Isang Trabahong Panlalaki
“¡Ropa, zapato, casa, y comida!” Ang mga salitang ito ay galing sa isang matandang awiting Kastila na bumabanggit ng apat na pangunahing mga bagay na kailangang ilaan ng isang lalaki sa kaniyang pamilya: damit, sapatos, tahanan, at pagkain. At karamihan ng responsableng mga lalaki ay may pagmamalaking nagsisikap na balikatin ang pasaning iyan.
Gayunman, kung ikaw ay isang lalaking de pamilya, inaasikaso mo ba ang lalong mahalagang espirituwal na mga pangangailangan ng iyong pamilya? O ikaw ba, tulad ng maraming lalaki, ay nag-aakalang ang pag-aasikaso sa relihiyosong mga bagay sa tahanan ay hindi talagang isang trabahong panlalaki? Sa ilang kultura ay hindi man lamang inaasahang ang mga lalaki ay magbibigay ng panahon sa pagtuturo sa kanilang mga anak ng tungkol sa Diyos at sa Bibliya.
Ang Salita ng Diyos ay nag-aatang unang-unang sa ama ng tahanan ng pananagutan na ituro sa kaniyang pamilya ang pag-ibig sa Diyos at ang matinding pagpapahalaga sa mga pamantayan ng Diyos. Halimbawa, sa Efeso 6:4, ganito ang ipinapayo ng Kasulatan sa mga lalaking Kristiyano: “Kayo, mga ama, huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova.”
Ang iba, bagaman alam ang mga salitang ito, ay hindi lubhang nagpapahalaga sa kasulatan na tuwirang nakadirekta sa ama, ang ama ng tahanan. Halimbawa, ang mga taong Kastila at Portuges ang ginagamit na wika ay baka ang unawa sa mga salita ng Efeso 6:4 ay ukol ito kapuwa sa ama at sa ina. Sa mga wikang ito ang salita para sa “mga ama” at ang salita para sa “mga magulang” ay pareho. Gayunman, sa talatang 1 ng Efeso kabanata 6, tinukoy ni apostol Pablo kapuwa ang ama at ang ina sa pamamagitan ng paggamit ng salitang Griego na go·neuʹsin, galing sa go·neusʹ, na ang ibig sabihin ay “magulang.” Ngunit sa talatang 4, ang salitang Griegong ginamit ay pa·teʹres, na ang ibig sabihin ay “mga ama.” Oo, sa Efeso 6:4, ang kaniyang mga pananalita ay tuwirang idinerekta ni Pablo sa ama sa pamilya.
Kung sa bagay, kung walang ama sa pamilya na mangunguna, ang babae ang kailangang bumalikat ng pananagutang ito. Sa tulong ni Jehova maraming ina ang nagtagumpay ng pagpapalaki sa kanilang mga anak sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova. Gayunman, pagka isang lalaking Kristiyano ang presente, siya ang dapat manguna. Kung kaniyang pinababayaan ang pananagutang ito, lalong mahirap para sa iba pang miyembro ng pamilya na magpatuloy sa isang mabuting kaayusan ng espirituwal na pagkain. At ang gayong tao ay mananagot kay Jehova dahil sa kaniyang kapabayaan.
Ang kaisipan ng Diyos sa bagay na ito ay makikita sa maka-Kasulatang mga kuwalipikasyon para sa mga tagapangasiwa at ministeryal na mga lingkod sa kongregasyong Kristiyano. Binabanggit ng Bibliya na ang isang pinili para sa gayong posisyon ay dapat na “isang lalaking namamahalang mabuti ng kaniyang sariling sambahayan, na ang mga anak ay napasasakop nang buong kahusayan; (kung ang sinuman ngang lalaki ay hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sambahayan, papaanong makapamamahala siya sa kongregasyon ng Diyos?).”—1 Timoteo 3:4, 5, 12; Tito 1:6.
Ang ulo ng pamilya ay kailangang isakripisyo ang mga libangan at personal na kaginhawahan alang-alang sa espirituwalidad ng kaniyang mga anak. Kung minsan baka kailangan na bawasan niya ang panahong iniuukol sa ibang gawain upang magkaroon ng sapat na panahon na palagiang magugugol niya kapiling ng kaniyang mga anak. (Deuteronomio 6:6, 7) Gayunman, hindi niya ipapasa sa iba ang bigay-Diyos na atas na ito. Ang kaniyang pag-ibig at interes sa kaniyang mga anak ay hindi lamang ipakikita sa pamamagitan ng paglalaan sa kanila ng mga damit, sapatos, tirahan, at pagkain.
Tunay na isang hamon nga na palakihin ang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova.” Kaya naman ang pangunahing pananagutan ay nakaatang sa lalaki. Pagka ginagampanan ng amang Kristiyano nang buong husay ang kaniyang gawain, ang kaniyang may-takot sa Diyos na mga anak ay maituturing niya na isang pagpapala buhat kay Jehova. Kaniyang masasabi ang gaya ng sinabi ng salmista: “Gaya ng mga pana sa kamay ng makapangyarihang lalaki, gayon ang mga anak ng kabataan. Maligaya ang taong may malakas na pangangatawan na ang kaniyang lalagyan ay pinunô niyaon.”—Awit 127:4, 5.