Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 9/15 p. 4-6
  • Kaninong mga Panalangin ang Sinasagot?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaninong mga Panalangin ang Sinasagot?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Patotoo na Sinasagot ng Diyos ang mga Panalangin
  • Kung Bakit ang Ibang mga Panalangin ay Hindi Sinasagot
  • Si Jesus ay “May Pagsang-ayong Dininig”
  • Kung Papaano Sinasagot ni Jehova ang mga Panalangin sa Ngayon
  • Sinasagot ang Kanilang mga Panalangin
  • Ang mga Panalangin na Sinasagot
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Maging Malapít sa Diyos sa Panalangin
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Paano Sinasagot ni Jehova ang mga Panalangin Natin?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
  • Introduksiyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2021
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 9/15 p. 4-6

Kaninong mga Panalangin ang Sinasagot?

SI Jehova ang Diyos na sumasagot ng mga panalangin. Sa katunayan, sa kaniyang Salita, ang Bibliya, siya ay tinutukoy na “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Siya’y handang sumagot sa mga panalangin. Ngunit kanino bang mga panalangin ang talagang sinasagot niya?

Sinasagot ng Diyos ang mga panalangin ng mga kinalulugdan niya. Taglay nila ang pagpapakundangan na katulad ng sa salmista na nagsabi: “Kung papaanong nananabik ang babaing usa sa tubig sa mga batis, gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, Oh Diyos. Kinauuhawan ng aking kaluluwa ang Diyos, ang buháy na Diyos.” (Awit 42:1, 2) Subalit, ano ba ang patotoo na sinasagot ni Jehova ang mga panalangin ng kaniyang tunay na mga mananamba?

Patotoo na Sinasagot ng Diyos ang mga Panalangin

Ang Bibliya ay may malawak na ulat na nagpapatunay na sinasagot ni Jehova ang mga panalangin ng kaniyang tapat na mga lingkod. Halimbawa, nang si Haring Jehoshaphat ng Juda ay nanalangin upang mailigtas, sinagot ng Diyos ang kaniyang panalangin at binigyan siya ng tagumpay sa pamamagitan ng pagpapangyaring ang kaniyang mga kaaway ay magpatayan sa isa’t isa. (2 Cronica 20:1-26) Nang si Haring Hezekias ay mapaharap din naman sa isang mahirap maigupong hukbong militar, buong pagpapakumbabang siya’y nanalangin sa Diyos na siya’y tulungan. Nasaksihan ni Hezekias ang pagliligtas ni Jehova nang isang anghel ang pumuksa sa 185,000 Asiryo sa isang gabi.​—Isaias 37:14-20, 36-38.

Bakit nga sinagot ng Diyos ang mga panalanging iyon? Sa dalawang kaso, isinamo ng mga hari na ang pagkatalo nila sa labanan ay magkakaroon ng masamang epekto sa pangalan ni Jehova. (2 Cronica 20:6-9; Isaias 37:17-20) Sila’y may pagkabahala tungkol sa kaniyang marangal na pangalan. “Ang ultimong layunin ng panalangin,” ang sabi ng The International Standard Bible Encyclopedia, “ay hindi lamang ang ikabubuti ng nananalangin kundi ang karangalan ng pangalan ng Diyos.” Samakatuwid, ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay makatitiyak na sila’y kaniyang tutulungan “alang-alang sa kaniyang pangalan.” Ang ulat na nagpapatunay na sinagot ang gayong mga panalangin ay nagbibigay sa bayan ng Diyos ng pagtitiwala na kaniyang diringgin ang kanilang mga panalangin.​—Awit 91:14, 15; 106:8; Kawikaan 18:10.

Gayunman, kahit na kung sa isang kalagayan ay kasangkot ang pangalan ni Jehova, ang Diyos ang nagpapasiya kung sasagutin niya o hindi ang ilang mga panalangin. Baka siya’y may matuwid na mga dahilan na huwag sagutin ang ilang mga panalangin. Kung inaakala natin na ang ating mga panalangin ay hindi dinirinig, ang mabuti’y pag-isipan kung bakit ganoon.

Kung Bakit ang Ibang mga Panalangin ay Hindi Sinasagot

“Kahit na kayo manalangin nang marami, hindi ko kayo diringgin,” minsan ay sinabi ni Jehova sa mga Israelita. Sa pagtukoy sa dahilan, siya’y nagpatuloy: “Punô ng dugo ang inyo mismong mga kamay.” (Isaias 1:15) Papaano maipagwawalang-bahala ng sinuman ang kautusan ni Jehova at sa kabila nito’y umasang siya’y diringgin? Isang kawikaan sa Bibliya ang nagbibigay ng malinaw na sagot, na nagsasabi: “Siyang naglalayo ng kaniyang pakinig sa pakikinig sa kautusan​—maging ang kaniyang panalangin ay karumal-dumal.”​—Kawikaan 28:9.

Ang Bibliya ay nagbibigay ng isa pang dahilan kung bakit ang ibang panalangin ay hindi dinirinig, nang sabihin nito: “Kayo’y humihingi, ngunit hindi kayo binibigyan, sapagkat humihingi kayo para sa masamang layunin, upang inyong magamit iyon sa inyong pagmimithi ng kalayawan.” (Santiago 4:3) Hindi, hindi sasagutin ni Jehova ang mga panalangin para sa katuparan ng mga maling pita. Tandaan din natin na hindi maaaring manduhan ng mga tao ang Diyos, wika nga. Siya ang Isa na nagpapasiya kung papaano niya sasagutin ang ating mga panalangin.

Tiyak na sasagutin ang mga panalangin na ipinahahatid sa Diyos mula sa isang malinis na puso, taglay ang tumpak na motibo, at na ayon sa kaniyang itinakdang kaparaanan​—sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Juan 14:6, 14) Subalit kahit na yaong mga taong ang panalangin ay nakatutugon sa gayong mga kahilingan ay kung minsan nag-iisip na sila’y hindi pinakikinggan. Bakit nga ba hindi kaagad sinasagot ng Diyos ang ibang panalangin ng kaniyang mga lingkod?

Batid ni Jehova ang pinakamagaling na panahon nang pagsagot sa mga panalangin. Bagaman ang isang batang lalaki’y humiling ng isang bisikleta, baka hindi ibigay iyon sa kaniya ng kaniyang ama hangga’t hindi sumasapit sa hustong gulang ang bata upang sakyan iyon nang ligtas. Ganiyan din marahil kung tungkol sa ibang mga panalangin ng mga taong umiibig sa Diyos. Sa pagkaalam kung ano ang pinakamagaling para sa kanila, kaniyang ibinibigay ang kailangan nila sa pinakaangkop na panahon.

Gayunman, ang mga lingkod ni Jehova ay baka hindi kamtin ang lahat ng hinihiling nila sa pananalangin. Palibhasa’y di-sakdal, baka ang hangad nila’y ang ilang mga bagay na hindi makabubuti sa kanila. Ang kanilang maibiging Ama sa langit ay hindi magbibigay sa kanila ng anumang makapipinsala, sapagkat siya ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog.” (Santiago 1:17) Sa gayunding paraan, baka hindi ipagkaloob ng Diyos ang isang bagay na hindi naman kailangan ayon sa kaniyang punto de vista. (Ihambing ang 2 Corinto 12:7-10.) Kaniyang sinasagot ang mga panalangin kasuwato ng kaniyang kalooban at layunin para sa kaniyang bayan.​—1 Juan 5:14, 15.

Si Jesus ay “May Pagsang-ayong Dininig”

Si Jesu-Kristo ay isang taong madasalin. (Mateo 6:9-13; Juan 17:1-26) Siya’y may ganap na pagtitiwalang siya’y diringgin ng kaniyang Ama sa langit at sasagutin ang kaniyang mga panalangin. Minsan ay sinabi ni Jesus: “Ama, . . . batid ko na lagi mo akong dinirinig.” (Juan 11:41, 42) Subalit si Jesus ba ay hindi nasiraan ng loob nang siya’y nasa dulung-dulo na ng kaniyang takbuhin sa lupa? Hindi ba siya bumulalas: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”​—Mateo 27:46.

Nang sabihin ni Jesus ang mga salitang iyan, maliwanag na tinutupad niya ang isang hula tungkol sa kaniyang kamatayan. (Awit 22:1) Sa isang limitadong diwa, maaari rin namang ibig ipangahulugan ni Jesus na inalis ni Jehova ang kaniyang proteksiyon at hinayaang ang kaniyang Anak ay mamatay nang isang masaklap at kahiya-hiyang kamatayan upang subukin ang kaniyang katapatan hanggang sa sukdulan. Ang pagsusuri sa mga pangyayari ng katapusang araw na iyon ng makalupang buhay ni Jesus ay nagpapakita na dininig ng Diyos ang kaniyang mga panalangin.

Noong gabi na siya’y dakpin, si Jesus ay nanalangin sa halamanan ng Getsemane. Makaitlong siya’y nagmakaawa: “Ama ko, kung maaari, hayaang lumampas sa akin ang sarong ito.” (Mateo 26:39, 42, 44) Hindi sa ayaw ibigay ni Jesus ang kaniyang buhay bilang isang pantubos sa sumasampalatayang mga tao. Hindi, kundi maliwanag na siya’y lubhang nababahala tungkol sa pagkaupasala ng kaniyang lubhang minamahal na Ama kung siya’y mamamatay sa isang pahirapang tulos bilang ang isinumpang mamumusong. Dininig ba ni Jehova ang panalangin ni Jesus?

Makalipas ang mga taon si apostol Pablo ay sumulat: “Sa mga araw ng kaniyang laman si Kristo ay naghandog ng mga pagsusumamo at pati mga paghiling sa Isa na nakapagligtas sa kaniya buhat sa kamatayan, kasabay ng matinding pagtangis at ng mga luha, at siya’y may pagsang-ayong dininig dahil sa kaniyang maka-Diyos na takot.” (Hebreo 5:7; Lucas 22:42, 44) Oo, nang gabing iyon ng kabagabagan bago siya mamatay, si Jesus ay “may pagsang-ayong dininig.” Subalit papaano?

Si Jehova ay nagsugo ng isang anghel na “nagpakita kay [Jesus] at pinalakas siya.” (Lucas 22:43) Sa taglay na kalakasan, si Jesus ay nakaharap sa kamatayan sa pahirapang tulos. Maliwanag, nang magkagayo’y binigyan siya ni Jehova ng katiyakan na ang kaniyang kamatayan sa tulos ay hindi magdudulot ng pagkaupasala sa banal na pangalan kundi sa wakas ay magiging ang mismong bagay na ginamit upang banalin iyon. Oo, ang kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos ay nagbukas ng daan upang ang mga Judio, na dati’y isinumpa sa ilalim ng Kautusan, ay maligtas sa hatol na kamatayan.​—Galacia 3:11-13.

Makalipas ang tatlong araw, binuhay-muli ni Jehova si Jesus at pinawalang-sala siya sa anumang posibleng paratang na pamumusong sa pamamagitan ng pagtataas sa kaniya sa isang nakatataas na posisyon sa kalangitan. (Filipos 2:7-11) Anong kagila-gilalas na paraan nang pagsagot sa panalangin ni Jesus tungkol sa “sarong ito”! Ang panalanging iyan ay sinagot sa paraan ni Jehova. At si Jesus ay tumanggap ng kahanga-hangang mga pagpapala sapagkat kaniyang sinabi sa kaniyang Ama sa langit: “Maganap nawa, hindi ang aking kalooban, kundi ang sa iyo.”​—Lucas 22:42.

Kung Papaano Sinasagot ni Jehova ang mga Panalangin sa Ngayon

Katulad ni Jesus, ang mga taong naghahangad na makalugod kay Jehovang Diyos ay dapat na laging hilingin na ang kalooban ng Diyos ang maganap. Sila’y kailangang may pananampalataya na sasagutin ni Jehova ang kanilang mga panalangin sa paraan na magbibigay sa kanila ng pinakamalaking kapakinabangan. Oo, kaniyang ‘gagawin nang lubhang sagana nang higit sa lahat ang ating hinihingi o iniisip.’​—Efeso 3:20.

Isang kabataang babaing Kristiyano na namumuhay na kapiling ng kaniyang di-sumasampalatayang mga magulang ang nakaranas ng katuparan ng talatang iyan. Sa isang liham buhat sa Watch Tower Society, hiniling sa kaniya na isaalang-alang na may kasamang panalangin kung maaari niyang tanggapin ang isang pantanging atas sa pagmimisyonera. Bagaman ang kaniyang taos-pusong hangarin ay manatili sa tahanan upang tulungan ang kaniyang mga magulang na maging mga Kristiyano, kaniyang itinanong sa Diyos sa panalangin: “Ano po ba ang inyong kalooban? Iyon po ba ay ang tanggapin ko ang paanyayang ito bagaman sumasalansang ang aking mga magulang, o iyon po ba ay ang tulungan ang aking mga magulang sa pamamagitan ng pamumuhay na kapiling nila?” Tuwing siya’y mananalangin, ang kaniyang budhi ay nagsasabi sa kaniya na tanggapin ang paanyaya. Kaniyang ipinasiya na ito na nga ang sagot ni Jehova.

Pinalakas ng Diyos ang babaing ito na manatili sa kaniyang ipinasiya. Nang siya’y hilingan na lumipat sa Awaji Island, Hapón, nabigla ang kaniyang mga magulang at pinag-ibayo ang kanilang pananalansang. Gayunman, palibhasa’y hindi nila siya makumbinsi na baguhin ang kaniyang kaisipan, ipinasiya ng kaniyang ina na mag-aral ng Bibliya upang alamin kung bakit nga ganoon ang pasiya ng kaniyang anak. Makalipas ang tatlong buwan siya’y dinalaw ng kaniyang mga magulang. Nang makita kung gaano ang pag-aasikaso sa kaniya ng ibang mga Saksi ni Jehova, ganiyan na lamang ang paghanga ng kaniyang ama at ito’y napaluha nang nag-iisa na lamang siya. Hindi nagtagal at siya rin ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Sa wakas ang kapuwa mga magulang ng babaing ito ay nagpabautismo at nagsimulang maglingkod nang buong katapatan kay Jehova. Hindi ba lubhang pinagpala ng Diyos na Jehova ang babaing Kristiyanong ito?

Sinasagot ang Kanilang mga Panalangin

Naalaala mo ba ang mga salita ng babaing binanggit sa pasimula ng naunang artikulo? Hindi pa niya nadarama na sinagot ang kaniyang mga panalangin. Subalit, nang bandang huli ay nahalata niya na sinasagot ng Diyos ang kaniyang mga panalangin. Ang babae ay nag-ingat ng isang rekord ng mga pangunahing punto ng kaniyang mga panalangin. Isang araw kaniyang tinunghayan ang pinagsulatang kuwaderno at natalos niya na dininig ni Jehova ang karamihan ng kaniyang mga panalangin, maging yaon mang nakalimutan na niya! Sa gayo’y nabatid niya na siya pala’y ipinagmamalasakit ng Diyos at sinasagot ang kaniyang mga panalangin sa isang malumanay na paraan na nagdulot sa kaniya ng pinakamalaking kapakinabangan.

Kung inaakala mong ang iyong mga panalangin ay hindi sinasagot, tanungin ang iyong sarili: ‘Ako ba’y may personal na kaugnayan kay Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin”? Kung wala pa, ako ba’y gumagawa upang matuto tungkol sa kaniya at maging isa sa kaniyang nag-alay na mga lingkod?’ Kaniyang sinasagot ang mga panalangin ng mga umiibig sa kaniya at gumagawa ng kaniyang kalooban. Sila’y “matiyaga sa pananalangin” at may pagsang-ayong dinirinig, gaya ni Jesus. (Roma 12:12) Kaya, “ibuhos ninyo ang laman ng inyong puso” kay Jehova at gawin ang kaniyang kalooban. (Awit 62:8) Diringgin niya ang inyong mga panalangin.

Sa ngayon, milyun-milyong mga tao ang nananalangin tungkol sa isang bagay na natatangi. Oo, at ang kanilang mga panalangin ay dinirinig. Tingnan natin kung bakit matitiyak natin na ang gayong mga panalangin ay sasagutin.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share