Ang Mabait na Senturiong Romano
ANG mga senturiong Romano ay walang reputasyon sa kabaitan. Sa kanilang atas na manguna sa isang pulutong na may sandaang kawal na pinatigas na ng digmaan, ang isang senturion ay kailangang isang mahigpit na sarhento sa pagdi-drill, isang disiplinaryan, at, kung minsan, isang berdugo. Gayunman, may sinasabi sa atin ang Bibliya na isang senturiong Romano ng pulutong ni Augusto na nagpakita ng tunay na kagandahang-loob at awa kay apostol Pablo. Ang kaniyang pangalan? Julio.
Tayo’y ipinakikilala ng Bibliya sa taong ito sa Gawa kabanata 27. Ang apostol na si Pablo ay humiling na dinggin ni Cesar ang kaniyang pag-apela sa Roma. Sa gayon, si Pablo, kasama ang mga iba pang preso, ay ibinigay sa pangangalaga ng “isang pinunò ng hukbo na nagngangalang Julio sa pulutong ni Augusto.” Sila’y naglayag buhat sa Cesarea, isang daungang siyudad sa gawing hilagang kanluran ng Jerusalem na nagsilbing isang pangkalahatang kuwartel para sa mga tropang Romano. Ganito ang inilahad ng mananalaysay na si Lucas: “Kinabukasan kami ay dumaong sa Sidon, at si Julio ay nagmagandang-loob kay Pablo at pinayagan siyang makadalaw sa kaniyang mga kaibigan upang matulungan ng mga ito.”—Gawa 27:1-3.
Kung bakit nakaisip si Julio na magpakita ng gayong kagandahang-loob ay hindi sinasabi sa Bibliya. Baka naman siya ay pinag-utusan ni Gobernador Festo na bigyan si Pablo ng natatanging trato. O dahil sa kaniyang napag-alaman ang puno’t dulo ng pagkaaresto kay Pablo, marahil ay hinangaan ni Julio ang lakas ng loob at integridad ni Pablo. Anuman iyon, waring nakilala ni Julio na si Pablo ay hindi isang karaniwang bilanggo.
Gayunman, minabuti ni Julio na huwag makinig sa paalaala ni Pablo na huwag maglayag buhat sa Mabubuting Daungan. Hindi nagtagal at ang barko ay inabot ng bagyo na kamuntik nang magsalpok doon sa pampang na buhanginan sa baybayin ng hilagang Aprika. (Gawa 27:8-17) Sa kasagsagan ng bagyong ito, si Pablo ay tumayo at tiniyak sa nahihintakutang mga pasahero na ‘sa kanila’y walang isa mang kaluluwa na mapapahamak, kaya lamang ay mawawasak ang barko.’ Gayunman, ang ilan sa mga marinero nang malaunan ay sumubok na tumakas. Pagkatapos ay sinabi ni Pablo kay Julio: “Maliban sa ang mga lalaking ito ay manatili sa barko, kayo ay hindi maliligtas.”—Gawa 27:21, 22, 30, 31.
Sa pagkakataong ito, minabuti ni Julio na makinig kay Pablo, at nahadlangan ang mga marinero sa pagtakas. Tama naman ang sinabi ni Pablo, ang barko ay sumadsad sa dakong mababaw at nawasak. Sa pangambang makatakas ang mga bilanggo, ipinasiya ng mga sundalong naroon na patayin silang lahat. Subalit, minsan pa, namagitan si Julio at pinigil ang kaniyang mga kawal, sa gayo’y naligtas ang buhay ni Pablo.—Gawa 27:32, 41-44.
Hindi sinasabi sa atin ng Bibliya kung ano ang nangyari sa mabait na senturiong ito o kung siya’y naging isang Kristiyano. Anumang kabaitan na kaniyang ipinakita ay isang patotoo ng nagagawa ng isang bigay-Diyos na budhi. (Roma 2:14, 15) Datapuwat, ang mga Kristiyano ay higit pa sa makataong kagandahang-loob ang sinusunod at nagpapakita ng maka-Diyos na kabaitan na resulta ng pagkakaroon ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22) Tunay naman, kung ang isang paganong sundalo na hindi nakakakilala sa Diyos ay nakapagpapakita ng kagandahang-loob, gaano pa nga kaya ang mga lingkod ng Diyos na dapat magpakita rin ng gayon!