga paraang ito ng pakikipagtalastasan, maraming kahirapan sa sanlibutan dahilan sa kakulangan ng pagtatalastasan ng mga tao. Sa gayon, sinabi sa atin na “may lumalaking puwang—isang lumuluwang na ‘communications gap’—sa pagitan ng mga namamahala at ng pinamamahalaan.” At ano nga ba itong tinatawag na ‘generation gap’ kundi ang hindi pag-uusap ng mga magulang at ng kanilang mga anak? Ang mga tagapayo sa pag-aasawa ay nag-uulat na ang pinakamalaking suliranin sa pag-aasawa ay ang kawalan ng pagtatalastasan ng mag-asawa. Ang kawalan ng tamang pakikipagtalastasan ay maaari pa ngang humantong sa kamatayan. Noong pasimula ng 1990, 73 katao ang nangasawi sa isang bumagsak na eroplano, ang isang sanhi ay maliwanag na dahil sa hindi pagtatalastasan ng piloto at ng mga may kinalaman sa paglapag sa lupa. Isang paulong-balita sa pahayagan ang nagpahayag: “Balakid sa Komunikasyon ang Dahilan ng Trahedya.”
4. (a) Ano ang ibig sabihin ng “komunikasyon” o pakikipagtalastasan? (b) Ano ang tunguhin ng Kristiyanong pakikipagtalastasan?
4 Ano naman ang komunikasyon sa pagitan ng mga Kristiyano? Sang-ayon sa isang talasalitaan, ang “komunikasyon” ay nangangahulugan ng “paghahatid ng impormasyon, kaisipan, o damdamin upang ito’y tanggapin nang may kasiyahan o kaunawaan.” Isa pang talasalitaan ang nagbigay rito ng kahulugan na “isang pamamaraan ng epektibong pagpapahayag ng mga ideya.” Pansinin na ito’y “epektibong pagpapahayag ng mga ideya.” Ang pakikipagtalastasan ng mga Kristiyano lalo na ang kailangang maging epektibo sapagkat ang tunguhin nito ay marating ang mga puso ng mga tao ng katotohanan buhat sa Salita ng Diyos upang, ayon sa inaasahan, sila’y kumilos batay sa kanilang natutuhan. Sa pambihirang paraan, ang motibo na nasa likod ng pakikipagtalastasan ay kawalang-imbot, ang pag-ibig.
Si Jehova Bilang Mananalastas
5. Ano ang isa sa unang mga paraan ng pakikipagtalastasan ng Diyos na Jehova sa tao?
5 Ang Diyos na Jehova ay walang-alinlangan na siyang pinakadakilang Mananalastas. Dahil sa tayo’y nilalang niya ayon sa kaniyang larawan at wangis, siya ay maaaring makipagtalastasan sa atin, at tayo naman ay maaaring makipagtalastasan sa iba tungkol sa kaniya. Magbuhat nang lalangin ang tao, si Jehova’y nakipagtalastasan na sa kaniyang makalupang mga nilalang tungkol sa kaniyang sarili. Ang isang paraan na ginamit niya sa paggawa nito ay sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang paglalang. Sa gayon, sinasabi sa atin ng salmista: “Nagsisiwalat ang mga langit ng kaluwalhatian ng Diyos; at ng mga gawa ng kamay niya’y nagbabadya ang kalawakan. Sa araw-araw umaawas ang pangungusap, at gabi-gabi’y nagtatanghal ng karunungan.” (Awit 19:1, 2) At sa Roma 1:20 ay sinasabi sa atin na ang “di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita magmula pa ng paglalang sa sanlibutan.” “Malinaw na nakikita” ang nagpapakita ng epektibong pakikipagtalastasan!
6. Ano ang ipinatalastas ni Jehova sa kaniyang makalupang mga nilalang nang sila’y nasa halamanan ng Eden?
6 Ang mga walang pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang banal na pagsisiwalat ay nagsisikap na tayo’y paniwalain na basta na lamang pinabayaan ang tao sa kaniyang sariling gustong pagkunan ng impormasyon upang malaman kung bakit siya’y umiiral. Ngunit nililiwanag ng Salita ng Diyos na ang Diyos ay nakipagtalastasan na sa tao magbuhat pa nang pasimula. Sa gayon, sa unang lalaki at babae ay ibinigay ng Diyos ang utos na mag-anák: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin, at magkaroon kayo ng kapangyarihan . . . sa bawat nabubuhay na nilikha.” Sila’y pinayagan din ng Diyos na kumain hanggang sa sila’y mabusog ng mga bungangkahoy sa halamanan—puwera lamang sa isa. Pagkatapos, nang sumuway si Adan at si Eva, ipinatalastas ni Jehova ang unang pangako tungkol sa Mesiyas, na nagbigay sa sangkatauhan ng silahis ng pag-asa: “Pag-aalitin ko ikaw [ang ahas] at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Kaniyang susugatan ka sa ulo at iyong susugatan siya sa sakong.”—Genesis 1:28; 2:16, 17; 3:15.
7. Ano ang inihahayag ng aklat na Genesis tungkol sa pakikipagtalastasan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod?
7 Nang ang anak ni Adan na si Cain ay mapunô ng pagkainggit na gaya ng sa isang salarin, ang Diyos na Jehova ay nakipagtalastasan sa kaniya, na ang sabi sa katunayan: ‘Mag-ingat ka! Patungo ka sa kapahamakan!’ Ngunit si Cain ay tumangging makinig sa babalang iyan at pinaslang ang kaniyang kapatid. (Genesis 4:6-8) Pagkatapos, nang mapunô ng karahasan at kabalakyutan ang lupa, si Jehova ay nakipagtalastasan sa matuwid na taong si Noe tungkol sa Kaniyang layunin na linisin ang lupa sa lahat ng nagpaparumi rito. (Genesis 6:13–7:5) Pagkatapos ng Baha, nang si Noe at ang kaniyang pamilya ay umahon sa daong, ipinaalam sa kanila ni Jehova ang kaniyang layunin tungkol sa kabanalan ng buhay at ng dugo, at sa pamamagitan ng bahaghari siya’y nagbigay ng kasiguruhan na hindi na niya muling lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng mga bagay na may buhay. Makalipas ang ilang siglo, ipinaalam ni Jehova kay Abraham ang Kaniyang layunin na pagpalain ang kanilang sarili ng lahat ng angkan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Binhi ni Abraham. (Genesis 9:1-17; 12:1-3; 22:11, 12, 16-18) At nang ipasiya ng Diyos na kaniyang lilipulin ang mga homoseksuwal ng Sodoma at Gomorra, kaniyang maibiging ipinatalastas ang bagay na iyon kay Abraham, na nagsasabi: “Inililihim ko ba kay Abraham ang aking ginagawa?”—Genesis 18:17.
8. Sa anu-anong apat na paraan nakipagtalastasan si Jehova sa kaniyang mga lingkod sa lupa?
8 Pasimula kay Moises, si Jehova ay gumamit ng isang mahabang hanay ng mga propeta upang makipagtalastasan sa Israel. (Hebreo 1:1) Kung minsan kaniyang idinidikta ang kaniyang ibig ipatalastas, gaya nang kaniyang sabihin kay Moises: “Isulat mo para sa iyo ang mga salitang ito.” (Exodo 34:27) Lalong higit na madalas nakikipagtalastasan si Jehova sa kaniyang mga tagapagsalita sa pamamagitan ng mga pangitain, gaya ng ginawa na nga niya kay Abraham.a Si Jehova ay gumamit din ng mga panaginip upang makipagtalastasan sa mga tao, at hindi lamang sa kaniyang mga lingkod kundi pati sa mga may mga pakikitungo sa kaniyang mga lingkod. Halimbawa, pinangyari ni Jehova na dalawa sa kapuwa mga bilanggo na kasama ni Jose ay managinip, na sa kanila’y ipinaliwanag ni Jose ang kahulugan. Pinapangyari rin ni Jehova na si Faraon at si Nabucodonosor ay managinip, na ipinaliwanag ang kahulugan para sa kanila ng kaniyang mga lingkod na si Jose at si Daniel. (Genesis 40:8–41:32; Daniel, kabanata 2 at 4) Bukod dito, sa maraming pagkakataon si Jehova ay gumamit ng mga mensaherong anghel upang makipagtalastasan sa kaniyang mga lingkod.—Exodo 3:2; Hukom 6:11; Mateo 1:20; Lucas 1:26.
9. Ano ang nag-udyok kay Jehova na makipagtalastasan sa kaniyang bayang Israel, gaya ng makikita sa kaniyang ipinahayag?
9 Lahat ng gayong pakikipagtalastasan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta ay nagpapakita ng kaniyang pag-ibig sa kaniyang bayang Israel. Sa gayon, kaniyang sinabi sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Ezekiel: “Wala akong kasayahan sa kamatayan ng balakyot, kundi ang balakyot ay humiwalay sa kaniyang lakad at aktuwal na mabuhay nang patuloy. Manumbalik kayo, manumbalik kayo buhat sa inyong masasamang lakad, sapagkat bakit kayo mamamatay, Oh sambahayan ni Israel?” (Ezekiel 33:11) Si Jehova ay isang matiisin at matiyagang Mananalastas sa kaniyang mapaghimagsik na sinaunang bayan, gaya ng makikita buhat sa 2 Cronica 36:15, 16: “Si Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno ay patuloy na nagsugo laban sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga mensahero, anupa’t paulit-ulit na nagsugo, sapagkat siya’y nahabag sa kaniyang bayan at sa kaniyang tahanang dako. Ngunit kanilang . . . niwalang-kabuluhan ang kaniyang mga salita at dinusta ang kaniyang mga propeta . . . hanggang sa wala nang kagamutan.”
10. Papaano nakikipagtalastasan si Jehova sa kaniyang bayan ngayon, at gaano kalawak ang kaniyang pakikipagtalastasan bilang Diyos na mananalastas?
10 Sa ngayon, taglay natin ang kinasihang Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya, na sa pamamagitan nito si Jehova ay nagbibigay sa atin ng impormasyon tungkol sa kaniyang sarili, sa kaniyang mga layunin, at sa kaniyang kalooban para sa atin. (2 Timoteo 3:16, 17) Sa katunayan, bilang ang Pangunahing Mananalastas, si Jehova, ay nagpapahayag: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng isang bagay kung ang kaniyang lihim ay hindi pa niya naihahayag sa kaniyang mga lingkod na propeta.” (Amos 3:7) Kaniyang ipinaaalam sa kaniyang mga lingkod ang kaniyang nilalayon na gawin.
Ang Anak ng Diyos Bilang Isang Mananalastas
11. Sino ang pangunahing kasangkapan ni Jehova sa pakikipagtalastasan sa tao, at bakit ang kaniyang titulong “ang Salita” ay angkop?
11 Sa lahat ng kinatawan na ginamit ni Jehova upang ipatalastas ang Kaniyang kalooban, ang pangunahin ay ang Salita, ang Logos, na siyang naging si Jesu-Kristo. Ano ba ang kahulugan ng tawag sa kaniya na ang Salita, o Logos? Na siya ay Punong Tagapagsalita ni Jehova. At ano ba ang isang tagapagsalita? Isa na ipinatatalastas ang sasabihin ng iba. Kaya ang Logos ay naging siyang tagapaghatid ng salita ng Diyos na Jehova sa Kaniyang matatalinong mga nilalang sa lupa. Ang ginampanang papel na iyan ay totoong mahalaga kung kaya’t siya’y tinatawag na ang Salita.—Juan 1:1, 2, 14.
12. (a) Sa anong layunin naparito sa lupa si Jesus? (b) Ano ang nagpapatotoo sa kaniyang tapat na pagganap sa layuning iyan?
12 Si Jesus mismo ang nagsabi kay Poncio Pilato na ang kaniyang pinakamahalagang layunin sa pagparito sa lupa ay upang dalhin ang katotohanan sa sangkatauhan: “Dahil dito kaya ako inianak, at dahil dito kung kaya ako naparito sa sanlibutan, upang ako’y magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) At ang ulat sa mga Ebanghelyo ay nagsasabi tungkol sa kung papaano lubusang ginanap niya ang atas na iyan. Ang kaniyang Sermon sa Bundok ay kinikilala bilang ang pinakadakilang sermon na naipangaral kailanman ng tao. Anong inam ng kaniyang pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng sermon na iyan! “Ang karamihan [na nakinig sa sermon] ay nagsipanggilalas sa kaniyang paraan ng pagtuturo.” (Mateo 7:28) Tungkol sa isa pang okasyon, ating mababasa: “Ang lubhang karamihan ay nakikinig sa kaniya nang may kaluguran.” (Marcos 12:37) Nang papuntahin ang mga punong kawal na aaresto kay Jesus, sila’y nagsibalik na hindi siya dala. Bakit? Sila’y nagsisagot sa mga Fariseo: “Kailanman ay wala pang taong nagsalita nang katulad nito.”—Juan 7:46.
Inatasang Maging Tagapagbalita ang mga Alagad ni Kristo
13. Ano ang nagpapakita na si Kristo ay hindi kontento sa pagiging isang nagsosolong tagapagbalita?
13 Palibhasa’y hindi kontento sa pagiging isang nagsosolong tagapagbalita, si Jesus ay una munang nag-atas ng 12 apostol at pagkatapos ay 70 ebanghelisador upang humayo bilang mga tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian. (Lucas 9:1; 10:1) Pagkatapos nang malapit na siyang umakyat sa langit, kaniyang inatasan ang mga alagad niya na magsigawa ng isang natatanging gawain. Anong gawain? Gaya ng mababasa natin sa Mateo 28:19, 20, kaniyang itinagubilin sa kanila na maging mga tagapagbalita; at sila’y magtuturo pa rin sa iba upang maging mga tagapagbalita.
14. Gaano kaepektibo ang sinaunang mga tagapagbalitang Kristiyano?
14 Ang mga alagad ba’y naging epektibong mga tagapagbalita? Tiyak na gayon nga! Bilang resulta ng kanilang pangangaral noong araw ng Pentecostes 33 C.E., 3,000 kaluluwa ang naparagdag sa bagong katatayong kongregasyong Kristiyano. Hindi nagtagal at ang bilang ay umabot hanggang sa 5,000 lalaki. (Gawa 2:41; 4:4) Ano man ang bintang sa kanila ng kanilang mga kaaway na Judio na pinupunô raw nila ang buong Jerusalem ng kanilang turo at nang bandang huli’y nagreklamo na kanilang itiniwarik ang tinatahanang lupa sa pamamagitan ng kanilang pangangaral!—Gawa 5:28; 17:6.
15. Ano ang kinakasangkapan ni Jehova sa modernong panahon upang makipagtalastasan sa mga tao?
15 Kumusta naman sa modernong panahon? Gaya ng inihula sa Mateo 24:3, 45-47, ang Panginoon, si Jesu-Kristo, ay nag-atas sa “tapat at maingat na alipin,” binubuo ng pinahirang mga Kristiyano, upang mangalaga sa lahat ng kaniyang mga ari-arian sa lupa sa araw na ito ng kaniyang presensiya. Ang tapat at maingat na aliping iyan ay kinakatawan sa ngayon ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, na ang kinatawang tagapaglathala ay ang Watch Tower Bible and Tract Society. Angkop na angkop naman, ang tapat at maingat na aliping iyan ay tinatawag din na alulod ng pakikipagtalastasan ng Diyos. Ito, sa kabilang dako, ang nanghihimok sa atin na maging mabuting mga tagapagbalita. Sa katunayan, ang unang-unang labas ng Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence ay nagpayo sa mga mambabasa nito: “Kung kayo’y may kapitbahay o kaibigan na inaakala ninyong magiging interesado o makikinabang sa mga instruksiyon [ng magasing ito], maaaring itawag ninyo ito sa kanilang pansin; sa gayo’y ipinangangaral ang Salita at gumagawa ng kabutihan sa lahat ng tao kailanman at kayo ay may pagkakataon.”
16. Ano ang nagpapakita na higit pa ang kailangan kaysa Bibliya lamang upang ang Diyos ay epektibong makipagtalastasan sa kaniyang mga lingkod sa lupa?
16 Gayunman, ang basta paggamit sa Salita ng Diyos at personal na pagbabasa nito ay hindi sapat upang matamo ang tumpak na kaalaman na umaakay sa isa sa daan ng buhay. Alalahanin ang tagapamahalang Etiope na nagbabasa ng hula ni Isaias ngunit hindi niya nauunawaan ang kaniyang binabasa. Si Felipe na ebanghelisador ang nagpaliwanag sa kaniya ng hula, at pagkatapos ay handa na siyang magpabautismo bilang isang alagad ni Kristo. (Gawa 8:27-38) Na higit pa ang kailangan kaysa pagbabasa lamang ng Bibliya nang sarilinan ay makikita buhat sa Efeso 4:11-13, na kung saan ipinakikita ni Pablo na hindi lamang ibinigay ni Kristo ang ilan bilang kinasihang mga apostol at mga propeta kundi nagbigay rin ng “ilan bilang mga ebanghelisador, ng ilan bilang mga pastol at guro, sa layuning muling maibagay ang mga banal, para sa gawaing ministeryal, para sa ikatitibay ng katawan ng Kristo, hanggang sa tamuhin nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos, hanggang sa ganap na paglaki ng tao.”
17. Sa pamamagitan ng anong pagkakakilanlan na mga tanda makikilala natin ang grupong ginagamit ngayon ni Jehova upang maghayag sa mga tao ng kaniyang mga layunin?
17 Papaano natin makikilala yaong mga ginagamit ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo upang tumulong sa mga tao na magiging mga Kristiyano para makaabot sa kalagayan ng ganap na paglaki? Sang-ayon kay Jesus, isa sa mga tanda na pagkakakilanlan ay na nag-iibigan sa isa’t isa ang mga ito gaya ni Jesus na umibig sa kaniyang mga tagasunod. (Juan 13:34, 35) Isa pang pagkakakilanlang tanda: Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, gaya ni Jesus na hindi bahagi ng sanlibutan. (Juan 15:19; 17:16) Ang isa pa ring tanda ay na kanilang kinikilala ang Salita ng Diyos bilang ang katotohanan, gaya rin ni Jesus, na laging kumikilala sa autoridad nito. (Mateo 22:29; Juan 17:17) Ang laging pagpapahalaga sa pangalan ng Diyos, gaya ng ginawa ni Jesus, ay isa pa ring tanda. (Mateo 6:9; Juan 17:6) At ang isa pang tanda ay ang pagsunod sa halimbawa ni Jesus ng pangangaral ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 4:17; 24:14) May iisa lamang grupo na nakaaabot sa mga kahilingang ito, samakatuwid nga ang pandaigdig na grupo ng mga tagapagbalita na kilala bilang ang Kristiyanong mga Saksi ni Jehova.
18. Anong tatlong larangan ng pakikipagtalastasan ang tatalakayin sa susunod pang mga artikulo?
18 Gayunman, ang pagbabalita ay nagpapahiwatig ng pananagutan may kaugnayan sa iba. Kanino ba may pananagutang makipagtalastasan ang mga Kristiyano? Sa maikli, may tatlong larangan na kailangang okupado ang mga Kristiyano na panatiliing bukás ang mga linya ng pakikipagtalastasan: ang pamilya, ang kongregasyong Kristiyano, at ang ministeryong Kristiyano sa larangan. Ang sumusunod na mga artikulo ay tatalakay sa mga pitak na ito ng ating paksa.
[Talababa]
a Tingnan ang Genesis 15:1; 46:2; Bilang 8:4; 2 Samuel 7:17; 2 Cronica 9:29; Isaias 1:1; Ezekiel 11:24; Daniel 2:19; Obadias 1; Nahum 1:1; Gawa 16:9; Apocalipsis 9:17.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anong pinsala ang maaaring idulot ng kakulangan ng pakikipagtalastasan?
◻ Sino ang dalawang pangunahin sa pakikipagtalastasan?
◻ Ano ang iba’t ibang paraan na ginamit ng Diyos upang makipagtalastasan sa tao?
◻ Papaano nakahigit si Jesus sa pakikipagtalastasan?
◻ Gaano katagumpay ang sinaunang mga Kristiyano sa pakikipagtalastasan?
[Larawan sa pahina 18]
Tulad ng kaniyang Ama sa langit, si Jesus ay isang maawaing tagapagbalita