Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 9/15 p. 28-30
  • Mga Ilustrasyon—Isang Susi Upang Maabot ang mga Puso

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Ilustrasyon—Isang Susi Upang Maabot ang mga Puso
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Ilustrasyon na Nagtuturo
  • Pagkasumpong ng mga Ilustrasyon
  • Binubuhay ang Bibliya
  • “Hindi Siya Nagtuturo sa Kanila Nang Walang Ilustrasyon”
    Halika Maging Tagasunod Kita
  • “Kung Walang Ilustrasyon ay Hindi Siya Nagsasalita sa Kanila”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Mga Ilustrasyong Nakapagtuturo
    Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo
  • Tularan ang Dakilang Guro
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 9/15 p. 28-30

Mga Ilustrasyon​—Isang Susi Upang Maabot ang mga Puso

SI David ay patakbu-takbo upang iligtas ang kaniyang buhay. Ang kaniyang kaaway ay si Saul, pinahirang hari ng Israel. Gayunman, si Saul ay isang taong punô ng pagkapoot kay David, lipos ng panibugho. Sa kaniyang hangaring pumatay, ang hari ay may dala na ngayong 3,000 sundalo. Palibhasa’y daig sa dami, si David at ang kaniyang mga tauhan ay nagkukubli sa kaloob-looban ng isang yungib sa ilang.

Habang si David at ang kaniyang mga kawal ay nag-uusapan sa kadiliman, ang situwasyon ay nagkaroon ng isang nakapagtatakang pangyayari. Si Haring Saul ay sádarating sa mismong yungib na ito upang mamalikod. Si David ay tahimik na lumapit sa kaniyang walang kalaban-labang kaaway, hawak ang isang sandata. Subalit sa ikinapagtaka ng mga tauhan ni David, hindi niya pinatay ang hari. Pinutol lamang niya ang laylayan ng balabal ni Saul. Ito’y pinagsisihan pa man din niya, at sinabi ni David: “Hindi ko maubos-maisip, buhat sa pangmalas ni Jehova, na gawin ko ang bagay na ito sa aking panginoon, ang pinahiran ni Jehova, sa pagbubuhat ng aking kamay laban sa kaniya, sapagkat siya ang pinahiran ni Jehova.”​—1 Samuel 24:1-6.

Ang ulat na ito ng Bibliya ay nagtuturo ng isang mahalagang aral tungkol sa paggalang sa bigay-Diyos na autoridad. Ito ay umaabot din sa puso, marahil lalong epektibo pa kaysa tuwirang payo. Ganiyan ang bisa ng mga pag-uulat na nakasulat sa Salita ng Diyos para sa ating ikatututo.​—Roma 15:4.

Kaya naman, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsusumikap na hindi lamang maglahad ng mga katotohanan pagka sila’y nangangaral ng mabuting balita, nagdaraos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya, nagpapahayag buhat sa Kasulatan, o nagpapatotoo sa impormal na paraan. Sinisikap nila na marating ang mga puso sa pamamagitan ng paglalahad ng mga karanasan at paggamit ng mga ilustrasyon. Ganito ang paliwanag ng kanilang Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro: “Ang mga ilustrasyon ay nagpapasigla ng interes at itinatampok ang importanteng mga ideya. Pinupukaw nito ang kaisipan at pinadadali ang pang-unawa sa mga bagong ideya. Ang maiinam na ilustrasyon ay may mabisang epekto hindi lamang sa isip kundi pati sa emosyon. . . . Kung minsan, ang ilustrasyon ay magagamit para iwasan ang maling akala o pagkiling.”a​—Pahina 168.

Sa kaniyang aklat na Essentials of Public Speaking, ganito ang sabi ni Warren DuBois: “Hayaang ang manunulat o tagapagsalita ay magpahayag ng kaniyang mga ideya sa pamamagitan ng mga kilos o mga salita ng mga tao, at ang pinaka-di-interesanteng paksa ay magkakaroon ng buhay at kulay.” Sa gayon, ang pagdaragdag pa ng buhay at kulay sa isang mensaheng buháy na buháy na at nagbibigay-buhay ay tiyak na tutulong sa mga ministrong Kristiyano upang maabot ang puso.

Mga Ilustrasyon na Nagtuturo

Anong uri ng ilustrasyon ang pinakamabisa? Karaniwan na, yaong nakasalig sa isang bagay na madaling masasakyan ng tagapakinig. Si Jesu-Kristo ay nagbigay ng mainam na halimbawa sa bagay na ito. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, si Jesus ay tumukoy ng karaniwang mga bagay na gaya ng asin, ilawan, at mga ibon. (Mateo 5:1–​7:29) Halimbawa, sinuman ay nakakakilala ng mga ilawan na ginagamitan ng langis ng olibo at kung minsan ay inilalagay sa isang kandelero. Samakatuwid, tiyak na naunawaan ng mga alagad ni Jesus na sila’y dapat na maging tagapagdala ng espirituwal na ilaw nang kaniyang sabihan sila: “Sinisindihan ng mga tao ang ilawan at inilalagay iyon, hindi sa ilalim ng isang takalang basket, kundi sa talagang lalagyan ng ilawan, at nagbibigay-liwanag iyon sa lahat ng nasa bahay. Gayundin pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:15, 16) Ang simpleng mga ilustrasyon na angkop sa isang paksa ay tutulong sa mga ministrong Kristiyano na liwanagin ang mga ideya at mga turo ng Bibliya.

Marahil ang pinakamabibisang ilustrasyon ni Jesus ay tungkol sa mga tao. Isaalang-alang yaong mga iniuulat ng Lucas kabanata 15 at 16. Si Jesus ay pinintasan ng mga eskriba at mga Fariseo dahil sa pagtanggap niya sa mga makasalanan at mga maniningil ng buwis. Bilang tugon, siya ay naglahad ng mga salaysayin tungkol sa mga tao. Bumanggit siya ng isang pastol na nakasumpong sa kaniyang nawawalang tupa, isang babae na nakakuha sa nawawalang pera, isang alibughang anak na nagbalik sa kanilang tahanan, at isang likong katiwala.

Ang makatotohanang mga ilustrasyon at tunay-na-buhay na mga karanasan ay maaaring lubhang makatulong sa isang ministrong Kristiyano. Halimbawa, pansinin kung papaanong si Alexander H. Macmillan, na naglakbay sa maraming lugar bilang isang pangmadlang tagapagpahayag sa loob ng 60 taon, ay nagpaliwanag ng katotohanan ng Bibliya tungkol sa mga patay. Nang malapit nang mamatay ang kaniyang ama, na naniniwalang hindi kailanman namamatay ang kaluluwa, ganito ang pakikipag-usap sa kaniya ni Macmillan:

“Tinanong ako ng aking ama ng tuwirang katanungan: ‘Anak, ako ba’y malulungkot sa libingan habang hinihintay ko na ang kaharian ay magsimula ng gawaing pagsasauli sa lupa sa kasakdalan?’

“Iyan ay isang katanungan na hindi agad masasagot ng isang taong nakababata na ikasisiya ng isang taong nakatatanda na hindi kailanman nagkaroon ng gayong pag-iisip.

“Bilang sagot itinanong ko sa kaniya: ‘Itay, kayo ba’y nakatulog na mabuti kagabi?’

“Siya’y sumagot, ‘Oo, anak ko, nakatulog ako matapos na bigyan ng doktor ng ilang pilduras na pampatulog.’

“ ‘Kayo po ba’y nalulungkot samantalang kayo’y natutulog?’

“ ‘Hindi, hindi ako nalulungkot at sana ay makatulog ako sa lahat ng oras, sapagkat kung magkagayon ay hindi ako makararamdam ng kirot.’ ”

Pagkatapos ay binasa sa kaniyang ama ni A. H. Macmillan ang Job 14:13-15 at 3:17-19 at ang sabi: “Kaya tingnan ninyo, itay, ang mga patay ay natutulog sa kamatayan at walang alam na anuman habang nasa ganiyang kalagayan, kaya papaano sila magiging malungkot?”

Napakaepektibong pagtuturo nga! Kung ikaw ay isa sa mga Saksi ni Jehova, ikaw man ay makagagamit ng mga kasulatan at mga ilustrasyon upang pumukaw sa isip at sa puso.

Pagkasumpong ng mga Ilustrasyon

Ngunit saan ka makasusumpong ng epektibong mga ilustrasyon o mga karanasan sa tunay na buhay? Marami ang masusumpungan sa iyong kabang-yaman ng personal na karanasan. Halimbawa, kailangan bang ipakita mo ang mga pagpapala ng pananampalataya, ang bisa ng panalangin, o ang kagalakan sa ministeryo? Kung ikaw ay isang nag-alay na Kristiyano, malamang na makapaglalahad ka ng iba’t ibang insidente sa iyong sariling buhay. Marahil ay makaririnig ka ng magagandang karanasan sa isang pulong ng kongregasyon o kapag nakikipag-usap sa kapuwa mga Kristiyano. O baka makabasa ka ng isang nakapagpapatibay na karanasan sa Yearbook of Jehovah’s Witnesses. Sa katunayan, sa pamamagitan ng Watch Tower Publications Index ay makababasa ka ng nilimbag na mga karanasan sa buong daigdig.

Papaano mo mailalahad nang mabisa ang isang karanasan? Unang-una, tutulong sa iyo na makuha ang atensiyon ng iyong mga tagapakinig kung pupukawin mo ang kanilang pananabik. Maaari mong ipagpauna sa isang karanasan ang ganito: “Isang payunir ang tuwirang natuto kung papaano pinagpapala ni Jehova yaong mga nagtitiwala sa kaniya.” Karaka-raka, mananabik ang iyong mga tagapakinig na mapakinggan kung anong mga pagpapala ang tinatamasa ng buong-panahong mángangarál ng Kaharian. Huwag na hindi sabihin sa kanila.

Sa iyong sariling pananalita ay maglahad ka ng isang karanasan. Banggitin mo pati mga detalye, sapagkat nagdaragdag iyan ng epekto sa isang paglalahad. Ipinta mo sa pamamagitan ng mga salita ang isang malinaw na mga kalagayang tinutukoy, anupa’t madali mong magaganyak ang iyong mga tagapakinig. Subalit tiyakin na hindi mo labis na pinakahahabaan ang pag-iistorya anupa’t hindi nila maunawaan kung bakit mo inilalahad ang karanasan. Isa pa, iwasan ang pagpapasobra ng iyong mga sinasabi, sapagkat bagaman ito’y higit na makapupukaw ng interes sa isang pag-iistorya, makasisira naman ito sa iyong kredibilidad. Sa dahilan ding iyan, iwasan ang pagbanggit sa isang bagay na sabi-sabi lamang o paglalahad ng mga karanasan na hindi mo mapatunayan.

Binubuhay ang Bibliya

Sa Bibliya mismo masusumpungan ang mga karanasan na lubhang nagtuturo. Halimbawa, ipagpalagay natin na ibig mong ipakita sa isang estudyante ng Bibliya o sa isang pulutong ng mga tagapakinig na ang mga bata’y maaaring manindigan sa panig ng Diyos na Jehova. Marahil ay mamabutihin mong gamitin ang ulat ng di-binanggit ang pangalang dalagita na nakipag-usap sa asawa ni Naaman tungkol sa propeta ni Jehovang si Eliseo. Una, basahin ang ulat sa 2 Hari 5:1-5. Pagkatapos ay magtanong ka: “Sa palagay mo’y gaano kahirap para sa dalagitang ito na manatiling tapat sa Diyos sa isang lupain ng huwad na pagsamba? Hindi ba kinailangan niya ang lakas ng loob upang mangusap nang kapani-paniwala tungkol kay Jehova at sa kaniyang propeta?”

Ang patiunang pagsasaliksik ay nakatulong marahil sa iyo upang buhayin ang pagsasalaysay. Baka nakasumpong ka ng nakatutulong na impormasyon sa ilalim ng paulong NAAMAN, SYRIA, ELISHA sa Watch Tower Publications Index. Ang mga cross-references sa New World Translation of the Holy Scriptures ay marahil umakay sa iyo buhat sa salaysay sa 2 Hari hanggang sa Awit 148:12, 13, na kung saan ating mababasa: “Kayong mga binata at gayundin kayong mga dalaga, kayong matatandang lalaki pati mga batang lalaki. Purihin nila ang pangalan ni Jehova, sapagkat ang kaniyang pangalang mag-isa ang sukdulan ng kataasan. Ang kaniyang karangalan ay nasa itaas ng lupa at langit.” Anong laking pampatibay-loob para sa mga kabataan na magsalita nang buong kagitingan ng salita ng Diyos!​—Gawa 4:29-31.

Kung ikaw ay isang ministrong Kristiyano, ‘palaging bigyang-pansin mo ang turo’ sa bagay na ito. (1 Timoteo 4:16) Huwag kang masiyahan na basta salitain lamang ang katotohanan​—gumamit ka ng mga ilustrasyon. Ang mga salaysay sa Bibliya ay buhayin mo at gawin mong makabuluhan. Gumamit ka ng angkop na mga karanasan at mga ilustrasyon. Ito ay mga paraan upang marating ang puso.

[Talababa]

a Lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 29]

Tulad ni Jesus, ang kasalukuyang-panahong mga ministrong Kristiyano ay makagagamit ng buháy na mga ilustrasyon upang maiparating ang kanilang mensahe at maabot ang mga puso

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share